Page 16
DALA na ang tatlong lata ng beer, bumalik si Rain sa balkonahe ng kanyang unit para samahan muli si Jorge doon.
"Na-miss ko itong Baguio," bungad ni Jorge kay Rain na lumabas mula sa pinto, "'Yong makukulay na mga ilaw ng mga gusali na parang salamin ng kalangitan sa gabi."
"Jorge o Joyce?" Bahagyang napatigil si Rain na nagsalubong pa ang mga kilay.
"Ako 'to si pretty Jorge," sagot naman ni Jorge na may kahalong kaunting kilig na mababakas sa matipid na ngiti sa kanyang labi.
"Naks, hindi pa lasing lakas na ng amats!" Naupo si Rain sa sahig sa tabi ni Jorge sabay abot ng isa sa mga hawak niyang beer. "Oh, habang malamig pa."
"Thanks," umimik nang matabang si Jorge bago ilayo ang tingin sa kausap. "Pero ayaw ko."
"Sige na, oh. Matagal na rin kasi akong umiinom nang mag-isa kaya samahan mo naman ako," pagpupumilit pa ni Rain na binuksan na ang hawak nitong lata.
"Parang nadala na kasi ako, baka kasi may mangyari na namang hindi maganda." Hindi na napigil ni Jorge ang kinikimkim na damdamin; kumawala ang kanyang takot na tangay-tangay ng mga luhang tumulo mula sa kanyang mga mata. "Sa 'yo na lang."
"Ang k.j. naman nito, oh. Nandito naman ako. Pababayaan ba naman kita?"
Gumaan ang pakiramdam ni Jorge sa mga salitang binitawan ni Rain. Maswerte ang turing niya sa kanyang sarili na sa kabila ng pag-iwas niya sa mundo ay may handa pa ring dumamay sa kagaya niya, ngunit hindi niya maiwasang ikonsidera ang posibilidad na maari ring masawa ang kanyang kaibigan sa pagtulong sa kanya lalo na kung dahil sa kanya ito'y maaring mapahamak. "Tulad niyan, nasiko pa pala kita sa tadyang kanina! Rain... hindi ko na talaga alam kung paano pa ako makakabawi sa 'yo. Ngayon kasi hindi na lang utang ang mayr'on ako sa 'yo pati na rin atraso!"
"Ito ba?" tanong ni Rain na iniangat pa ang suot na damit saka tiningnan ang pasa sa kanyang kanang tagliran. "Tapalan lang ng labi mo ito, sure na gagaling na ito kaagad."
Napaharap sa kausap si Jorge na halos lumuwa ang mga mata sa pandidiri. "Eeeeeewww!"
Humagalpak naman ng tawa si Rain sa naging reaksiyon na iyon ni Jorge. "Hindi ka naman mabiro. Ako? Asamin 'yang labi mo? Hindi 'no! Siguro nga ikaw laway na laway sa katawan ko, pero ako sa halik mo? Hindi. Hinding-hindi!"
Kahit hindi sang-ayon, tinanggap na rin ni Jorge ang paliwanag ni Rain para mapakalma na lang rin ang kanyang sarili. "Kaya mas mainam kung ikaw na lang ang lumaklak ng alak na 'yan!"
Itinulak ng nandiri na namang si Jorge ang beer pabalik kay Rain.
"Walang maiinggit." Dinampot ni Rain ang beer na galing kay Jorge at iyon ay kanyang binuksan. "Walang matatakam... sa alak at sa akin."
"Uminom ka kung iinom ka, wala akong pakialam!" Pinunasan ni Jorge ang mga bahid ng luha sa kanyang pisngi saka muling ibinaling ang tingin sa malayo. "Basta ako ipagpapatuloy ko lang ang pagtanaw sa mga ilaw."
"Para saan? Para mag-emote? Iwas-iwasan mo 'yan." Umiling si Rain habang may dinudukot sa bulsa ng kanyang pantalon. Pagkatapos ay ikinadkad ang isa sa dalawang papel na nakuha sa bulsa para markahan ng ekis ang isa sa mga pamagat ng mga akda ni Jorge na nakasulat doon. "'Blessing in Disguise' cross out! Yes naman, nahirapan din ako roon, ah! Cheers!"
