Truyen2U.Net quay lại rồi đây! Các bạn truy cập Truyen2U.Com. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Page 2 (Part 2)

Sa pagpapatuloy ng hiraya ni Jorge...

Date: September 2, 2012

MAKALIPAS ang ilang buwan nang pag-aapply mula nang makagraduate ng kolehiyo, sa mismong araw ng kanyang kaarawan ay isang tawag ang natanggap ni Joyce mula sa Kingdom Hotel para sa isang interview. Pangarap niyang makapagtrabaho sa naturang hotel kaya itinuring niya iyon bilang isang malaking birthday gift na buong pusong tinanggap ni Joyce para ito'y kanyang paunlakan.

Date: September 5, 2012

PAGDATING SA INTERVIEW, laking gulat ni Joyce na ang mismong may-ari pala ng hotel na si Arturo "King Arthur" Urdaneta—guest speaker nila noong High School Graduation—ang mag-i-interview sa kanya!

Kinabahan noong una, pero naging komportable rin si Joyce. Dahil magkababayan, kaya siguro naging magaan ang loob nila sa isa't isa. Kaya naman naging kampante si Joyce na isa siya sa mapipili. At hindi nga siya nagkamali! Ilang linggo matapos ang interview tumawag muli ang Kingdom Hotel para pag-ayusin na siya ng mga requirements para sa kanyang training sa posisyong housekeeper.

Nakapag-comply si Joyce sa mga requirements at sa unang araw ng Oktubre sinimulan na ang kanilang isang buwan na training. Hindi nahirapang mag-adjust si Joyce dahil doon din sa siyudad ng Baguio siya nag-o.j.t. noong kolehiyo kasama ang mga kaibigan. Hindi sila pinalad noon na makapasok sa Kingdom Hotel dahil wala nang slots noon para sa on-the-job trainee, pero ngayon natupad na ang kanyang pangarap.

Date: October 12, 2012

KAHIT MAHIRAP ang trabaho, masayang masaya roon si Joyce dahil mababait ang mga empleyado. Sa katunayan unang araw palang naging 'close' na kaagad siya sa mga katrabaho sa Housekeeping Department. Lagi nilang sinasabi sa kanya na may pagkakahawig siya kay Cinderella Mangahas na mas kilala sa tawag na Chef Cindy—ang Pastry Chef ng café ng Hotel. Ang mga magulang daw nito ay matalik na kaibigan ni King Arthur at stockholders din ng Kingdom Group of Companies. Ayon pa sa kanyang mga katrabaho si Cindy raw at ang panganay na anak ni King Arthur na si Angelo ay magkasintahan. Nang marinig ni Joyce ang pangalan ng panganay na anak ni King Arthur, nakaramdam siya ng kaba. Lalo na nang sabihin pa ng kanyang mga katrabaho na bagay na bagay ang dalawa dahil magkapetsa ang kanilang kaarawan na sa katapusan ng buwan. At nalaman din ni Joyce na ang nalalapit na taunang Royal Ball ng Hotel ay hindi raw tulad ng mga nakaraang taon—mas engrande! Bukod kasi sa ika-sampung taong anibersaryo ng pagkakatayo ng Hotel ay debut rin ng magkasintahang Angelo at Cindy.

Hindi mapalagay si Joyce dahil iba ang kutob niya tungkol sa panganay na anak ni King Arthur. Tama ngang hindi lang isa ang Angelo sa mundo, pero hindi pa rin niya maiwasan na isipin na si Angelo at ang prinsipe ng Kingdom Hotel... ay iisa. Kung pagbabatayan ang petsa ng kaarawan at ang kanilang mga edad ay pareho. Naikwento sa kanya noon ni Angelo na inabandona siya ng ama nito, pero naisip naman din ni Joyce na hindi naman siguro iyon si King Arthur. Umaasa na lang siya na sana hindi si Angelo ang prinsipe dahil naniniwala rin siya na hindi siya nito maipagpapalit.

Date: October 31, 2012

DUMATING ang araw ng Ball, saktong ang schedule ni Joyce ay graveyard shift kaya may pagkakataon siya para makita ang prinsipe ng Kingdom Hotel. Noong gabing iyon, isang tawag ang natanggap ni Joyce mula sa Front Office para sa request na extra towel ng guest sa Room 202.

