Truyen2U.Net quay lại rồi đây! Các bạn truy cập Truyen2U.Com. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Ang Aking Kaibigan

"Good morning Arlyn! Tara na. Papasok na tayo.", gising sa akin ng kapatid kong si Arvyn.
"Good morning Arvyn! Susunod na ako. Aayusin ko lang ang kama.", sabi ko na umiikot-ikot pa sa higaan.
"Hay naku Arlyn! Hindi ba sabi ko sa iyo, matulog ka nang maaga pero ayaw mong makinig. Ayan tuloy. Sige hinihintay ka namin sa labas ha. Dalian mo na. Baka mahuli pa tayo.", sabi niya at iniwan na akong mag-isa sa silid namin.
Hay naku! Itong kambal ko talaga, ang daming alam sa buhay. Biruin mo iyon, nakuha pa akong sermonan. Palibhasa kasi mas matino siya kaysa sa akin. masipag siyang mag-aral habang ako nilalaru-laro lang ang pag-aaral. Well, ayaw ko lang namang maistres nang husto sa pag-aaral. Pero kung tutuusin, kaya ko ring sumama kung nasaan si Arvyn. Alam mo na, dahil matalino at masipag mag-aral, nasa First section siya. Pero, hindi naman siya katulad ng ibang kaklase niya na popular sa school. Hindi kasi siya palasali sa mga kung anu-anong extra curiculars. Panay sa classroom at library lang siya sa school. Ang totoo, minsan nabubully pa siya pero hindi ko siya nakitaan ng pagkalungkot. Napakapositibong tao kasi niya. Palagi pa nga kaming nag-aasaran eh. Ang dami ko na daw kasing naging jowa. Palibhasa kasi siya kahit nililigawan man lang wala. Pero, alam kong may crush siya sa school namin, yung kaklase kong si Natalie. Sabi ko nga sa kanya, baka bugbugin lang siya noon pero ang sabi niya crush lang naman daw saka minsan na kasi siyang tinulungan ni Natalie sa mga bully sa school namin. Well, siguro yaun yung dahilan kung bakit niya siya naging crush.
Anyway, masyado na yatang napag-uusapan yung kapatid ko. Matapos kong ayusin ang pinahigaan, lumabas na ako ng kwarto at binati sila.
"Good morning Mama at Papa! Good morning Archie at Arnie!"
Yep, tama, dalawang pares kaming kambal na magkakapatid. Ewan ko ba, nasa lahi yata namin iyon. Hahaha
"O Arlyn, mag-aral kang mabuti ha. Huwag puro jowa.", sabi ni Mama.
"Nag-aaral naman po ako ha. Porket wala lang sa first section tulad ni Arvyn hindi agad nag-aaral? Hindi ba pwedeng hindi lang masyadong magpapakahenyo?", sabi ko nang nakangiti.
"Anak, ang sinasabi ko lang, huwag masyadong tamarin at mag-aral ka pa rin nang mabuti. Hindi naman kita pinagbabawalang magjowa eh. Tanggap ko na na ganyan na talaga ang kabataan sa panahon ngayon. Sinasabi ko lang sa iyo na hindi sa lahat ng pagkakataon ay magandang makiuso. Minsan hindi na nakakatuwa iyan. Ayaw lang naman namin na may masamang mangyari sa iyo anak.", pagpapaliwanag ni Mama.
"Ay sus! Mama naman, alam ko po iyon. Huwag po kayong mag-alala, hindi ko po pababayaan ang sarili ko. Pangako po!", sinserong sabi ko.
"At saka Arlyn, huwag ka nang manakit ng mga lalaki. Napakalupit mo eh.", pang-aasar sa akin ni Arvyn.
"Hoy, para sabihin ko sa iyo, hindi ako ang nananakit sa kanila. Hindi naman ako makikipagbreak kung wala silang ginagawang masama.", sagot ko sa kanya.
Ganyan lagi ang umaga naming buong pamilya. Nagbibiruan, nagpapayo sina Mama at Papa, nagtatawanan at masaya lang. Well, masasabi kong isa ako sa mga nabiyayaan ng isang masaya at maayos na pamilya. Pinupuno nila ang bawat isa sa amin ng pagmamahal kaya naman magkakasundo kaming lahat. Sanay kami na naglalaan kami ng oras para magsama-sama at magkwentuhan ng mga nangyari sa amin sa buong araw tuwing hapunan namin. O hindi ba? Wala na akong mahihiling pa. At hinding hindi ko ipagpapalit ang ganitong buhay ko kasama sila sa kahit na sinong walang galang na mga lalaki at sa kung anumang mga materyal na bagay na makukuha sa mundo. Wala nang mas gaganda sa isang masaya, kumpleto, maayos at mapagmahal na pamilya.
"O Arlyn at Arvyn, mag-iingat kayo ha. Huwag masyadong gagala at umuwi agad sa bahay bago lumubog ang araw ha.", Paalaala ni Papa.
"Opo Papa. Basta ba may pasalubong kayo mamaya sa amin eh.", pagbibiro namin kay Papa.
