Truyen2U.Net quay lại rồi đây! Các bạn truy cập Truyen2U.Com. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Page 30

BAWAT HAKBANG ni Angelo papalapit sa kinatatayuan ni Jorge ay ang paggunita naman sa isipan ni Jorge ng mga alaala ng lumipas—mula ng una niyang makita si Angelo, pagtugtog nito ng gitara, maging ang pagsayaw nito sa J.S. Prom dati na kapareha ang ate niya na nahiling ni Jorge na sana ay siya ang kasayaw nito. Kung gaano katinding ligaya ang nadarama ni Jorge sa sandaling iyon ay ganoon din ang kaba sa dibdib niya. Parang hindi niya kakayanin ang lakas nang nagwawala niyang puso, kung kaya nang nakalapit na si Angelo sa kanya at yakapin siya nito ay humalili sa kanya sa pagkontrol ng kanyang buong sistema ang karakter na si Joyce.

"Joyce, salamat at nagkita tayong muli. Ang dami kong gustong sabihin sa iyo. Sana bigyan mo pa ako ulit ng isa pang pagkakataon dahil hanggang ngayon ikaw pa rin ang minamahal ko."

Ang mainit na yakap ni Angelo at ang amoy ng pabango nito ang nagparamdam sa karakter na si Joyce na siya ay nakauwi na sa kung saan siya nabibilang. "Kung saan-saan ako nakarating para lang mahanap ka. Salamat at natagpuan na rin kita. Salamat dahil sa wakas mapapatag na ang kalooban ko ngayong kapiling na kita, sir."

Napakunot ng noo ang nagtakang si Angelo sa salitang 'sir' na binanggit ng kanyang kayakap. "Joyce naman parang ibang tao naman ako niyan, huwag mo na akong tawagin ng 'sir.'"

Pagkabitaw ni Angelo sa pagkakayakap kay Jorge ay nakabalik na ulit siya sa kanyang sistema. "Angelo, sorry."

"Okay lang. Basta lagi mong tatandaan na ako pa rin naman ito, si Angelo. Kahit na isa na akong Bank Manager Abroad, I always keep my feet on the ground."

"Angelo sorry kasi..." Ramdam ni Jorge na dapat niyang sabihin ang totoo kay Angelo upang maiwasan na parehas silang mabuhay sa kasinungalingan. "Hindi ako 'to."

"Ha? Ano ang ibig mong sabihin? Sino ka ba?"

"Ang ibig kong sabihin ay..." Tulad nga ng turo ni Rain na dapat maging matapang siya na mamuhay kung sino talaga siya. Sino ba namang tao ang ayaw mahalin bilang siya? Karapatan malaman ni Angelo ang totoo at mas masarap mahalin sa katotohanan, kaya kahit natatakot ay hindi itatago ni Jorge sa kanya kung ano ang tunay dahil para sa kanya iyon ang totoong nagmamahal—hindi nagsisinungaling. "Hindi ako si ate na siyang inaakala mo sa akin. Ako si Jorge."

"Ano? Babae ka na rin?" Nanlalaki ang mga mata ni Angelo na tiningnan siya mula ulo hanggang paa. "Magkamukhang-magkamuha na kayo ngayon. Um-attend din ba siya?"

Ikinagulat ni Jorge ang mga lumabas na tanong sa bibig ni Angelo. "Hindi ba sa iyo nakarating ang balita?"

"Anong balita?"

"Angelo... mahigit sampung taon nang patay si ate."

"Ano?" bulalas ng nagdududang si Angelo. "Hindi totoo 'yan! Bakit hindi nila sinabi sa akin?"

"Sinubukan ko dating hanapin ang mga social media accounts mo, pero hindi ko nahanap. Ang tanging alam ko lang noon ay ang sabi nila na right after graduation ay roon mo raw piniling mag-aral sa Maynila at iyon ay dahil daw sa pangba-busted sa iyo ni ate."

