Truyen2U.Net quay lại rồi đây! Các bạn truy cập Truyen2U.Com. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Page 9

Date: November 3, 2019

SA PAGSAPIT ng panibagong araw, pagmulat ng mga mata ni Rain ay si Jorge na kaagad ang hinagilap ng mga ito.

Mahimbing pa ring natutulog si Jorge sa mattress at patuloy pa rin sa paghilik kaya minabuti na ni Rain na hindi na muna ito gisingin para makapaghanda na rin siya ng kanilang umagahan.

Tumayo si Rain mula sa pagkakaupo, nag-unat, naglakad papuntang banyo para sa kanyang mga ritwal saka nagtungo sa kusina para mag-init ng tubig na pangkape gamit ang electric kettle; at dahil hindi pangkaraniwan ang umagang iyon ay kailangan niyang magluto ng almusal. "Anak ng hotdog! Ubos na nga pala ang mga itlog!"

Binuksan ni Rain ang kitchen cabinet para maghagilap ng maaari niyang ihain kay Jorge. Ang nandoon na lamang ay ang tatlong supot ng instant noodles. "Pwede na 'to! Hindi naman kasi siya nagkakape, kaya pwede na 'to! Kaysa um-order pa ako, baka hindi lang din naman niya kainin! Bahala na siya kung ayaw niya rin nito!"

Lumipas ang ilang minuto at handa na ang almusal at handa na rin si Rain na gisingin si Jorge, kaya tumulak na siya papunta sa kwarto. Pagkabukas ng pinto ay wala na sa silid ang iniwan niyang natutulog na bisita. "Jorge?"

Isa na lang ang nakikita ni Rain na maaari pang puntahan ni Jorge kung hindi man ito nakalabas ng kwarto—ang balcony. Lumapit siya sa pintong salamin papunta roon para sumilip at kanyang naaninag ito na nasa kaliwang gilid—ikinukubli ang sarili sa likod ng pader. "Jorge!"

Sa pagkadinig ng boses ni Rain, mababakas sa mukha ni Jorge ang pagkabalisa na tila ba hindi na alam kung saan pa susuot para magtago, kaya naman binuksan na ni Rain ang pinto. "Jorge, ano ang ginagawa mo riyan?"

"Huwag kang lalapit!" banta ni Jorge na nakaamba ang mga kamay habang umaatras sa railings sa isang sulok ng balcony. "Diyan ka lang!"

"Jorge, ano na naman ba 'to? Sino ka na naman?" Napakamot ng ulo si Rain sa magkahalong kunsumesiyon at pagkabahalang nadarama para sa kaibigan.

"Bakit ba ang kulit mo? Sa café ka pa! Hindi nga ako si Jorge! Ako si Joyce!" Sa gigil ay napakamot na rin ng ulo si Jorge.

Naalala ni Rain na nabanggit sa kanya noon ni Jorge ang tungkol sa ate nitong si Joyce. Kaya naisip niya na baka ang persona naman ng kaibigan ngayon ay ang kapatid nito dahil wala siyang maalalang nagngangalang 'Joyce' sa mga sinulat ng kaibigan. "Ah, kapatid mo si Jorge?"

"Ano ba ang pinagsasasabi mo? Wala akong kapatid na Jorge! Jerah mana pa! Malamang ang sinasabi mong 'Jorge' na 'yan ay isa sa mga kamukha ko. Grabe! Napaka-generic ng mukha na 'to! May kakambal na nga, andami pang kamukha!" Kitang-kita ang pagkairita sa pagkapamewang ni Jorge. "Teka nga lang, sino ka ba, ha? Bakit dinala mo ako rito? Bakit iba na ang damit ko? Hindi kaya... pinagsamantalahan mo ako! Hayop ka! Tulong! Tulong may kidnapper na rapist dito! Tulong!"

"Hoy! Ano ba? Tumigil ka nga riyan!" Lumapit si Rain para takpan ng kanyang kamay ang bibig ni Jorge upang pahintuin ito sa paggawa ng iskandalo. "Mali 'yang iniisip mo! Hindi kita ginalaw! Dinala kita rito pagkatapos kitang ilabas sa ospital dahil hinimatay ka noong makita kita sa café. Oh, ano, maliwanag?"

Itinulak ni Jorge ang kamay ni Rain palayo mula sa kanyang bibig para ihayag ang kanyang pagkabigla. "Ako? Hinimatay?"

