KABANATA 3
***
•SI FIRAH, SANDER
AT MADAM CHAIRMAN•
***
"Ikaw?" Laking gulat ni Firah nang makita niya ang lalaking nambastos sa kaniya kanina. Malaya itong nakapasok sa opisina ni Madam Chairman na para bang karaniwan na lamang sa binata ang pagpasok doon.
"Uy lady tiger, ikaw pala. Akalain mo 'yon, nagkita ulit tayo, sabi ko na nga ba e, itinakda talaga tayo." Halos mamintig naman ang tainga ni Firah matapos marinig ang nakakarinding tinig ng lalaki. Umupo ang lalaki sa tabi ni Firah, hindi man lang nito inisip na konting-konti na lang uusok na ang ilong niya sa sobrang inis. "Well, lady tiger, hindi naman ako mapagtanim ng sama ng loob kaya kung anuman ang nagawa mo kanina, okay, pinapatawad na kita- pero may kondisyon ako." Naihaba pa ng lalaki ang nguso niya na para bang may nais siyang gawin ngunit katulad pa rin kanina, malakas na sapok ulit ang nagpahalik sa kaniya sa sahig. "Walang modo! Diyan! Diyan ka makipaghalikan!" Pagkatapos niyon ay tumayo na si Firah at mabilis na umalis sa kaniyang pwesto, sakto namang pumasok si Madam Chairman sa silid kasunod ang mga alipores nito. "Oh anak? Ba-bakit naman nakasubsob ka dyan?" pansin ni Madam Chairman sa lalaki. Mabilis namang tumayo ang tinutukoy ni Madam Chairman na anak, walang iba kundi si Sander, napakamot pa ito sa ulo at halatang nahihiya dahil naabutan siya ng mama niya sa ganoong posisyon.
"Madam Chairman? Anak nyo ho ang kumag na iyan?" gulat pang wika ni Firah na kanina pa pala nag-oobeserba sa kanila.
"Oo hija- bakit magkakilala na kayo?"
"Ang kumag na iyan? Hindi ho!"
"Kumag ka pa dyan~ Pakipot ka pa e, aminin mo na, type mo rin naman ako, di ba? Di ba?" pang-aasar pa ni Sander kay Firah, tumayo pa ito sa tabi ng dalaga at panaka-nakang binubunggo ang balikat. Halos lumabas naman ang mga ugat ni Firah sa sintido niya sa pagpigil ng inis niya sa lalaki, hindi na talaga siya natutuwa sa ginagawa nito, kinikilabutan pa nga siya sa mga pinagsasabi nito. "Pinapaikli mo talaga pasensiya ko ano?" Iniangat pa ni Firah ang ginusumot niyang kamao sa harap ni Sander. Nang makita iyon ni Sander ay agad siyang pumunta sa likuran ng mama niya, "Ikaw naman hindi ka mabiro- ang kyut kyut mo pala kapag naaasar," pang-aalaska pa niya.
Napansin naman ni Madam Chairman na tila napipikon ni Si Firah sa kaniyang anak, nagsisimula na kasing umapoy ang nakakuyom na kamao ni Firah, "Ay naku, tama na nga iyan Sander. Sinabi ko na sayo na kapag may bisita tayo, magtino ka."
"Bisita? So she is a guest."
"Yes, a very special guest, can't you see? Mula siya sa angkan ni Haring Apoy, kaya kung ako sayo hijo, pipiliin mo kung sino lang ang bobolahin mo!" pangangaral ni Madam Chairman sa anak na halata namang hindi siya siniseryoso nito.
"Halika muna Hija, maupo muna tayo para pormal namin na maipakilala sayo kung sino kami at kung bakit ka nandito sa aking poder." Hinatak na nito si Firah, napansin naman ni Madam Chairman na nakatingin si Firah sa newly set niyang sala na pamalit sa nasunog ni Firah, "Huwag mo nang intindihin 'yong dating Sofa, I admit na hindi ko napaghandaan ang pagdating mo, kaya naman, kinausap ko ng maigi ang aking designer na kailangan, fire free ang gagawing niyang sala set just like your room." Magalang na inalok ni Madam Chairman si Firah na maupo na at ganoon din siya, naupo siya sa katapat nito.
