Truyen2U.Net quay lại rồi đây! Các bạn truy cập Truyen2U.Com. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

KABANATA 2

***
PITONG TAON
BAGO ANG
KASALUKUYAN:
SI SANDER, ANG YOUNG MASTER

***

Hindi magkamayaw ang mga katulong at mga tagapagbantay sa paghanap sa nagtatagong anak ni Madam Chairman. Nilibot na nila ang buong mansyon pero ni bakas nito ay wala silang makita. Tagu-taguan kasi ang paboritong laro ng kanilang young master, at dahil wala namang ibang bata ang pwedeng makalaro ng kanilang young master ay sila-sila na rin ang nagboboluntaryo. Lingid sa kaalaman nila ay nakalabas na pala ito, "Master Sander? Young master!" Ang mga sigaw na iyon ang maririnig sa buong mansyon.

Dala naman ng kyuryosidad ay napadpad ang tinutukoy nilang Sander sa gubat na nasa likuran lamang ng kanilang mansyon. Para kasi sa batang tulad niya, naakit siya sa mga kumikinang na mga bato, may kulay pula, asul, berde at iba pa at nakakalat lamang ito sa daanan, para bang hinihikayat pa siya ng mga bato na iyon na pumasok pa sa kagubatan. Isa-isa itong pinulot ni Sander at inipon sa laylayan ng kaniyang suot na damit hanggang sa tuluyan na nga siyang lamunin ng gubat na iyon. Isang sigaw ang kumuha sa atensyon ng batang si Sander, sigurado siyang may kung sino ang sumisigaw na para bang may humihingi ng tulong kaya sinubukan niya itong hanapin. Narating ng mga paa niya ang isang mataas na bangin, sa ibaba nito nagmumula ang sigaw at nang silipin niya ay isang batang babae ang kaniyang nakita.

Ang hinahawakan nitong tangkay ang tanging dahilan kung bakit hindi pa siya tuluyang nahuhulog, "Tu-tulong," mangiyak-ngiyak pang sambit nito. Isang delikadong eksena sa paningin ng batang si Sander, ni hindi niya alam kung ano ba ang dapat gawin, tutulungan niya ba muna o iiwan ang batang babae para humingi sana ng tulong pero ramdam niya na sa oras iwanan niya ito, ay tiyak na tuluyan na itong mahuhulog, ngunit wala naman siyang ibang maisip na paraan para matulungan ito, isa lamang siyang hamak na paslit. Mga malalaking tipak na bato pa naman ang nag-aabang sa batang babae sa ibaba na sinamahan pa ng malalakas na hampas ng alon.

At nangyari nga ang kinatatakutan ni Sander, narating na ng babae ang kaniyang limitasyon, tuluyan na nga siyang nakabitaw sa sangang inaasahan niya, isang nakakabinging sigaw ang namutawi sa buong paligid, napapikit na lamang si Sander, kahit huli na ay sinusubukan pa rin niyang maabot ang batang babae.

Kahit balot ng takot at kaba ay iminulat pa rin ni Sander ang kaniyang mga mata, at laking gulat niya kung ano ang bumungad sa kaniya. Sinalo ng mga pinong buhangin ang batang babae at maingat siya nitong iniaangat, wala na itong malay dala na rin siguro ng matinding takot mula sa kamatayan. Ngunit ang ipinagtataka ni Sander ay tila sinusunod siya ng mga pinong buhangin na iyon, para bang nagkakaintindihan sila. Tumayo si Sander at sa kaniyang harapan ay dahan-dahan inilapag ang batang babae. "Salamat," ang tanging sambit niya. Hindi siya sigurado kung sino talagang ang pinapasalamatan niya pero alam niya, hindi lamang silang dalawa ng batang babae ang naroon.

Isang tawag ang nagpalingon sa kaniya, nakita niya ang kaniyang mama, mag-isa lang ito at base sa reaksyon nito ay tila nakita nito ang lahat ng mga nangyare kanina. Nilapitan siya nito, "Hijo, magaling ang ginawa mo, I'm proud of you," wika pa nito. Niyakap siya ng ina at sabay silang tumingin sa mga buhangin na hanggang ngayon ay nakalutang sa kanilang harapan, "Mama, ano po ang mga iyan?" tanong ni Sander.