"Oo naman, kailan ba ako nawalan ng pasalubong sa inyo. O sige na, huwag nyong pasasakitin ang ulo ng Mama nyo ha.", muling paalala niya sa amin.
"Opo Papa. Ingat po kayo!", tugon namin at niyakap siya nang mahigpit.
"O kayo naman mga anak, mag-iingat kayo ha. Mag-aral nang mabuti, huwag makikipag-away, kumain kayo sa tamang oras at umuwi nang maaga.", paalala naman ni Mama habang iniaabot ang mga baon namin.
"Sige po Mama. Bye po!", niyakap din namin siya.
"Archie at Arnie, magpakabait kayo ha. Gawin nyo rin yung mga sinabi nina Mama at Papa.", sabi ni Arvyn sa kapatid naming kambal.
"Opo Kuya. Ingat kayo ni Ate. Bye po!", sagot nila.
At umalis na kami para pumasok na.
"Arlyn, kamusta na kaya si Natalie?", tanong ni Arvyn.
"Hindi ko pa alam eh. Kagabi lang nangyari yaun. Ewan ko kung papasok siya ngayon.", sagot ko.
"Ganoon ba? Sana ayos lang siya.", buntong hininga niya.
"Kaya ikaw, huwag na huwag mong susubukang sumali sa mga gang ha. Lagot ka talaga sa akin kapag ginawa mo iyon.", sabi ko.
"Wow ha! Coming from you. Ako pa talaga ang sinabihan mo nang ganyan. Sino kaya dito ang nakakasampung jowa na at panay ang gala tuwing week ends?", sabi niya na nakangiti na parang aso.
"Hay naku! Ang sabihin mo, inggit ka lang kasi wala ka pang nagiging jowa at hindi ka nakakagala tuwing Sabado't Linggo. Labas-labas din kasi sa lungga paminsan-minsan.", pang-aasar ko.
"Hindi na no! Gaya mo pa ako sa iyo.", pagnguso niya sa akin.
"Uy ang kambal nandito na. Magandang umaga!", bati sa amin ng isang kamag-aral.
"Magandang umaga rin!", sagot namin.
"Tara na Arlyn, magsisimula na ang Flag ceremoney.", sabi ni Arvyn.
At lumakad na kami sa quadrangle.
Magkahiwalay kami ng hanay ni Arvyn dahil magkaiba kami ng section. Lumilingon-lingon ako sa paligid ko at hinahanap si Natalie. Maya-maya, hindi nga ako nabigo. Nakita ko siyang nakatayo sa may bandang likuran. May katangkaran kasi siya at katabi niya ang kaklase naming lalaki na boyfriend niya ngayon. Kaya lang, parang hindi sila nagpapansinan. Hmm, bakit kaya? Siguro, hindi lang gustong makipag-usap ni Natalie ngayon.
Pagkatapos ng Flag ceremoney, dumeretso na kami ni Arvyn sa kani-kaniyang classroom. Pagdating ko, wala pa si Natalie. Nakita kong pumasok na si Mrs. Catacutan, ang masungit na teacher. Kinabahan ako kasi wala pang nadating na Natalie. Baka mapagalitan siya. Hanggang sa pumasok na siya ng room.
"Good morning po", bati niya.
Sige na, at maupo ka na.", sabi ni Maam Catacutan.
Habang naglalakad siya papunta sa upuan, naririnig kong nagbubulungan ang mga kaklase namin dahil nga sa nangyaring gulo kagabi. Tiningnan ko ang mukha niya pero wala naman akong nakitang kahit na ano hanggang sa makaupo na siya.
Buong klase, tahimik lang siya at hindi namamansin. Kahit ako hindi man lang niya nilingon buong araw. Nakikita kong bagot na bagot siya sa klase at inisip ko nalang na hindi pa lang siguro siya okay. Kailangan lang niyang mapag-isa kaya hinayaan ko nalang siya.
Nang mag-uwian, nakita ko siyang lumabas ng room kaya sinundan ko siya. Nakita kong may lumapit na mga manyakis sa kanya. Lalapit sana ako para tumulong pero nagulat ako sa nakita ko.
Oo, sanay na ako sa mga siga dito sa eskwelahan namin. Lagi ngang may mga nagkakasakitan dito eh. Pero sa pagkakataong iyon, hindi ako makapaniwala sa nakita ko.
"Kuya Nathan, bakit?", ang nabulong ko sa sarili ko.
Nakita ko nalang na nahandusay sa lupa ang mga manyakis. Pagkatapos ay lumakad sina Natalie palabas. Tatawagin ko pa sana sila pero nanginig ako dahil sa nangyari.
"Uy, Arlyn, ayos ka lang?", narinig kong dumating sa tabi ko si Arvyn.
"Arvyn, uwi na tayo.", ang sabi ko.
"Bakit? Anong nangyari?", pagtataka niya.
Nakita niya ang mga lalaking nakahandusay sa lupa at nabanaag ko ang pagkagulat niya. Nang makita niyang kinukuha na ng mga taga guidance council ang mga lalaki, tumingin siya sa akin at umakbay.
"Tara na Arlyn, umuwi na tayo.", sabi niya.