"Totoo 'yon, dahil nga sa kanya kung bakit ako lumayo. Noong una para makalimot sa nangyari, kaya isinara ko ang koneksyon sa kahit sinong may kinalaman sa kanya. Pero kalaunan, upang paghandaan na ang aming susunod na pagkikita. Nakakuha ako ng scholarship sa isang university sa U.S. para doon mag-masteral. Pinagbuti ko sa trabaho, na-promote, at, ngayon heto na ako handa nang harapin siya para patunayan na ako ang karapat-dapat sa pagmamahal niya."

"Pero wala na siya." May himig ng panghihinayang sa boses ni Jorge. "Sumama ka sa akin, dadalhin kita sa kanyang himlayan."

Nagpunta ang dalawa sa pampublikong sementeryo ng barangay na kalapitan lamang ng iskwelahan.

"Namatay si ate tatlong araw bago ang kanyang debut. Magbabakasyon sana kami noon sa Baguio as debut gift nila Mama sa kanyam, pero sa kasamaang palad nawalan ng preno ang sinasakyan naming bus. Nahulog iyon sa bangin at isa si ate sa nasawi."

"Joyce..." napaluhod si Angelo sa harap ng nitso habang hinahawi ng kanyang mga kamay ang mga damong tumatakip sa lapida na kung saan mababasa ang mga impormasyon tungkol sa namayapa:

Joyce B. Manalo
Born: October 2, 1991
Died: September 30, 2009

"Joyce, paano na ako ngayon?" nanginginig ang mga kamay ni Angelo na humahagulgol na ng iyak. "Kung kailan handa na akong manligaw muli... wala ka na pala!"

Tulad ng dati, nasasaktan si Jorge na makitang umiiyak ang taong kanyang minamahal. At ang 'ngayon' para sa kanya ay hindi na tulad ng dati, malaya na siya—malaya na siya na ihayag ang kanyang damdamin, malaya na siya na sabihin ang kanyang nararamdaman na walang ikinatatakot sa panghuhusga ng iba. "Angelo, nandito pa ako."

"Ikaw?" Habang nagpupunas ng luha sa mata ay hinarap ni Angelo si Jorge. "Para saan? Hindi naman ikaw talaga si Joyce? Unless... ikaw nga si Joyce?"

Lumapit ang humihikbing si Angelo kay Jorge at lumuhod sa kanyang harapan. "Please, sabihin mo sa akin ikaw talaga si Joyce at ito ay pawang biro lamang na gawa-gawa lang para i-surpresa ako. Please, sabihin mo sa akin na ikaw nga si Joyce?"

"Pero... Angelo, ito talaga ang totoo—" Napaluhod na rin si Jorge upang mag-abot ang kanilang mga mukha. "Ako nga talaga si Jorge. At may isa ka pang dapat malaman."

"Ano? Na ang lahat ng ito ay palabas lamang? Na nasa 'Wow Mali' ako?"

"Hindi, Angelo, kundi ang aking matagal nang nililihim na ngayon ay akin nang ipapaalam sa 'yo. Angelo, noon pa man, mahal na kita."

Tumayo mula sa pagkakaluhod ang natatawang si Angelo. "Eh, ano ngayon? Mabubuhay ba niyan ang ate mo? Siya ang mahal ko! Siya ang kailangan ko! Hindi ikaw! Hindi pa ba malinaw sa 'yo iyon?"

Tumalikod si Angelo kay Jorge, pero desperada na rin siya kaya para pigilan ang lalaking minamahal ay hinawakan niya ito sa braso. Ngunit nagpumiglas lamang si Angelo dahilan para matanggal ang pagkakahawak ni Jorge na nalugmok sa lupa dahil sa nangyari.

"Angelo... ako na lang! Ako na lang, Angelo!" May panggigigil na sa boses ni Jorge na naiinis sa taong minamahal na hindi mapansin ang kanyang pagtingin na matagal niyang nilihim. "Ako itong nagmamahal sa 'yo at hindi si ate. Ako itong buhay... pwede ba ako na lang?"

Nilingon ng nakasimangot nang si Angelo si Jorge. "Buhay ka nga, pero sinusunog na ang kaluluwa mo sa impyerno! Hindi minamahal ang kagaya mong sinusuka ng lipunan! Pwe!" Pagkadura ay tinalikuran na muli niya si Jorge. "Nakakadiri ka!"