"Mga kaibigan natin sila, at ikaw anak ko ang itinakda para pagharian sila. Balang araw maiintindihan mo rin ang lahat." Niyakap siya ng Ina, at mula nga niyon, alam na niya na may kakayahan pala ang pamilya niya, lalo na siya na kontrolin ang elementong Lupa. Kaya naman pala sila ang nangunguna sa mining business sa buong Pangaea, dahil nasa kanila ang kontrol sa buong kalupaan, kung saan halos lahat din ng mahahalagang bato na maaring matagpuan sa Pangaea ay mayroon sila at nakalagak ang lahat ng iyon sa isang museum na pagmamay-ari din nila. Ganoon pa man ay sinisikap pa rin ng pamilya nina Sander na huwag maabuso ang kakayahan nila, nagtayo sila ng isang samahan ng mga biggest mining company kung saan pinapahalagahan pa rin nila ang ganda ng mundo. Malaki ang respeto ng mga kumpanyang ito sa pamilya nila, kung walang approval mula kay Madam Chairman ay walang mining ang pwedeng maganap kaya wala ring iligal na pagmimina ang nangyayari.

***

ANG
KASALUKUYAN

***


"Dumating na siya." Ito ang bumungad kay Sander pagkapasok niya sa office ni Madam Chairman, agad itong naupo sa malambot na couch, at kinuha ang phone niya para muling i-play ang mga kanta na nasa playlist na niya.

"Sino Ma?" pagtataka ni Sander habang inaayos ang headphone niya.

"Ang mula sa lahi ni Haring Apoy."

"Wow? Hindi nga, babae ba siya? Maganda? Sexy?" Hindi na naituloy ni Sander ang paglalagay niya ng headphone sa mga tainga niya dahil mas sabik siya sa isasagot ni Madam Chairman sa kaniya.


"Oo babae siya at maganda rin."


"Sexy?"


"Hmmn, at mukha rin siyang matapang."


"Ay naku Ma, ang tinatanong ko kung sexy ba siya?" muling itinuon ni Sander ang pansin niya sa kaniyang cellphone.


"Ano ka ba Hijo, mahalaga pa ba 'yon? Baka kapag nakita mo siya, mabaliw ka kaagad sa kaniya?" pagbibiro sa kaniya ng Ina.


"Ay naku ma, wala pang nagpapabaliw sa anak mo. Ang Sander na tagapagmana ni Reynang Lupa? Haay malabo, hindi pa isinisilang ang magpapabaliw sa akin," kampanteng wika pa ni Sander. "Oh siya Ma, alis na muna ako, may sunod pa akong klase."

"Ayy naku Hijo, sino bang niloko mo, hindi ka naman talaga pumapasok. At saka, huwag kang magbibitaw ng mga salita, baka marinig ka ni Dakilang Tinig at tugunin iyang hamon mo. Ikaw din, ayoko pa naman magkaroon ng anak na hibang sa pag-ibig."

"Tssss bye Ma. Baliw sa pag-ibig- kalokohan, sila kaya nababaliw sa akin," pabulong-bulong na wika ni Sander habang palabas na siya ng silid. Napapailing na lang din sa kaniya si Madam Chairman. Hindi niya talaga maunawaan ang taste ng anak, ganoon pa man, natutuwa siya dahil sigurado siyang kakainin ng anak niya ang lahat ng sinabi nito, dahil bilang Ina, malakas talaga kutob niya, isinilang na ang kababaliwan ng anak niya.

***

•APOY SA LUPA•

***

Kinuha ni Sander sa bulsa niya ang susi para sa kaniyang pulang kotse, kailangan na niyang umalis sa lugar na iyon dahil para sa kaniya nahihibang na naman ang mama niya. Ang makintab at makinis na kotse na nasa harapan ng mansyon na iyon ang patunay na pagmamay-ari iyon ni Sander, otomatikong nawala ang bubungan ng kotse nang pindutin ni Sander ang susian. Sumakay siya at bago pinaandar ay isinuot niya muna ang kaniyang itim na sunglasses. Mabilis niyang pinaharurot ang kaniyang sasakyan palabas sa teritoryo ng mama niya at agad na tinungo ang school area.

Ang hiyawan ng mga kababaihan ang namutawi sa bawat hallway na nadadaanan ng kotse niya. Naglalakad, nakatambay at maging ang mga nasa gusali na ay napapahinto sa kanilang ginagawa kapag naririnig na nila ang tunog ng makina ng kotse ni Sander. Ang ilan sa mga dalagita ay di magkamayaw makadungaw lang sa bintana ng kanilang classroom, nais nilang masilayan si Sander. Ang ilan ay mabilis na nagkumpulan sa hinintuan ni Sander, nakapaikot ang mga ito sa sasakyan at lahat ay nakaabang sa pagbaba niya.

