Truyen2U.Net quay lại rồi đây! Các bạn truy cập Truyen2U.Com. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Page 22

Date: November 6, 2019

"Pangako hindi kita iiwan!" Nagising si Rain sa umaalingawngaw na sintonadong birit ni Jorge sa banyo.

Bumangon siya mula sa pagkakahiga sa mattress na kanyang inilatag sa may dining area kagabi. Pagkatayo ay nakita niya na may pinirito nang hotdog at sinangag sa ibabaw ng mesa. "Jorge?"

"Pangako hindi ko pababayaan..."

Pinuntahan niya ang banyo para tignan ang kaibigan doon. Inabutan niya si Jorge na nilalaban ang kanilang mga damit sa lababo. "Hoy! Ano 'yang ginagawa mo?"

"Ah... eh... heto naglalaba," tugon nito na bahagyang nagulantang at napatigil sa pagkusot ng kanyang maong.

"Ano ka ba?" Napakamot ng ulo si Rain na hindi malaman kung maaawa ba o matatawa sa ginagawa ng kaibigan. "May laundry shop naman sa baba."

"Eh, hayaan mo na. Wala naman akong magawa, eh."

"Hindi ka ba mag-a-update ngayon?"

"Update?" salubong ang kilay na humarap sa kanya si Jorge na may pagtataka sa mukha. "Para saan?"

Nakalimutan ni Rain na maaaring ang katauhan ng kaibigang kanyang kinakausap ay ang karakter na si Joyce. "Sorry akala ko kasi ikaw na si Jorge."

"Hindi." Napangiti ito sa dahilan ni Rain. "Si Joyce ako."

"Kung wala kang magawa rito, Joyce, gusto mo bang mamasyal ngayon?" Madaling araw na nang makatulugan ni Rain ang pag-iisip ng maaari niyang gawin upang maibigay sa karakter na si Joyce ang posible nitong maging 'happy ending' o ang 'satisfaction' nito gaya ng ginawa niya sa mga iba pang katauhan ng kaibigan. At ngayong wala itong magagawa sa araw na iyon, nakikita ni Rain na maganda na iyong pagkakataon para gawin ang kanyang nabuong plano.

"Naku, hindi na siguro. Ako nga itong wala nang pera rito."

"Sige na, gastos ko at 'wag kang mahihiya dahil nangako si Jorge na babayaran niya ang mga magagastos ko sa kanya—sa inyo," pangungumbinsi ni Rain na pursigidong matupad ang kanyang balak dahil kung hindi niya ito makukumbinsi na mamasyal ay hindi na niya alam kung ano na ang gagawin. "Samantalahin mo nang makapag-relax habang ikaw pa ang may hawak ng isip niyo."

"Saan naman ba tayo kasi mamasyal?" May riin sa pagtatanong ni Jorge habang pinipilipitan ang maong.

"Kung saan mo gusto?" Ang layon ni Rain ay ang mapasaya ang karakter na si Joyce nang sa gayon ay maramdaman nito na mas masarap siyang kasama kaysa sa amo nitong si Angelo at kapag ganoon nga ang nangyari, nakikita niya na matatahimik na rin ito kagaya ng iba pang mga katauhan ng kanyang kaibigan. "O kung saan ka pa hindi nakapupunta rito sa Baguio; pupuntahan natin."

"Hmmm..." Napatigil sa pagkusot ng panibagong damit ang napaisip na si Jorge. "Sa totoo lang gustong-gusto kong malapitan 'yong ulo ng leon doon sa may Kennon Road. Kapag papasok kasi rito, nahihiya akong magpahinto doon sa UV Express. Wala pa kasi akong nakasabay na papunta rin dito na nagpahinto roon kaya ang awkward."

"Okay, doon tayo pupunta mamaya. Itigil mo na 'yan. Bisita ka rito, eh. Magpapa-laundry na lang tayo mamaya."

"Matatapos na ako. Kumain ka na riyan."

"Ikaw ba? Kumain ka na ba?"

"Mauna ka na. Tatapusin ko lang 'to. Babanlawan ko na lang ito eh. Susunod na ako."

"Ang kulit! Magpapa-laundry na nga lang tayo mamaya! Doon na lang natin pabanlawan. Halika na. 'Wag mo nang tapusin 'yan. Samahan mo na akong kumain."

"Ha? Eh...sige na nga." Ipinatong ni Jorge ang damit na kinusot sa gilid ng lababo kasama ng mga damit na nakusot na rin niya, saka hinugasan ang kamay at sumama na kay Rain sa may dining area para kumain.

"Ano pa ang hindi mo napupuntahang tourist spots dito sa Baguio?" tanong ni Rain habang inililigpit ang mattress na kanyang hinigan at bago makasagot ang tinanong na kaibigan, mabilis niya iyong nadala sa kanyang kwarto at saka bumalik sa dining area.

"Siguro ang dapat mong itanong ay kung ano ang napuntahan ko nang tourist spot dito sa Baguio." Tugon ni Jorge habang umuupo sa silya. "Para mas madaling sagutin kasi isa lang naman ang napuntahan ko ditong tourist spotMines View Park lang."