"Hay, nako! Heto na naman ako sa pagpapaliwanag," mahinang bulong ni Rain sa sarili habang sinasariwa sa isip ang ilalahad na dahilang ipapaunawa sa kausap nang sa gayo'y ito ay kumalma. "Sabi ng doctor ay naubusan ka raw ng tubig sa katawan at sobrang hapo kaya ka raw hinimatay."

"Sa pagmamadali ko papunta rito sa Baguio..." Bahagyang napatulala si Jorge na tila prinoproseso pa ang mga sinabi ni Rain. "Hindi ko na naisip ang sarili ko."

Sa pagkwe-kwento ni Jorge ay nakakita ng pagkakataon si Rain na alamin kung paanong napadpad ito sa Baguio. Ang kailangan lang ay kilalanin niya ang bago nitong persona na wala sa mga akda nito. "Bakit—matanong ko lang—ano ang dahilan ng pagpunta mo rito?"

"Dito ako nagtratrabaho... isa akong katulong. Kaya kung kidnapper ka ay wala ka ring mapapala sa akin dahil wala naman akong pera at wala ring paki ang amo ko kung mawala ako sa buhay niya—baka nga ikatuwa pa niya 'yon, eh."

"Bakit mo naman nasabi 'yan?"

"Hello katulong na lang kaya niya ako." Rumolyo patungo sa kabilang direksiyon ang mga mata ni Jorge. "Buti sana kung ako nga 'yong fiancée niya!"

"Katulong? 'Na lang'?" Nagiging interesado na si Rain sa istorya ni Joyce. "Bakit? A-ano ba kayo dati?"

"Ah, wala. Walang kami... hindi naging kami. Sabihin natin na isa lang akong alaala na madaling kalimutan. Magkaklase kami noong high school na nagkaroon ng masayang ugnayan—mutual understanding kung tawagin nila. Hayon, noong graduation, gr-um-aduate din ang ugnayan na 'yon. Kung gaano kalabong nagsimula, ganoon din kalabong natapos. Bigla na lang kasi siyang naglaho! Tapos nang makatapos ako ng college, nakapasok ako sa Kingdom Hotel dito sa Baguio na ang may-ari ay tatay pala niya! At ang magiging tagapagmana ay walang iba kundi siya. At nalaman ko rin na ikakasal na pala siya. Sa rami ng nangyaring kasing gulo naming dalawa ay natanggal ako sa hotel, pero sa tulong ng tatay niya, ang ending ko katulong na lang niya."

"Sino ba ang amo mo,k ha?"

"Si Angelo—"

"Angelo Flores?" sabat ni Rain na hindi na nahintay na tapusin ng kausap ang sinasabi. "Tama?"

"Oo, dati noong hindi pa niya nakikilala at hindi pa siya nakikilala ng tatay niya na si King Arthur Urdaneta, kaya Urdaneta na rin siya ngayon kasi kinikilala na siya."

"Pano—" Nagsalubong ang mga kilay si Rain sa lito sa pagkasalaysay ni Jorge.

"Ganito kasi 'yon bali si King Arthur na may-ari ng Kingdom Hotel ang nawawala niyang tatay. Tapos nagkita na lang sila noong High School Graduation namin nang si King Arthur ang nag-guest speaker. Noon nalaman ni King Arthur na nagkaroon pala siya ng anak sa high school sweetheart niya na nanay ni Sir Angelo. Hindi na kailangan ng DNA test para mapatunayan, kasi hindi naman makakaila na mag-ama sila dahil magkahawig talaga sila," detalyadong paglilinaw ni Jorge. "Teka lang! Kanina ka pa tanong ng tanong, ah?"

"Sorry!" Napangiti na lamang si Rain na hindi alam kung paanong magpapalusot.

"Ngayon, ako naman. Ano ang pangalan mo?" tanong ni Jorge na tinernuhan pa ng paghalukipkip ng mga braso at pagtaas ng kanang kilay.

"Rainiel Uy." Tulad noong unang beses silang magkita nang personal, inalok ni Rain ang kanyang kaliwang kamay kay Jorge na ikinalito na naman nito kung paanong sasalubungin ng sa kanya.

"Kaliwete ka rin, hano?" Inihawak na lang ni Jorge ang kanang kamay sa kaliwa ni Rain bilang tugon sa pakikipagkamay.

