𝐒𝐏𝐄𝐂𝐈𝐀𝐋𝐈𝐒𝐓
━━━━━━━━━━
"Dr. Adam?" Natigilan ako sa paglalakad sa pasilyo at napalingon sa tumawag sa akin. Nakita ko naman si Nica-- isa sa mga nars ng St. Agatha Hospital ang naglalakad palapit sa akin. "Tawag po kayo ni Dr. Ruruh sa opisina n'ya."
Kumunot ang aking noo. Bakit biglaan na lang, gusto akong makita no'n?
"Bakit daw?"
Nagkibit-balikat s'ya. "Walang sinabi. Basta ang bilin niya sa akin ay kapag nakita raw kayo, sabihin agad namin na hinahanap niya kayo," saad niya, "Mukhang importante yata."
Nagtataka man, tumango na lang ako't nagpasalamat sa kan'ya. Nagtungo agad ako sa opisina ni Dr. Ruruh at naabutan ko naman siyang may kausap na pas'yente ro'n.
"Dok, gagaling pa ba ako?" tanong ng pas'yente.
"Gagawin ko po ang lahat upang gumaling kayo, Ma'am." Ngumiti rin ito upang gumaan naman kahit papaano ang nararamdaman ng pas'yente n'ya.
Punong-puno ng kompiyansa ang tono ng kan'yang boses kaya naman ang laki ng tiwala ng mga tao sa kan'ya. Pero kahit kailan, wala pa siyang binigo sa mga pas'yente n'ya.
Ang iginagalang na si Doktor Ruruh Dela Cruz, nag-iisang cardiologist ng St. Agatha's Hospital ay sadya nga namang napakahusay pagdating sa larangan niya. Espesyalista n'ya ang paggagamot sa mga puso.
Hindi lang 'yon, espesyalista rin n'ya ang mapukaw ang atensyon ng mga taong nasa paligid niya. Kaya 'di na ako magtaka na kapag dadaan s'ya sa pasilyo, napapalingon ang mga nars o pas'yente-- mapababae man o lalaki.
Pero hindi ko naman sila masisisi. Sadya nga namang g'wapo ito.
Subalit kahit na sabihin nilang dalubhasa ito sa maraming bagay... may isang bagay akong alam na hindi n'ya kayang magawa.
Hindi n'ya kayang magpakatotoo sa sarili n'ya.
Matagal ko ng kilala si Dr. Dela Cruz bago pa kami pareho na maging Doktor. Alam ko kung anong tunay n'yang kulay pero natatakot siya sa mapanghusgang mundo.
Lalo na't lumaki siya sa pamilya na masyadong strikto at relihiyoso. Sa pamilya n'ya kasalanan na nga na wala pa siyang asawa sa edad na trenta. Nakakaloka.
"Dr. Adam." Sa lalim ng iniisip ko, hindi ko na namalayan na tapos na pala silang mag-usap ng pas'yente n'ya.
"Ruh? Pinatawag mo raw ako sabi ni Nica," sabi ko. Tinawag ko na lang siyang Ruh dahil kaming dalawa lang naman ang narito.
Sa halip na sagutin ako, niyakap n'ya ako bigla. "Mukhang pagod na pagod ka Dok, ah," biro ko. Ramdam ko ang pagngiti n'ya sa aking balikat.
Ilang oras kaming magkayakap sa isa't isa bago s'ya nagsalita. "Hindi ko pa nasasabi," saad n'ya.
Hindi ako nagtaka sa sinabi niya pero sobra ang pagkadismaya ko rito. Ang tinutukoy lang naman n'ya ay ang kasal namin sa Australia sa susunod na buwan.
"E 'di, ipagpapaliban na naman natin ang kasal?" tanong ko. Pangtatlong beses na ito. Hindi siya umimik kaya kumawala na ako sa pagkakayakap sa kan'ya. "Ruh, nakakapagod na. Palagi na lang bang ganito? Kailan mo balak sabihin sa mga magulang mo ang tungkol sa ating dalawa?"