Iniangat ni Rain ang hawak na lata ng beer, ngunit walang naging reaksyon sa paanyayang iyon si Jorge, kaya muli na lang niyang ibinaba ang kamay. "Hays! Ano ang sabi ko sa 'yo? Iwas-iwasan mong magpaka-stress!"
"Paano nga kung hindi maiwasan... may magagawa ka ba?"
"Oo naman 'no! Ako pa? Hindi kasi dapat naii-stress ang kahit sino sa atin. " Ibinigay ni Rain kay Jorge ang listahan at ballpen. "Ilista mo sa likuran naman niyan ang mga bagay na ginagawa mo rati na gusto mong gawin sa kasalukuyan, pero hindi mo na magawa. Kahit ilan basta makakapagpasaya sa 'yo."
Tanging pumasok sa isip ni Jorge ay ang mga bagay na ginagawa niya noong bata pa siya. Marami siyang na-mi-miss gawin na ginagawa niya noon, pero hindi na nga niya magawa sa kasalukuyan dahil sa palagay niya ay hindi na akma para sa kanyang edad o 'di kaya'y wala lang pagkakataon at dahil wala na lang din talaga siyang oras para sa mga iyon.
Hindi na kinontra ni Jorge ang gustong ipagawa ni Rain, naglista na rin siya ng mga limang gawain at nang matapos ay pinabasa niya iyon.
"Maligo sa ulan?" Nagliwanag ang mga mata ni Rain at gumihit ang ngiti sa labi dahil sa unang gawain na isinulat ni Jorge. "Sound interesting. I like it."
Ayaw na lang kasing seryosohing masyado ni Jorge ang ideya ni Rain, kaya kung anu-ano lang ang kanyang isinulat doon, pero hindi niya inaasahan na magugustuhan pa iyon ng kaibigan.
"What else do you have? Kumain ng cotton candy, tumapak sa damuhan, mag-videoke, magbisikleta. Jorge... meron na akong damuhan dito sa ilalim ng brief, gusto mong tapakan? Buti na lang hindi pa ako nag-she-shave." Ngumiti ng abot-tainga si Rain at nilagkitan ang tingin kay Jorge.
Sa pagkagigil ay nagngalit ang mga ngipin ni Jorge at kanyang napingot ang kaliwang tainga ng katabi. "Sige ilabas mo 'yang damuhan mo na 'yan! Hindi lang tapak ang gagawin ko—tadyak! Sige ilabas mo! Tingnan ko lang kung hindi maputol 'yang kalibugan mo!"
"Ahh... ughhh..." Sa halip na mapa-aray, umungol-ungol si Rain na tila nasasarapan pa sa ginagawa ni Jorge, kaya mas lalo pang nainis si Jorge at hinigpitan pa ang pagpingot. "A-Aray! Jorge, puta—! Wooh, ang hapdi! Parang awa mo na huwag mo nang dagdagan ang atraso mo sa akin! At 'wag mo nga sabing stress-in ang sarili mo."
Natauhan sa pagmamakaawa ni Rain, binitawan ni Jorge ang tainga nito. "Masakit ba? Naku, sorry... ikaw naman kasi, eh!"
"Anong sorry? May bayad 'yon! Bali nadagdagan ng one night stand ang utang mo sa akin." Ngumisi pagkatapos ay kumindat si Rain na parang hindi nasaktan sa pamimingot ni Jorge.
"Ah, ganoon ba? Eh, kung bigyan na lang kaya kita ng kambal na pingot? Ha?" Akmang pipingutin na naman ni Jorge ang magkabilang tainga ni Rain, nang ito'y mabilis na nakaiwas sa kanyang mga kamay. "Akala ko ba bawal akong mai-stress?"
"Ikaw, Jorge, ha. Kunyari ka pang nakokonsensiya ka r'yan sa paniniko mo sa akin kanina, eh gustong-gusto mo naman na sinasaktan ako."
"Eh, ngayon kasi meron na akong probable cause!" Nagpalagutok ng kamao si Jorge na handang ipagtanggol ang sarili. "Hindi kasi dapat kinokonsinte ang mga ganyang mga kabastusan, 'di ba?"