"Oh em gee, my prince charming."

"Makita ko lang siyang nakatingin sa direksyon ko, okay na ako."

"Payag akong magkaanak kahit walang asawa, basta't sa kaniya magmumula."

"Ang gwapo-gwapo talaga ni Sander."

Ilan lang iyan sa bulungan ng mga kababaihang nakapalibot kay Sander habang bumababa sa kaniyang sasakyan. Naririndi na nga rin ang tainga ni Sander, dahil halos araw-araw ng buhay niya ganito ang sitwasyon nila sa eskwelahang iyon. Pero hindi rin naman niya gustong sungitan ang mga ito, "Ang ganda pala ng mga mata mong iyan, bakit ba ngayon ko lang napansin," ang litanyang iyon ni Sander ang halos magpahimatay sa babaeng pinakamalapit sa kaniya.

Isang babae ulit ang nagtangkang lumapit kay Sander, nagpa-cute ito sa harapan niya, "Sander, pansinin mo naman ako, bagay ba sa akin itong suot ko?"

"Angel?"

"Ano ka ba, hindi Angel ang pangalan ko, Karina."

"Pardon me, mukha ka kasing Anghel." Halos magtatalon sa tuwa ang nagpakilalang Karina, paniwalang-paniwala siya sa pambobola ni Sander sa kaniya. Bukod sa kumpulan ng mga kababaihan ay maya't maya rin ang pagkuha ng picture sa kaniya, "Sander, pa-selfie naman!"

"Selfie muna tayo saglit Sander."

Walang magawa si Sander kundi hayaan niya ang mga ito, ang motto niya kasi ay huwag ipagkait sa iba ang kakisigan niya. Matapos ang ilang minuto ay nagpasya na rin si Sander na itigil na ang kaniyang kalokohan, malungkot pa siyang nagpaalam sa mga ito, "Ladies, I have to go, may klase pa ako. See you around muah." May pagkindat pa siya sa mga ito na lalong nagpawindang sa mga kababaihang naroon. Humahawi naman ang mga estudyante sa hallway kung saan didiretso si Sander- ang hallway patungo sa elite room na sadyang nakalaan lang kay Sander.

"This quite boring na." Tumingin siya sa kaniyang personalize rolex na relo, ang mga numbers na ginamit pa nga dito ay yari sa mga dyamante. "May oras pa para magpahangin," aniya. Hindi siya dumiretso sa kaniyang klase sa halip ay tinungo niya ang paborito niyang matandang puno sa eskwelahan, malapit lang iyon sa elite room. Mataas iyon at sadyang malago ang mga dahon, patalon siyang sumampa sa sanga niyon at doon naupo. Kinuha niyang muli ang phone niya, inihanda ang suot na headphone at pinakinggan na ang paborito niyang playlist.

Habang ninanamnam niya ang ganda ng musika ay nahagip ng mga mata niya sa ibaba ang isang babae, alam niyang naliligaw ito dahil ang elite garden kung saan naroon siya ay hindi pwedeng pasukin ng mga ordinaryong estudyante. At kung hindi siya nagkakamali, bago lang din ang estudyante kaya hindi nito alam na hindi siya maaring mapadpad doon. Palihim munang pinagmasdan ni Sander ang babae, inoobeserbahan niya ito. Pula ang mahabang buhok nito, kaparis ng mga mata nito, nagtataglay din ito ng maamong mukha, pero sa isipan ni Sander ang tumatakbo lang sa isipan niya ay flat chested ang babae pero kung nagtataglay naman ng maamong mukha ay okay na rin sa kaniya. Nang lumagpas na ang babae sa punong kinaroroonan niya ay nagpasya na siyang babain ito. Mula sa kinauupuan ay tumalon lang siya pababa, inihanda lang niya ang kaniyang sarili at kung sakaling umepekto ang charming niya- maswerte siya, pero sigurado naman siya na walang makakahindi sa kaniya.

Napansin na ni Sander na matalas ang pakiramdam ng babae dahil agad itong napalingon sa gawi niya hindi pa man siya nagtatanong, "Ahh-Hi miss, naliligaw ka ba?"