"Room ko? May kwarto ako?"
"Yes! You heard it right. Habang nandito kayo sa poder ko, sisiguraduhin kong magiging komportable kayo lalo na sa mga trainings ninyo."
"Trainings?"
Naglakad naman si Sander palapit sa mga ito at naupo sa kabilang bahagi ng sofa na katapat din ng inuupuan ni Firah, "Wala ka bang alam sa mundong kinabibilangan mo at parang gulat na gulat ka sa lahat ng sinabi ni Mama."
"Sander tumigil ka nga, hindi mo alam kung ano ang mga pinagdaanan ni Firah, at Oo tama ka, walang siyang ideya sa kung sino at kung ano pa ba ang mga kakayahan niya, that's why her mama sent her here!" Napatayo pa sa Madam Chairman bago ulit ito nagtuloy sa kaniyang sasabihin, "...para i-guide siya at tulungang makapaghanda!" Kita sa mga mata ni Madam Chairman ang excitement sa mga nabanggit niya.
"Bakit ho namin kailangan sumabak sa training? At paano nyo nalaman ang tungkol kay Haring Apoy?" Puno pa rin ng katanungan ang mukha ni Firah.
Nagsimulang lumakad si Madam Chairman palapit sa higanteng bintana ng kaniyang silid, sinundan naman siya ng tingin ni Firah at halata sa mga mata nito ang uhaw sa sagot mula sa mga katanungan niya. Nanatiling nakatanaw si Madam Chairman sa tanawin na nasa labas ng malaking bintana, "Ang angkan na kinabibilangan namin ng anak ko ay pinaniniwalaan na mula sa angkan ni Reynang Lupa. At si Sander na nag-iisa kong anak ang ika dalawangpu't isang salin mula sa dugo at laman ni Reynang Lupa, ang mapabilang sa ganoong lahi ay isang magandang pribilehiyo ngunit kaakibat nito ang isang resposibilidad na naisalin na rin sa iba't ibang henerasyon ng aming angkan. At tulad ng sa amin, ganoon din ikaw. Ikaw at ang mama mo ay mula naman sa dugo't laman ni Haring apoy, ngunit ayon sa mga griotes, hindi na sigurado ang inyong bilang, kung kayo na nga lang ba ang natitirang angkan ni Haring Apoy. May mga digmaan kasi sa mga nakaraan na henerasyon ang nagpahiwalay sa inyong angkan kaya hanggang ngayon, hindi rin namin matukoy kung may mga tulad pa ba ninyo o kayo na lamang ba talaga. Kaya lang, nang mabalitaan ko ang nangyari sa mama mo, labis akong nabahala, mabuti na lamang at pinakinggan niya ang payo namin sa kaniya, na bago pa matukoy ng kalaban ang tungkol sa pagkatao mo ay nandito ka na sa pangangalaga ko, at least dito, mapoprotektahan kita." Pagkasabi niyon ay humarap na sa kanila si Madam Chairman.
"Ang totoo ho niyan, wala ho akong naiintindihan, wala hong nababanggit si Inay sa akin, ang alam ko lamang, isinilang ako na may kakayahang magpaliyab ng mga bagay-bagay, ngunit tama si Inay, hanggang ngayon, hindi ko pa rin alam kung paano kontrolin ito." Napansin ni Madam Chairman na bahagyang nalungkot si Firah lalo na nang mabanggit nito ang tungkol sa Ina nito kaya nilapitan niya ito at masinsinan na kinausap, "Hija, huwag kang mag-alala, alam ng Inay mo na magtatanong ka ng tungkol sa pagkatao mo, kaya nga pinapunta ka niya rito. Maaring hindi niya naipaliwanag sayo ang lahat, pero hindi ibig sabihin ay sinadya niyang itago ang tungkol sa lahi ninyo, maaring may dahilan siya, ngunit kung anuman iyon, hindi ko rin alam, pero isa lang ang natitiyak ko, bago ka niya iniwan, sinigurado niyang kaya mo nang dipensehan ang sarili mo. She makes you a beautiful, strong and independent woman. Hindi tulad ng isa dyan," panunukoy ni Madam Chairman sa kaniyang anak na agad din naman nakaramdam.
