Truyen2U.Net quay lại rồi đây! Các bạn truy cập Truyen2U.Com. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

𝐌𝐎𝐔𝐍𝐓𝐀𝐈𝐍


Sabi ni Mama, sa aming tatlong magkakapatid ay ako raw ang pinakamadali n'yang iniluwal.

Hindi mahirap alagaan at madalas, tulog lang.

Wala raw siyang naging problema sa 'kin at mas pinadali ko pa sa kaniya ang mga bagay-bagay.

Ako raw 'yung klase ng batang walang kibo, hindi umiimik, at palaging kalmado.

Lalo na noong elementarya, inagawan kami ni Klara ng pagkain ng bunso kong kapatid. Sa halip na magsumbong ako, hinayaan ko na lang s'ya at bumili ng bago. Kaysa sa makalikha pa kami ng gulo. (Kahit alam ko naman naghahanap talaga siya ng gulo noon.)

Sa hayskul, sabi nila ito ang pinakamasayang panahon o parte ng buhay mo bilang mag-aaral. Kasalungat sa kuya ko. Palagi siyang niloloko noon ng mga kaklase n'ya sa eskwelahan.

Isang araw, naabutan ko siya na niloloko dahil lang sa sira ang bag niya't butas-butas na. P'wede naman kami magpabili ng bago pero nakipagpalit na lang ako.

Hindi kasi maingat si Kuya sa gamit kaya mabilis siyang makasira at kung magpapabili kami, mapapagalitan lang siya nina Mama.

Kaya ako na lang ang gumamit ng sirang bag niya. Mas gusto ko pang ako na lang ang lokohin kaysa s'ya.

Dahil sa totoo lang, sanay na ako.

Madalas akong tawaging weird, baliw, abnormal o bundok dahil hindi ako gumagalaw at palaging kalmado.

Kibit-balikat na lang.

Lalo na nang tumuntong ako ng kolehiyo. Naiwala ng isa kong propesor ang papel ko sa pagsusulit at hindi man lang niya hinahanap at sa halip, pinaulit niya sa akin.

Anong ginawa ko? Tumango lang at sumagot ulit sa pagsusulit.

Mga kaklase ko pa nagalit at kung ano-ano rin tinatawag nila sa 'kin dahil hindi nga ako lumalaban.

Tumitingin na lang ako sa sahig at hinahayaan sila.

Pero ikaw.

Dumating ka.

Noong dumating ka't nag-alok ng kape sa akin, akala ko naghahanap ka lang ng malilibangan at ako ang napili mo.

Kaya nanatili akong tahimik.

Pero bigla ka na lang ngumiti nang nakakasilaw at sinabing, "Dahil 'di ka umiimik, isipin ko na lang na pumapayag ka na."

Sa pagkakaalala ko, mga tatlong salita lang ang nasabi ko sa 'yo no'ng araw na 'yon pero kinuha mo pa rin ang numero ko.

Tapos pumayag naman ako.

At kinabukasan, sinagot ko ang tawag mo.

Sa una, akala mo mahiyain lang ako.

Pero sa paglipas ng buwan, unti-unti nang nagiging seryoso ang sitwasyon at nagsisimula ka ng magalit kapag may mga bagay akong hindi sinasabi sa 'yo.

Lalo na kapag tinitipid ko ang sarili ko. Maraming gastusin kapag nasa kolehiyo na't ayoko namang maging pabigat sa magulang ko dahil meroon pa 'kong bunsong kapatid na pinag-aaral nila.

Kaya pinagkakasya ko ang binibigay nilang baon at minsan, 'di na ako kumakain.

Hindi ko sinasabi sa 'yo dahil alam kong magagalit ka.

At tama ako.

Galit na galit ka na dumating sa tinutuluyan natin. "Kunin mo na, Jopay! Bumili ka ng pagkain!" sigaw mo't pilit binibigay sa akin ang pera. "Hindi ko kailangan 'yan. Iskolar ako't pinapadalhan din ako ng magulang ko-- basta kunin mo na lang ang pera!"

