Truyen2U.Net quay lại rồi đây! Các bạn truy cập Truyen2U.Com. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Page 7

Date: November 2, 2019

Sa pagbukas ng elevator sa pangsampung palapag, lumabas sila Rain at kaagad na tinunton ang kanyang unit. Gamit ang susi na kinuha sa sinturera ng pantalon, mabilis niyang binuksan ang nakakandadong pintuan, pagkatapos ay sabay nilang pinasok ni Jorge ang unit.

"Jaran!" pabirong bungad ni Rain na ikinukubli ang pag-aalinlangan sa kanyang studio-type na unit na kulang-kulang pa ng gamit. Si Jorge kasi ang kauna-unahan niyang bisita roon at hindi pa niya alam kung paanong pag-eestima ang gagawin dahil sa kakaibang kondisyon nito. "Pagpasensiyahan mo na ito lang ang nakayanan kong kaharian," dagdag ni Rain habang sinasarang muli ang pinto na sinundan nang pagpihit ng kandado ng doorknob.

"Pasensiya?" Nanlalaki ang mga mata ni Jorge na ibinaling ang atensiyon kay Rain. "Masaya nga ako eh na ang boyfriend ko ay may naipundar na! Tamang-tama nga lang ito sa atin at sa mga magiging anak natin! Ilan na nga pala ulit ang gusto mo?"

"Ikaw? Kung ilan ang gusto mo. Basta ang gusto ko ikaw... basta ikaw ang magiging ina ng mga magiging anak ko," sa hirit ni Rain, isang matamis na ngiti ang lumabas sa mga labi ni Jorge na halatang kinilig. Sa kagustuhan na maiba ang usapan, isang ideya ang naisip ni Rain na sa kanya ring palagay ay kailangan na niyang ikonsulta kay Jorge. "Nga pala, ano ang gusto mong kainin? Para maka-order na ako. Saan mo gusto: Mcdo? Jollibee?"

Bahagyag nakalimutan ni Rain na hindi ang kaibigan niyang si Jorge ang katauhan ng kanyang kausap. "Fron, remember I'm on a strict diet! Lalo na ngayon—ngayong Miss Galaxy Philippines na ako... mas mahirap na! Ang hirap-hirap i-maintain ng katawan na 'to! Hindi ako pwedeng magpabaya!"

"Minsan lang naman, eh!" Pinandigan pa rin ni Rain ang kanyang mungkani dahil napagtanto niya na baka kapag nakatikim ng pagkaing ayaw ni Pat si Jorge ay baka sakaling bumalik na sa dati ang takbo ng isip nito.

"Kung sabagay.... pero huwag na! Ayaw ko nang tumaba. Okay na sa akin ang itlog, meron ka ba?"

"Oo naman! Dala-dalawa pa!" Akala ni Rain makukumbinsi na niya ang karakter na si Patricia na um-order na lang sila ng makakain, pero siya pala ang mapapayag nito na magluto na lang dahil nakararamdaman na rin siya ng gutom. "Ano ang gusto mong gawin ko: binate, sunny-side up o hard boiled?"

"Hay, naku! Ikaw talaga!" Pinisil ni Jorge na may panggigil ang mga pisngi ni Rain. "Akala mo ha, hindi ko yan papatulan? Oh, sige gusto ko 'yong matigas! Isawsaw mo 'yan sa kaldero ng kumukulong tubig, ha!"

"Oh, edi hayan napasaya kita. Maupo ka na muna rito." Itinuro ni Rain ang isang monobloc chair na nasa tabi ng mesa. "Iluluto ko na ang specialty ko."

"Gusto mo tulungan na kita?" alok naman ni Jorge.

"Para pagpapatigas lang ng itlog, expert 'to! Sisiw na sisiw!" pagyayabang ni Rain habang inilalagay sa isang kaserola ang walong itlog na nakuha sa tray na nasa kitchen counter. "Alam kong diet ka, pero aalukin na rin kita ng kanin?"

Tumugon si Jorge ng iling habang umuupo sa silya.

"Ay oo nga pala wala rin pala akong isasaing dahil hindi nga pala uso sa akin ang bigas!" Pinihit ni Rain ang gripo para lamanan ng tubig ang kaserola. "T.v.? Baka gusto mo munang manood?"

"Hindi na. Okay lang ako. Mas gusto kong panoorin ang prince charming ko."

"No choice ka lang din kasi." Pinipigil ang tawa habang ipinapatong na ni Rain sa electric stove ang kaserola. "Paano nakalimutan ko rin na wala pa nga pala akong t.v.!"

Nangingiting tumayo si Jorge mula sa pagkakaupo at naglakad papuntang kusina pagkatapos ay yumapos sa katawan ni Rain. "Ikaw talaga! Lagi mo akong niloloko."

"Miss Galaxy..." angil ni Rain na nakikiliti sa pag-amoy-amoy ni Jorge sa kanyang likurang balikat. "Nagco-concentrate ako rito!"