"Teka Ma, pinapahiya mo naman ako sa harapan niya e," pagmamaktol ni Sander.
"Totoo naman ang mga nabanggit ko ah, na hanggang ngayon imature ka pa rin, hindi mo tularan itong si Firah, may alam sa buhay at may paninindigan."
"Ma, dapat nga maging proud ka, kasi mayroon kang anak na Handsome, strong din naman ah at nakadipende pa rin sayo, ayaw mo niyon Ma, nasa tabi mo lang ako palagi," pagmamalaki pa Sander, napahawak naman sa mukha si Madam Chairman, hindi niya talaga lubos maisip kung ano talaga ang takbo ng isip ng kaniyang anak.
"Total nabanggit nyo na lang din ang tungkol sa aking Inay, may gusto po sana akong malaman." Bahadyang nanahimik pa ang mag-ina na si Madam Chairman at si Sander dahil sa kaseryusuhan ni Firah, kapwa sila napatingin sa dalaga at nakaabang sa kung ano ang tinutukoy nito.
"Totoo po bang pinatay si Inay?"
Wala agad nakakibo sa kanila kahit si Madam Chairman, maya-maya pa ay bumukas ang pintuan ng silid na kinaroroonan nila, at isang babae ang pumasok at mahinahon na nagsalita, "Madam Chairman, nakahanda na po ang training grounds para kina Young Master Sander at Lady Firah."
"Ganoon ba, sige susunod na kami," sagot ni Madam Chairman. Yumukod naman ang babae at muling lumabas sa silid. Inayos na rin ni Madam Chairman ang kaniyang sarili, "Ah Sander, maari bang mauna ka na sa labas, may sasabihin lang ako kay Firah, hintayin mo kami at huwag ka ng pumunta kung saan-saan, nagkakaintindihan ba tayo."
"Kayo bahala, sige lalabas na ako." Tumayo si Sander at sinunod ang kaniyang Mama, doon na nga siya naghintay sa labas ng mansyon at kung anuman ang pag-uusapan ng dalawa ay hindi rin naman siya interesado, pero ganoon pa man, aminado siya na nalungkot siya nang makita niya ang malungkot din na mukha ni Firah, pero wala naman siya magagawa, wala siyang ideya o kontrol sa kung ano ba ang dapat maramdaman ni Firah patungkol sa nanay nito.
"Ang tagal naman nila, ano ba kasi pinag-uusapan nila sa loob?" kumento ni Sander habang naghahagis ng maliliit na bato sa fountain na nasa harapan ng kanilang mansyon. Ilang saglit lang ay magkasunod na rin na lumabas sina Madam Chairman at Firah, nasa likuran nila ang ilang katulong pati ang personal assistant ni Madam Chairman, "Madam Chairman, paparating na po ang inyong sasakyan," banggit pa nito.
"Okay."
Agad na lumapit sa kanila si Sander at dumiretso ito sa tabi ni Firah, "Akala ko hindi na kayo lalabas. Teka miss tiger, may gusto sana akong itanong."
"Ha?" pagtataka naman ni Firah, nagulat na lamang siya nang ilapit ni Sander ang bibig nito sa kanang tainga niya at may kung anong ibinulong, "Miss Tiger, umamin ka, hindi ka pa nahahalikan ano?" Halos mamula sa hiya at inis si Firah matapos marinig iyon kay Sander, bakit kasi bigla na lamang magtatanong ng ganoon si Sander, ngunit sadyang kaisa ng isip ni Firah ang kaniyang katawan dahil agad niyang sinutok si Sander palayo sa kaniya kaya naman halos magpagulong paibaba ng hagdanan si Sander at bumalandra sa kakaparada pa lamang na service ni Madam Chairman.