"Ano ba naman 'yan?! Para kang hindi nakatira dito!" Umupo na rin si Rain saka nilagyan ng kanin at ulam ang plato ng kaibigan. "Hindi ka ba namamasyal sa day-offs mo?"

"Eh baka kasi malaman ni Sir, mapagalitan pa ako kapag nalooban ng akyat-bahay ang bahay niya kapag wala ako doon," katwiran ni Jorge habang tinutusok ng tinidor ang hotdog.

Medyo nakokonsensiya si Rain sa plano niyang pagpapasaya sa karakter na si Joyce ng may minimithing kapalit matapos mangyari iyon. Pero iyon din naman ay para rin sa kapakanan ni Jorge na marami nang mga mambabasa na naghahanap sa update ng istorya nito sa Writepad. "At dahil nandito ka ngayon sa tunay na mundo na aming ginagalawan at wala sa istorya mong kinabibilangan, wala kang dapat ikabahala. Mag-enjoy ka lang, papasyalan natin lahat ng gusto mong puntahan."

Napangiti ang susubo ng hotdog na si Jorge na makikitaan ng pagkasabik.

NANG MATAPOS KUMAIN ang dalawa ay dinala nila muna ang mga nilabhang damit ni Jorge sa laundry shop para ipa-drier saka sila gumayak para mamasyal.

Inuna na nilang puntahan ang pangarap na mapuntahan ng karakter na si Joyce— ang Lion's Head sa may Kennon Road na bubungad sa pagpasok ng siyudad. Nagpa-picture sila roon pagkatapos ay muling pumasok ng siyudad para pasyalan ang mga parte ng Burnham Park na hindi pa nila napuntahan ni Jorge—Igorot Park, Ibaloy Park, Rose Garden, Japanese Peace Tower, Orchidarium, Picnic Groves at Pine Trees of the World. Tumanggi ang karakter na si Joyce na sumakay sa bangka sa Burnham Lake dahil sa takot na baka mahulog sa tubig–isang bagay na pinagkaiba nito kay Jorge.

Kinagabihan ay nag-food trip sila sa Baguio City Night Market hanggang hating gabi.

Date: November 17, 2019

SA PAGPAPATULOY ng planong pagpapasaya sa karakter na si Joyce ay namasyal ulit silang dalawa ni Rain—sa pagkakataong iyon ay sa Camp John Hay naman sila nagpunta.

Nagsimula ang kanilang paglalakwatsa sa mahigit isang oras na paglalakad sa tinatawag na Yellow trail na tila gubat ng mga pine trees. Napagtanto ni Rain nang nasa kalagitnaan na sila na maaari iyong maging trigger sa paghalili ng karakter na si Zelena sa katauhan ni Jorge, pero nakahinga na siya ng maluwag—kahit hingal sa paglalakad—nang malampasan nila ang Yellow Trail ng hindi iyon nangyari. Marahil ay nananahimik na talaga ang karakter na si Zelena o dahil rin sa kaaya-ayang paligid doon na nakakaalis ng stress sa nabitin pang si Joyce na gusto pang ulitin ang paglalakad doon kung maaari.

Pagdating sa Tree Top Adventure Park ay nag-Canopy ride naman ang dalawaito lang kasi ang kayang subukan ng karakter na si Joyce sa mga aktibidad na inaalok ng Tree Top Adventure Park na sa tingin niya ay mag-e-enjoy siya. Ang kailangan lang namang gawin ay sumakay sa cable car na nakasabit sa mga kableng mataas sa mga puno habang umuusad iyon papunta sa kabilang istasyon.

Pagkatapos ng pagpapa-picture sa mga paruparo sa Butterfly Santuary ay nag-picnic ang dalawa sa Picnic Point pagsapit ng tanghali. Bukod sa pagkain ng mga sitsirya, inubos nila ang dalawang oras na renta ng picnic table sa pag-se-selfie para samantalahin na lang din ang magandang tanawin doon.

Sunod, ay nag-tour ang dalawa sa Bell House na siyang sentro ng Historical Core ng Camp John Hay. Hindi kumpleto ang kanilang paglibot sa Camp John Hay kung hindi nila iyon napuntahan. Sa gilid n'on ay ang nakamamanghang Bell Ampitheater na isang maliit na Hagdan-hagdang Palayan ang itsura na napapaligiran ng mga bulalak at nababalutan ng manipis na damo ang anim nitong palapag na pababa sa isang gazebo na nasa gitna. Kadalasan ay ginagamit iyon na venue sa mga kasal, o prenup pictorial pa lamang, kaya ang may kapilyuhang si Rain nang nandoon na sila sa gazebo ay naisapang lumuhod sa harapan ni Jorge at nagkunya-kunyariang nag-propose hawak ang singsing na gawa lamang sa damo.

"Joyce, will you marry me?"

"Ye-yes?" Pabirong sagot din ng kunyari ay nandidiri namang si Jorge.

