Truyen2U.Net quay lại rồi đây! Các bạn truy cập Truyen2U.Com. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

KABANATA 1

***

SAMPUNG TAON
BAGO
ANG KASALUKUYAN•

***

           "Naku may sunog na naman sa baryo ng Quisao," komento ng isang Ginang, umaga pa lang ay kausap na niya ang kaniyang mga amiga na tulad niya'y nagbigay din ng kani-kanilang opinyon. "Totoo ngang isinumpa ang lugar na iyon, biruin mo, sa loob lamang ng isang buwan apat na beses na silang nasusunugan," wika naman ng isa, naudlot pa ang pagwawalis nito para lang makiusyoso. Maririnig sa kanilang kalsada ang pagdaan ng dalawang truck ng bumbero, ang mga ingay na nililikha nito ang halos gumising sa buong baryo.

           Nang maapula na ang sunog, ang mga residente naman ng San Andres ay hindi na nga nakapagtimpi pa, nagkaisa sila na kailangan na nilang tapusin ang sumpa di umano na bumabalot sa kanilang lugar. Agad nilang sinugod ang isang liblib na kubo na nakatirik malapit sa may ilog, naniniwala sila na isa lamang ang may pakana ng lahat, at ito ay naninirahan sa maliit na kubo na iyon. "Flamora! Ilabas mo ang anak mo! Alam naming itinatago mo siya,"
sigaw ng taong-bayan, bawat isa sa kanila ay may dalang tabak, ang iba kawayan o di kaya'y mga bato.

   
          Isang babae ang lumabas para harapin sila, bagama't may edad na siya ay mababakasan pa rin sa kaniya ang nakakahalina niyang hitsura. Malumanay siyang nagtanong sa mga ito  "Teka, teka, ano naman ho ito Kap?" tukoy niya sa Kapitan ng kanilang baryo. Ngunit sa halip na si Kapitan ang sumagot ay isang Ale ang bigla na lamang sumabat, "Hindi mo ba nabalitaan? Nagkasunog naman sa lugar natin, at sigurado na kami, na iyang anak mo, ang may kasalanan ng lahat, dahil nakita mismo ng mga mata ko, na iyang anak mo ang huling pumasok sa bahay nina ka-Taweng, kung saan nag-umpisa ang sunog," nanggagalaiting wika pa nito.

    
          "Paano ho kayo nakakasiguro, ang anak ko ho ay magpasahanggang ngayon ay natutulog pa, ni hindi ko na nga ho siya pinapapunta sa bayan dahil baka masisi nyo pa siya," panananggol ni Flamora sa anak, aminado naman siya na kararating nga lang talaga ng anak niya ngayong umaga, pero wala siyang magawa kundi pagtakpan ang anak, ayaw niyang may makaalam ng buong pagkatao nito.

          "Huwag mong kunsintihin ang anak mo Flamora, kung ayaw mong  saktan namin siya, pwes! Makakalayas na kayo sa lugar ito, kayo ang sumpa sa bayang ito at hangga't naririto ang batang iyan, hindi matatapos ang trahedya sa buong Quisao!"

         "Kap..." Nais humingi ng simpatya ni Flamora sa kanilang kapitan ngunit wala rin naman itong magawa. Saksi rin kasi ito sa isang malaking sunog noon sa kanilang bayan. Nasunog ang kanilang health center noon kung saan  isinilang ni Flamora ang kaniyang anak, kahit nga ang barangay hall ay nadamay din sa sunog, sa una ay aksidente lang ang pagkakaalam ng lahat ngunit umamin ang nagpaanak kay Flamora, na noong narinig nila ang unang iyak ng sanggol na anak ni Flamora ay saka lang nagsimulang magliyab ang mga kurtina na nakapalibot sa paanakan na iyon. At malaking himala nga naman na nagawa ng mag-ina ang makaligtas sa sunog na iyon, pagkatapos niyon ay naging usap-usapan na sila ng kanilang mga kababayan.