"Naku Young Master ang sasakyan ni Madam Chairman!" kabadong puna ng driver ni Madam Chairman pagkababa nito sa sasakyan, napipi kasi ang bahagi ng sasakyan kung saan sumalpok si Sander. Parang mas inalala pa nito ang sinapit ng sasakyan kaysa kay Sander.
"Madam Chairman, pasensiya na po sa ginawa ko sa anak ninyo, pero minsan talaga kailangan niyang maturuan ng leksyon," nanggagalaiti pa rin na wika ni Firah.
"Ay naku Hija, huwag mo akong intindihin, gawin mo kung ano nararapat sa kaniya," nangingiti pang saad ni Madam Chairman, di niya tuloy alam kung maaawa ba siya sa anak o matutuwa pa siya sa ginawa ni Firah, pero sa huli natutuwa siya dahil natagpuan na ng anak niya ang magpapatiklop sa kaniya.
"Mama bakit parang natutuwa pa kayo sa ginawa niya, minsan tuloy di ko mapigilang mag-isip kung anak nyo po ba talaga ako?" nagmamaktol pang saad ni Sander na para bang bata kasunod ang paghimas sa namulang niyang pisngi.
"Pwede ba! Tumahimik ka na! Nakakarindi na iyang boses mo!" iritableng sigaw ni Firah at nagpatiuna na siya sa service ni Madam Chairman, nangingiti naman si Madam Chairman at sumunod na rin kay Firah. Nang makasakay na pareho ay binuksan ng mama ni Sander ang bintana ng sasakayan niya, "Hijo hindi ka pa ba sasakay? May pupuntahan pa tayo."
"Oo na, oo na, umamin ka nga Ma, ampon nyo lang ako ano?" Nagtatampo pa kunwari na saad ni Sander, sumakay na rin ito at doon naupo sa tabi ng Driver. Nasa likuran naman nila sina Madam Chairman at Firah.
"Ngayon ko lang nalaman, mas nagiging papansin ka pala hijo kapag nasa harap ka ng crush mo," pabiro namang litanya ni Madam Chairman.
"Ma, tumigil ka nga! Kailangan mo ba talaga gawin iyan?" nahihiyang tanong ni Sander na buong siglang sinagot naman din ng mama niya, "Aba syempre, Mama mo ako, dapat ako ang maging number one fan ng magiging ka-love team mo!"
"MAAA!!"
At tuluyan na ngang umaandar ang sinasakyan nila palabas sa teritoryo ni Madam Chairman.
***
• LUGAR NG PAGSASANAY•
***
"Nandito na po tayo," mahinahon na sabi ng driver ni Madam Chairman, pinagbuksan din sila nito ng pinto. Isa-isa silang bumaba ng sasakyan, pinagmasdan ni Firah ang buong paligid, natitiyak niyang nasa loob pa rin naman sila ng eskwelahan ngunit may kalayuan ang lugar na ito sa mga gusali kung saan naroroon ang mga estudyante. May malaking gate ang nasa harapan nila, sa loob niyon ang isang mataas na gusali.
Inalalayan naman sila ng Assistant ni Madam Chairman na kanina pa nakasunod sa kanila gamit ang sarili nitong sasakyan. May kung ano itong pinindot kaya kusang bumukas ang malaking gate. "Tara na po sa loob."
"Salamat Eugene," tugon ni Madam Chairman sa kaniya. Nang makapasok sila sa loob ay bumungad sa kanila ang isang malawak na bulwagan, nasa sentro nito ang magara at maaliwalas na salas, tanaw din nila ang maganda at malaking chandelier na nasa ibabaw ng salas, nasa magkabilang kanto naman ang mahabang hagdanan patungo sa sumunod na palapag. Mas nagnining-ning sa mga mata ni Firah ang mga kagamitan dito kaysa sa mansyon na teritoryo ni Madam Chairman, sigurado siyang mas pinagtuunan ng pansin o pinaghandaan ang mga bagay na nasa loob ng gusaling kinaroroonan nila.