"Yes?" Nagningning ang mga mata ng masayang si Rain na napatayo para yakapin si Jorge dahil akala niya ay nagtagumpay na siya sa kanyang planong pagkuha ng damdamin ng kasalukuyang katauhan nito na si Joyce. "Yes!"

"Ah... eh... Rain?"

"May I now kiss my fiancée?" Bumitaw sa pagkakayakap si Rain na akma nang hahalikan si Jorge nang takpan nito ang bibig.

"Ehem!" Lumayo ng bahagya si Jorge kaya nabitawan ni Rain ang kanyang mga pisngi. "Rain, joke-joke lang naman 'yon, masyado ka naman yatang nadala?"

Tinanggal ni Rain ang pagkakatakip ng kamay ni Jorge sa kanyang bibig. "Nagsalita ang hindi nagpapadala sa gan'on? Akala mo hindi ko alam ang nangyari sa Royal Ball?"

Napalunok na lamang ng laway ang natahimik na si Jorge sa sinabi ni Rain.

"At least ang proposal ko ay para sa iyo talaga hindi kagaya ng kay Angelo na ang alam ay ikaw 'yong Cindy kaya ka hinalikan."

"Oo na!" Tumalikod ang napahiyang si Joyce na napahalukipkip ng mga kamay. "Pinaalala pa!"

"Tara na nga lang sa Lost Cemetery," pagyayaya ng umakbay na si Rain sa kasama para akayin ito palabas ng gazebo. "Doon na lang tayo mag-date."

"Sa sementeryo?"

"Oo, 'di ba sa sementeryo din kayo nagde-date ng cheap na si Angelo?"

"Eh, paano nga natapat ang birthday niya ng linisan ng sementeryo." paliwanag ng karakter na si Joyce na napairap sa pintaserong si Rain habang humahakbang na sila sa hagdanan pataas palabas ng Ampitheater.

"Gayahin natin ang style niya na medyo i-le-level up natin para hindi cheap dahil sa date natin ngayon hindi mga patay na tao ang makakasama natin."

"Eh, ano?" Napakunot ng noo ang may tanong na si Jorge na walang kaide-ideya sa kanilang pupuntahan.

"Hay, mga sama ng loob!" May tono ng pagkadismaya sa boses ni Rain.

"Ha?"

"Parang hindi ka talaga nakatira rito, hano?" Napakamot ng ulo ang humakbang nang si Rain sa may gilid na ng kalsada. "Lost Cemetery of Negativism lang hindi ka pamilyar. For sure may matutunan ka roon kaya buti na lang naisipan ko talagang puntahan natin iyon."

Tumawid sa kabilang panig ng kalsada ang magkaibigan at patuloy na naglakad pa ng ilang hakbang papunta sa katapat ng Bell House na Lost Cemetery of Negativism.

Pagdating nila roon, bumungad sa kanila sa entrantrada ang isang mensahe mula sa Camp John Hay na nagsasabing:

'Negativism is man's greatest self imposed infliction, his most limiting factor, his heaviest burden.

'No more for here is buried the world's negativism for all time. Those who rest here have died not in vain – but for you a stern reminder—as you leave this hill remember that the rest of your life. Be More Positive.

'Have a good day!—Treat this day as your last—though its the first of the rest...'

"Oh, Joyce, 'wag daw nega! Isipin mo na lang daw na ang araw na ito ay ang huli na, kaya 'wag nang laging nag-aalinlangan sa mga bagay na masayang gawin para wala kang pagsisisihan."

"Weh? Hindi nga?" pamimilosopo ng karakter na si Joyce sa tila pangangaral ni Rain sa kanya. "Hindi pa ba tayo papasok? Ano ba kasi ang mga nakalibing dito?"

"Let's see." Hinawakan ni Rain ang kamay ng kasama at hinila ito papasok.

Una nilang nilapitan ang maliit na puntod na may istawang aso at may nakaukit na pangalang 'WHY DIDENT I?'

Binasa ni Jorge ang iba pang nakasulat sa puntod nito: "Lived wondering why. Died for no reason?"

"Para sa 'yo 'yan Joyce na hindi pinili." Ang unang pumasok talaga sa isipan ng natatawang si Rain nang mabasa niya ang nakasulat sa puntod ay ang karakter na si Joyce na nagpagala-gala sa Baguio sa paghahanap sa amo nitong si Angelo. At sa pang-aabuso nitong ginawa sa katawan nila ni Jorge, ay hinimatay ito na para kay Rain ay ng dahil sa walang kabuluhang dahilan. Umaasa siya na magising na sa katotohanan, hindi lamang ang karakter na si Joyce, kundi pati ang kaibigan niyang si Jorge na patuloy pa rin nagmamahal at umaasa sa taong malabong magkagusto sa kanya—sa kanila.

"Sa 'yo rin kaya!" depensa naman ng karakter na si Joyce na ibinalik kay Rain ang kanyang komento.

"Bakit ako?" Napaturo sa sarili ang nagtakang si Rain.

"Bakit tinanggap ko ba ang kalokohang proposal mo kanina?"

