Truyen2U.Net quay lại rồi đây! Các bạn truy cập Truyen2U.Com. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Page 4

Date: November 2, 2019

SA PAGMULAT ng mga mata ni Jorge, tumambad sa kanyang paningin ay kulay puti. "Nasaan ako?"

Kung hindi lang may dextrose na nakasabit sa may bandang ulunan ng kinahihigaang kama ay muntik nang akalain ng kanyang malikot na kaisapan na nasa langit na siya. "Ospital? Bakit ako narito?"

Bumangon si Jorge mula sa pagkakahiga, pero sa pagbangon ay nakaramdam siya ng pagsakit ng ulo dahilan para maipagpalagay niyang may nangyaring hindi maganda sa kanya. "Hindi kaya naaksidente ang jeep?"

Para maghanap ng taong maaaring makasagot sa kanyang mga tanong, ibinaba niya ang mga paa sa sahig, hinawakan ang poste ng kanyang dextrose at dahan-dahang tumayo. Ihahakbang na ni Jorge ang kanyang mga paa nang bumukas ang pinto at isang tinig ng lalaki ang kanyang narinig. "Jorge saan ka pupunta?"

Nasorpresa si Jorge nang makita ang pamilyar nitong mukha. "Rain? Nandito ka rin?"

"Sandali lang kitang iniwan para kuhanin lang 'tong in-order kong pagkain." Sa pagkataranta, kahit may mga dala, dali-daling lumapit si Rain at inaalalayan si Jorge na makaupo sa kama. "Bakit ka naman na tumayo? Siguradong hindi pa bumabalik ang lakas mo."

"Maghahanap sana kasi ako ng nurse para mapagtanungan," katwiran ni Jorge sa kaibigan habang inilalapag nito ang mga bitbit na paper bag sa may side table. "Bakit ba tayo narito?"

Tila hindi narinig ni Rain ang tanong na iyon ni Jorge, abala ito sa pagbubukas ng mga nakabalot na pagkain at sa pag-aalok sa kanya ng mga iyon. "Nauuhaw ka ba? O gusto mong kumain? May soup dito? Burger? Fries?"

"Mamaya na lang siguro kapag nalaman ko na kung ano ba ang meron?" Kahit na natatakam na sa lasap ng pagkaing nalalanghap, ang kailangan munang malaman ni Jorge ang katotohanan bago ang sikmura ang lamanan. "Nananaginip lang ba ako o ano?"

Mula sa inayos na pagkain, ibinaling na ni Rain ang atensyon kay Jorge. "Jorge, wala kang naaalala?"

"Naaksidente ba ako? 'Yong driver? Nasaan ang driver ng jeep? Naaksidente ba kami? Nandito rin ba siya? " Magkakasunod na tanong ng desperada na sa mga kasagutang si Jorge.

"Ano ba ang sinasabi mo? Hindi. Hindi ka naaksidente," sagot ni Rain na napaupo sa isang silya sa gilid ng kama ni Jorge. "Kagabi ay hinimatay ka."

"Hinimatay!" Hindi naiwasang mapabulalas si Jorge sa kanyang nalaman. "Paano? Paano 'yong nangyare?"

"Kagabi, habang gumagawa ako ng blog para i-feature ang new menu ni Chef Ryan, nakita kita sa may labas ng café nila. Lumapit ako sa 'yo at nang kinakausap na kita nawalan ka ng malay. Kaya hayon, kaagad kitang dinala rito sa ospital. Buti na lang nandoon ako. Buti na lang isa ako sa inimbitahan ni Chef Ryan na mag-blog ulit. Buti na lang nakita kita! At buti na lang doon mo naisipang pumunta kung saan tayo unang nagkita nang personal! Akala ko kung mapapano ka na! Pinag-alala mo ako! Bakit hindi mo kasi ako sinabihan na pupunta ka pala rito sa Baguio?"

"Baguio? Café?" Napahawak na lang sa ulo si Jorge na hindi maintidihan ang mga sinabi ni Rain. "Rain, hindi ko alam! Hindi ko na alam kung ano na ang nangyayari sa akin! Una, sa Nueva Ecija, nagising ako sa sementeryo, tapos ngayon, ospital naman sa Baguio!"

"Ano!" Napakunot ng noo si Rain sa sinagot ni Jorge. "Paano? Mula Taguig napunta ka sa Nueva Ecija at mula Nueva Ecija bigla kang napunta rito sa Baguio? Ganoon ba?"

Tanging tango lang ang naibigay na tugon ni Jorge.

"Ang sabi ng doctor na-dehydrate ka raw at sa sobrang hapo kaya ka raw hinimatay," paliwanag ni Rain sa kausap na nanggigilid na ang mga luha sa mata. "Siguro kaya wala kang naalala kung paano ka napunta sa mga lugar na 'yon kasi nag-hallucinate ka na, kumbaga hindi ka na aware sa mga pinaggagawa mo."

Nanatiling tahimik si Jorge na pinag-iisipan pa kung paniniwalan ang espekulasyon ni Rain.

"Ganito na lang, bago ka mapunta ng Nueva Ecija 'ka mo, ano ang naaalala mo?" tanong ni Rain.

"Noong 31..." Bahagyang napahinto si Jorge na inisip muna nang mabuti ang ilalahad na memorya. "Noong 31, birthday ni Angelo kaya binuksan ko ang deactivate kong real fb account para, siyempre, batiin siya. Umaasang, alam mo na, mabasa pa rin niya. Pero as usual hanggang pag-asa na naman ako, wala pa rin, pero may good news akong nalaman!"

"Ano namang good news?" usyoso ni Rain na tila isang mambabasa na hindi na makapaghintay sa susunod na kabanata.

