Truyen2U.Net quay lại rồi đây! Các bạn truy cập Truyen2U.Com. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Page 5

Date: November 2, 2019

MATAPOS makita ng doktor na maayos na ang kondisyon ni Jorge, pumayag na ito na makalabas na siya ng ospital at pagkalipas ng tanghali ay tuluyan na siyang na-discharge. Sa halip na sa condo unit ni Rain dumiretso para makapagpahinga pa nang ilang araw, dahil sa pagpupumilit ni Jorge na makauwi na sa Siyudad ng Taguig, walang nagawa si Rain kundi pumayag na sa terminal ng bus na sila ibaba ng taxi driver.

Pagdating sa terminal—dahil katatapos lang ng Undas—kapansin-pansin ang pagdagsa ng mga paseherong tulad ni Jorge na Maynila rin ang destinasyon. Napatigil sa paglakad si Rain para tanungin muli si Jorge. "Jorge, sigurado ka na ba talaga? Baka hindi mo pa kayanin ang biyahe? Bukas ka na lang lumuwas."

Napahinto rin si Jorge para harapin si Rain. "Rain, salamat. Salamat sa lahat. Sabi ng doktor okay na ako, 'di ba? Rain, wala na akong panggastos! Pati nga ipon ko nagagalaw ko na kaya kailangan ko na talagang umuwi para tapusin ang 'Love at First Shot' na pinapaapura na sa akin ng Roseate Publishing. At para mabayaran na rin kita."

"Hay, bahala ka!" Isang writer din si Rain kaya kahit papano ay nakakaunawa siya sa sitwasyon ni Jorge. "Huwag mo munang intindihin kung paano kang makakabayad sa akin kahit naman saka na 'yon."

"Basta kapag na-publish na ang 'Love at First Shot' as physical book, promise babayaran kaagad kita," paggarantiya ni Jorge na pilit kinukublihan ng ngiti ang hiyang nadarama. "Pero salamat muna ang maibibigay ko sa 'yo ngayon, ha."

"Oh, sige. Pero bago ka umalis—" Baka sakaling mabago pa ni Rain ang isip ng kaibigan, naisipan niyang mag-aya muna sa isang convenient store na malapit sa terminal para makapag-usap pa sila. "—mag-7/11 muna tayo? Bumili muna tayo ng pagkain, sa haba ng pila riyan at sa tagal ng biyahe, baka magutom ka."

"Uy, okay lang ako," tugon ni Jorge na hindi na nakatuon ang paningin sa kausap. "Busog... pa... ako..."

"Anong okay? Jorge, nakikita mo ba ang mga pasahero, sa rami niyan baka hindi ka masakay kaagad, tapos ilang oras pa ang biyahe? Anim! Kapag hindi ka pumayag, hindi rin ako papayag na umalis ka!" Pagkatapos magbanta ay napalingon na rin si Rain sa direksyon kung saan naka-pako ang atensiyon ni Jorge na halatang hindi nakikinig sa kanyang mga sinasabi. "Ano ba ang tinitignan mo? Jorge, nandoon ang pila ng mga pasehero na tinukoy ko, hindi riyan!"

Hindi pinansin ni Jorge si Rain na nakaturo sa kabilang direksyon, sa halip ay lumapit ito sa basurahan at dumampot ng isang berdeng rosas sa bouquet na nasa ibabaw n'on. "Uy, tignan mo parang esmeraldang rosas lang ni Zelena, oh."

"Jorge, baka marumi na 'yan? Kagagaling mo lang sa ospital, gusto mo bang bumalik ulit? Bitawan mo nga 'yan!" Kunot-noong nagpaalala si Rain na hindi masikmura ang ginagawang pamumulot ni Jorge ng basura.

"Uy, hindi, ah! Nakita ko na katatapon lang nito. Wala pa 'tong germs 'no! Wala pa namang five minutes."

"Hindi ka pa nga magaling! Baka five seconds at hindi 5 minutes! Bitawan mo na 'yan, Jorge! Sigurado may community na 'yan ng germs!"

Sa halip na makinig sa payo ng kaibigan, inamoy pa ni Jorge ang bulaklak at saka inilagay sa kanyang tainga. "Uy, bagay ba?"

Tila nagayuma ng karisma ni Jorge, napangiti na lang si Rain na hindi maitanggi sa sarili na mas lalong gumanda si Jorge sa kanyang paningin. "Halika na nga lang sa 7/11!"

Habang papuntang convenient store, nauuna sa paglalakad si Rain sa nababagalan niyang maglakad na kaibigan na manghang-mangha pa rin sa rosas.

"Jorge, kung hindi kita mapipigil—" Sa takot na baka kung ano ang mangyari kay Jorge habang nasa biyahe, nagdesisyon na si Rain. "—sasamahan na lang kita."