           "Flamora, taong bayan na ang nagdesisyon, labag man sa kalooban ko pero, baka pwedeng sa ibang bayan na lang kayo manuluyan, malayo sa lugar na ito." Napaluha na lamang si Flamora,  para sa kaniya, maaring tama ang kapitan nila, kailangan na nilang magpakalayu-layo, ayaw na niyang may mapahamak pang iba, alam niya sa sarili niya na hindi pa talaga kayang kontrolin ng anak niya ang taglay nitong kapangyarihang apoy, kaya labag man sa kalooban ng anak ay nakakapagpaliyab siya ng isang bagay lalo na kung maapektuhan ang emosyon niya.

        
            Hindi na umalma pa si Flamora, pumasok siya sa kanilang bahay, doon ay nakita niya ang anak na nagsisimula na namang manggalaiti sa galit matapos marinig nito ang lahat ng kanilang mga napag-usapan sa labas ng kanilang tahanan, sinubukan niyang pakalmahin ang anak na agad din naman sumunod sa kaniya, "Okay lang 'yan anak, siguro nga'y oras na para umalis na tayo sa lugar na ito." Kinuha lamang ni Flamora ang mga importanteng bagay, gaya ng damit at ang isang invation card na matagal na niyang itinago. Tama ang kutob ng kung sino man ang nagbigay niyon sa kaniya, na balang araw ay kakailanganin din nila ang tulong ng mga ito.

  
          Umalis sila sa lugar ng Quisao, halos magdiwang naman sa galak ang taong-bayan. Habang binabagtas nilang mag-ina ang tahimik na  kalsada sa gitna kagubatan ay may isang humaharurot na Pajero ang bigla na lamang tumigil sa kanilang harapan, isang lalaki ang lumabas mula sa magara at mahabang sasakyan na iyon, pinagbuksan pa sila nito ng pintuan, "Hinihintay na po kayo ni Madam Chairman," mahinahon na sabi nito.

   
         "Palagay ko, hindi pa ito ang tamang panahon. Maari bang iparating mo sa kaniya, na kapag tumuntong na ang anak ko sa wastong edad, hahayaan ko na siya sa poder nila. Kung iyon lang ang tanging paraan para pigilan ang pagbabalik ni Haring Kidlat," magalang na wika ni Flamora sa lalaki. Hindi na nagtanong pa ang lalaki at muling bumalik sa sinasakyan at iniwan na ang mag-ina. Napatingin naman ang anak ni Flamora sa kaniya, "Nay, sino po si Madam Chairman?"

         "Magkukrus din ang landas ninyo anak, at sa oras na mangyari iyon, sigurado akong mas palalakasin ka  pa niya bilang ikaw, ngunit sa mga pagkakataong ito, hayaan mong ako muna ang humubog sa iyo." Halata naman ni Flamora na hindi siya nauunawaan ng anak, nginitian na lamang niya ito.

    

***

ANG KASALUKUYAN:
SI FIRAH

***
[POINT OF VIEW NI FIRAH]

         Ibinaba ako ng taxi sa harap ng malaking gate ng school, napakalawak ng pader nasasakop nito, marami ang estudyante pumapasok at lumalabas, muli kong tinignan at binasa ang Card na binigay sa akin ni Inay, Louissiana University, ito rin ang nakasulat sa pader ng school, tama, ito nga ang lugar na tinutukoy ng Card. Bitbit ang maleta ko, pumunta ako kay manong guard, ipinakita ko lang sa kaniya ang hawak kong Card tapos bigla siyang nataranta. Gamit ang landline malapit sa kinaroroonan niya ay may tinawagan siya, maya-maya pa'y humarap siya sa akin, "Tara na po Ms. Firah," aniya. Teka, kilala niya ako. Hindi ko na siya inusisa pa basta't sinundan ko na siya, balak pa nga niyang bitbitin ang maleta ko pero sabi ko huwag na at kaya ko naman.