"Oh, edi ako na rin... kaya nga inililibing ko na—natin—dito ngayon kasi matatapos na ang iyong paghabol mo kay Angelo dahil nandito na ako na magpapa-fall sa puso mo." Kinindatan pa ng singkit na mata ni Rain si Jorge na hindi na maipinta ang mukha dahil sa kanyang sinabi.

Natagpuan naman ng mga mata ni Jorge ang puntod na may pangalang 'etz not possible' na naisip niyang magandang pangganti kay Rain. "Heto na ang sagot ko sa pagpapa-fall mo na 'yan—'etz not possible'."

"It was conceived on November 11, 1905, pero hindi siya napisa oh kaya hindi siya sa atin makakahadlang." Tumaas-taas pa ang kilay ni Rain na masayang nalusutan ang pambabato ni Jorge ng sagot.

Hindi na naghanap pa ng maigaganting mga linya ang dalawa sa isa't isa sa halip ay binasa na lamang nila nang sabay ang mga iba pang nakauukit sa mga puntod at sabay ring tinawanan ang mga iyon na sadya talagang ginawa para makapagpasaya at siyempre makapagbigay ng aral sa nakakaaliw na paraan.

Bago lumabas ng simenteryo ang dalawa ay may itinanong muna si Rain sa kasama. "Joyce kung may idadagdag ka sa mga ito ano ang isusulat mo sa puntod?"

"Actually na-inspired nga ako sa wittiness nila, kaya may gusto nga rin akong idagdag, it's name was 'Pers Lab.' Born on: First Sight and it will never die."

"Ang witty n'on, ah! Up here?" Napataas si Rain ng kaliwang kamay na tinapik naman ng kanan ni Jorge. Nahiya si Rain na ibahagi pa ang kanyang naisip na ideya kaya nangako na lamang ng premyo sa kaibigan—na hiniling niya na sana ay makapag-move on na talaga sa first love nito. "At dahil diyan ililibre kita ng hot chocolate."

"Wow! Talaga?" Napalakpak at bahagyang napatalon pa ang nasabik na si Jorge na tila may bituin sa mga mata. "Paborito ko 'yon, eh!"

Napangisi si Rain na tila nakakuha ng 'pogi points' mula sa karakter na si Joyce. "Kung gan'on, let's go!"

At para sa huling aktibidad ng dalawa sa Camp John Hay, uminom ng hot chocolate at kumain ng champorado sa Choco-late de Batirol habang dinadama ang mas lumalamig pang klima at pinapanood na maglaho ang araw sa likod ng mga nagtataasang mga Pine trees.

Date: November 8, 2019

SI JOYCE pa rin si Jorge.

Ang destinasyon naman nila para sa araw na iyon ay ang Botanical Garden na kung saan ay nagsuot sila ng tradisyonal na mga kasuotan ng Igorot para sa picture taking, at tila nag-world tour sa mga Friendship Gardens na may mga tema ng mga bansang China, Japan, Korea, Thailand at USA. At sumuot at natakot sa may kakiputang underground Japanese tunnel na ang napili nilang exit ay ang papunta sa susunod nilang destinasyon na 'The Mansion'—iyon ay dahil sa pagtanggi ng karakter na si Joyce na natakot sa horseback riding sa Wright Park kung ang pipiliin nila ay ang exit na papunta sa Barangay Pacdal.

Nagpatuloy ang takutan hanggang sa 'haunted' na Diplomat Hotel bago maghapunan sa Ketchup Foodhub. Bago umuwi sa condo ay sinubukan muna nila ang mga rides ng Sky Ranch na kung saan tila nag-horseback riding na rin sa carousel ang karakter na si Joyce habang sa Ferris Wheel naman ay natanaw nila ang kabuuan ng siyudad ng Baguio sa gabi.

Date: November 9, 2019

Wala pa ring nagbabago—si Joyce pa rin si Jorge—kaya tuloy pa rin ang plano ni Rain. Ngayong araw ay natipuhan nilang mamitas ng strawberry sa Strawberry Farm at pumunta na rin sa Bell Church na kung saan ikinasal ang mga karakter na sina Luigi at Lily ng akda ni Jorge na 'Maging Tsino Ka Man.' Naisip ni Rain na baka maging trigger ang pagbisita nila roon para magpalit ng katauhan ang kaibigan na maaaring maging si Lily naman, ngunit nanatiling si Joyce pa rin ito.

Nang sumapit ang tanghali ay bumalik na ulit sila sa Baguio para roon na magtanghalian at pagkatapos ay nagpalipas ng oras sa Baguio Museum at sa Museo Kordilyera na gustong-gusto ng karakter na si Joyce dahil sa kinamamanghaang mga likhang sining na naroon na nagpapakita ng Kultura ng Kordilyera.

Nang gumabi ay natuksong uminom ng alak si Rain ng mga makukulay na mga ilaw ng mga Night Club at Bar sa Session Road.

"Joyce, umiinom ka ba?" pagbabasakaling tanong ni Rain na matagal nang walang nakakainuman.

"Ng ano? Ng tubig? Oo."

