Truyen2U.Net quay lại rồi đây! Các bạn truy cập Truyen2U.Com. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Page 11

"RAIN... bakit? Ano ang ibig sabihin nito? Bakit mo... bakit ka nakayakap sa akin?"

Matapos madinig ang kanyang pangalan sa mga salitang ikinibo ni Jorge, dali-daling bumitaw si Rain mula sa pagkakayapos sa kanya. "Jorge? Ikaw na ba 'yan?"

Hindi maipinta sa pagtataka ang mukha ni Jorge sa sarkastikong tanong ni Rain. "Sino pa nga? Teka nga! Nasaan ba tayo? Akala ko ba pupunta tayo ng 7/11? Hindi naman 'to 7/11, ah?"

"Jorge, ikaw na nga 'yan!" Muling napayakap ang naaligagang si Rain na tila hindi mapalagay sa pananabik na parang matagal na panahon silang hindi nagkitang dalawa. "Jorge, salamat at ikaw na 'yan!"

"Ano?" Napaatras si Jorge na nawi-weird-duhan na sa kaibigan. "Ano ba ang pinagsasabi mo? Nasaan na naman ba tayo?"

"Nandito tayo sa unit ko. Mahaba-habang istorya ang ikwekwento ko sa 'yo. Gusto mo kumain ka na muna? Halika ka."

"S—Sige?" Kinakabahan man at hindi sigurado kung magugustuhan ang mga malalaman, ngunit para sa kasagutan ng kanyang mga katanungan, pipiliin na lang rin ni Jorge na makinig sa mga ilalahad ni Rain. Sumunod siya sa alok nito; naupo siya sa isa sa mga silya sa dining table.

"Kumain ka?" muling paanyaya ni Rain habang nauupo sa isa pang silya. "Pasensiya ka na, 'yan na nga lang ang nakayanan ko, nagkaganyan pa! Ikaw naman kasi! Babawi na lang ako sa 'yo mamaya."

"Anong ako? Ano ba ang nagawa ko?" Napakunot ng noo si Jorge habang dinadampot ang kutsara para tikman ang noodles na nasa mangkok. "Okay na sa akin 'to 'no. I'm starving na, eh. Ikaw ba? Kumain ka na ba?"

"Ah, oo... okay na ako. Magkwekwento na lang ako habang kumakain ka riyan." Napalunok ng laway si Rain para bumwelo. "Jorge... may ideya na ako sa mga nangyari sa 'yo na hindi mo maipaliwanag! Kung paano kang napunta sa mga lugar na hindi mo namang planong puntahan tulad nga rito sa Baguio. Jorge, hindi ka maniniwala! Mayroon kang iba panng mga pagkatao! Mayroon kang mga persona, Jorge!"

Nawindang sa narinig, napatigil sa pagsubo si Jorge at napabulalas. "Ano?"

"Masiyado pang maagang konpirmahin na mayroon kang Dissociative Identity Disorder, pero ang nasisiguro ko ay may iba ka pang mga pagkatao."

"Pagkatao? Ano naman ba 'yan?" Pagkabitaw ng tanong, ininom muna ni Jorge ang tubig sa baso na katabi ng mangkok at nang malagok saka itinuon na ang atensiyon sa kausap. "Hindi ko maintindihan?"

"Jorge, ganito ikaw 'yang nakikita ko, ikaw 'yang kaharap ko, pero itong nakikita ko maaring hindi pala ang taong inaakala ko. Maaaring ikaw ay maging hindi ikaw. Nag-iiba ka Jorge, hindi ang itsura, kundi isipan! Na-meet ko si Zelena, si Patricia, at, kanina lang, si Bernadette, pero ikaw lang ang nakikita ng mga mata ko. At alam kong alam mo kung ano ang common sa mga pangalang nabanggit ko."

"Lahat sila bida sa mga stories ko." Bahagyang napatulala si Jorge na nagtatalo sa isipan ang pagkamangha, pangamba, at pagdududa sa mga nalaman kay Rain.

"Tama ka, pero mayroon pang isa—si Joyce. Alam ko na ang pangalan ng kapatid mo ay 'Joyce' dahil sinabi mo noon, pero ang Joyce na nakaharap ko na persona mo parang hindi tumutugma sa kwento mo tungkol sa kanya. Sabi niya katulong daw siya rito sa Baguio at ang amo niya raw ay si Angelo Urdaneta?"

