Page 29
Date: December 22, 2019
Sa paglalakad sa kalsada papunta sa kanilang paaralan, tila nakakita ng multo ang reaksiyon ng mga mukha ng mga nakakasalubong na mga kakilala ni Jorge nang siya ay matanaw ng mga ito.
Isang kapitbahay nila ang lumapit at naglakas ng loob na kausapin siya—ang tsismosa pero mabait na si Aling Bebe. "Ineng, tagarito ka rin?"
"Opo naman. Aattend din po ako sa homecoming sa school," magalang na tugon naman ni Jorge.
"Alam mo, ineng, pamilyar kasi ang hitsura mo... kahawig na kahawig mo ang isang estuyante rin dito na anak ng kapitbahay namin, pero siyempre hindi ikaw siya kasi matagal nang patay 'yong bata na 'yon. Akala ko nga kanina nang makita kita ay nagmumulto siya."
"Paano kasi Aling Bebe—"
Naantala ang paliwanag ni Jorge nang mapabulalas ang ginang matapos niyang mabanggit ang pangalan nito. "Kilala mo ako?"
"Aling Bebe, oo naman po! Ako na po kasi ito... si Jorge."
"Jorge? 'Yong kapatid ng namayapang si Joyce!" Natawa ito matapos na mapagtantong sila nga ay magkakilala. "Mahabagin! Walanghiya kang bata ka! Nagdalaga ka pala! Kaya pala ang tagal mong nawala! Ang ganda-ganda mo na, oh! Iba talaga kapag na-abroad sa Thailand, 'no?"
"Ang totoo po ay hindi po talaga ako nakapagtrabaho sa abroad; nabiktima po kasi ako ng illegal recruiter."
"Ha? Ang alam nila Zenaida napunta ka roon."
"Hindi ko na po sinabi sa kanila dahil alam mo naman po 'yon katatakut-takot na sermon ang aabutin ko."
"Kung sabagay." Nagpatuloy na sa paglalakad ang dalawa habang patuloy pa rin sa pag-uusisa si Aling Bebe. "Eh, ano na ang trabaho mo ngayon?"
"Fiction writer po."
"Ano 'yon?"
"'Yong nagsusulat po ng mga istorya."
"'Yong pang mga pocket book ba?"
"Parang ganoon na nga po."
"Malaki ba 'yong kinikita r'yan?"
"Sakto lang po."
"Naku, 'yong totoo? Hindi ka makakapag-transform sa pagiging babae kung sapat lang."
"Well, rumaket din po ako dati para masuportahan ang sarili ko at makapagpadala pa rin kila mama. Saka talagang dinaan ko na lang rin po talaga sa dedikasyon at sipag para mapansin ng publishing house ang mga istorya ko."
"Masipag ka talagang bata ka. Noon pa man hanga na talaga ako sa kasipagan mo." Kakikitaan ng kasiyahan ang nakangiting si Aling Bebe sa mga narating ni Jorge. "Pero maiba nga lang pala ako, edi hindi mo rin pinaalam kila mama mo na... babae na ang kanilang unico hijo?"
Nawala naman ang mga ngiti sa mga labi ni Jorge sa tanong na iyon nang maalala ang isang malungkot na pangyayari sa kanyang buhay. "Nasabi ko po nito lang. Hayon itinakwil na po ako."
"Ay hala! Eh, siguro baka nabigla lang iyon! Ganoon talaga, magulang iyon, eh. Pero hindi ka rin naman matitiis n'on, balang-araw matatanggap ka rin nila lalo na ikaw na lang ang anak nila tapos ganyan pa kaganda."
Bumalik muli ang ngiti ni Jorge sa kanyang labi dahil sa sinabi ni Aling Bebe na nakapagpalubag ng kanyang loob. "Sana nga po."
"Oh, paano? Nandito na pala tayo sa school. Mauna na ako sa 'yo, makikipag-tong-its pa ako roon kila Myrna, eh. Nandiyan na sa loob ang mga kababata mo."
Matapos magpaalam ay nagdire-diretso na sa paglalakad si Aling Bebe habang si Jorge ay huminto na sa tapat ng paaralan. Habang pinagmamasdan ang tarangkahan ng paaralan na kung saan nagsisipasukan na ang mga taong pamilyar sa kanya, hindi niya maiwasang kabahan.
'HUWAG na huwag mong tatakasan ang iyong kasaysayan dahil wala sa kasalukuyan— at mas lalo sa hinaharap—ang hinahanap mong kalutasan ng nagkahiwa-hiwalay mong pagkatao; tanging nasa lumipas na nakaraan lamang.'
Bukod sa oportunidad na makita si Angelo, ang naalalang payo na iyon ni Rain ang isa pang nakapagpalakas ng loob ni Jorge na daluhan ang Grand Alumni Homecoming ng kanilang paaralan—nang mag-isa.
Napahawak siya sa kanyang dibdib na kumakabog na nang doble ang pusong nilalaman. Gaya pa rin ng turo ni Rain para mabawasan ang kaba, isang buntonghininga ang pinakawalan ni Jorge bago pumasok ng tarangkahan ng paaralan. Hindi man niya kasama ang kaibigan, pero ang mga naitulong pa rin nito ang kahit papaano ay nakapagpakalma sa kanya.