"Oo, tama. Tama. Heto na nga... magseseryoso na po. Ito naman, oh! para nagbibiro lang. Ang o.a. mag-react! Balik na nga lang tayo sa listahan." Muling ibinigay ni Rain ang papel at ballpen kay Jorge. "Ngayon naman maglista ka naman ng mga bagay na hindi mo pa nagagawa na gusto mong gawin, pero exclude mo naman 'yong pagbugbog sa buong katawan ko. Ang sakit, eh! Alam ko na gustong-gusto mo 'yong gawin, pero serious kasi tayo rito kaya hindi pwede ang mga kabrutalan. Isipin mo na lang Jorge... ito na kasi ang perfect time para pagbigyan mo na 'yong mga na-set aside mong mga 'to do list.' Lalo na narito na lang din tayo sa Baguio na ang sarap mamasyal. Kahit ilan ang ilagay mo, pero huwag siyempreng kalilimutan na dapat hindi masakit sa bulsa, masakit na nga ang tainga ko."
Tama si Rain, iyon na nga siguro ang tamang pagkakataon para sa sa mga bagay na naisantabi ni Jorge, kaya naman hindi na siya nagpakipot na maglista. Matapos isulat ang limang mga bagay na noon pa lang On-the-Job-Training niya plinaplanong isagawa, ipinabasa niya muli iyon kay Rain. "Uy, oh. Don't worry hindi naman siguro sasakit ang bangs mo r'yan."
"Ang problema wala akong bangs! Pero hindi naman 'yon ang importante, ito." Hinarap ni Rain ang listahan para iyon nga ay basahin. "Mamitas ng strawberry sa strawberry farm. Sumakay sa bangka. Horseback riding. Roller skating. Kumain ng ice cream here in Baguio. Kung meron man nga akong bangs, hindi nga sasakit, eh parang hindi ka pa pala tao, oh. Mamitas lang ng strawberries hindi mo nagagawa. Pati sumakay ng bangka? Fetus ka pa pala, eh!"
"Eh, sorry naman daw sobrang busy lang sa life and hindi naman po kami mayaman!" Napahalukipkip ng kamay ang umirap na si Jorge.
"Mayaman? Grabe ka naman milyones ba ang kailangan para magawa itong mga 'to?"
"Alam mo namang unahin ko pa ang mga 'yan kesa sa mga needs ko? Ang mahal din kaya ng strawberry!"
"Hayaan mo bukas gagawin natin lahat ito." Matapos tumungga ng beer ay inilupi ni Rain ang listahan ni Jorge. "Basta ipangako mo na hindi mo muna iisipin ang lahat ng tungkol sa sinusulat mo dahil ang maladaptive daydreaming ay epekto ng pagka-adik, obviously, sa daydreaming."
"Pero..." Nagbuntong-hininga si Jorge sa pagkadismaya. "Alam mo naman tayong mga writer, hindi tayo mapapakali na hindi iyon magawa, sa totoo lang. Hindi nga tayo nagsusulat pero ang isip natin nagplaplano pa rin kung paano i-a-outline ang story nang sa gayon kapag mag-ta-type na tayo mabilis na lang na maipa-publish ang updates. Rain, you know me, may calendar of schedule akong sinusunod."
"Jorge, alam mo ba na may correlation ang OCD o obsessive-compulsive disorder sa maladaptive daydreaming?"
Pamilyar kay Jorge ang binanggit ni Rain na kondisyong iyon kaya kahit papaano ay naiintindihan niya iyon. "'Di ba pagiging too organized 'yon?"
"Hmmm...." Napakamot sa baba ang nag-iisip na si Rain. "Ano Jorge ang karaniwan mong ginagawa kapag nai-stress ka? 'Di ba nagsusulat?"
"Oo."
"Ganito 'yon, kapag may isang bagay ka na naisip at iyon ay hindi kanais-nais sa isipan mo, hahananap ka ng gawain na makakapag-divert sa attention mo upang ang intrusive thought na iyon ay mawala na sa isipan mo. Intrusive thoughts na nakikita ko for you might about your past, painful reality or for having gender dysphoria too. On that point, writing was became your safe haven, isn't it?"
Sa dami ng mga salita na dati ay pinapalagpas lamang ni Jorge dahil wala siyang oras na intindihin ang mga iyon na ngayon ay nasa paliwanag ni Rain, para sa kanya masasabing may pagkakomplikado nga ang kondisyon na mayroon siya. "Obviously."