"At sino ka naman?"

"Hindi mo ba ako kilala?" Inayos pa ni Sander ang postura niya para ipangalandakan ang ganda ng tindig niya, ngunit tinaasan lang siya ng kilay ng babaeng may pulang buhok. Inilatag na lamang ng kusa ni Sander ang palad niya, "Okay, that's odd- anyway, I'm Sander." Ngunit hindi man lamang ito inabot ng babae, kaya alanganin binawi na lamang ni Sander ang palad niya.

"Kung sino ka man, wala akong pakealam, kaya pwede ba- lubayan mo ako, dahil ayokong madidikit sa mga playboy na tulad mo." Sinamahan pa ito ng pag-irap at saka nagsimula ulit maglakad. Ngunit dahil sa inasal ng babae, pakiramdam ni Sander ay tila sinampal siya nito kaya hindi siya makakapayag na hindi eepekto ang charming niya sa babae, kailangan na siya ang magwagi sa pangalawang pagkakataon kaya naman mabilis niyang inunahan ito sa paglalakad at humarang sa dinadaanan nito. "Teka!"

"Hoy ano ba? Nananadya ka ba?" giit ng babae.

"Grabe siya- Ni hindi pa nga ako kilala, lugi pa sa husga. Paano mo nasabing playboy ako?"

Nang ngumisi ang babae, aminado si Sander na kinilabutan talaga siya, ramdam niya ang pagtaas ng mga balahibo niya sa buong katawan, "Tss- Lahat ng kalokohan mo kanina, nakita ko. Kaya kahit hindi pa kita kilala, alam ko sa sarili ko na ang mga tulad mo ang dapat kong iwasan. Kaya excuse me!" Tinulak pa siya nito para ialis sa daraanan pero sa halip na maialis ay mas kinabig pa ni Sander palapit sa kaniya ang babae, umaasa na ang third move ala Sander niya ay gagana, sinadya ni Sander na mawala sila sa balanse sa tulong na rin ng lupang kinatatayuan nila na kinasabwat niya. Tumumba sila pareho, dumagan sa kaniya ang babaeng may pulang buhok, kahit ang babae ay nabigla rin, ngunit agad nitong napuna ang nakaabang nang nguso ni Sander pati ang kamay nitong nakapatong malapit sa puwitan niya, dahil sa nasaksihan ay halos umusok ang tainga at mamula sa galit ang babae, "Bastos!" Isang uppercut ang ibinigay ng babae kay Sander pagkatapos ay mabilis itong tumayo. Halos hindi makapaniwala si Sander na may makakagawa niyon sa kaniya, wala siyang magawa kundi indahin na lang ang sakit mula sa suntok na iyon, kahit siya ay nabigla rin.

"Hoy lalaki, sa susunod pipili ka ng babanggain mo ha!" Pinagpag pa ng babae ang mga palad niya at taas-noo na umalis sa lugar.

"Si-sino ba siya," pagtataka pa ni Sander hanggang sa tuluyan nang mawala sa paningin niya ang babae. Sa ngayon isa lang ang napatunayan niya, bukod sa matalas ang pakiramdam ng babaeng iyon ay malakas din ito. Ngunit ang hindi talaga niya maunaawan ay kung bakit hindi gumana ang charming at Sander-moves niya.

Samantala, laking pasalamat naman ng personal na driver ni Madam Chairman nang makita niya si Firah, kanina pa pala niya ito hinahanap dahil bigla na lamang ito nawala habang nasa kalagitnaan sila ng pag-shopping kanina, "Ayos lang ho ba kayo Ms. Firah," puna niya pagkalapit ng tinutukoy niya.

"Okay lang po, huwag nyo akong alalahanin. Teka kuya, hindi nyo sinabi sa akin, uso pala ang siraulo sa eskwelahang ito," makahulugang saad ni Firah, pero hindi agad siya nausisa ng driver dahil pumasok agad siya sa kotse na sinakyan nila kanina.

to be continued

***

Mga dapat abangan...
✔️ Si Firah, Madam Chairman at si Sander-
✔️ Ang lugar ng pagsasanay
✔️ Ang tinaguriang Elite class
✔️ Ang pagpasok ng mula sa lahi ni Reynang Tubig.
✔️ Bakas ng kahapon: Si Tanas at si Kidlat


Bạn đang đọc truyện trên: Truyen2U.Com