"Kaya natin ito, Jorge!" Nabigla sa mga salitang kusang lumabas sa kanyang bibig, napahinto si Jorge at napatanong sa sarili. "Natin? Bakit natin? Mag-iisa ka nga lang, 'di ba? Kaya dapat: 'Kaya mo iyan, Jorge!' Hays! Nasanay lang siguro ako na palaging kasama si Rain?"
"Jorge, kasama mo kami." Napatulala na lang si Jorge sa mga salitang kusa na namang lumabas sa kanyang bibig dahil sa pagkakataong iyon ay may ideya na siya sa pagsasalita niya nang wala sa kanyang loob—iyon ay dahil sa Psychological Condition na mayroon siya. "Huwag kang kabahan, kung kailangan mo ng tulong ay handa kaming rumesbak. Ipinaliwag na sa akin ni Rain ang lahat kaya naiintindihan ko na ngayon ang kalagayan natin. Salamat dahil matapang kang bumalik dito sa atin sa Nueva Ecija. Sana makita na talaga natin si Sir Angelo dahil gusto ko nang umuwi sa piling niya."
"Joyce?" Hindi makapaniwala si Jorge na nakakausap niya ang isa sa kanyang mga persona nang hindi siya nawawala sa sarili. "Tama ka Jorge! Ako nga."
"Paano? Paano itong nangyari? Na nakakausap kita?" Sa pangamba na baka may nakakikita at sa takot na baka mahusgahan habang kinakausap ang kanyang sarili, kinuha ni Jorge ang cellphone sa bulsa ng kanyang bag para magpanggap na may kinakausap lamang sa kabilang linya habang ipinagpatuloy ang paglalakad.
"Hindi ko rin alam ang kasagutan, Jorge. Siguro dahil pareho na nating nararamdaman na malapit na tayo sa pinapangarap nating happy ending?" paliwanag ng personang si Joyce na nakapagpangiti naman kay Jorge.
"Sana nga dumalo rin siya na ating book spine na siyang pinaniniwalaan kong magbubuklod sa atin upang maging isang buong libro muli tayo."
"Handa na kami Jorge, ikaw?" Hindi lang dahil nasa iisang katawan lang sila, ramdam din talaga ni Jorge ang pagkasabik ni Joyce at pati na rin ang iba pa niyang mga persona.
"Hindi lang handa, excited pa! Oh, ano? Tara na?" masiglang paanyaya ni Jorge na bahagya nang napawi ang nararamdamang kaba.
Sa halip na sa gymnasium dumiretso, kung saan nandoon ang nagsisimula nang programa, dinala si Jorge ng kanyang mga paa sa kabilang direksiyon—tila sa pagkakataong iyon ay hindi siya ang may kontrol sa mga iyon.
'Ito ang aming canteen na kung saan nilibre ako ni Sir Angelo dati ng paborito kong Choc Nut.' Umaalingawngaw sa isip ni Jorge ang pagkwekwento ng karakter na si Joyce na nagpamangha naman sa kanya. Natutuwa lang siyang isipin na may umaalala rin ng mga alala niya noong nasa High School pa siya.
'Hay, nako! Calories na naman!' Nabigla si Jorge sa pagkontrang iyon ng isa pang tinig sa isip niya. Sa tono nito ay ang pangalan ng Nutritionist-Dietitian na si 'Bernadette' ng kanyang akdang 'Hanni and Ber' ang kanyang nasasaisip.
'Ber, kung paminsan-minsan lang naman at kayang-kaya namang i-burn, okay lang 'no.' Isang persona naman ang pumabor kay Joyce. Gaya rin ni Bernadette na masasabing may nalalaman din pagdating sa usapang diyeta, iyon ay walang iba kung hindi ang pinakapaborito ni Jorge—ang beauty queen na si Patricia ng 'When Princess Pig Meets the Prince of the Prawn' at 'Ang Lechon at ang Hipon'.
'Gaano ba kadalas ang minsan, Patricia?' muling pagkontra ng istriktong si Bernadette. 'Araw-araw? Maya't maya? Ang paborito ay paborito kaya mahirap pigilan! Kaya ka siguro tumaba dahil kakain ng mga paborito mo!'
'At least ako pumayat at naging beauty queen,' pagdipensa ni Patricia na tila nainsulto sa mga tanong ni Bernadette.
'I will agree to Bernadette. Eating sweets may cause sore throat! So traumatic for me.' Hindi makakaila ni Jorge na iyon ay ang popstar na si Genevive na bumibida naman sa 'Love at First Shot'—ang katatapos lamang niyang istorya noong nakaraang linggo.
'Ano ba naman kayo? Para candy lang ang dami niyong kuda! Para kayong mga bata na nag-aaway! Parang... parang mga asong nagtatahulan! Gusto niyo turukan ko kayo ng tranquilizer para magsi-tahimik kayo? Ha?' Siguradong-sigurado si Jorge na iyon naman ang beterinaryong si Katrina ng 'Kat and Doug.'