Binuksan ni Rain ang kanyang cellphone para mag-search pa sa internet. "Severe maladaptive daydreaming could provide an escape from anxiety and depression ayon dito sa Psychiatry Online Website. Kaya huwag kang mag-alala bibigyan pa rin naman kita ng oras para makapag-update ka, pero kailangan makapag-unwind ka muna na hindi mo pa nagagawa dahil severe maladaptive daydreaming could also cause or exacerbate depression, which would then in turn increase the motivation to daydream more frequently. Ang swimmer nga hindi lang 'yan langoy lang nang langoy para marating ang goal, kailangan din niyang huminga ng ilang beses para hindi malunod, kaya ang writer din ay hindi lang dapat puro sulat, nagpapahinga rin. Lagi mong aalalahanin, Jorge, na may sarili ka ring istorya na kailangang mabuhay ka. Dapat mong gawing balanse ang pagsusulat ng fictions at ang non-fiction mong buhay—always put that into note."
"Noted, doc." Kumpiyansang nakasang-ayon si Jorge sa mga payo ni Rain iyon ay dahil din naroon ito para sa kanya.
"Kaya heto habang naka-hiatus ka, ito munang story natin ang pagplanuhan natin." Iniabot ni Rain ang isang papel kay Jorge. "Tingnan mo nga kung pwedeng ilagay sa prologue itong naisulat ko kanina habang naglilista ka."
"Anong story... natin?" Binalingan ni Jorge ang papel saka binasa muna ang nakasulat na pamagat. "Nang Mahulog ang Bulalakaw sa Bullalayaw." Pamilyar sa pamagat na iyon, napatingin si Jorge kay Rain para ito'y konprontahin. "Hay, nako! Dito yata ako talaga mai-stress? Ano na naman ba 'to? Talagang may balak kang ituloy ito, hano? Parang ikaw yata sa ating dalawa ang patay na patay, eh!"
"'Di 'ba nga ang title ay 'Nang Mahulog ang Bulalakaw sa Bullalayaw.' Sino ba ang na-fall? Ang Bulallayaw ba? Magbasa kasi ng hindi mai-stress!"
Dala ng pagkausisa binasa nga ni Jorge—gamit ang isip—ang nakasulat sa papel:
Minsan may isang tala sa kalangitan na ubod ng ningning. Tinitingala siya ng lahat; namamangha sa kagandahan niyang angkin. Ngunit ang tala ay malungkot dahil wala siyang kasama sa kalangitan. Ang mga bituin ay nilalayuan siya dahil sa taglay niyang liwanag. Maging ang buwan ay naiinggit sa kanya. Kaya ang kawawang tala ay tumitingin na lang sa malayo para aliwin ang sarili sa mga tanawin ng mundo. Hanggang natagpuan ng kanyang mga mata ang bahag-haring si Bullalayaw.
Nabighani siya sa mga kulay at sa tikas nito. Sa araw-araw na pagsilay ng tala sa bahaghari ay nahulog ang loob niya rito. Hanggang napagdesisyunan ng tala na lisanin na ang kalangitan at mamuhay kasama ang minimithing bahag-hari.
Hindi naman sa ayaw ni Jorge kay Rain, aminado naman nga siya na noon pa lang magka-chat sila, kahit papaano, ay nagka-interes siya rito, pero hanggang doon lang iyon. Noon palang, napagtanto na niya na ang nararamdaman lang niya para kay Rain ay pawang tawag ng laman lamang. Gawa ng pangungulila sa talagang nilalaman ng puso niya na si Angelo. Malinaw na hindi iyon patas kay Rain kaya hanggang maaga pa ay kailangan na iyong maapula ni Jorge. "Correction, hindi po sa mundo nakatulala ang tala kundi sa araw. And hinding-hindi niya ipagpapalit ang sunshine ng buhay niya sa isang mapaglinlang na bahag-hari!"
"Sunshine? Nasaan 'yang Araw na 'yan sa darkest moment mo? Wala! Dahil hindi niya kayang pumunta sa dilim."
"Duhh, may rainbow naman daw kaya sa gabi?"