"Hindi." May tono ng pagkairita sa tinig ni Rain sa pamimilosopo ng kanyang inalok. "Siyempre ng alak."

"Hindi, eh."

"Gusto mo inom tayo ngayon? Hindi ko kasi maaya si Jorge, kaya baka sakaling ikaw gusto mo?"

"Well, nasubukan ko nang uminom sa panaginip at hindi ko nagustuhan ang lasa n'on."

Tumaas ang mga tainga ni Rain sa sinabi ng karakter na si Joyce—kakaiba iyon sa kanyang pandinig. "Paanong panaginip?"

"Medyo weird nga iyong panaginip na iyon kasi parang totoo. Napunta raw ako sa isang mall sa Maynila na may hawak daw akong alak at cake dahil ang araw daw na iyon ay ang Birthday ni Angelo, kaya, hayon sa kagustuhan kong mai-celebrate iyon kasama siya sa sementeryo ng aming Barangay sa Nueva Ecija ay nagmadali akong umuwi. Iyon nga lang medyo ginabi ako nang nagkamali-mali ako ng nasakyang bus. Pagdating ko roon ay alas sais na kaya hindi ko na inabutan si Angelo at sa takot ko na makita nila Mama ang mga dala ko kapag hinanap na nila ako ay pinilit ko raw ubusin ang cake since wala nang ibang taong nandoon sa sementeryo para humati sa akin. Hayon sa kakamadali kong ubusin iyon ay nabulunan ako kaya napilitan akong lumagok ng alak."

Sa wakas ay nalaman na rin ni Rain ang isa pang sagot sa tanong na hindi masagot-sagot ni Jorge kung bakit siya napunta sa Nueva Ecija mula sa Mall sa Taguig matapos siyang bumili ng alak at cake doon. "Joyce, hindi iyon panaginip, totoo 'yong nangyari.! Iyon ang isa pang pagkakataong humalili ka sa pagkatao ni Jorge nito lang nakaraang undas."

"Ha? Totoo ba?" Napanganga ang namanghang si Joyce. "Kaya pala ganoon na lamang ang pakiramdam ko noon. Eh bakit? Alam mo ba kung paano—bakit ito nangyayari sa amin?"

"Hindi ako sigurado kung tama nga ang aking hinala. Ayon kasi kay Jorge noong araw na iyon niya nalaman na magkakaroon daw ng Alumni Homecoming ang kanilang iskwelahan sa Disyembre na nararamdaman niyang oportunidad upang makita niya ang sampung taon na niyang hindi nakita na si Angelo sa totoong buhay. Siguro sa sobra niyang excitement na mag-celebrate kaya hayon naging ikaw siya dahil siguro naalala niya rin kung paano niyong ipinagdiriwang nang magkasama kayo ng Angelo mo naman sa sementeryo ang birthday n'on. Bukod sa pagkakaroon ng mga iba pang katauhan ay mayroon din kasi si Jorge ng isang Psychological Condition na tinatawag na Maladaptive Daydreaming na kung saan maaaring mayroon isang bagay o pangyayari na magpapaalala sa kanya ng isang alaala o istorya na gusto niyang mamuhay sa mga iyon at dahil mas masaya siya sa mga iyon kaya nakakalimutan niya ang reyalidad na kung saan siya namumuhay. Iyon ang hinala kong nangyayari kay Jorge bago maging kayo siya at kung bakit kayo nagiging siya."

"Maaari nga." Sa kawalan ng maikokomento ay sumang-ayon na lang ang karakter na si Joyce sa paliwanang ni Rain.

"Joyce saan mo na lang gustong kumain." Dahil sa hindi pa natatapos ang pakay ni Rain sa karakter na si Joyce ay hindi na niya ito inalok pa na uminom—natatakot siya na baka magbago na naman ang katauhan ni Jorge na maaaring ang karakter naman na si Genevive ng 'Love at First Shots' ang pumalit kung sakaling painumin niya siya ng alak at mahirapan na siyang mapabalik pa ang karakter na si Joyce.

"Parang gusto ko ng... pwede ba ang Korean street foods? May alam akong malapit na tindahan ng mga iyon dito and promise mura lang siya pero sobrang sarap. Iyon nga lang sana nag-eexist din baka kasi alam mo na... kathang-isip na naman pala."

"Tara tignan natin."

Date: November 10, 2019

IKA-LIMANG ARAW na si Jorge ay si Joyce. Kahit na gusto pa niyang manatili ang karakter na iyon kay Jorge dahil sa plano niyang pagpapaibig dito, hindi pa ring maiwasang mag-alala ni Rain sa tuwing naalala niya na kailangan na talagang i-update ng kaibigan ang istoryang isinusulat nito sa Writepad. Hindi man siya magtagumpay sa kanyang plano na mabigyan rin ng 'happy ending' ang martir kung magmahal na si Joyce, hangad na lang niya na makabalik na si Jorge. At dahil doon naisipan niya na pumunta sila ngayong araw sa Mt. Cloud Bookshop na nakikita niya na maaaring maging trigger upang makabalik ang kaibigan.