"Sige mag-concentrate ka lang diyan, basta dito lang ako. Na-miss ko kasi itong amoy na 'to, eh."

"Wait lang, ha." Para makawala sa pagkakagapos ni Jorge, gumawi si Rain sa kabilang panig ng counter para kumuha ng instant noodles sa kitchen cabinet. "Kukuha nga pala ako ng ramen."

Tila nailang sa pagdistansiya ni Rain, tahimik lang na naupong muli si Jorge sa monobloc chair. Dahil sa hindi na matiis na pagkalam ng sikmura, hindi na lang kumibo pa si Rain na nagpatuloy sa paggayak ng kanilang hapunan.

Hanggang sa makapaghain na si Rain, nanatili pa ring walang imik si Jorge. Para putulin ang katahimikan ay naupo na si Rain sa isa pang silya—kasalungat ng posisyon ni Jorge—saka nag-aya nang kumain. "Let's eat. Heto na ang specialty ko. Ramen? Pampa-hot? Hindi ko nakakalimutan na nagda-diet ka at mas lalong hindi ko nakakalimutan na maginaw ang panahon, baka gusto mo lang?"

Umiling lang si Jorge habang hinahati-hati ang mga itlog na nasa plato niya. At gaya ni Patricia sa istoryang 'Ang Lechon at Ang Hipon', hiniwalay rin ni Jorge ang mga pula ng itlog. Habang pinapapak na ang mga puti ng itlog, kinuha naman ni Rain ang mga pula at inilagay sa kanyang mangkong ng instant noodles—gaya ni Sofronio na siyang tagakain ng mga pagkaing bawal kay Patricia, inaasahan na ni Rain na siya rin ang kakain ng mga tira ni Jorge kaya nga naghanda rin siya ng instant noodles na paborito niyang nilalahukan ng itlog.

Nakakailang higop pa lang ng sabaw si Rain ay dinampot na ni Jorge ang pitsel at naglagay ng tubig sa baso.

"Ang bilis mo naman? Tapos ka?" tanong ni Rain na nakapagpagulat sa umiinom nang si Jorge dahilan para mailihis nito ang baso sa bibig.

"Jo—" Dali-daling tumayo si Rain para lapitan si Jorge na basa ng tubig ang dibdib ng suot na bestida. "Ano ang nangyari sa 'yo?"

"Okay lang. Okay lang ako!" tugon ni Jorge na nanginginig pa sa lamig ang boses habang pinipilipitan ang kanyang suot na damit. "Matutuyo rin naman ito. Okay lang ako."

"Hindi! Giginawin ka niyan! Halika ikukuha kita ng damit, magbihis ka."

Nagtungo ang dalawa sa kwarto ni Rain. Binuksan ni Rain ang maleta na nasa tabi ng mattress at kinuha ang isa sa mga t-shirt niya. Pagkaharap ni Rain kay Jorge para ibigay ang damit, nanlaki ang kanyang singkit na mga mata nang makita itong wala nang saplot sa katawan.

"Jo—" sa pagkataranta ay muntik na namang makalimot si Rain na hindi ang kaibigan ang katauhan ng taong nasa harap niya. Sino ba naman kasing lalaki ang hindi matataranta sa magandang hubog ng katawan ni Jorge? Ngayon alam na niya kung bakit walang naipundar ito at iyon ay dahil sa pagpaparetoke at pagpapa-sex change. "Bakit hindi mo naman ako hinintay? Kinuha ko lang sandali itong pamalit mo!"

"Sorry hindi ko na kayang maghintay!" tugon ni Jorge na tumutulo ang mga luha sa mata habang lumalapit sa kinakatayuan ni Rain. "Ayaw ko na nang ganito tayo! Ayaw kong mawala ka sa akin! Fron, please... show me that you love me! I want to feel that you still love me! Show me your love... make love to me!"

Kung hindi lang nagbago na si Rain malamang sinunggaban na niya ang pagkakataong iyon na makatalik si Jorge. Aminado naman siya noong una-una pa lang silang magka-chat—noong dati pa siyang callboy/gigolo/funk boy at nalaman niyang si Jorge ay isang transgender woman—gusto niya itong patulan. Para kasi sa kanya, noon, ang mga tulad ni Jorge na transgender woman ay madali lang paikutin, bihagin at siyempre perahan. Pero nagbago ang lahat nang makilala pa niya ito—nagkaroon siya ng respeto. Kay Jorge niya kasi naramdaman ang tunay na kahulugan ng salitang 'kaibigan.' Ito lang kasi ang nagkainteres at nakaunawa sa isang mahalagang parte ng kanyang pagkatao na kanyang kinalimutan dahil pakiramdam niya ay walang patutunguhan dahil walang may pakialam—ang pagsusulat. Naniwala ito sa kanyang kakayahan at kinumbinsi na subukang muli. Hindi ito tumigil sa pagsuporta hanggang marating niya kung ano ang mayroon siya ngayon, kaya ganoon na lamang ang tinatanaw niyang utang na loob at pasasalamat kay Jorge na naging dahilan ng pagbabago sa kanyang buhay.