"Eh, ano ba sa tingin mo ang tawag sa moon bow? 'Di ba rainbow sa gabi?"
"Edi kayo ang magsama ng buwan! Kaya lang naman pala may rainbow sa gabi ay dahil lang sa buwan! Sige nga, paano kung walang buwan? Edi wala rin!"
"At least kahit papaano ay nagagawa ng rainbow pumunta sa gabi na hindi kailanman magagawa ng araw."
'Ano ba ang gustong patunayan ni Rain? Na siya ang mas kamahal-mahal kaysa kay Angelo?' Napairap at pinili na lamang manahimik ni Jorge sa kawalan ng maibabatong sagot.
"Pustahan tayo, Jorge, ikaw ang ma-fo-fall sa akin," pakli na naman ni Rain pagkatapos ay muling tinungga ang lata ng beer.
Tulad ng paulit-ulit na pinipilit ni Rain, gasgas na iyon kay Jorge, pero parang iba ang natatantsa niya ngayon na idinadaan lang ni Rain sa ganoon ang tunay nitong nararamdaman. Ibang kumilatis ang isang writer kaya base sa mga kinikilos ni Rain dama ni Jorge na iba ang nais nitong ipahiwatig.
"Baka ikaw! Ikaw kaya riyan ang walang lovelife! And kunyaring hindi patay na patay sa akin!"
"Nagsalita ang merong lovelife!" Tumayo si Rain mula sa pagkakaupo sa sahig, nag-unat bago tumalungko sa harap ni Jorge at saka tumingin ng diretso—mata sa mata. Pero si Jorge hindi magawang makipagtitigan kay Rain sa pagkaalangan. "Jorge... paano kung... ako nga ang ma-fall sa 'yo? Pupunta ka pa rin ba sa homecoming niyo para makita ang kumag na si Angelo?"
Parang tinutunaw na nga ng mga titig ni Rain, babatuhin pa ng mga ganoong tanong. Buong akala ni Jorge ay handa siyang marinig na manggaling mismo kay Rain ang posibilidad na iyon, pero nagkamali siya ng tantsa sa kanyang sarili. Hindi lang mga butil ng pawis na nagsisilabasan sa kanyang likuran ang ramdam niya, kundi pati na rin ang pag-iinit ng kanyang pisngi at ang lumakas na kabog ng kanyang dibdib na pilit niyang nilalabanan.
"Ano ba 'yan? Magtatanong na nga lang hindi pa pinag-isipan! Natural oo! Bakit ako ba ang na-fall? And ako ba ang ma-fo-fall? 'Di ba ikaw lang naman?"
"Bakit ayaw mo ba n'on? May boyfriend ka na? 'Yan ang hirap sa 'yo, eh! Naghahanap ka palagi ng option!"
Hindi na talaga kinaya pa ni Jorge na pigilan ang nagproprotestang 'What if' sa kanyang utak. Hinayaan na niya iyong makapasok, kilalanin at iyon ay ang tanong na: 'What if bigyan ko nga siya ng chance?' Kahit na tila naninigas ang dila dahil sa kaba, pinilit ni Jorge na magsalita.
"E-Excuse me... Mr. Possessive, paglilinaw lang po hano hindi po porket ma-hal mo ang isang tao eh kayo na! Hindi ba pwedeng manligaw ka muna?"
"So ayaw mo pala ng possessive?" Lumuhod si Rain saka inilapit ang mukha sa mukha ni Jorge habang ang mga kamay ay nakatukod sa pader. "Siguro kapag dating ng araw ng homecoming ninyo at na-in love nga ako sa 'yo, sasamahan na lang kita para siyempre bakuran ka."
"Hay! Grabe hindi nga possessive, obsess naman! Kaka-ganiyan mo, sige ka baka ikaw riyan ang magkaroon ng OCD?" Hindi pa rin maialis sa isip ni Jorge ang salitang imposible—imposibleng ang bisexual na kagaya ni Rain ay seryosohin ang isang transwoman na kagaya niya. "Paano naman kung... kung hindi ka ma-fall... sa 'kin?"
"Edi bahala ka na sa buhay mo!" Inalis ni Rain ang mga kamay sa pader saka bumalik muli sa pagkakaupo. "Ganoon lang kasimple. Kung okay ka na—sana okay ka na bago dumating ang araw na iyon—hahayaan na rin kitang bumalik ng Maynila."
