Truyen2U.Net quay lại rồi đây! Các bạn truy cập Truyen2U.Com. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Page 21

Sa takot na baka wala na namang mapala sa paghahanap ay hindi na kumontra pa ang karakter na si Joyce sa pagsama sa kanya ni Rain.

"Saan tayo mauunang maghanap?" tanong ni Rain na nakaakbay pa rin sa balikat niya.

"Ah... siguro dito na muna..." ang naitugon ng natatarantang si Joyce na hindi mapalagay dahil sa posisyon nila ni Rain.

"Dito sa mall na ito kita nakita, 'di ba?" Naalala ni Rain ang isang gabi na hindi niya inaasahang makikita niya ang kaibigan sa mall na iyon at ito'y hinimatay nang kanyang lapitan.

Tanging pagsang-ayon lang ang nasisigurong sagot sa tanong ni Rain, tumango lang si Jorge na ang katauhan ay ang katulong na si Joyce.

"Ano ang ginagawa mo rito n'on?" pag-uusisa ni Rain sa kagustuhang malaman ang sagot na hindi masabi sa kanya ni Jorge na ngayon ay masasagot na ng katauhan nitong si Joyce.

"Edi ano pa, hinahanap ko noon 'yong café nila sir."

Naging interesado sa kwento ni Joyce, inaalis ni Rain ang braso sa balikat nito para harapin ito. "May nahanap ka naman?"

"Wala," matabang na tugon ng karakter na si Joyce. "Pero gusto ko ulit maghanap dito para makasiguro... parang may hindi kasi ako napuntahan dito."

"Sige." Taliwas man sa kanyang pagtutol kanina, sumang-ayon na rin si Rain nang sa gayo'y kanya mismong malaman kung paano ang buhay ng karakter na si Joyce. "Kahit na alam kong wala naman tayong mahahanap, tutulungan pa rin kita nang mapatunayan ko na rin na totoo ang sinasabi ko. Ano nga pala ang pangalan ng hahanapin natin?"

"Mr. Salt and Ms. Pepper." Nagsimulang igala ni Jorge ang paningin sa mga kainan na malapit sa kanila.

Nang malaman ang kanilang hahanapin, naging kompiyansa si Rain sa kanyang naging pagtutol noong una. "Pero ngayon pa lang sinasabi ko na–nai-blog ko na lahat halos ng restaurant at café rito–wala akong alam na 'Mr. Salt and Ms. Pepper'."

Walang naging kibo si Jorge sa opinyon ni Rain. Naglakad lang ito na sinundan naman ni Rain.

Nilibot ng dalawa ang bawat palapag at bawat sulok ng Mall—tama si Rain na wala ngang ganoong café sa loob n'on. "Oh, ano? Sabi na sa 'yo, eh. Nakagugutom ding maghanap sa hindi naman nag-e-exist, ha. Ano? Tara kain tayo?"

"Sorry." Napayuko ang nahihiyang si Jorge sa paanyaya ni Rain. "Wala na kasi akong pera... hindi kita maililibre ng meryenda."

"Ano ako pulubi? Hindi naman ako nagpapalibre! Ang ibig kong sabihin ay magde-date tayo." Tumango-tango ang may intensiyong magpakilig na si Rain na natanaw ang isang siomai stall sa likuran ni Jorge.

"Date ka r'yan!" Naitaas ni Jorge ang ulo para ihayag ang kanyang pagtutol sa alok ni Rain. "Pagsasayang lang 'yan ng oras?"

"Pagsasayang ng oras?" Pigil na tawa ang naging reaksyon ni Rain sa naging tugon ng kausap. "'Di ba pagsasayang na rin ng oras ang paghahanap nating ito dahil binalaan na kita na wala lang tayong makikita?"

Masamang tingin ang binalik ni Jorge sa pangingihuwestiyon ni Rain.

"Bakit saan mo pa ba balak pumunta, ha?" tanong ni Rain na nangingiti na lamang sa pagmamatigas ng karakter na si Joyce.

"Hindi ko pa kasi napupuntahan ang hotel nila sir," pakli ng karakter na si Joyce.