Naglakad kami pauwi at kapwa kami hindi makapagsalita. Lalo na noong maikwento ko sa kanila kinagabihan ang buong pangyayari, nagulat din sila at pinaalalahanan akong lumayo na kay Natalie. Ginawa ko iyon. Dahil sa troma ko, hindi ko muna siya kinausap nang ilang lingo din. Natakot talaga ako sa totoo lang. Ilang beses ko ring nabalitaan ang iba pang mga gulong nangyari sa kung saan-saan malapit sa amin hindi lang sa school. Pagkalipas ng ilang linggo, naisip kong baka pwede ko na siyang kausapin. Kaya, ang sabi ko sa sarili ko, yayayain ko na siya ulit at ganoon nga ang ginawa ko. Tinatawag ko siya lagi pero hindi niya ako pinapansin. Ayaw niya laging sumama sa mga paanyaya ko sa kanya. Hanggang isang araw;

Naglalakad ako papasok ng school. Nakita ko si Natalie kaya tinawag ko siya para yayaing kumain mamayang tanghali sa isang bagong kainan sa likod ng school namin.
"Oy Natalie kamusta na? Di ka namamansin ah. May problema ba?", tanong ko sa kanya.
Kaklase ko si Natalie at magkaibigan kaming dalawa. Kahit na palagi niya akong inaasar dahil sa pagkakaroon ko ng boyfriend sa batang edad, magkasundo naman kami kahit papaano. Sa totoo lang kasi, nakailang boyfriend na ako kahit magkaedad lang kami. Siguro mga nakakatatlo ako sa loob ng isang taon. Ahahaha, bakit ba? Sabi nga nila, hindi pa daw totoong love ang nararamdaman natin kapag ganitong edad. At, ayon nga, papalit-palit ako ng nagiging boyfriend.
"Wala akong gana ngayon Arlyn. Pwede bang manahimik ka muna kahit sa araw na ito lang?", masungit na sagot niya sa akin.
"Hay naku Natalie! Umiral nanaman iyang init ng ulo mo. Gusto ko lang namang yayain kang pumunta mamaya sa may bagong bukas na kainan doon sa likod ng school.", pagpapatuloy ko.
"Hindi na. Ayaw kong sumama. Sa susunod nalang siguro.", pagtanggi niya.
"Bakit? niyaya ka na bang kumain ni Nath? Kayo ha!", pang-aasar ko.
"Ano bang sinasabi mo? Malamang na sabay kaming kakain ni Kuya. Ano bang bago roon? Hindi ka na nasanay sa amin. O paano? mauna na kami sa classroom.", sabi niya at biglang tumalikod.
Nagtaka lang ako sa mga huling sinabi niya. Natameme akong saglit sa kinatatayuan ko at pinagmasdan ko siyang naglalakad. Sa ibang direksyon siya papunta eh. Ano bang problema ng taong ito? Hahabulin ko sana siya nang biglang tumunog ang bell kaya wala rin akong nagawa kung hindi ang pumunta sa classroom
Pagkatapos, nagsimula na ang klase. Nandito na ang masungit naming Math teacher. Pero ang mas iniisip ko, wala pa si Natalie. Saan ba kasi siya nagsuot? Paniguradong lagot siya kay Maam Catacutan.
Hay naku! Ewan ko ba sa kanya! Sa totoo lang, ilang linggo na siyang ganyan. Hindi ko na nga siya halos makasama sa mga food trip namin gaya ng nakagawian namin eh. Hindi ko na rin siya makasama sa mga lakad namin tuwing week ends. Palagi na siyang may dahilan. Kesyo hindi daw siya makakasama dahil ganoon, dahil ganito, dahil ganyan. Basta, puro nalang siya dahilan.
Samantalang dati, game na game siya basta yayain ko siya. Mas madalas pa nga kaming magkasama tuwing week ends kaysa sa magtigil siya sa bahay nila. Ang naisip ko nga, baka mas busy na siya kay Nath, yung boyfriend niya na kalahating taon siyang niligawan. O kaya, mayroong problema sa bahay nila.
Maya-maya, biglang may dumating sa may room. Si Natalie yaun at mukhang pagod sa kakamadali dahil nahuli na siya. Saan kaya ito nanggaling? May nakaaway nanaman ba siya?
At ayon na nga, nagalit na si Maam Catacutan. Ang deretso pa ng pagkakatayo ni Natalie sa harap niya. Nagbanta pa nga si Maam na isusumbong siya sa guidance pero parang wala lang iyon sa kanya. Magpapatuloy pa sana si Maam Catacutan dahil sa pagtunog ng cp niya. Tumigil siya at si Natalie naman ay naglakad papunta sa upuan niya sa tabi ko.
Bago pa siya makalapit, napatingin ako sa isang kaklase naming si Nath sa likod. Nakita kong hawak niya ang cp niya at may pumasok na idea sa utak ko.
"Hoy, ikaw ang may gawa noon ano?", pabulong na sabi ko.
Ngumiti lang siya sa akin at hindi na sumagot pa. At nandito na rin kasi si Natalie sa upuan niya.

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen2U.Com