Ang maging maayos ang kalagayan upang maharap ang mga tao sa nalalapit na Grand Alumni Homecoming ng kanilang paaralan at nang sa gayon ay makabalik na nang matiwasay sa Maynila ang talaga namang hinihiling ni Jorge na sana ay magkaroon ng katuparan. "Pusta ko: iyon ang mangyayari."
Dahil sa lumalalim na ang gabi at hindi lang din naman pa siya pinapahintulutang magsulat, tumayo na si Jorge na nakaisip nang matulog. Naglalakad na siya papunta sa pintuan, ngunit bago niya iyon buksan ay may pinaalala pa si Rain. "Basta ang ipangako mo na magiging masaya bukas si Jorge nang sa gayon ay gugustuhin mong mamuhay bilang siya."
"Anong oras nga pala tayo bukas?" tanong ni Jorge na kumbinsido na sa proposal ni Rain.
Napahinto sa pagtungga ng alak si Rain para sagutin si Jorge. "'Yan ang gusto ko 'yong game! Alas-nuebe ng tanghali."
"Bahala ka r'yan!" Nainis sa pilosopong sagot ni Rain, binuksan ni Jorge ang pinto. Pero may isa pa palang tanong na mas nangangailangan pa ng kasagutan ang pumigil sa kanya na pumasok. "Uy... matutulog na ako... saan pala ako matutulog?"
"Saan pa? Edi sa kwarto ko."
Nagsalubong ang kilay ng napakunot ang noong si Jorge na bahagyang nalito. "Ha? Eh, saan ka naman?"
"Bakit, Jorge, ayaw mo ba ako makasamang matulog sa iisang kwarto?" Naroon na naman ang mapanuksong pagtaas-baba ng dalawang kilay ni Rain.
Sa ipinapakita ni Rain na motibo, idagdag pa na nakainom ito, walang pamimilian si Jorge kundi ang pagsagot ng prangka. "Oo naman 'no! Baka mamaya kung ano pa ang gawin mo sa akin; mainam nang nag-iingat."
"Grabe naman! Ano ako manyakis?" bulalas ni Rain na napaturo ng sarili na tila nasaktan ang damdamin sa panghuhusga ni Jorge. "Sige, ikaw na ang matulog d'on!"
Pumayag nga si Rain ngunit iniwas naman nito ang tingin na tila nagpapahiwatig ng pagtatampo. May umihip na pagsisisi kay Jorge dahil sa kanyang tanong. "Eh, paano ka?"
"Baka rito na lang. Totoma pa ako." Binuksan ni Rain ang huling lata ng beer.
"Ngek! Hindi kaya manigas ka naman sa ginaw r'yan? Doon ka na," pangungumbinsi ng hindi na mapalagay na si Jorge sa pagtatampo ng kaibigan.
"Hindi 'yan! Sige na ikaw na ang matulog d'on may i-co-conceptualize din kasi ako," pagdadahilan naman ni Rain na nanatiling diretso ang tingin sa malayo.
"Edi doon ka na lang sa kwarto mag-conceptualize, kahit naman sa kusina ako matulog, eh."
"Bakit ba? Eh, kung dito ko nga gustong mag-conceptualize! Saka papayag ba naman ako na kung saan ka lang matulog, eh bisita ka rito... baka hindi lang ako ang gumapang sa 'yo pati ipis! Kaya kung ako sa 'yo—sabi mo nga na iba na ang nag-iingat—sa kwarto ka na matulog. Ikandado mo ang pinto." May saliw ng pagtatampo pa rin sa tono ng pananalita ni Rain na hindi na alam ni Jorge kung paano pang pahuhupain.
"Okay, fine!" Sa kawalan ng maisip pang dahilan ay sumuko na si Jorge. Nakokonsensiya man, pero dahil sa pangamba, napilitan na rin siyang sumang-ayon na. Pero para mabawasan na lang ang bigat na kanyang nararamdaman dahil sa konsensiyang dinadala, naisipan ni Jorge na mag-usisa upang malaman kung totoo nga ang dahilan ni Rain. "Uy, ano ba kasi 'yong i-co-conceptualize mo na story, ha?"