Pagdating nila roon ay may itinanong muna si Jorge kay Rain pagkababa nila ng taxi. "Rain, tama ba ako? Isa ka ring writer, 'di ba?"

"Ah, oo," sagot ni Rain habang pumapasok na sila sa tarangkahang gawa sa kahoy ng bookshop. "Bakit?"

"Edi mayroon ka ring libro?" muling tanong ni Jorge na nanatili lamang nakatayo habang nakatingin sa bookshop na mapagkakamalang isang bahay na mayroong hardin na napapalamutian ng mga puno't halaman sa harapan, kung hindi lang sa logo nito na nagsasaad ng pangalan ng establisimyénto na nakalagay sa gitna ng pendimento.

Para naman kay Rain ang bookshop na iyon ay hindi lamang establisimyénto kundi isang tahanan na kumalinga sa mga akda ng mga lokal na manunulat gaya niya. "Tara sa loob nang makita mo."

Habang naglalakad papuntang balkonahe ng bookshop, pumukaw ng atensiyon ni Jorge ang kabayo na kumakain ng damo sa hardin. "Rain, talaga bang may kabayo roon? O naligaw lang?"

"Siya si..." Napalunok ng laway si Rain na nahihiyang magpatuloy. "Siya si Rain Cloud—ang mascot nila rito."

Ibig matawa ng napabulaslas na si Jorge. "Ay magka—"

"Oo na." Hindi hinayaan ni Rain na tapusin ni Jorge ang gusto nitong sabihin, kaagad na niyang inamin, dahil pakiramdam niya ay mas lalo lang siyang mapapahiya at katawa-tawa kapag sa bibig pa ni Jorge iyon nanggaling. "Magkatukayo kami. Ako naman daw si Rain Bow. At least ako friendly, eh siya? Naku, hindi! Mas masaya 'di bang kasama ang Rain Bow kaysa Rain Cloud?"

"Well...hmmm..."

"Meron pa silang isa pang mascot na you will surely love. Ready to meet him?" Binuksan ni Rain ang pinto ng bookshop at sumalubong sa kanila ang asong kulay itim. "He is Jorge—I mean Indie."

Tila nag-aabang na magpahawak ang asong maamo, hindi natiis ni Jorge si Indie na kanya namang hinimas sa ulo. "Ang sweet! Ano breed nito?"

"Half-Labrador, half-Belgian Malinois." Hinimas naman ni Rain ang likuran ng aso saka nagpaalam na rito. "Indie, mag-iikot na kami, ha. Bye na muna. You're such a good boy by the way."

"Bye, Indie." Nagpaalam din si Jorge na tumuwid na nang tindig para sundan na si Rain. "Rain nasaan na 'yong libro mo?"

"Teka narito lang iyon, eh." Naghanap si Rain sa mga makukulay na libro na nakaayos sa mga nagkikintabang mga istanteng gawa sa kahoy. Hanggang matapatan niya ang istanteng malapit sa bintana at doon ay nakita niya ang kanyang hinahanap—ang kulay pula at itim na librong may pamagat na 'Love on Tough'. Kinuha niya iyon mula sa pagkakaipit sa mga kapwa libro nito na nasa istante at kanyang ipinakita kaagad kay Jorge. "Heto na siya."

Kinuha ni Jorge iyon para basahin ang pamagat at ang nakaprintang sagisag ng sumulat. "'Love on Tough'. Bullalayaw? Bakit 'Bullalayaw'?"

"Iyan kasi ang username ko rin sa Writepad kaya 'yon na rin ang ipinalagay ko." Nakangiti ang nagpaliwanag na si Rain.

"Ano naman ang ibig sabihin n'on?"

"Bahaghari... rainbow, kaya nga sabi ko kanina ako si 'Rain Bow'. Haha."

"Ah, okay." Napangiti rin si Jorge sa kakuwelahan ni Rain. "Pwede ko ba itong basahin?"

"Ha? Oo... oo naman. Pwedeng-pwede rito 'yan. Kung gusto mo, pwede mo nga rin palang mapanood 'yan sa laptop ko."

"Ay bakit? Naging pelikula ito?" Nanlaki ang mga mata ng namanghang si Jorge.

Tango ang naitugon ni Rain na napapangiti sa narating ng kanyang naisulat na nobela. Pero napawi ang ngiting iyon nang mapagtanto niya ang isang bagay na dapat niya munang isaalang-alang na ipaalam sa taong gusto iyong basahin, ngunit walang ka-ide-ideya tungkol sa istoryang kanyang naisulat. "Yon nga lang, love story nga pala 'yan ng dalawang lalaki na naging sundalo ng dahil sa conscription na ipinatupad sa ilalim ng Pamahalaang Kommonwealth noong World War II. Ikaw? Kung gusto mo lang ang mga ganoong tema?"

"Ha? Love story ng parehong lalaki?" Nawala ang pananabik sa tinig ng karakter na si Joyce at ang ngiti ay napalitan ng bahagyang pagkangiwi ng labi, at tila medyo may pandidiring pang ibinigay ulit kay Rain ang libro—senyales na hindi nito tipo ang ganoong kwento. "Ay 'yon nga lang."