"Ano ang pangalan ng hotel? At ano ang address?"

"Kingdom Hotel. Sa Kisad Road."

Napakuha ng kanyang cellphone si Rain para i-search ang mga hotel sa lugar na sinabi ni Jorge. Isa lang ang tumutugma sa 'Kingdom Hotel' sa mga hotel na naroon na maaaring pinagbatayan ni Jorge.

"Joyce, ang hotel bang sinasabi mo ay may korona sa logo?" tanong ni Rain na may pagkasabik sa kanyang natuklasan.

"Oo."

Ipinakita ni Rain kay Jorge ang mga larawan ng hotel na iyon para siya na mismo ang mag-kumpirma.

Ang facade ng nasa mahigit sampung palapag na building na nababalutan ng salamin, ang mga magagarbong kuwarto, ang grand stair case na pababa sa maluwang na lobby—lahat ng mga katangiang iyon ay tugmang-tugma sa Kingdom Hotel. "Itong-ito nga iyon!"

Nagkaiba nga lang ang pangalan ng hotel, at, ang cafe na nasa gilid ng grandstair case. "Kaya lang hindi 'Crown Legacy' ang pangalan at hindi rin 'Café Royale' ang café kundi 'Cinderella's Café'"

"Iyon ay dahil iyan lamang, Joyce, ang inspirasyon ni Jorge sa pagsusulat ng istorya mo kaya kung pupunta ka riyan—katulad din ng nangyari sa paghahanap natin dito at sa bahay nila mama—hindi mo mahahanap diyan ang amo mo."

"Kung ganoon ay uuwi na lamang ako sa Nueva Ecija." Nangingilid ang mga luha ni Jorge.

"Akala mo ba ang dadatnan mo roon ay ang supportive parents mo? Hindi! I-expect mo na ang aabutan mo roon ay ang mga magulang ni Jorge na maaring isa pang dahilan kung bakit nagkapira-piraso ang kanyang pagkatao."

"Bakit ano ba ang parents ni Jorge?" tanong ni Joyce na may pangamba sa sinabi ni Rain.

"Can you describe your parents first?"

"Supportive sa mga bagay na nagpapasaya sa akin," tugon ng karakter na si Joyce habang pinupunasan ang mga bahid ng luha sa magkabilang pisngi. "They trust my choices in life and they were always at my back."

"Lahat ng iyan kabaliktaran ng katangian ng sa parents ni Jorge. Alam mo ba kung bakit ko nasabi na maaaring ang parents na tinutukoy mo ay siya ring kay Jorge, ngunit magkaiba nga lang ng ugali?"

"Bakit nga ba kasi?" may tono ng pagkainis sa tinig ng karakter na si Joyce na pakiramdam ay hinuhusgahan ni Rain ang kanyang mga magulang.

"Iyon ay dahil ikaw ay hinango ni Jorge sa ate niya na kanyang iniidolo at gustong maging. At kaya ang mga parents mo ay siyempre ang ideal parents niya iyon ay dahil sa kagustuhan niyang maramdaman ang isang perpektong pamilya." Binuksan muli ni Rain ang kanyang cellphone at pinindot ang photo gallery app nito para ipakita ang mga larawan nila noong sila ay namasyal sa Strawberry farm kaninang umaga. "Heto pa ang ebidensiya na ikaw at si Jorge ay nasa iisang katawan lamang."

"A-ako ito..." nanginginig ang boses ng karakter na si Joyce na muling tumulo ang mga luha sa mga mata matapos makita ang larawan. Napatingin siya sa suot niyang damit na kagaya ng suot niya sa larawan na pink t-shirt na may print na 'I♥Baguio' at skinny jeans. At gaya rin ng nasa larawan, ganoon din ang suot ngayon ni Rain na puting t-shirt na tinernuhan ng red and black checkered long sleeved polo, at blue jeans.

"Oo, tayo 'yan. Hindi mo makakaila na ikaw talaga ang kasama ko dahil parehas kayo ng mukha, ng suot, at ng buhok. Iyon nga lang hindi mo matandaan dahil hindi ikaw ang may kontrol sa isipan niyo kanina kung hindi si Jorge."