Kaagad nagtungo si Joyce sa Room 202 para tumugon sa request. Pagkabukas ng pinto, noong una'y inakala ni Joyce na salamin ang bumungad sa kanya, n'on pala ay ang guest na nag-request ay si Cindy. Tama nga ang mga katrabaho niya na may pagkakahawig nga siya rito.

Pagkaabot ni Joyce sa ni-request nitong extra towel ay aalis na sana siya, nang huminging muli si Cindy ng isa pang pabor. Nakiusap ito kay Joyce na kung puwede siyang humalili para rito sa ball, may emergency lang daw kasi itong kailangang puntahan.

Hindi magawa ni Joyce na tumanggi dahil sa patuloy na pangungumbinsi ni Cindy. Madali lang naman daw ang gagawin: isusuot lang niya ang magandang ball gown at maskara, tapos bababa lang siya ng grand staircase papuntang main hall para isayaw ng prinsipe na naghihintay roon at kasabay ng fireworks display kung saan magdidilim ang paligid saka siya aalis. Wala naman daw makakaalam dahil saglit lang naman daw dahil papalit din daw kaagad sa kanya si Cindy bago pa matapos ang firework display. Walang kalusot-lusot si Joyce dahil tila lahat ng naiisip niyang dahilan ay matatapatan ni Cindy ng karampatang sagot—ang tangi na lang niyang pamimilian ay ang pumayag na lang na pagbigyan ang pakiusap nito.

Sinunod ni Joyce ang mga sinabi ni Cindy: suot-suot ang magarbong ball gown at maskara nagpunta siya sa grand staircase ng hotel. Sa ibaba nga ng hagdanan ay naghihintay ang prinsipe. Habang bumababa sa hagdanan, bawat hakbang sa mga baitang, ay ang pagbagsak din ng mga luha sa mga mata ni Joyce dahil tama nga ang kanyang hinala—ang prinsipe ay walang iba kundi ang pinakamamahal niyang si Angelo.

Nang makalapit na siya sa prinsipe, napansin nito ang kanyang pag-iyak kahit nakasuot pa siya ng maskara. Sinabi na lang ni Joyce na masaya lang siya na makasama ito sa kaarawan nito. Natawa lang si Angelo dahil para raw hindi rin niya kaarawan. At pagkatapos mapunasan ni Angelo ang mga luha ni Joyce, nagsimula nang tumugtog ang orchestra at silang dalawa ay sumayaw sa saliw ng musika. Sa sobrang kasiyahang nadarama, hindi namalayan ni Joyce ang pagpatak ng oras.

Limang minuto bago mag-alas dose, tumigil ang banda sa pagtugtog, dinukot ni Angelo ang maliit na kahon sa bulsa at sa harap ni Joyce ay lumuhod. Binuksan ni Angelo ang kahon na ang laman ay isang singsing. Humiling na sana ay tanggapin niya ang regalo nito at kung maaari ay ibigay niya ang inaasam nitong regalo—ang sagot sa tanong na "Will You Marry Me?"

Nasilaw si Joyce sa mga nangyari at nakalimutan na siya lamang ay nagpapanggap bilang Cindy. Sa bugso ng pagmamahal para kay Angelo binigay ni Joyce ang hinihingi nitong regalong matamis na 'Oo'. Niyakap siya ni Angelo sa sobrang saya at siya'y akma na sanang hahalikan nang biglang nagdilim ang paligid sabay nang pag-alarma ng orasan na tanda na pumatak na ang hatinggabi. Natauhan si Joyce at habang abala ang lahat sa panunood ng makukulay na pailaw sinamantala niya ang pagkakataon na makaalis.

Sa kalituhan, ang tanging nasa isip na lang niyang gawin ay ang magtungo sa Room 202 para makapagpalit. Nang makabalik na sa sariling katauhan ay sinubukan niyang bumalik sa ball para sana kausapin si Angelo, ngunit nandoon na si Cindy na masayang kasayaw ng kanyang prinsipe.