Tumayo ako't gulat na tinitigan ka. Ito ang unang beses na may sumigaw sa akin kahit wala naman akong ginagawa.

Nang mapansin mo kung gaano ako natulala, hininaan mo ang iyong boses na may halong paglalambing.

"Pakiusap, nasasaktan ako kapag ginugutom mo ang sarili mo. Kunin mo na lang ang pera, Jopay."

Ito rin ang unang beses na sumagot ako sa 'yo.

"Pero bakit, Daryll?"

Nagtaka pa 'ko nang tumawa ka. "Kasi mahal kita, baliw."

Ako pa ang baliw?

Kinuha ko nga ang pera pero binalik ko rin kinagabihan noong tulog ka na. Sa panahon na nagsasama tayo, hindi tayo nag-away.

Lalo na noong sinubukan kang siraan ng kaibigan mo sa akin na niloloko mo 'ko. Palagi nitong ipinipilit na may babae ka.

Pero wala kang narinig sa akin. Hindi ako sumigaw, umiyak o humingi ng ebidensya.

Nanatili akong kibit-balikat.

At kalaunan, ito rin ang sumuko't umamin sa 'kin na hindi 'yon totoo. Pagkatapos bumilib ka pa sa akin dahil malaki ang tiwala ko sa 'yo.

Pero ang totoo, wala lang akong pakialam kasi kahit may gawin ako ay wala pa rin magbabago.

Natuto ako na ang pagiging kalmado sa gano'ng sitwasyon ay binibigyan ako ng pambihirang kakayahan.

Nang ikasal tayo, wala rin tayo masyadong pinagtatalunan. Kapag sinabi mong ikaw maglalabas ng basura pero hindi mo nagagawa, ako gumagawa.

At kapag napapansin mo 'yon, nakokonsensya ka kaya bumabawi ka sa sumunod na araw.

Tapos kapag may nagagawang hindi maganda ang mga anak natin, hindi ko sila pinagtataasan ng boses. Tinatanong ko lang sila kung anong ginawa nila.

Kaso natatakot pa rin sila.

Minsan nga sinabi ng panganay natin na mas gusto niyang sumisigaw ako tulad ng Ama nila.

Buong buhay ko ay kalmado lang ako, tahimik at taga-awat sa bahay.

Pero binago mo 'yon.

Siraulo ka.

Nagbago ako nang iwan mo 'ko.

Nang mamatay ka, lahat ng bundok-bundok na emosyon sa loob ko'y natunaw na lang bigla.

Lahat nagulat nang magsimula akong sumigaw at humagulgol sa harap ng kabaong mo.

Sinubukan akong dalhin ni Kuya sa labas pero sinuntok ko lang siya sa panga. (Humingi naman ako ng paumanhin pagkatapos.)

Sa tingin ko, hindi mo na ako makilala ngayon.

Ang hirap nang manahimik tulad ng dati lalo pa't naaalala ko ang sinabi mo, "Tumindig ka para sa sarili mo, mahal ko."

Pero wala ka na rito para tumindig para sa 'kin o sa mga anak natin.

Ang hirap ipaliwanag.

Nagbago ako ng lisanin mo ang mundong 'to. Sobrang gulo ng buhay ko nitong lumipas na dalawang taon. Pero nakayanan ko naman kahit papaano sa tulong ng mga anak natin.

Tulad pa rin naman ako ng dati. Tahimik at kalmado pero kapag may umapi sa mga mahal ko-- lalo na sa mga anak ko, alam kong kailangan ko silang protektahan.

Gaya ng alam ng sinumang umaakyat ng bundok, ang may pinakamakapal na niyebe at mukhang tahimik na bundok sa 'di kalayuan...

Ay siyang mapanganib sa lahat.

⊰᯽⊱┈──╌❊ - ❊╌──┈⊰᯽⊱
WAKAS
⊰᯽⊱┈──╌❊ - ❊╌──┈⊰᯽⊱

February 2023 Winner
WRITE-A-THON-Challenge "Jopay Loves on You
Theme: Si Jopay na iniwan

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen2U.Com