"Ibibigay ko na lahat sa 'yo huwag ka lang mawala sa akin." Nagmamakaawang hinawakan ni Jorge ang mga pisngi ni Rain at nakipagtitigan. "Oo, aaminin ko na masaya ako noong ako ang manalo ng Miss Galaxy Philippines, pero kung dahil doon ay mawawala ka naman sa akin... ikamamatay ko. Mas gugustuhin ko nang maalisan ng korona kaysa hiwalayan mo! Hirap na hirap na lang din naman ako sa pressure at sa pambabatikos nila sa akin—sa atin—kaya please make love to me para ma-dethrone ako... para maging iyong-iyo na talaga ako!"

"Ang babaw mo naman! Ito lang ba ang pagmamahal sa 'yo?" Inalis ni Rain ang mga kamay ni Jorge sa kanyang mukha para kuhanin ang kumot na nakalatag sa mattress. Ibinalot niya iyon sa katawan ni Jorge na sinabayan niya ng yakap. "Mahal kita... hindi mo na 'to kailangang gawin! Mahal kita! Lagi mo 'tong tatandaan—mahal kita. Makapaghihintay ako, pero ang pangarap mo hindi! Minsan lang dumating sa iyo ang pagkakataong iyon, kaya huwag na huwag mong pakawalan! Nandito lang naman ako palagi, sumusuporta. Kahit ano pa ang sabihin nila at kahit ano pa ang isipin mo—wala akong pakialam basta ang mahalaga sa akin ay mahal kita."

Bumitaw si Rain sa pagkakayakap kay Jorge para halikan ang noo nito. Habang inilalapit ang mga labi sa noo ni Jorge ay hindi niya naiwasan na mapaluha na rin gawa nang pagkadala sa mga binitawang linya ni Sofronio sa kathang 'Ang Lechon at Ang Hipon.'

Pagkatapos mahalikan si Jorge ay nilubos-lubos pa ni Rain ang pagbato ng mga makabagbag damdaming linya habang pinupunasan ng mga kamay ang mga luha nito. "Kahit saan ka pa magpunta, kahit nasaan ka, ang pag-ibig ko ay nasa 'yo, hindi mawawala, kailan man ay hindi maglalaho, kaya huwag ka nang umiyak, ha?"

Hikbi at tango lang ang naitugon ni Jorge na nakapagpangiti kay Rain.

"Magiging maayos din ang lahat. Oh sige na magbihis ka na." Hinalungkat ulit ni Rain ang maleta para kumuha naman ng padyama. "Heto oh, isuot mo na rin 'to. Lalabas na ako para makapagbihis ka na."

Iniwan ni Rain si Jorge sa loob ng kwarto para bigyan ito ng oras na ayusin ang sarili. Pagkasara niya ng pinto ng silid ay isang malalim na buntong-hininga ang kanyang pinakawalan pagkatapos ay nagtungo siya sa kusina. Matapos ng mainit na tagpo nila ni Jorge, ginanahan pa si Rain na ipagpatuloy ang naudlot na pagkain.

Pagkatapos kumain, maligpit at mahugasan na ang kanilang mga pinagkainan ay kinatok na ni Rain si Jorge sa kwarto. "Pat?"

Walang tugon na bumalik sa kanya kaya sinubukan naman niyang tawagin ito sa pangalan. "Jorge? Jorge?!"

Hindi pa rin sumagot si Jorge kaya nagdesisyon na si Rain na buksan ang pinto.

Pagpasok sa silid ay nakita niya ito na nakabihis na, nakahiga sa mattres, yakap ang isang unan at mahimbing nang natutulog.

Kinuha ni Rain ang kumot na nakakalat sa sahig para isaklob kay Jorge. Sa mga sandaling 'yon nakaramdaman siya ng awa para sa kaibigan. Naglalaro sa kanyang isip ang tanong kung bakit nagkaganoon ito. Sa tantsa ni Rain ay hindi sinasaniban si Jorge dahil mga kathang-isip lamang ang mga pagkataong pumalit sa katauhan nito, malamang si Jorge ay mayroong mental disorder. Buti na lamang nagsimula na siyang magsaliksing tungkol sa isang uri ng mental health condition na tinatawag na Dissociative Identity Disorder na napili niyang tema para sa susunod niyang isusulat na nobela. Ngunit masyado pang maaga para ituring na kaso nga ng Dissociative Identity Disorder ang karamdaman ng kaibigan. Ang nakikita na lang na maaari munang gawin ni Rain ay patuloy na mag-obserba at huwag hayaang mawalay sa kanya si Jorge.

"Hay! Nakakapagod!" Pagkatapos maghikab at mag-unat nang hapong katawan ay naupo si Rain sa isang sulok, sa gawing paanan ng mattress. "Good night, Pat. Good night, Thera Yosa. Good night, Jorge. Good night, LakambiningManunulat."

Habang pinagmamasadan ang naghihilik nang kaibigan ay naipikit na rin niya ang kanyang mga mata.

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen2U.Com