'Ipagpaumanhin ninyo itong aking kapangahasan mga lakambini.' Isa pang karakter ang nakisawsaw sa usapan. Sa natatanging gawi ng pananalita naman nito ay hindi maitatanggi ni Jorge na iyon ay ang anggitay na si Zelena. 'Ang inyo pong mga nais ipabatid ay hindi po malirip ng kaisipan ng inyong abang lingkod. Gayunpaman, nawawari kong kayo ay may hindi pagkakaunawaan kaya sa inyo ako ay humihiling na kung inyo pong mamarapatin ay kapayapaan ang ating matatamasa sa pamamagitan nang pagbubukas ng ating mga puso at sa paggalang sa bawat isa.'
Natahimik ang lahat sa mensaheng iyon ni Zelena na ipinagpasalamat ni Jorge na nagsisimula nang sumakit ang ulo. Hindi niya sukat akalain na magiging magulo kapag silang lahat ng kanyang mga iba't ibang pagkatao ay magkakasabay na gising sa kanyang isipan.
Sa pagpapatuloy pa ng paglalakad ni Jorge, natapat siya sa Math Park. Sabik na sabik siyang pumasok doon para lapitan ang isang puno ng Narra at hanapin sa likod nito ang inukit niyang 'J♥A'. Kahit na marami-rami na ang nagbago, laking pasasamalat niya na hindi nadamay sa mga pagbabagong iyon ang mga parte ng paaralan na kanyang paborito. "Nandito pa pala ito... gaya nang pagmamahal ko kay Angelo na hindi na mabubura."
Tila isang tour guide na masigasig na nagpaliwanang na naman si Joyce. "Inukit ko ito nang palihim gamit ang isang pusher. Muntik ko pa kamong hindi matapos nang mapadaan si Madam Principal! Sinabi ko lang na nagdadamo lang ako kaya hayon umalis din siya."
Rebelasyong gumulat kay Jorge. "Hala! Joyce hindi ko 'yon alam, ah? Ang alam ko lang ay inukit ko ito nang walang nakakita. "Sigurado kang dumating si Ma'am Principal noon?"
"Oo, Jorge, pero saglit lang talaga siya dahil na-convince ko nga ng acting ko."
Dahil sa pag-ungkat sa nakaraan, isang bagay ang natuklasan ni Jorge sa kanyang sarili—may mga memorya na noong High School siya na tanging si Joyce lang ang nakakaalam.
Ipinagpatuloy pa ni Jorge ang paglibot sa paaralan para malaman pa kung ano pa ang mga nalalaman ni Joyce na hindi pa rin nauubusan ng kwento. "Mayroon kami ritong mini-library na kung saan minsan akong tinulungan ni sir na maintindihan ang lessons sa Algebra. Magaling kasi siya sa Math."
Sa araw lang din na iyon nalaman ni Jorge kung bakit nasagot niya ang isang nahihirapan niyang assignment noon.
Ilang hakbang lang ay narating na rin ni Jorge ang pinakahindi niya malilimutang bahagi ng kanilang paaralan—ang Filipino Park na katabi lang ng kanilang silid-aklatan.
"Dito sa park bench na ito ko siya laging nakikitang nakaupo habang tumugtog ng gitara. Kaya madalas ako noong tumatambay sa library, hindi para mag-aaral o magbasa, kundi para tanawin lang siya mula sa may bintana." Sa pangunguna ni Joyce, sinariwa ni Jorge ang mga alaala sa parkeng iyon habang napaupo sa park bench at pinagmamasdan ang mga nagtataasan nang mga puno.
"Dito rin sa park bench na ito ko siya nakitang umiyak matapos tanggihan ni ate ang pag-ibig niya," dagdag ni Jorge sa kwento ni Joyce habang nangingilid ang mga luha at bahagyang nanginig ang boses. Para pigilin ang pag-iyak, nagyaya na lang siya na lisanin na ang parke. "Oh, paano? Tara na? Hahanapin pa natin siya. May isa pa tayong hindi pa napupuntahan na baka nanroon na siya—sa gym."
Sinang-ayunan naman iyon ni Joyce. "Sige Jorge, baka sakaling nandoon nga siya."
Akma nang lalabas ng parke si Jorge nang sa pagharap niya sa direksiyon palabas ay nasorpresa siyang makita ang isang lalaking papasok—ang anghel na kanyang hinahanap.
Tila isang rebultong hindi na nakagalaw si Jorge na nabitawan ang hawak na cellphone habang si Angelo naman ay tila nakakita ng isang multo.
"Joyce?" sambit ni Angelo na kahit hindi man marinig ni Jorge dahil sa ingay ng sound system sa programa at sa distansiya nila sa isa't isa ay nabasa pa rin niya sa mga labi nito.
Dala ng pagkasabik at pangungulila ng sampung taon na hindi nakita ang taong pinakamamahal, ang luhang kanina'y pinigil ni Jorge ay tumulo na lang nang kusa. Ang mga iyon ay dumampi sa kanyang mga pisngi at bumasa sa natutuyo na niyang mga labi—tila sumisimbulo sa pagwawakas ng kanyang matagal na paghihintay.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen2U.Com