Hindi umimik si Jorge.

"Hoy! Jorge, hindi ka na naman nakikinig!" Nang wala pa ring bumalik na reaksyon sa kanyang mga sinabi, nilingon na ni Rain ang kausap . "Jorge, nasaan ka na?"

Nakita ni Rain si Jorge na naglalakad papalayo. Inisip lang niya na baka babalik lang ito sa terminal.

"Akala mo matatakasan mo ko, ha!" Ngunit nilagpasan lang ni Jorge ang terminal at nagpatuloy pa rin sa paglakad kaya nagmadali na si Rain na sundan ito. "Hoy, Jorge! Saan ka pupunta?!"

Kapansin-pansin na napapatigil si Jorge sa natatapatang mga halaman—tila mayroong hinahanap. Hanggang sa marating na nito ang Harrison Road, nagdire-diretso papunta sa kabilang panig ng kalsada, inakyat ang city barrier ng Baguio Museum at muling napahinto sa halamanan na nasa gilid n'on. Sa mga nasaksihang kakaibang kinilos ni Jorge, nagkaroon na ng dahilan para kumaripas ng takbo si Rain.

Tatawid na lamang at maabutan na niya si Jorge, ngunit nagtatakbo ito patungo sa direksiyon ng Sunshine Park. Nang makakita ng pagkakataon na makatawid ay hindi na nag-atubili pa si Rain.

"Jorge!" Nagtinginan kay Rain ang mga tao sa paligid maliban kay Jorge na kanyang tinawag na pumasok pa sa entrance ng Sunshine Park.

Walang kaide-ideya si Rain kung bakit kailangang pumunta roon ni Jorge, basta ang sigurado lang—kung ano pa man ang dahilan—ay kailangan niyang malapitan ito at siguraduhing hindi na makakalayong muli.

Pagpasok ni Rain sa parke, mangilan-ngilang hakbang pa at nakita niya rin si Jorge na nakatalungko sa tabi ng isang palumpong. Sinamantala na ni Rain ang pagkakataong iyon na malapitan ito na parang isang paruparo na mahirap hulihin na kapag dumapo ay hindi tiyak kung kailan na naman lilipad.

At tila isa ngang paruparo—ikinagulat ni Rain ang natunghayang ginagawa ni Jorge. "Jorge, anong kahibangang 'yan? Bakit kinakain mo yang mga dahon ng halamang 'yan! Kaya nga tayo pupunta ng 7/11, 'di ba? Para bumili ng pagkain! Tapos tatakbo ka rito sa pagkalayo-layong park na 'to para lang manginain ng dahon! Anong kalokohan 'yan?"

Parang wala pa ring naririnig si Jorge na ipinagpatuloy lang ang pagkain, kaya hinawakan na ni Rain ang mga kamay niya para pigilan. "Jorge, ano ba? Tama na sabi, eh!"

"Ginoo, paumanhin. Ako po ba ang inyong kinakausap?" tanong ni Jorge habang nginunguya pa ang kinakaing dahon.

"Anong ginoo?" Kumunot ang noo ni Rain at namula ang kutis dahil sa pagkairita sa inaasta ng kaibigan. "Jorge, ano ba? Umayos ka nga!"

"Ginoo, kung inyo pong mamarapatin, maaari niyo po bang ipaalam sa inyong lingkod ang kahulugan ng sinambit niyong salitang 'Jorge' nang sa gayo'y akin pong maunawaan nang lubos ang inyong nais ipabatid."

"Pangalan mo!" pahiyaw na tugon ni Rain na kung hindi lang isang transgender woman ang kanyang kaharap ay nasuntok na niya iyon. "Jorge, itigil mo na nga 'yang kahibangan mo!"

"Ginoo, patawarin niyo po ang aking kapangahasan, kayo po ay nagkakamali aking ginoo. Ang inyo pong lingkod ay hindi ang taong inyong tinutukoy, sapagkat ang akin pong pangalan ay Zelena, at hindi po 'Jorge'. At kung inyo pong pahihintulutan, maari niyo po bang palayain ang aking mga kamay mula sa pagkakabigkis ng sa inyo, sapagkat ako, ginoo, ay inyong nasasaktan."

"Hindi!" marahas na sagot ni Rain sabay hila kay Jorge. "Sasama ka sa akin! Ibabalik kita sa ospital baka nagkaproblema 'yang isipan mo! Pati bida ng mga sinulat mo ay ginagaya mo na!"