"Kaya pala–ngayon ko lang napansin–mayroon na akong bangs at shoulder length na ang haba ng aking buhok na noong una tayong magkita ay hindi. Wala na akong dahilan para hindi maniwala dahil sa dami rin ng hindi ko na maipaliwag na nangyayari sa buhay ko."

Tila nabunutan ng tinik sa dibdib si Rain sa pagkakakumbinsi sa karakter na si Joyce. "Oh, ano sasama ka ba sa aking umuwi?"

Nagpunas muli ng luha si Joyce bago sumagot sa paanyaya ni Rain. "May iba pa ba akong choice?"

"Wala." Hinubad ni Rain ang kanyang longsleeved polo at inabot iyon kay Jorge. "Gumiginaw na ang gabi, ikaw na ang magsuot nito."

"Naku! Hindi na!" pagtanggi ni Jorge na may bahagyang ngatal na ang tinig. "Sanay na ako."

"Sige na, oh," pagpupumilit pa rin ni Rain. "Bago kasi tayo umuwi, mag-gro-grocery pa nga pala muna tayo; wala na nga pala tayong pagkain sa unit ko."

"Sige na nga." Dinampot ng hindi nakatiis na si Jorge sa ginaw ang longsleeved ni Rain.


PAGDATING SA BAHAY, habang kumakain ng cup noodles sa dining table ang giniginaw pa ring si Jorge—na ang katauhan pa rin ay ang karakter na si Joyce—sabik na inilapag ni Rain ang mga nakasalansang libro ng mga mga akda ni Jorge upang ipakilala pa ang ibang katauhan nito sa karakter na si Joyce.

"Ang dami niyan, ah?" Tila kumislap ang mga mata ni Jorge na naibaba ang hawak na cup noodles sa mesa. "At ang gaganda ng cover."

"Basahin mo ang mga title at author," utos ni Rain habang umuupo sa silya na nasa kabilang panig ng mesa. "Ikwekwento ko sa 'yo ang mga bida niyan na kagaya mo ring katauhan ng kaibigan kong si Jorge nang sa gayon ay may ideya ka sa kanila."

"Ibig sabihin... madami kami?"

"Oo, hindi lang ikaw ang alter personality sa pagkakaroon ng multiple personality/dissociative identity disorder ni Jorge. Ang mga istoryang kanyang naisulat kasi ang nagsilbing lagusan para matakasan niya ang reyalidad. Pinaggugulan niya ng panahon para bigyang buhay kayo nang sa gayon ay makaramdam din siya ng saya na hindi maibibigay ng tunay na buhay sa kanya. Kayo ang naging buhay niya sa loob ng ilang taon. Ngayon, kayo ay nabuhay sa pamamagitan ng kanyang isip at katauhan. Lagi mong tatandaan na lahat kayo ay mahalagang parte ng kanyang buhay dahil kayo ay siya na rin."

"Pangako, lagi ko 'yang tatandaan." May pagkamangga na mababasa sa mukha ni Jorge habang dinadampot ang nakaibabaw na libro sa salansan at binasa ang pamagat at may akda nito: "'When Princess Pig Meets the Prince of the Prawn'–LakambiningManunulat?"

"Iyan ang prequel nitong 'Ang Lechon at ang Hipon' na, of course, isinulat din ni LakambiningManunulat." Itinuro ni Rain ang kasunod na libro na may nakaguhit naman na litson at hipon sa pabalat. "Ang bida niyan ay si Patricia na isang Pastry Chef na naging beauty queen."

"Pastry Chef? Just like—," sabat ni Jorge na tila may naalala, ngunit napasimangot dahil mukhang hindi maganda ang kanyang naalala. "Never mind. Sabihin mo na lang kung bakit ganoon ang title niyan?"

"Mataba kasi si Patricia kaya siya ang tinutukoy na 'Princess Pig' sa book 1, then, pumayat siya sa book 2 kaya naging 'lechon' na. Habang si Sofronio naman na siyang tinutukoy na 'hipon', alam mo na, maganda ang pangangatawan ngunit hindi kagwapuhan kaya parang hipon na nababaliwala ang ulo. May pagka-romcom ito kaya ganoon."