Habang naglalakad papalayo si Angelo ay sinubukan ni Jorge na tumayo para habulin ito, ngunit hindi na kinaya ng nanlalambot na niyang katawan na tumakbo. Hindi siya makapaniwala na kay Angelo pa nanggaling ang mga salitang iyon na nakapagpahina sa kanya. "Hindi na pala maaaring magkatagpo ang tala at ang Haring Araw dahil magdudulot pala iyon ng isang pagsabog."

Hindi niya sukat akalain na ganoon ang kanilang kahihinatnan na magpaparamdam na naman sa kanya na siya ay isang kahihiyan lamang na mas karapat-dapat ilibing kaysa sa mga nakahimlay roon. Mula sa pagtanaw kay Angelo na tuluyan nang nakalayo, ibinaling na ni Jorge ang tingin sa nitso ng kanyang kapatid. "Ganoon nga siguro talaga, ate... kayo talaga ang bagay. Ano nga lang ba ako kumpara sa 'yo? Isa lang huwad! Isang ambisyosang dumi na nangangarap maging tala! Ate, uuwi na lang siguro ako sa Maynila; wala na akong rason para manatili pa sa lugar na ito na isinusuka ako! Sorry hindi man lang kami nakapagtirik ng kandila... kung sabagay umiyak na lang rin naman ako na gaya ng isang nauupos na kandila. Ang sakit, ate! Kung pwede lang na ipinamana mo sa akin 'yang kasarian mo, baka sakali na ikonsidera niyang mahalin din ako. Ako na lang talaga sana ang namatay at hindi ikaw. Ikaw ang hinahanap nila, ang kailangan nila sa buhay nila, hindi ako. Aalis na ako. ate... hindi ko nga lang alam kung kailan kita ulit madadalaw."

Habang lumalabas ng sementeryo ay hindi nagmintis sa pagtulo ang mga luha sa mga mata ni Jorge.

Pagdating ng naghihina pa ring si Jorge sa pangunahing kalsada, nakatulog siya, ngunit nanatiling nakadilat dahil ang isang nanatiling gising na katauhan niya ay nakuha ang pagkontrol sa kanilang sistema at iyon ay ang nagluluksa ring karakter na si Katrina na nabiyuda ng isang sundalo at namatayan pa ng aso. "Ngayong iniwan na ako ni Pocholo at ni Pochi, wala na akong rason para mabuhay..."

Nang makita ang isang paparating na jeep, inilakad nito ang mga paa ni Jorge papunta sa gitna ng kalsada. Isang katauhan pa ni Jorge ang nagising—ang popstar na si Genevive—na pipigilan ang binabalak ng karakter na si Katrina. 'Hindi ako papayag Katrina sa gagawin mong 'yan.'

Pilit niyang kinuha mula sa beterenaryong si Katrina ang kanilang sistema.

'Ikakasal pa ako!' pagprotesta ni Genevive na tinulungan ng isa pang nagising na katauhan ni Jorge na si Blest. 'What the hell are you doing Katrina? You're so pathetic! I don't want to end my life in tragedy!'

'Hindi rin ako papayag!' Isa pang lumaban ang karakter na si Lily na nagising rin nang dahil sa nangyayaring kaguluhan sa kanila. 'Ikakasal pa kami ni Luigi!'

Akala nila ay maabutan na sila ng rumaragasang jeep bago nila maiatras ang katawan ni Jorge pabalik sa gilid ng kalsada, buti na lang ay huminto ito para magsakay ng pasahero.

Nagising ang hapong si Jorge sa paghiyaw sa kanya ng nagtatanong na jeepney driver. "Miss ano? Sasakay ka ba?"

"Opo... opo! Opo, sasakay ako!" Dali-daling pumasok si Jorge sa likurang pinto ng jeep at pagkaupo ay nag-abot na kaagad ng bayad. Pagkatapos ay kinuha naman niya ang panyo sa bag para itakip sa mukhang sumapo kanina ng kahihiyan.

At sa saliw ng kantang 'Kathang-isip' na kasaluyang tumutugtog sa radyo ng jeep, muling rumagasa ang dumaloy na namang tubig sa pagod na niyang mga mata.

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen2U.Com