Tila nagkapira-piraso ang puso ni Rain sa mga huling salitang binanggit ng karakter na si Joyce. Pakiramdam niya siya ang librong iyon na hindi man lang binigyan ng pagkakataon na unawain at nang sa gayon ay makilala. Sanay naman si Rain sa kritisismo at sa katotohanang hindi lahat ng tao ay magugustuhan ang kanyang nobela, pero ang hindi siya sanay ay ang makita ang mukha ng unang taong sumuporta sa sinulat niya na parang pinandirihan iyon. Ibinalik ni Rain sa dati ang libro kung saan niya iyon nakuha matapos mapagtanto na masyado siyang nadala sa kanyang emosyon nang bahagya siyang nakalimot na iba ang pakatao ng kaharap niya at hindi ang pagkatao ng kaibigang humanga nang lubos sa kanyang obra maestra.

Pagkasauli ng libro ay nilapitan ni Rain si Jorge na nagbabasa na ng mga comic novel. Kumuha rin siya ng isa para makibasa rin habang pinalilipas pa ang ilang oras ng pagbabakasali na mapalitan ni Jorge ang katauhan ng karakter na si Joyce.

Dumating ang tanghali pero walang pagpapalit na naganap sa katauhan ng kaibigan ni Rain, kaya wala na siyang nakikita pang rason para manatili pa roon. Naisipan na niyang ayain ang kaibigan na natatansiya niyang nagugutom na. "Joyce, ano? Tara na?"

ANG SUMUNOD nilang destinasiyon ay ang Tam-awan Village. Pagkabayad pa lamang ng entrance fee at maibigay na sa kanila ang mapa na magsisilbing gabay sa lugar ay hindi na maitago ng karakter na si Joyce ang pananabik sa museyong nakatayo sa mga burol na puno ng mga puno at halaman na mas pinakulay ng sining at kultura ng Cordillera. Pagkakain ng tanghalian sa Café ay nanood sila ng Cultural show, saka binisita ang pitong kubo na mula pa sa mga probinsiya ng Ifugao at Kalinga. Hindi makukumpleto ang pagpunta nila roon kung hindi sila nakatanaw sa dalawang viewing deck na kung papalarin na maganda ang panahon ay makikita ang siyudad ng Baguio sa isa at ang Dagat Tsina naman sa kabila. Nasubukan din nilang gumawa ng dream catcher, mag-solar drawing, at mag-portraiture sa mga inaalok na workshop doon.

Nahiya si Rain sa ginuhit niya na portrait sana ni Jorge na ginaya niya sa picture nito sa kanyang cellphone.

Samantalang namangha naman sa nagawang portrait ni Jorge pagkatapos ng workshop at iyon ay ang imahe naman ni Angelo.

Hindi makakaila ni Rain na may itsura nga ang lalaking minamahal ng kaibigan. Natatansiya niya na kung magkikita rin sila nito nang personal ay malamang bumigay rin ang bisexual na kagaya niya sa kagwapuhan nito.

"Rain, alam mo pangarap ko dating course sa college ay Fine Arts. Wala lang kasi sa Nueva Ecija n'on, ayaw naman akong payagan na mag-aral sa malayo kaya hayon nauwi ako sa HRM dahil hilig ko rin namang magluto."

"Dito sa Baguio maraming University na nag-o-offer ng mga ganoong course kaya pwedeng-pwede ka rito."

"Iyon nga, balak ko na sana sa susunod na taon dahil nakaipon naman na ako."

"Parehas tayo, balak ko na ring ipagpatuloy ang naudlot kong pag-aaral next year."

"Anong course?"

"Of course Psychology na itutuloy ko sana ng Psychiatry kung kakayanin, pero kung hindi baka makuntento na lang rin ako as clinical psychologist. At kayo ang una kong pasyente."

Natawa lang si Jorge sa sinabi ni Rain at nagtuon na muli sa kanyang iginuguhit para tapusin na iyon.

Date: November 11, 2019

SI JOYCE PA RIN si Jorge habang si Rain naman ay wala nang maisip na maaari pa nilang mapuntahan para libangin ang kanilang mga sarili. Buti na lamang ay nakita niya ang naitabi niya noong mga token sa kanyang wallet kaya may naisip na siyang gagawin para sa araw na iyon—ang bumalik sa Quantum KTV Bar para mag-videoke ulit.

"Joyce, gusto mong mag-KTV?"

"Hmmmm.... pwede," tugon ni Jorge na nilalagay na sa isang plato ang mga nilutong hotdog.

"Eh, kung gan'on tara nang kumain! Maya-maya bukas na ang mall."

Pagdating sa KTV Bar pinauna nang pakantahin ni Rain si Jorge na ang napili ay ang kantang 'Destiny' ni Jim Brickman.

"What if I never knew

What if I never found you

I'd never have this feeling in my heart."