Pero kinalas lang ni Jorge nang buong lakas ang pagkakahawak ng mga kamay ni Rain. "Ginoo, hindi ko po maaring paunlakan ang inyong paanyaya sa kadahilanang hindi ko po kayo maunawaan. Ako po ba ay inyong parurusahan? May nagawa po bang pagkakasala sa inyo ang inyong lingkod? Ginoo, kung mayroon man, inyo po sana akong mapatawad at sana'y inyo pong ipagkaloob ang aking kalayaan."

Sa galit ay kinuha ni Rain mula sa tainga ni Jorge ang berdeng rosas at ito'y kanyang inihampas sa lupa. "Jorge, itigil mo na 'tong kabaliwang 'to!"

"Ginoo, huwag!" Akmang tatapakan na sana ni Rain ang rosas nang siya ay matigilan matapos humiyaw si Jorge. Napahagulgol at lumuhod pa ito para damputin ang bulaklak. "Ginoo parang awa mo na! Nabubuhay pa ako ng dahil sa bulaklak na ito. Parang awa mo na!"

"Hay! Mababaliw yata ako?" bulong ni Rain sa sarili saka napakamot ng ulo. Hindi na niya kinaya ang ipinakitang emosyon ni Jorge na nakapagpahupa sa kanyang nag-aalab na galit. Hinawakan niya ang humahagulgol pa ring si Jorge sa balikat at kanyang inakay papunta sa kalapit na park bench para iupo.

Napag-isip-isip ni Rain na kung dadalhin niya si Jorge sa ospital nang sapilitan at sa ganoon pang kondisyon ay maaring tumakbo na naman ito. At dahil balak niyang mag-enroll na sa kolehiyo sa susunod na pasukan, hangga't maari ay ayaw na sana niyang mabawasan pa ang natitira niyang pera na baka hindi rin naman sumapat kung sakali mang patignan niya si Jorge sa isang espesyalista.

Dahil wala pang magagawa, nagpasiya na lang si Rain na umupo na rin sa park bench at tabihan si Jorge. At para makuha ang loob nito, nagpakita siya ng interes sa bulaklak nitong hawak. "Para saan ba kasi 'yan?"

"Ito po ang esmeraldang rosas, ginoo," tugon naman ni Jorge habang pinupunasan ng mga kamay ang mga bahid ng luha sa pisngi. "Hindi po ako nabibilang sa inyong mga mortal sapagkat isa po akong anggitay at ito po ang puso ng kagubatang aking binabantayan."

"Ganoon? Eh, bakit?" karagdagang tanong ni Rain nang sa gayo'y magkwento pa si Jorge habang siya ay umiisip ng solusyon para bumalik ito sa katinuan.

"Ang buhay ng gubat at ang buhay po ng mga katulad ko na tagapagbantay nito ay iisa, ginoo. Kami ay nabubuhay lamang po para pangalagaan ang kalikasan. Sa bawat talulot na nabubunot sa bulaklak pong ito, isang araw ang nababawas sa buhay namin ng naghihingalong kagubatan. Dahil din sa aking nagawang pagkakasala kaya po nalagay sa bingit ng kamatayan ang aming buhay."

"Bakit ano ba ang nagawa mong kasalan at buhay ang kailangang maging kapalit?" pang-uusyoso ni Rain na hindi nabasa ang pantasiyang akda ni Jorge na 'Zelena.'

Noong kasagsagan kasi ng kasikatan nito ay kasalukuyan namang isinasa-pelikula na ang nobelang isinulat niya na 'Love on Tough' kaya wala siyang oras noon para makapagbasa pa. Pero ngayon, upang malaman ang istorya nito ay kailangan niyang pakinggan ang pagsasalaysay mismo ni Zelena na kasalukuyang katauhan ni Jorge. Baka sakaling may malaman siya na makakatulong sa kanya.

"Isang libong taon na po ang nakakalipas, ginoo, nang ako po ay umibig sa isang mortal—si Seb-ag na mula po sa tribo na naninirahan sa lugar na ito. Ayon po sa batas naming mga tagapangasiwa ng mga kagubatan, ginoo, mariing pong ipinagbabawal ang pag-ibig sa mga mortal sa kadahilanang kami po ay mapapabilang sa inyo. At ang pag-ibig pong iyon ay maaring magdulot ng kapakahamakan, hindi lamang po sa tulad kong anggitay, kundi pati na rin po sa mortal na aming iibigin. Hindi ko po iyon pinakinggan, ginoo.