Nanatiling nakatayo sina Sander At Firah sa harap ng bulwagan, tanging si Madam Chairman lamang ang malayang naglakad paloob at saka humarap sa kanila, "Welcome to your training ground, feel at home, dahil lahat ng bagay na nandito ay sa inyo na rin. "Totoo po?" mangha pang pangungumpirma ni Firah, dahil sa totoo lang, ngayon lang siya nakapasok sa mga ganoong klaseng lugar.
Pinangunahan ni Madam Chairman ang pagpanhik sa hagdanan, sinundan naman siya nina Sander at Firah. Una nilang pinuntahan ang espesyal na silid na sadyang nakalaan lamang para kay Firah. Binuksan ni Madam Chairman ang pinto sa silid na iyon at nang makapasok si Firah ay may kung anong tuwa ang biglang pumuno sa puso niya. Naging komportable agad siya na para bang minsan na niya itong naging tahanan. Kulay pula ang ilang mga kagamitan dito tulad ng pader, carpet, mga kurtina maging ang ilang mga sandata na maayos na ka-display ay kulay pula rin, nagkakaiba lang sa lebel ng pagkapula ang uri nila.
"Ang lugar na ito..." Masinop na dinama ni Firah ang ilang kabinet at mga materyales na nadadaanan niya.
"Napansin mo ba? Ang lahat na nandito ay ginawa o niyari mismo ng angkan mo. Kaya kahit ngayon ka pa lamang nakapasok dito, pakiramdam mo kasa-kasama mo rin sila. Ang lugar na ito ay pinasadya para talaga sayo, huwag kang mag-alala, wala kang gamit na masusunog dito, dinisenyo nila ito at siniguradong makakasabay sa kapangyarihang taglay mo."
Napatingin na lamang si Firah kay Madam Chairman, wala siyang binanggit na anumang salita ngunit ang mga mata na rin niya ang tila nagpapasalamat kay Madam Chairman.
Pagkatapos makapasyal sa kwarto ni Firah ay bumalik sila sa salas na nasa ibaba, "Teka, hindi mo ba sisilipin ang silid mo?" tanong ni Firah kay Sander.
"Hindi na kailangan, ilang beses ko na rin naman iyang napupuntahan. Pero kung gusto mo naman akong solohin at samahan sa silid, bakit ba hindi, hehe." Biglang kumunot ang noo ni Firah, hindi na naman niya gusto ang tono ng pananalita ni Sander sa kaniya.
"Ahrg! Nahihibang ka na naman!" Iniangat muli ni Firah ang kamao niya. Agad naman umiba ng inuupuan si Sander at doon na lamang naupo malapit sa mama niya. "Ikaw talaga, hindi ka mabiro," pabiro pang litanya ni Sander.
"May tatlo pang silid ang natitira, ngunit hindi natin iyon mapapasok o makikita man lamang hangga't hindi natutuntong sa lugar na ito ang nakatakda para sa silid na iyon. Isa iyon sa mga kondisyon ng mga angkan na pinagmulan ninyo. Kaya kahit nasa poder ko ang inyong magiging training ground, wala pa rin akong access sa kabuuan nito," paliwanag ni Madam Chairman, sinundan niya ito ng paghigop sa kaniyang tsaa.
"Madam Chairman, ilan po ba kami na inyong inaasahan?" tanong ni Firah.
"Maganda iyang tanong mo, ang totoo niyan, malaki ang paniniwala ng mga griotes na may nakatakdang limang tao na hahalili sa kapangyarihan ng limang dakilang nilalang. Sila ang tinadhanang humarap sa muling pagbabalik ni Tanas; ang perpektong nilalang na naghangad sa kapangyarihan ni Dakilang Tinig. Ang mga taong iyon na mapipili ay magmumula mismo sa dugo't laman ng limang nilikha ni Dakilang Tinig; mula sa angkan nina Reynang Lupa, Reynang Tubig, Haring Apoy, Haring Lamig at ni Haring Hangin. Sa ngayon, ikaw na mula sa Lahi ni Haring Apoy at si Sander na mula naman sa lahi ni Reynang Lupa ang kasa-kasama pa lamang namin ngayon. Ngunit huwag kayong mag-alala, anumang araw o oras ay makakasama nyo na rin ang iba."