Kakantahin na sana ni Jorge ang susunod na linya nang hablutin ni Rain ang mikropono sa kanyang kamay at siya ang nagpatuloy.

"How did this come to be?

I don't know how you found me,

But from the moment I saw you—"

Nabastusan sa ginawa ni Rain, pinindot ni Jorge ang stop button ng karaoke machine.

"Hoy! Bakit mo pinatay?" Dismayado ang napakamot ng ulo na si Rain. "Ang K.J. nito!"

"Dahil kung hindi lang rin naman siya ang makakasama kong kumanta ng theme song namin ay mas gugustuhin ko na lang kantahin na lang iyon nang mag-isa," tugon in Jorge na nanlalaki ang mga butas ng ilong sa galit habang nakahalukipkip ang mga kamay.

"Bakit, Joyce... ayaw mo ba n'on na may ka-duet ka na at hindi na kailangang kumanta nang mag-isa?"

"Kung hindi nga lang siya ang makaka-duet ko ay 'wag na nga lang, 'di ba?"

"What if Joyce may dumating na tao sa buhay mo na handa kang mahalin? What if... what if ako 'yon? Maghihintay ka pa rin ba sa taong nakalimutan ka na? O hahayaan ang sarili na sumaya sa piling ng iba gaya ng ginawa niya?"

"Rain, sa 'yo na nanggaling, 'di ba? Na hindi ako nabibilang sa tunay na mundong ito dahil isa lamang akong kathang-isip... 'di ba? Kaya Rain alam mo na ang sagot." Matapos mahanap sa songbook ang kantang aakma sa kanyang nararamdaman sa mga oras na iyon, naghulog muli ng token ang karakter na si Joyce sa karaoke machine at pinindot ng mga numero sa keyboard para patugtugin ang kantang 'Sa Kanya' ng MYMP.

"Namulat ako at ngayo'y nag-iisa
Pagkatapos ng ulan
Bagama't nakalipas na ang mga sandali
Ay nagmumuni kung ako'y nagwagi

"Pinipilit mang sabihin na ito'y wala sa akin
Nguni't bakit hanggang ngayon, nagdurugo pa rin?

"Sa kanya pa rin babalik sigaw ng damdamin..."

Pero hindi iyon natapos kantahin ni Jorge nang pindutin ng kumontrang si Rain ang stop button saka naghulog ng token at pumindot sa keyboard para sa kantang 'Nandito Ako' ni Ogie Alcasid.

"Mayro'n akong nais malaman
Maaari bang magtanong?
Alam mo bang matagal na kitang iniibig?
Matagal na 'kong naghihintay

"Nguni't mayro'n kang ibang minamahal
Kung kaya't ako'y 'di mo pinapansin
Nguni't gano'n pa man, nais kong malaman mo
Ang puso kong ito'y para lang sa 'yo

"Nandito ako, umii..."

May panggigil na pinindot muli ng naiiritang si Jorge ang stop button. "Nakaka... nakakarindi!"

"Bakit na naman?" Dismayadong na napaisip si Rain ng kung ano ang susunod niyang papatugtugin na kantang maaari namang maging theme song na lang nila ni Jorge. Nang makapagdesiyon kung ano iyon ay naghulog na siya ng barya at pinindot sa keyboard ang mga numero ng kanyang nais at iyon ay ang kantang 'Maging Sino Ka Man' ni Rey Valera. "Oh, wala nang kokontra rito, ha. Hindi na ito para sa 'yo. Inaalay ko ang awiting ito kay Jorge at kay Pat, Kat, Ber, Blest, at Zelena na mga karakter niya na itinuring akong leading man nila. Heto na:

"Huwag kang mag-isip ng ano pa man
Mga paliwanag mo'y 'di na kailangan
At kahit ano pa ang iyong nakaraan
Mamahalin kita maging sino ka man."

Habang kinakanta iyon ni Rain ay wala nang nagawa ang karakter na si Joyce na napagod na rin kakatayo kaya minabuti na maupo na lang sa sofa dahil sa kanya na ring nararamdaman na hindi niya maintindihan—pabilis nang pabilis ang tibok ng kanyang puso. Gustuhin man niyang pahintuing muli ang videoke ay hindi na rin niya magawa pa dahil sa hindi na siya makatayo dala ng panginginig na ng mga tuhod. Naitakip na lamang niya ang mga kamay sa tainga upang hindi marinig ang kinakanta ni Rain, ngunit mas nakakabingi ang patuloy na paglakas ng kabog ng kanyang dibdib na mahigit pa sa triple ang inilakas na nagdudulot na ng pagsakit ng kanyang ulo.

Nang nilingon ni Rain ang kasama ay iniisip lamang niya na baka ayaw lang talagang marinig n'on ang kanyang pagkanta dahil sa pandidiri sa kanya kaya pinagbutihan pa niya ang pagbirit.

"Mahal kita 'pagkat mahal kita
Iniisip nila ay hindi mahalaga
Mahal kita maging... sino ka man."

Pagtapos kumanta ni Rain ay hindi na si Joyce si Jorge kundi si Jorge nang muli.

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen2U.Com