           Napakalaki ng school, ang lawak-lawak, bagama't maraming estudyante ang nagpaparoo't parito ay napakalaki pa rin ng espasyo sa lahat ng dako. Tumigil kami sa isang waiting shed, kagaya ng ilan, tila may hinihintay din kami. Hanggang sa isang Pajero ang tumigil sa aming harapan, may isang lalaki ang bumaba at walang tanung-tanong na kinuha ang maleta ko at isinakay sa sasakyan niya. Parang pamilyar sa akin ang brown na sasakyan na iyon, pati na 'yong lalaki. Tama, siya rin 'yong kausap ni Inay noong bata pa ako. Alam kong matagal nang panahon iyon, pero bakit hindi nagbago ang hitsura niya, kung ano ang hitsura niya noon, ay ganoon pa rin ang hitsura niya ngayon—ang weird lang.

           Pero bago ako tuluyang sumunod sa maleta ko ay tinanong ko na si kuya kung saan kami pupunta, sinabi niya lang na kailangan ko raw muna makipagkita kay Madam Chairman. Nang marinig nga iyon ng mga kalapit kong estudyante ay nagbulungan pa sila, akala siguro nila hindi ko sila naririnig, "Di ba service iyan ni Madam Chairman?"

            "Sino kaya siya?"

           
           "Isang VIP siguro, kasi service pa ni Madam Chairman ang ginamit kaya for sure, mula iyan sa mayamang angkan."

       
           "Beb, bet ko ang hair niya, red na red, just like her eyes."

    
           "Ganda ng chicks pre."
            

           "Kung ligawan ko kaya?"

          Bago pa ako tuluyan mainis sa mga pinagbubulungan nila, tumingin ako ng matalim lalo na sa dalawang lalaking nakatayo sa likod ng mga estudyanteng babae. Naramdaman ko ang panlalambot ng tuhod nila nang titigan ko sila. Mabuti na lang at inanyayahan na ako ng lalaki na sumakay na sa sasakyan. Sumakay na lamang ako at nagpasalamat kay manong guard sa pag-alalay sa akin.

   
          "Pre, nakakatakot siya. Liligawan mo siya? 'Yan ang huwag na huwag mong gagawin." Napangisi na lang ako matapos marinig iyon, weirdo man pero may kakayahan akong makarinig ng mga bulungan ng mga nasa paligid ko kahit ilang metro pa ang layo nila sa akin. "Ms. Firah?" puna sa akin ni kuyang nagmamaneho, siguro'y napansin niya ang pagngiti ko. "Huwag nyo ho akong pansinin, masaya lang po ako na makakapag-aral na po ulit ako." Hindi na nga ako inabala pa ni kuya at nagpatuloy siya sa kaniyang pagmamaneho.

         Sa pagkakatanda ko, school itong pinasukan ko pero parang syudad na rin pala ito kapag nasa kaloob-looban ka na. May mga restaurants at shops sa magkabilang direksyon, bukod pa ang mga gusali na sa tingin ko ay mismong mga classroom. Mukhang bawat departamento ay may kaniya-kaniyang buildings, ang sosyal naman pala ng eskwelahang ito. Hanggang sa napadaan kami sa palagay ko'y parang mansyon, pero nang mabasa ko ang pagkakakilanlan ng building, ay isa pala itong library. Nakakalula ang laki at lawak niyon, feeling ko lahat ng klase ng libro sa buong mundo ay matatagpuan sa loob niyon. Nilagpasan lamang namin ito, maya-maya pa'y binabagtas na namin ang malawak na garden, wala na akong estudyanteng nakikita sa paligid, sa sentro ng garden makikita ang magara at malaking fountain, inikutan namin ito hanggang sa matanaw ko sa di kalayuan ang isang literal na mansyon, mas malaki ito kumpara sa library na una ko nang nakita at natitiyak ko, doon ang punta namin. Napalunok na lamang ako, sino kaya si Madam Chairman na kakatagpuin ko, kaanu-ano ba namin siya? At bakit ganito na lamang kaespesyal ang trato ng lahat sa akin? E hamak na mahirap lamang kami ni Inay, ni wala nga kaming sariling ari-arian. Noong namatay si Inay, kabilin-bilinan niya sa akin na ang unang pupuntahan ko raw ay itong si Madam Chairman, ito lang daw ang maaring promotekta sa akin, ang hindi ko maintindihan, bakit kailangan akong protektahan? Bakit kailangan ko ang tulong ng sinuman kung kaya ko naman protektahan ang sarili ko gamit ang sariling kong kapangyarihan?