"Ah, okay, getsung." Nakangiti nang muli ang natatawang si Jorge sa eksplenasyon ni Rain habang nilalapag sa mesa ang mga natapos nang nabanggit na mga libro saka dinampot ang susunod na libro sa salansan. "Maitutuloy ko na ang pagbabasa, dito na ako sa 'Maging Tsino Ka Man' na another witty title na isinulat ulit ni LakambiningManunulat."

"Iyan naman ang kwento ni Lily Sy na anak ng Chinese businessman na nang malugi ang kanilang negosyo ay ipinagkasundong ipakasal sa anak ng kasosyo ng kanyang ama. Kaya 'Maging Tsino Ka Man' ang title 'yon ay dahil nga sa Chinese siya ipapakasal na ayaw niyang mangyari, pero sa huli iyon lang din pala ang lalaking nagtakas sa kanya mula sa arrange marriage na iyon. "

"Parang ang ganda ng istorya nito." Ipinatong ni Jorge ang hawak na libro sa mga kasama nito na kanya nang nabasa, pagkatapos ay dumampot muli nang isa sa salansanan. "Blessing in Disguise—LakambiningManunulat."

"Heto na ang salarin sa hairstyle mo—si Blest Janson. Siya ay anak ng pangalawa sa pinakamayamang mamayan ng bansa na may-ari ng isa sa pinakamalaking development company. Nang nauungusan na ng katunggaling kompanya, naisipan ni Blest magpanggap bilang isang aplikante sa kompanya ng kanilang kakompitensiya para mag-espiya. Kaya niya ginupit ang buhok niya para mag-disguise. Ang hindi alam ni Blest ay alam ng COO na si Jab ang kanyang plano kaya si Blest ang siya palang kumagat sa patibong. Ang nangyari ay kinalimutan nila ang kanilang hidwaan dahil na-in-love na sa isa't isa at nagawang pag-isahan ang dalawang magkalabang kompanya."

"Ang tagal-tagal kong pinahaba ang buhok ko, grabe siya! Diyan ka na nga Blest Janson, ang sakit mo sa bangs!" Padamog na ipinatong ni Jorge ang libro ng 'Blessing in Disguise' sa mga librong kanya nang tapos basahin at pagkatapos ay kumuha na naman siya ng isa pang libro at iyon ay ang: "'Hanni and Ber.'"

"Iyan naman ay patungkol sa buhay mag-asawa ng nutritionist at basketball player. Nagkaroon ng injury ang kabiyak ni Bernadette na si Hannibal kaya huminto nang pansamantala sa paglalaro habang nagpapagaling, kaya si misis ang nagtratrabaho, si mister ang naging taong-bahay."

"Next is..." kinuha ni Jorge ang susunod na libro. "Ang cute ng title nito ah: 'Why Doug Hates Kat?'—LakambiningManunulat""

"Kasi love niya si Kat. Si Dr. Katrina Domingo ay isang beterinaryo na byuda ng isang sundalo. Nagkakilala sila ni Douglas Quijano sa isang organization na nag-re-rescue sa mga inabandonang hayop. Hayon doon na-develop ang feelings ni Doug sa Doktora."

"At ang huli... 'Zelena?'—LakambiningManunulat."

"Iyan ang kaisa-isahang fantasy book ni Jorge. Si Zelena ay isang anggitay na nakulong ng isang siglo sa isang kweba dahil isinumpa siya ng isang tribo matapos mapahamak ang kanyang minahal na mortal ng dahil sa kanilang pag-iibigan."

"Ano pala ang isang anggitay?" tanong ni Jorge.

"Isa iyong mythical creature na kalahating dalaga, tapos ang kalahati ay sa kabayo. Centuride in English. At para sa akin siya ang pinakamahirap harapin sa inyo."

"So ibig sabihin nagiging ganoon din si Jorge?"

"No," tanggi ni Rain na natatawa sa tanong ng karakter na si Joyce. "Hindi porque may Multiple Personality Disorder ang isang tao ay magiging ganoon na rin siya physically sa mga alters niya, but the way he/she act and think, they believe that they are actually them. That's why it was consider as 'Psychological Disorder' and not also a 'Physical disorder'."