Hinawakan niya ang kamay ko ng mahigpit. "Sasabihin ko rin naman sa kanila pero... hindi lang ngayon. Pangako, Adam," sabi n'ya. Ayan na naman tayo sa pangakong laging napapako. "Sa susunod na taon, magpapakasal na talaga tayo--"
"Wala naman akong pakialam sa kasal," putol ko. "'Yung tungkol sa 'tin ang pinupunto ko. Kung alam mo lang, Ruh... gustong-gusto kong hawakan ang kamay mo sa harap ng maraming tao at halikan ka sa pisngi o labi na hindi iniisip ang sasabihin ng iba tungkol sa atin. Pero palagi na lang ba tayong magtatago? Akala mo ba hindi pa nahahalata ng mga Nars d'yan sa labas ang tungkol sa atin? Nakakasawa na ito, Ruh."
Nakakapagod ng magtago na akala mo'y ang laki ng kasalanan namin. Gusto ko lang naman magkaroon ng normal na relasyon. 'Yung hindi na namin kailangan magtago. Mahirap ba 'yon?
Minsan tuloy napapaisip ako kung sinubukan ba talaga niyang sabihin sa mga magulang niya ang tungkol sa 'min o nagpapadala lang siya sa takot?
Ni minsan yata ay hindi niya naiisip ang nararamdaman ko. Kaya nagdadalawang-isip din ako kung may patutunguhan pa ba ang relasyong ito?
Mas hinigpitan niya ang pagkakahawak sa 'kin. Na para bang ayaw n'ya 'kong pakawalan. "Balak ko namang sabihin sa kanila pero... 'di pa ako handa. Ang mahalaga naman, mahal natin ang isa't isa 'di ba?"
"Mahal mo ba talaga ako, Ruh?" tanong ko habang pinipigilang mapaluha. Palagi na lang kasi kaming ganito. "Kasi ako, mahal kita. Kaya kahit nabugbog ako nina Papa noon, sinabi ko pa ring mahal kita at magpapakasal tayo. Handa akong ipagsigawan sa mundo na Mahal na mahal kita pero ikaw ba? Kaya mo rin bang gawin ito para sa 'kin?"
Tulad ng inaasahan ko, wala pa rin siyang sagot sa tanong kong 'yon.
"Itutuloy pa ba natin ito?" tanong ko ulit.
"Adam, pakiusap. 'Wag mong gawin sa akin 'to. Mahal kita--"
"Mahal mo 'ko? Paano? Kailan? Kapag wala ng taong nakatingin sa atin?" saad ko, "Tagal ko nang naghihintay, Ruh. Tagal ko na ring umaasa sa mga pangako mo. Hindi ito tungkol sa kasal, tungkol ito sa ating dalawa. Kailan mo 'ko kayang ipagmalaki sa mga magulang mo?"
"D-Darating din tayo r'yan basta... h'wag mo 'kong iwan," puno ng takot ang tono ng kan'yang boses.
Nagbuntong-hininga ako. Sa totoo lang, hindi naman talaga siya ang problema kundi ang mga taong sarado ang pag-iisip. Normal lang ang nararamdaman niyang takot. Upang mawala 'yon, lumapit ako't hinalikan siya sa noo.
Nangingibabaw pa rin ang pagmamahal ko para sa kan'ya kahit gusto ko na siyang iwan. "Sige. Ayoko ng pilitin ka. Kung hindi ka pa handa... maghihintay ulit ako hanggang handa ka na."
Nagningning ang mga mata niyang niyakap ako ng mahigpit. "Salamat... Mahal na mahal kita."
Kahit na sabihin niyang mahal n'ya ako, may pagdududa pa rin. Baka kasi hanggang salita na lang 'yon.
Tingin talaga ng lahat ay dalubhasa ang espesyalista sa puso na si Dr. Ruruh Dela Cruz pero lingid sa kaalaman nila, hindi naman ito gano'n kadalubhasa pagdating sa usapang puso.
⊰᯽⊱┈──╌❊ - ❊╌──┈⊰᯽⊱
WAKAS
⊰᯽⊱┈──╌❊ - ❊╌──┈⊰᯽⊱
April 2023 Winner
WRITE-A-THON-Challenge
Theme: Fools in Love
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen2U.Com