"Isang araw, habang kami po ay namamasyal sa kakahuyan, isang dayuhan po ang kumitil sa buhay ng aking pinakamamahal matapos po niyang saluhin ang pana na dapat po ay para sa akin. Nang iyon po ay makarating sa tribo, bumuhos po ang galit nila sa akin na nag-udyok po sa kanila na ako'y isumpang makulong ng isang libong taon sa isang yungib. Sa pagkaputol po ng sumpa, ang inyo pong lingkod ay nakalaya, ngunit unti-unti na pong nauubos ang gubat. Sa panganganib po ng aking buhay bilang isang anggitay at buhay po ng kagubatan, isang solusyon na lang po ang aking naisip na makakapagsalba sa amin at iyon po ay magkaroon ng panibagong buhay bilang isang mortal. Ako po ay naparito, ginoo, upang makipagsapalaran at muli pong humanap ng tao na makapag-aalay sa akin ng wagas na pag-ibig."

"Teka! Teka lang!" sabat ni Rain para linawin ang buhol-buhol nang nakalap na impormasyon sa kanyang utak. "'Di ba sabi mo bawal sa inyo na umibig sa mortal? Eh, bakit kailangan mo ulit humanap ng taong magmamahal sa 'yo, ha?"

"Sa pamamagitan po nitong esmeraldang rosas, ginoo, ang mahiwagang samyo po nito ang nakakapagbigay po sa inyong lingkod ng pansamantalang anyo ng isang normal na tao, ngunit sa tuwing sasapit po ang dilim, sabay po sa pag-ikom ng bulaklak, ay babalik po ako sa aking tunay na anyo. Subalit ang halik po ng tunay na pag-ibig ng isang mortal—na mahigpit pong ipinagbabawal sa aming mga anggitay dahil sa dulot po nitong mortalidad—ang siya pong magdudugtong sa nauupos ko nang buhay. Sa ganoon pong paraan ay maipagpapatuloy po ng inyong lingkod ang misyong pangalagaan ang kalikasan sa pamamagitan po ng pagpapaalala at pagtuturo sa inyo pong mga mortal ng kahalagahan nito."

"Oo nga naman, may punto ka riyan. Kuha ko na." Kung hindi lang kilala ni Rain si Jorge ay baka naniwala na siya rito. Sa mga kilos at pananalita nito, kung ngayon lang niya ito nakausap ay baka iisipin niya na isa nga itong anggitay na nagkatawang tao. Parang hindi ito nagpapanggap dahil kitang-kita sa mga mata ni Jorge ang sinseridad at katapatan. Tila lumabas mula sa mga pahina ng nobela si Zelena at napunta sa katauhan ni Jorge. "Kapag may nagkagusto sa 'yong tao magiging tao ka na rin. Buhay ka pa nga naman kapag ganoon!"

"At dahil ako po ay namumuhay pa rin bilang isang anggitay," dagdag pa ni Zelena na katauhan ni Jorge, "na dahil po sa mahiwagang esmeraldang rosas na nakapagbigay po sa akin ng pansamantalang katawan ng isang mortal, ginoo, sa pagsapit ng dilim ako po ay babalik sa aking tunay na anyo. Sa inyo'y ako po'y may pakiusap, ngayong papalubog na ang haring araw, huwag niyo po sanang ikabibigla at ikatatakot ang inyong matutunghayang paglitaw ng aking tunay na kaanyuan."

"Huwag kang mag-alala." Sa mga natipong datos sa istoryang napakinggan mula sa kausap, isang ideya nga ang nabuo ni Rain na sa tingin niya ay maaring maging paraan para maalis ang anggitay na si Zelena sa katauhan ng kaibigan. "Akong bahala sa 'yo. Jor— este Zelena, pwede ka bang pumikit?"

"Ginoo, kung hindi man po kalabisan, maari niyo po bang ibigay sa inyong lingkod ang dahilan sa hinihingi ninyong kahilingan?"

"'Di ba hinahanap mo ang wagas mong pag-ibig? P'wes ipapakita ko sa 'yo 'yon ngayon, basta pumikit ka muna."

Sa paliwanag ni Rain biglang may kumislap na liwanag sa malamlam na mga mata ni Jorge. "Ginoo, totoo po ba ang mga sinambit ninyong salita? Totoo po ba ang aking narinig na matuturo ninyo sa akin kung saan ko po matatagpuan ang akin pong hinahanap na wagas na pag-ibig? Kung gayo'y ako po ay lubos na nagagalak."

"Oo, tama ka." Wala mang kasiguraduhan kung gagana nga ang kanyang plano, sa loob-loob ni Rain wala na rin namang mawawala gayong nawawala na lang din naman si Jorge sa sarili—bakit hindi pa niya subukan.

"Ginoo, handa na po ang inyong lingkod." Sa pagpikit ng mga mata ni Jorge, inilapit ni Rain ang kanyang mukha sa mukha nito at unti-unti ring ipinikit ang kanyang mga mata kasabay nang paglapat ng kanyang mga labi sa mga labi nito.

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen2U.Com