"Si Joyce..." Nawala na ang mga agam-agam kay Jorge at tanging naiwan na lang ang pagkamangha. "Grabe, naniniwala na ako sa 'yo! Naniniwala na ako sa sinasabi mo na may mga persona ako. Si Joyce... isa rin siyang main character sa isang akda ko. Siya ang bida sa kauna-unahang isinulat kong istorya na 'Mutual Understanding' ang title. Hindi 'yon na-upload sa Writepad kasi hindi ko siya naipagpatuloy hanggang sa nakalimutan ko na at kaya siguro hindi ko na nabanggit sa 'yo dahil malamang din naman wala ka ring interes."

"Bakit... bakit ganoon ang mga pangalan? Bakit 'Joyce' at 'Angelo'? Talaga bang pinangalan mo sila sa ate mo at sa first love mo?" Tila nagkakaroon na nga ng interes si Rain sa kauna-unahang istoryang naisulat ni Jorge at iyon ay kung hindi pa dahil sa kakaibang kondisyon ng kaibigan.

"Ang totoo niyan..." Bahagyang gumuhit ang ngiti sa labi ni Jorge, ngunit hindi iyon awtomatikong nangangahulugan ng saya lang, kundi ng sari-saring emosyon sa pagka-alala ng kanyang nakaraan. "Para naman talaga ang istorya na 'yon sa kanila."

"Ha? Akala ko... 'di ba ikaw ang may gusto kay Angelo? Bakit ganoon?" Nagkalukot-lukot ang mukha ni Rain sa kaiisip, hanggang muling magliwanag ang kanyang awra sa isang ideya. "Alam ko na! Dahil ang ate mo ay tunay na babae, kaya mas may pag-asa sila ni Angelo, tama?"

"Aray! Ang sakit n'on, ah!" Napatampal si Jorge sa braso ni Rain na may pabirong panggigigil. Pagkatapos n'on ay umayos na muli siya ng upo saka naging malamlam ang timpla habang muling ipinagpatuloy ang pagkwe-kwento. "Pero parang... parang ganoon na nga. Hindi ko ba naikwento sa 'yo na noong una kong makita si Angelo, siyempre may kakaiba akong naramdaman, pero dahil hindi ko pa naman noon alam kung paano nga bang ma-in-love, naiisip ko lang na ang nararamdaman kong iyon sa kanya ay dahil sa wala akong kapatid na lalaki—na siya ang pangarap ko para kay ate? Tapos nalaman ko na magkaklase pala sila, doon na nagsimulang mabuo ang concept ng M.U., kasi para sa akin noon bagay talaga sila. Hanggang ang concept na nasa isip ko lamang ay unti-unti kong naisulat sa isang notebook dahil naging faney talaga nila ako. Kulang na nga lang gumawa na ako ng fans club sa sobrang kilig sa kanilang dalawa. Pero noong nabalitaan ko na nanliligaw si Angelo kay ate, at binusted siya ni ate... noon ko nalaman or sabihin na nating inamin ko na sa sarili ko na may gusto ako kay Angelo. Hindi ko kinaya ang makita siyang nasasaktan noong mga oras na iyon. Gustong-gusto ko siyang lapitan at sabihin sa kanya na, 'Ako na lang', kaya lang kapag ginawa ko naman 'yon, patay naman ako kay mama at mas lalo na kay papa. Inis na inis ako kay ate noon kasi ba naman ang perfect guy para sa akin, binasura lang niya nang gano'n lang! Nahiling ko tuloy na sana ako na lang si ate—well, palagi naman—kaya ipinagpatuloy ko pa rin ang pagsulat ng M.U. at sa book 2 n'on na 'Maid for U,' hindi na si ate ang gumaganap bilang 'Joyce' sa imahinasiyon ko, kundi ako na. At tulad ni Joyce version 2.O na iniwan ni Angelo, naniniwala akong balang-araw ay ma-re-realize din ni Angelo na ako talaga ang nagmamahal sa kanya at dapat niyang mahalin."