"Nalaman ko sa facebook page ng aming high school na magkakaroon daw kami ng Grand Alumni Homecoming sa December. Sa sobrang saya ko dahil sa wakas, after a decade of waiting, may pag-asa nang makita siya ulit, kaya naman para mag-celebrate nang bonga, hindi lang cake ang binili ko pati na rin alak. Para ma-experience ko na rin, matatapos ko na kasi ang 'Love at First Shot' hindi ko pa alam kung paanong uminom at malasing. Ang pinagtataka ko lang bakit pagkabili ko ng alak, ang alam ko uuwi na ako sa apartment at doon iinom, bakit mula sa mall sa Taguig, napunta ako sa Nueva Ecija? Nagising umaga na sa isang nitso! "

"First love never dies nga naman!" pagputol ni Rain na hindi napigil ang reaksiyon sa bida ni Jorge. "Hindi mamatay-matay! Ikaw naman ang ipapahamak! Hanggang kailan ka ba riyan aasa, ha?"

"What love without hope?" isang tanong din ang iginanti ni Jorge sa tanong ni Rain.

Madalas kasing maikwento ni Jorge kay Rain ang tungkol kay Angelo, kaya alam na alam na nito ang istorya nilang dalawa. Palagi lang siyang kinokontra nito dahil imposible raw ang gusto niyang mangyari lalo na't wala naman siyang komunikasyon kay Angelo. Pero nagmamatigas palagi si Jorge, naniniwala pa rin siya na gagawa ang tadhana ng paraan para sila ay pagtagpuin at mukhang magkakatotoo na nga ito sa nalalapit na Grand Alumni Homecoming nila. Kaya para kay Jorge tama lang na ipaglaban ang pag-ibig niya para kay Angelo. "Habang may buhay, may pag-asa Rain, at hanggang tumitibok ang puso ko, patuloy akong magmamahal sa kanya!"

"Oh, LakambiningManunulat! Ikaw na ang umiibig nang wagas!" mainsultong komento ni Rain sa mga palusot ni Jorge. "Bakit, kung may nangyari bang masama sa 'yo dahil sa kalasingan mo, may magagawa ba 'yang pagmamahal na 'yan?"

"Life without love is empty, right? Siya ang buhay ko, kapag kinalimutan ko siya para na rin akong pinatay! And correction hindi pa po ako lasing n'on!" matapang na pagdepensa ni Jorge. "Ni hindi ko nga matandaan ang lasa n'ong alak na 'yon!"

"Malamang kasi lasing ka na nga, 'di ba? Kaya malamang hindi mo na rin natatandaan ang mga pinaggagagawa mo! Ang lakas ng loob uminom, hindi naman pala kaya! Hanggang Baguio nakarating ka! Gaano katindi 'yon?" panenermon naman ni Rain.

"Hoy! Anong hindi ko natatandaan ang mga pinaggagagawa? Bakit alam kong nagising ako sa nitso? At alam kong sumakay ako ng jeep papuntang terminal?" giit ni Jorge. "Ang hindi ko lang maintindihan bakit ako napunta rito? Mula sa sementeryo nasa ospital naman! Imposibleng kalasingan pa 'yon! Hindi naman din siguro ako nag-time travel?!"

"Hay, ang kulit!" Napapakamot na lang ng ulo si Rain dahil sa pangangatwiran ng kaibigan. "Nang gumising ka, ang bote ng alak, ano? May laman pa ba?"

"Wala," mahinang tugon ni Jorge. "Wala na."

"At nang pagkagising mo, gaano kadami ang nainom mong tubig?" usisa ni Rain na tila isang imbestigador na may nilulutas na krimen.

"Hindi ko matandaan," hindi makatingin nang diretso si Jorge sa kausap. "Wala. Wala akong matandaan."

"Tingnan mo 'yan! Paano kang hindi ma-de-dehydrate nang lagay na 'yon! Sa kawalan ng fluids kaya hindi ka na nakapag-iisip nang maayos, nag-hallucinate ka na! Kaya hindi mo na alam ang mga ginawa mo!"

Hindi nakaimik si Jorge na napahiya sa konklusyon ni Rain.

"Teka nga lang pala! Pati tuloy ako nahahawa na sa 'yo! Muntik na akong makalimot! Sasabihin ko nga pala sa mga nurse na gising ka na." Tumayo si Rain mula pagkakaupo. "Kumain ka na riyan dehydrated!"

Pero bago tuluyang makalabas ng kwarto si Rain, may sinabi si Jorge. "Uy, salamat ha." Napahinto si Rain kaya naman nagpatuloy pa si Jorge. "Sorry pati tuloy ikaw naabala ko pa."

"Anong abala?" Napalingon si Rain sa sinabi ng kaibigan. "Huwag ka ngang mag-isip nang ganyan. Ikaw maging abala? Eh, ang lakas lakas mo sa akin."

Sa ilang taon nilang magka-chat, nakabisado na ni Jorge ang ugali ni Rain. Magagalitin ito, pero kung gaano ito kabilis magalit, ganoon din kabilis lumambot ang puso. Pero kahit maunawain ang kaibigan ay ayaw ni Jorge na maging pabigat, kaya umisip siya ng paraan para kahit papaano ay makabayad pa rin sa ospital. "Huwag kang mag-alala, kompleto ako ng hulog sa PhilHealth!"

Sa mungkahi ni Jorge ay may ngiting bahagyang gumuhit sa mga labi ni Rain. "Ako na muna ang bahala roon. Ang alalahanin mo ay 'yang pagkain mo. Kumain ka na nang hindi hinahangin 'yang isip mo!"

Sa hiya at sa kawalan na rin ng magagawa sa kanyang sitwasyon, isang salita na lang ang lumabas sa bibig ni Jorge, "Salamat."

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen2U.Com