       "Ms. Firah nandito na tayo." Pagkatapos ay bumaba ako sa sasakyan, kung lumalaglag lang talaga ang panga, malamang 'yong sa akin nasa marble na nitong yinayapakan namin. May anim na babae ang maayos na nakahilera sa dadaanan namin. Pare-parehas pa sila ng suot at magalang na nakayukod. Tapos may isa pang lalaki ang lumapit sa amin at saka binitbit ang maleta ko, hindi na ako nakapalag kasi hanggang ngayon, nalulula pa rin ako sa garbo at lawak ng lugar na nasa harapan ko. Inanyayahan na ako ni kuyang nag-drive sa akin na sumunod sa kaniya na siya namang ginawa ko.

***

•UNANG TAGPO•

***

         Ang mga mamahaling mwebles, mga naglalakihang Chandelier at mga nagkikintaban na bahagi ng mansyon ang bumungad sa akin. Pumasok kami sa isang silid, napakalaki ng bintana ang nasa loob nito, halos triple pa sa laki ko o lagpas pa nga, ang mga materyales at furnitures ay halata rin na mamahalin, mas lalo tuloy akong nanliit. "Walang duda, ikaw na nga si Firah." Agad kong hinanap ang pinanggalingan ng boses na iyon. Nang tumingin ako sa gawing kanan ko ay doon ko nakita ang isang ginang, napakaelegante ng awra nito, mula ulo hanggang paa, halatang nasa maayos itong pangangalaga. Nagulat ako nang patakbo itong lumapit sa akin at saka ako niyakap ng pagkahigpit-higpit, "Sandali, hi–hindi ako makahinga," paalala ko sa kaniya.

  
        "Ay naku, sorry Hija, ang cute-cute mo kasi, hindi ko napigilan." Inalis din naman niya kaagad ang pagkakayakap niya sa akin. Inayos pa nga niya ang nagusot kong damit, "Okay lang ho, ako na po bahala," awat ko sa ginagawa niya.

         "Teka, kamag-anak ko ho ba kayo?" Sa wakas natanong ko rin. Pero tumawa siya nang pagkalakas-lakas. May mali ba sa sinabi ko?


         "Hindi, pero kung gusto mo, pwede kita ipakasal sa anak ko nang sa ganoon maging magkamag-anak na rin tayo. Naku sigurado ako, type ka niyon." Hala! Grabe naman ang ginang na ito, kasal agad? Ni hindi ko nga kilala 'yong anak niya.

        "Ay hindi ho, wala ho ako balak magpakasal, kaya lang ho ako narito kasi bilin po ng inay ko, hanapin ko raw po si Madam Chairman."

        "Ganoon ba, anyway alam ko naman 'yon." Lumungkot ng bahadya ang mukha niya. Kakaiba rin itong kausap ko, kung anong disente ng hitsura niya ay siya namang parang squammy lang ang asal niya kahawig sa mga nakakasama kong tao noon.

         "By the way, you are standing in a right place, I'm Mrs. Sandra o mas kilala nila sa tawag ng Madam Chairman. Yap, that's me, the one you are looking for," pakilala niya. Hindi ko alam kung matutuwa ba ako o madi-disappoint, ang layo kasi ng Madam Chairman na naiisip ko sa Madam Chairman na nasa harapan ko. Akala ko kasi, istrikto siya, perfectionist, masungit at isang matandang uugod-ugod na, pero kabaliktaran siya ng mga naiisip ko, ni hindi nga siya mukhang matanda, mas mukha siyang bata kaysa kay Inay. Ang kulay ginto niyang buhok ay mukhang mabango at malambot din, hindi rin siya masasabing walang taste sa pananamit dahil kung oobserbahan ang porma niya, hindi siya nalalayo sa mga milenyals at halata na mga branded lang ang isinusuot niya. Siya ba talaga ang Madam Chairman?