"Ah, okay." Nangiti ang personang si Joyce sa kanyang naisip.

"May isa pa nga pa lang wala rito, ang 'Love at First Shot' na nasa Writepad pa lang na kasalakuyang on-going story ng username na si @LakambiningManunulat na siya ngang si Jorge. Hinihintay pa kasi 'yon ng publisher na matapos, titingnan daw muna nila kung satisfying ang ending at kung kakagatin nga ng mga mambabasa. Ang kwento naman n'on ay tungkol sa popstar na si Genevive at ng paparazzi na si John Lester. Sa halip na makahuli ng 'scandal' si John Lester sa binubuntutang si Genevive ay silang dalawa ang naging top trending topic sa showbiz matapos malasing silang pareho at may mangyari sa kanilang milagro sa kama."

"At saka, Rain, kung isa rin akong karakter sa sinulat ni Jorge, nasaan ang libro ng sa akin?"

"Sad to say na hindi iyon napublish. Hindi kasi 'yon natapos ni Jorge dahil sa pagkamatay ng ate niya tapos si Angelo naman—in real life ha, hindi ito ang amo mo—ay hindi pa niya nakikita for ten years na, kaya hayon wala siyang inspirasyon na ipagpatuloy ang kwento mo na Mutual Understanding Series. Ayon kay Jorge, ang kwento niyo raw na iyon ang kauna-unahang istoryang kanyang naisulat. Dahil hindi pa uso ang Writepad noong High School siya, kaya sa kanyang notebook lang niya iyon naisulat—ang kanyang naging passtime sa tuwing wala siyang ginagawa."

Habang pinakikingkan ang paliwanag ni Rain, tumindig ang mga balahibo ni Jorge. "Filipino notebook din ba 'yon?"

"Sabi niya. And ayon pa sa kwento niya: tulad niya ginawa mo raw iyong diary sa kwento tapos nabasa iyon ng first love mong si Angelo—na ngayon ay amo na nga—nang aksidente niya iyong mahiram para reviewer sa exam sana."

Nanlaki ang mga mata ni Jorge sa mga rebelasyon ni Rain. "Kung sinabi mo sa akin 'yan noong una pa lang edi sana naniwala ako sa 'yo agad."

"Eh, paano nga ang hirap kuhanin ng tiwala mo!" Napairap ang napangiti rin namang si Rain.

"Siyempre naman 'no! Lalo na sa panahon ngayon. Rain, saan pala ako matutulog?"

'Hay heto naman ako sa pagpapaliwanag,' Bulong ni Rain sa sarili niya. "Ikaw na sa kwarto, dito ako sa gawi na ito."

May hiyang dumating sa konsensiya ng karakter na si Joyce kaya napaisip din siya ng isang suhestiyon. "Ay alam ko na! Ikaw na lang doon tapos ako na lang dito."

"Hindi ako papayag!" pagkontra ni Rain na nakaramdam din ng hiya. "Bisita kita, you should be treated that way. Ako pa nga ang nahihiya kasi ganito lang ang kaharian ko na walang-wala sa Kingdom Hotel."

"Hindi man ito kasing laki ng mga kwarto ng Kindom Hotel o ng bahay ng amo kong 'prinsipe,' at least, dito itinuring mo ako na parang isang prinsesa... at hindi muchacha."

Nakapagbigay ng ideya kay Rain ang sinabing iyon ng karakter na si Joyce kung paano niya makukuha ang puso nito—iyon ay ipakita na mas kamahal-mahal siya sa minahal nitong si Angelo. "Edi good night na to you... princess."

"Hoy! Char-char lang 'yong 'princess' na iyon!" paglilinaw ni Jorge na nangingiti. "Sige na goodnight na nga. Doon na ako matutulog, ha? Sabi mo 'yan."

"At least princess pa rin no matter what. Don't forget to dream sweetly as you are, princess."

"Bolero! 'Wag kang mag-alala." Tumayo na si Jorge mula sa pagkakaupo, bitbit ang pinagkainan niya ng cup noodles. "Gagawin ko."

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen2U.Com