Pagkaalangan naman ang pumagitan sa kanilang dalawa matapos matagalan bago kumibo si Rain na seryoso pa rin ang mukha. "Hindi ko ba nasabi sa 'yo ang 'Colors of Rainbow'?"
"Wala kang nasabi." Nakahinga nang maluwag si Jorge matapos na harapin na siya ng kausap. Nakakita na siya ng oportunidad para mapasok ang tila pader na itinayo ni Rain. "Paano naman ang story n'on?"
"Kagaya mo na ang bida n'on na si Rayvee ay mayroon ding Dissociative Identity Disorder."
"Now I know kung bakit abot ang research mo about this condition. Oh, tapos?"
"May pagka-Mystery/Thriller ang genre nito dahil isa sa mga alter niya ay pumapatay. Alam mo, Jorge, pinagpapasalamat ko na hindi ka nagsulat sa ganoong genre o kaya ay ng Horror, Paranormal, Vampire and the like dahil kung hindi, ako ang lubhang mahihirapan. Buti nga isa lang ang fantasy mo at hindi ka na umulit."
Natatawa si Jorge na napagtanto sa sarili ang sinabi ni Rain. "Ay hinding-hindi ko talaga keri ang mga ganyang genre! Lalo na mag-isa ako sa apartment!"
"Pero siyempre hindi mo rin naman din masasabi sa akin na baka mamaya mayroon ngarding ibang alter na nagawa ang isipan mo na hindi kasama sa mga karakter ng stories mo kaya titignan ko pa rin. Kasi hindi lang naman limited ang types of alters sa 'Fictives' na type ng alters mo, mayroon ding animal alters, infant alters, and worst mayroon ding suicidal alters kaya medyo delikado na wala kang kasama."
"Sana naman hindi," malamlam na tugon ng nangangambang si Jorge.
"Sana nga, pero depende pa rin naman iyon sa traumang pinagdaanan ng isang tao. Pero kahit na hindi iyan kahirapan na gaya ng ibang kaso ay kailangan pa rin nating seryosohin."
"Malaman ko pa nga lang 'yong mga definition ng condition ko, ay talaga namang ramdam kong kailangan nga itong seryosohin."
"But trust me, Jorge, there was still beauty in it basta 'wag ka lang matatakot, though wala ngang lunas sa karamdamang 'yan. May mga tao na may ganyan ring kondisyon ang natanggap nila ang kanilang mga alters at namuhay kasama nila dahil after all, parte pa rin ng sarili niyo ang mga alters niyo. Like a rainbow that comprises of multiple colors, it was beautiful, isn't it?"
Dahil sa sinabi ni Rain mas lalong naintriga ang nakaramdam ng inspirasyon na si Jorge sa isusulat nitong istorya. "About sa story mo, curious ako sa title? 'Colors of Rainbow'? Dahil ba 'yon sa username mong '@Bullalayaw'? Sayang hindi 'yan ang naging debut story mo."
"Sabihin na nating inspired nga siya sa username ko kasi naisip ko ang title at concept because of that. Saka bukod kasi sa ang mga pangalan ng alters niya ay ang mga colors of rainbow, mayroon din silang iba't ibang kasarian—just the LGBTQ+ community—kaya hayon LGBT-themed din siya."
"Wow, sounds another award-winning in the making. Grabe ang ganda at ang complicated ng concept. Can't wait na mabasa ko na 'yan. Kailan mo pala 'yan ia-upload sa Writepad?"
"Baka next year pa. Kokompletuhin ko na muna siya para isang update na lang lalo na at komplikado nga ang story. At dahil medyo challenging nga itong isulat, kaya matulog ka at nang makapag-isip ako nang maayos." Napakamot sa likuran ng ulo si Rain dahil sa oras na tumatakbo nang wala siyang nagagawa pa dahil sa pagbibidahan nila.
"Sorry naman. Heto na po." Gumaan na ang pakiramdam ni Jorge. Hindi alangang nakapagsabi rin siya sa kaibigan ng: "Goodnight na."
"Goodnight my bulalakaw." Mapang-asar na pagganting bati ni Rain na hindi na lang pinansin ng nabaduyang si Jorge na pumasok na sa pintuang diretso sa kwarto ni Rain para matulog.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen2U.Com