             "Halika Hija, doon tayo maupo nang makapag-usap tayo." Pumunta siya sa likod ko at hinawakan ang balikat ko at tulak-tulak niya akong pinapunta sa isang sofa. May mga nakahain ng meryenda sa lamesita, pakiramdam ko nasa piyestahan ako. Pinaupo niya ako sa mahabang couch at siya naman sa single couch. "Sige Hija, magmeryenda ka muna, kahit alin dyan pwede." Ngumiti muna ako bago magsalita, "Ah, mawalang galang na po, matanong ko lang po 'no. Bakit po gusto ni Inay na narito ako sa poder ninyo?"

            "Tatapatin na kita Firah." Kinilabutan ako ng biglang maging seryoso ang kaniyang mukha, hindi ko tuloy naituloy ang pagsubo ko sa lecheplan na una kong kinuha.

              "Kilala ko ang pumaslang sa Inay mo." Dahil sa narinig ko, hindi ko napigilan ang sarili ko. Parang nandilim ang paningin ko at may kung anong init sa loob ko ang bigla na lang nagnanais kumawala. Si Inay na akala ko namatay sa sakit ay sinadya pa lang patayin? Sino ang gumawa nito! Magbabayad siya! Magbabayad siya!

                Bumalik lang ang ulirat ko nang may maramdaman akong tila may ibinuhos sa akin— buhangin? Pinong buhangin?

   
             "See.. Look at you?" Teka anong nangyari? Nawala na naman ba ako sa wisyo ko? Nang tignan ko ang couch na inuupuan ko, nagliliyab na pala ito pati ang maroon carpet na tinutungtungan ko at ang mga bagay na nasa paligid ko ay nag-aapoy din. Natupok nga rin ng apoy ang mga pagkain nakahain sa harapan namin. "And that's the reason why your mother wants you here, hindi mo kayang kontrolin ang kapangyarihan mo lagi mo na lang ibinabase sa emosyon mo ang powers mo," panenermon pa sa akin nang nagpakilalang Madam Chairman.

         Iwinasiwas niya lamang ang kamay niya at nagsimulang magsiangatan ang mga pinong buhangin na nasa paligid namin, bumagsak ang mga ito sa mga bagay na nagliliyab hanggang sa tuluyan ng mapaapula ang mga ito. "Hay Hija, sinira mo ang paborito kong Sofa set, galing pa naman iyan sa pinakasikat na furniture designer sa buong Pangaea." Hindi ko inintindi ang sinabi niya, ang malinaw lang sa akin, tulad ko, may kapangyarihan din pala siya.

           "But its okay, come." Tumayo siya kaya tumayo na rin ako. "Bibigyan kita ng time para magmuni-muni, maglibot ka muna para makapag-isip. Sa pagbalik mo, sasabihin ko sayo ang lahat ng nalalaman ko at kung bakit ka nga ba nandito." Sinamahan at inalalayan pa niya ako palabas sa mansyon niya. Muli akong sumakay sa nag-service sa akin kanina. Bago kami umalis ay kinausap ni Madam Chairman ang driver niya, "Ipasyal mo muna siya, kapag nagutom siya, ikaw na ang bahala. And one more thing, ipag-shopping mo siya." Tumango lang sa kaniya 'yong driver, at saka kami umalis. Hindi ako kumontra sa mga sinabi nila, ang gumugulo lang talaga sa isipan ko ngayon ay kung bakit nga ba ako nandito sa lugar na ito, at kagaya ng sinabi ni Madam Chairman, malalaman ko ang kasagutan pagbalik ko mamaya.

to be continued...

***

Mga Dapat Abangan:
✔️ Si Madam Chairman at ang kaniyang Unico Hijo.
✔️ Ang training ground
✔️ Munting pasilip sa nakaraan.
✔️ Ang natatanging Misyon.

      

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen2U.Com