Gulong-gulo si Joyce sa mga pangyayari. Sa takot na baka mapagkamalan siyang magnanakaw kung sakaling matagpuan sa kanya ang singsing, isang tao na lang ang kanyang naisip na lapitan—si King Arthur. Nakahanap siya ng pagkakaton upang ito ay kausapin at kanyang ipinaliwanag ang lahat. Siya ay naintindihan naman nito at pinaniwalaan. Isinauli ni Joyce nang maayos ang singsing at dahil si King Arthur ang mismong bumili ng singsing na iyon, nakumpirma nitong orihinal dahil sa nakaukit ditong 'M-U'. Humanga ito sa kanyang katapangan at katapatan.

Date: November 1, 2012

NANG SUMUNOD na araw, ipinatawag si Joyce ng H.R. Department para pagpaliwanagin sa biglaan niyang pagkawala habang naka-duty. Nalaman ito ni King Arthur, kaya sa halip na ang H.R. ang humatol sa paglabag ni Joyce, ito ang umako. Pinapunta nito si Joyce sa office nito para sabihin ang bago niyang trabaho na isa pa ring Housekeeper, ngunit hindi na sa hotel, kundi sa bahay na ng prinsipe bilang isang M.U. o Maid Undercover. Ang misyon ni Joyce ay alamin kung ano ang tunay na pakay ni Cindy kay Angelo at direkta siyang magrereport kay King Arthur. Gusto lang nito na masiguro na ang magiging tagapagmana ng Kingdom Hotel ay mapupunta sa tamang tao. Noon pa man kasi ay duda na si King Arthur kay Cindy kahit pa kaibigan niya ang mga magulang nito at dahil sa nangyari sa ball tila mas nabuo ang kanyang agam-agam.

Pumayag si Joyce sa alok na trabaho ni King Arthur. Una, para siyempre makasama si Angelo sa iisang bubong, at, sa kadahilanang gusto niya na siya mismo ang makaalam kung ang puso ni Angelo ay nasa mabuting kamay. Kung sakaling madiskubre niya na may hindi kanais-nais na intensiyon si Cindy sa kanyang pinakamamahal, gagawa at gagawa ng paraan si Joyce para hindi matuloy ang kasal.

Date: November 2, 2012

NGUNIT ang inaakalang langit na buhay sa puder ni Angelo ay hindi pala. Madali lang naman para kay Joyce ang trabaho, ang mahirap ay ang pakikitungo sa kanya ng kanyang bagong amo. Ibang-iba na si Angelo sa kanyang pagkakakilala. Sapat naman ang kanyang sweldo, sa katunayan sobra-sobra pa nga, ang nahihirapan lang niyang tanggapin ay ang pagpapadama nito sa kanya ng kanilang langit at lupang pagitan, kung paano siya nitong pandirihan, at pagpapamukha na siya ay wala na lang. Hindi na nito kailangang sabihin, napakatanga na lang ni Joyce kapag hindi pa niya maramdaman na wala na talaga itong nararamdaman para sa kanya at hinding-hindi na siya kaya pang mahalin nito.

Dumating sa punto na mas gusto na lang din ni Joyce na wala ito sa bahay dahil kapag nandoon si Angelo, naroon din ang pinagseselosan niyang si Cindy. Tuwing may holiday, kung papayagan, pinipili na lang ni Joyce na magbakasyon lalong lalo na sa tuwing nalalapit na ang pagsapit ng Undas na nataong kaarawan din ng mga ito. Ayaw lang din naman siyang nakikita ni Angelo at ayaw lang din naman niyang makitang masaya itong kasama si Cindy, kaya mas mabuti na lang kung siya ay dumistansya.

Sa isa nga lang kondisyon, papayag lamang si Angelo na siya'y magbakasyon kung ang kanyang bakasyon ay aabot lamang ng dalawang araw. Kung hihigit pa si Joyce doon, 'wag na niyang asamin pang pumasok sa pamamahay nito dahil sesante na siya. At ayaw rin namang mangyari iyon ni Joyce dahil kahit nagbago na ito at hindi na tulad ng dati ang pakikitungo sa kanya, kahit nasasaktan, patuloy pa rin naman niya itong minamahal. Kapalit man ay ang kanyang dangal, wala na siyang pakialam kung masabihan man siyang isang hangal, basta patuloy pa rin siyang magmamahal.

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen2U.Com