"Ang tanong ay bakit hindi mo natapos? Siguro napagtanto mo na imposible na magkaroon din kayo ng Angelong 'yon ng happy ending, hano? O sabihin na nating kahit 'love story'? Paasahin ka lang ng sarili mong imahinasiyon!"

"Ay talagang gusto mo akong masaktan, hano?" Inirapan ni Jorge si Rain.

"Sorry naman." Hindi sinserong paghingi ng tawad ng matawa-tawa pang si Rain.

"Hindi sa ganoon kaya hindi ko 'yon naipagpatuloy. Umaasa pa nga rin ako hanggang ngayon, 'di ba? Hindi ko na 'yon naipagpatuloy nang..." Huminga nang may kalaliman si Jorge bago muling nagpatulo. "Nang mamatay si ate."

Napatulala sa sinabi ni Jorge, tila nauupos na kandilang sumimangot ang mukha ni Rain mula sa mapang-asar na pagkakangiti.

"Parang gumuho ang mundo ko noon dahil ang kaisa-isahang kapatid ko na siyang nakakaintindi na lang sa akin ay nawala nang gan'on-gan'on lang. Gustuhin ko mang ituloy ang pagsusulat n'on, pero hindi ko na magawa dahil nawala na 'yong sigla ko at saka naging busy na rin naman ako noon kaya nawalan na rin talaga ako ng oras. Pero nang makarating naman ako rito sa Baguio para sa aming ojt—mga 2 years na ang lumipas nang mamatay si ate—sinubukan ko pa rin naman na ituloy dahil na-inspired ako nang matupad ko ang pangarap niya na makarating dito. Pakiramdam ko noon ay medyo naka-move-on na ako sa nangyari kahit dalawang taon pa lang. Pero kailangan ko namang i-priority ang o.j.t. dahil konti na lang ay gra-graduate na ako as Bachelor of Arts, kaya isinantabi ko pa rin ang pagsulat at hinintay na lang ang graduation. Pagkatapos naman ng graduation, nawala naman ang mood ko kaya hayon, wala! Nganga!"

"Sorry..." Nag-alalangang magpatuloy sa sasabihin at hindi magawang tumingin ng diretso ni Rain sa kaibigan.

Habang si Jorge naman ay nagmaang-maangang walang ka-ide-ideya sa dahilan ni Rain. "Para saan?"

"Sa insentive questions ko," seryosong sagot ni Rain. Dama sa tinig niya na nadurog ang kanyang puso sa mga naging kasagutan sa kanya ni Jorge. "Hindi ko alam na ganoon pala naging ka-traumatic sa 'yo ang yugto ng buhay mo na 'yon."

"Uy, ano ka ba? Ayos lang." Tinapik ni Jorge ang kamay ng kaibigan na nakapatong sa mesa para mapilitan na iyon na harapin siya na ginawa naman nga nito. At para hindi na rin makonsensiya ang kaibigan, pinagaan ni Jorge ang loob nito. "Noon ngang unang beses na nakatapak ako rito sa Baguio, parang naka-move-on na ako, ngayon pa kaya? And at least ngayon may nakwentuhan na rin ako tungkol sa M.U., 'di ba?"

"And at least ngayon mayroon na tayong lead sa possible cause ng psychological disorder mo!" Nagniningning nang muli ang mga mata ni Rain sa pagiging positibo. "Which is your traumatic experience."

"Psychological disorder?" Hindi nga lang naging komportable si Jorge sa mga salitang iyon. "'Di ba baliw ang ibig sabihin n'on?"

"Hindi porket may psychological disorder ay baliw na. Sabihin nating—just like others who have psychological disorder—you are broken, Jorge. Tulad nitong baso." Inilapit ni Rain ang baso na nasa ibabaw ng mesa sa kanya. "Isipin mo na lang na nabasag. Palagay mo ano ang mangyayari?"

"Madudurog? Magkakapira-piraso?" mahinang tugon ni Jorge na tinatansiya pa kung iyon ang hinihintay na sagot ni Rain.