At tulad din ng dati napangiti si Rain bilang pag-amin saka nagpatuloy sa pagpapakilala. "Pwede mo akong tawaging 'Rain'. Huwag lang Uy na para kasing hindi magandang pakinggan."

"Ako naman si Joyce Manalo." Nakangiti na si Jorge na tila nagpapahiwatig na naging kampante na ito.

Bumitaw sa pakikipagkamay si Rain nang malaman ang buong pangalan ng kausap. Nagtataka siya kung bakit parehas ang pangalan ng kapatid ni Jorge at ng bago nitong persona samantalang hindi umaakma ang mga impormasiyong kanyang nakalap sa personang si 'Joyce' para masabing ito ay ang katauhan ng ate ni Jorge.

"Ah, Rain...."

Mula sa pagkatulala binalingan ni Rain ang kausap. "Bakit?"

"Ahm... pwede na ba akong umalis?" Hindi makatingin nang diretso ang nakikiusap na si Jorge.

"Ha?" Bahagyang nabigla, ang nanatiling sigurado para kay Rain sa mga oras na iyon ay hindi niya dapat hayaang mawalay sa kanyang tabi si Jorge na nasa ganoon pa ring kondisyon. Pero hindi naman na niya alam kung ano pa ang idadahilan na maiintindihan ng persona nito.

"Kasi gusto ko nang umuwi. Hindi man ako hinahanap ni sir dahil paniguradong sisante na ako pagkatapos kong hindi makabalik sa loob ng tatlong araw niyang binigay na bakasyon, pero gusto ko pa ring bumalik. Dahil kahit hindi man niya aminin ay kailangan niya pa rin ako lalo na ngayong parang may hindi magandang balak sa kanya ang fiancée niya."

"Si—sigurado ka? Pwede namang dumito ka na muna habang nagpapahinga ka," alok na tulong ni Rain na tanging naisip niyang dahilan para pigilan ang binanalak na gawin ni Jorge na kinokontrol ng personang si Joyce.

"Nako, hindi na!" Nanlalaki ang mga matang kinontra ni Jorge ang suhestiyon ni Rain. "Sobra-sobrang pang-aabala na ang nagawa ko."

"Ganito na lang..." Isang ideya ang agarang naisip ni Rain para hindi hayaang basta-basta na lang gawin ng personang si Joyce ang gusto nitong mangyari. "Sasamahan na lang kita. Baka may mangyari na naman sa 'yo—baka himatayin ka na naman—kaya sasamahan na lang kita sa bahay na iyon."

"Nako! Baka may gagawin ka ngayon? Makaantala pa ako. Naabala na nga kita sa pagtakbo mo sa akin sa ospital. Tungkol nga pala roon babayaran kita kapag nakauwi na ako kaya kailangan ko na talagang umuwi."

"At kaya kailangan din kitang samahan sa pag-uwi mo para makuha ko ang ibabayad mo. Oh, ano? Deal?"

"Okay, sige payag na ako. Kaya lang... may isa nga pala akong problema?"

"At ano na naman 'yon? Ha?" pagmamaktol ni Rain matapos akalain na makukumbinsi na niya ang personang si Joyce sa naisip niyang solusyon, pero mayroon na namang itong kasunod na hinaing.

"Nang pumunta ako sa bahay ni sir... iba na ang nakatira tapos pati ang café niya hindi ko mahanap."

Sa kaiisip ni Rain kung paano pang pangungumbinsi ang isasagot, kumalam na ang kanyang tiyan sa gutom. "Saka mo na 'yon problemahin, tutulungan na lang kitang mahanap ang ungas mong amo! Basta ngayon, pwede bang mag-breakfast na tayo! Hindi ka ba nagugutom? Naghanda nga pala ako ng makakain mo. Tara na baka lumamig na 'yon!"

"Sorry... sorry nga pala kung napagkamalan pa kitang manyakis. Ikaw pala itong madaming naitulong sa akin, kaya dapat pa ako sa 'yong magpasalamat."

"Tama na nga 'yang drama na 'yan!" reklamo ni Rain na nakasimangot na ang mukha sa gutom. "Nagwawala na talaga itong mga alaga ko sa tiyan!"

"Salamat," hirit na naman ni Jorge na hiniling ni Rain na sana ay huli na.

"Hays! Ikain mo na lang 'yan!" Binuksan ni Rain ang pinto pabalik sa kwarto. Hinintay na mauna nang makapasok si Jorge bago siya.

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen2U.Com