"Oo, tama. At ang mga magiging bubog nito ay pare-parehas lamang na mula sa iisang baso, pero ang pinagkaiba ay hindi sila pare-parehas ng hugis. Dumaan ka kasi, Jorge, sa isang traumatic experience na dumurog sa 'yo na baka siyang dahilan nga ng kondisyon mo. Maihahalintulad ko ang kaso mo sa pagkakaroon nga ng Dissociative Identity Disorder na mas kilala noon bilang Multiple Personality Disorder na kung saan ang mga taong nakakaranas n'on ay maaring dumaan sa chronic trauma or stress due to sexual or physical abuse during childhood, pwede ring kalamidad, rejections, at, kagaya mo, vehicular accidents. Para maka-cope up sa mga ganoong kalagayan, humahanap sila ng way para maalis ang kanilang consciousness sa mga iyon upang maprotektahan ang kanilang sarili mula sa mental or physical pain."

"Rain... paano na ngayon?" tanong na nagpapahiwatig ng pangambang nadarama ni Jorge. "Ano na ang gagawin ko?"

"Bubuuin ka natin. It takes seven to ten years ang itinatagal for a Dissociative Identity Disorder case to be diagnosed accurately under a mental health system. Pero rito sa bansa natin sa palagay mo may aasahan tayong gan'on? Alam mo naman ang kalagayan ng mga Mental Health Facilities dito sa atin? Hindi sa minamaliit ko ang mga psychiatrists at psychotheraphists natin, bibihira lang kasi talaga ang expert sa DID, natatakot lang ako na kapag dinala kita sa kanila ay baka ma-diagnose ka nila na may schizophrenia lalo na wala pang established medication treatments para sa DID, kaya hindi malabong ganoon nga ang mangyari. Baka sa halip na gumaan ang nararamdaman mo, mas lalo lang mawalan ka ng kontrol sa mga alters mo. Nandito lang ako, Jorge. Hinding-hindi kita iiwan. Kung hindi lang talaga tumutol si Baba sa pagkuha ko ng Psychology na course dati noong mag-ka-college na ako, siguro ngayon mag-do-Doctoral na ako."

Hindi man lubos na maintindihan ni Jorge ang kanyang kalagayan, ang marinig na lang na may taong handang damayan siya ay malaking tulong na para sa kanya. "Salamat, Rain."

"May naisip ako—ngayong malinaw na, na ang mga persona mo ay mga bida ng mga sinulat mong istorya—what if isulat mo naman ang story ng buhay mo? This is the perfect time for you to put your 'non-fictional story' into pages, Jorge."

"Parang autobiograhy? M.M.K.? Ganoon?"

"Yup, exactly." Tumayo si Rain at kinuha ang yellow pad at ballpen na nasa loob ng isa sa mga kitchen drawer.

"Sarili ko ngang diary, kinatamaran ko rati, malamang autobiography rin! Ano naman kaya ang isusulat ko riyan?" pagkontra ng nag-aalangang si Jorge. "Eh, napaka-boring ng buhay ko. Kung gagawin nga siguro iyong libro hindi bebenta!"

"Oo, sabihin nating not-so-interesting ang istorya ng buhay mo kumpara sa mga naisulat mo, pero iyon ang katotohanan na kung saan ikaw ang siyang bida, Jorge. Isipin mo na lang ikinulong mo ang sarili mo sa hawlang ikaw rin ang gumawa gamit ang mga pahina ng iyong mga katha." Inilapag ni Rain ang yellow pad at ballpen sa mesa. "Ngayon naman, bakit hindi mo subukan na gumawa ng hawla ng sariling istorya ng buhay mo nang sa gayo'y hindi mo makalimutan kung paanong maging malaya? At saka wala na rin naman sigurong mas iinam pang paraan para mas lubos kitang maunawan kaysa sa nakahiligan mong pagsusulat, 'di ba?"

"Oh, sige na. Susubukan ko na! But please don't expect, okay? I'll just give it a try." Hinawakan ni Jorge ang ballpen para maghanda na sa pagsulat.

"Okay. Ang kailangan ko lang naman at pati rin pala ikaw at ng lahat na rin ng mga taong humahanga sa 'yo ay ang malaman kung sino ka nga ba talaga nang hindi puro 'yang mga bida ng istorya mo ang bumibida pati sa kwento ng totoo mong buhay."

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen2U.Com