"Ibig sabihin, lima pala kami."
"Tama ka Hija."
"Teka, isa na lang ho Madam Chairman, kanina ko pa ho naririnig ang tungkol sa mga griotes, sino po ba sila?"
"Alam mo, gustung-gusto ko talaga 'yong mga taong matanong, sila kasi ang sumisimbolo sa karunungan. Ang mga griotes o griot ay ang mga tao na ilang daang taon na rin nabubuhay sa mundong ito, griotes kung ito ay babae at griot naman kung ito ay lalaki. Kung tutuusin, nalagpasan na nila ang lifespan ng isang tao, sila ay tagapag-ingat ng buong kasaysayan ng sangkatauhan. Hanggang ngayon, hindi pa rin maipaliwanag ng siyensiya kung paano nila nagagawang mabuhay ng ganoong katagal o kung paano nila naalala ang bawat detalye ng isang makasaysayang nakaraan. Isang pambihirang bagay ang mga alaalang taglay nila. Ngunit ang bilang nila ngayon ay nalalagay na rin sa panganib ng pagkaubos. Sa ngayon kasi, isang griotes na lamang ang nalalaman o nakikilala kong buhay pa magpasahanggang ngayon. Subalit ang mga tulad nila ay mahirap hanapin, nagpapakita lang sila oras na kailangan lamang sila."
Bigla naman sumabat si Sander bagamat abala siya sa paglalaro sa hawak niyang PSP," Oo nga Ma, matagal-tagal na rin hindi nagpapakita si tanda," tukoy ni Sander sa Griotes na binabanggit ng mama niya.
"Hoy bakulaw! Wala ka talagang galang ano? Pati matanda hindi mo magawang respituhin." Halos hindi maipinta ang mukha ni Firah matapos punain si Sander.
"Totoo naman sinabi ko ah?" Inayos pa ni Sander ang pagkakaupo niya para manindigan lang na tama ang sinasabi niya. "Na matanda na talaga ang isang iyon." Kinilabutan naman si Sander nang biglang tumayo si Firah at dumiretso sa kinaroroonan niya, matalim ang mga tingin nito sa kaniya, nagulat na lamang siya nang pihintin ni Firah ang tainga niya kaya naman hatak-hatak na siya nito ngayon, nabitawan pa tuloy niya ang hawak na PSP, "Aray! Aray! Masakit!"
Patay malisya naman si Madam Chairman sa nangyayari sa dalawa, nagpatuloy lang ito sa paghigop sa kaniyang tsaa. "Tama lang iyang ginawa mo Firah para matauhan naman ang batang iyan," bulong na lamang ni Chairman sa sarili niya.
"Oh siya, aalis na ako, may mga kailangan pa akong atupagin." Hindi na hinintay pa ni Madam Chairman na makuha ang atensyon ng dalawa. Tuluyan na nga siyang lumabas ng training ground.
"MAAA! Tulong!"
***
• Ang Mabuting Apoy •
***
"Ma, napansin nyo ba ang tigre este si Firah pala?" tanong ni Sander pagkapasok niya sa opisina ni Madam Chairman.
"Hindi ba't iniwan ko kayong magkasamang dalawa sa training ground kanina?"
"Hindi bale na lang Ma." Lumabas din kaagad si Sander. Oo magkasama nga sila ni Firah kanina, pero mukhang napikon na ito sa kaniya at nilayasan siya. "Nasaan naman kaya ang tigreng iyon?" Napakamot na lamang si Sander sa kaniyang ulo kasunod nito ang hiyawan ng mga babaing estudyante na nakakita sa kaniya, nagpa-cute ulit siya sa mga ito bago bumalik sa kaniyang sasakyan at iwan ang mga ito.
Samantala, binabaybay naman ni Firah ang mahabang sidewalk, nagpasya siyang maglibot muna sa labas ng eskwelahan. Hindi naman siya nahirapang lumabas, dahil mukhang mas natakot sa mga tingin niya ang gwardiya ng Louissiana kaya kahit sinabihan siya nito na huwag lumabas ay hindi pa rin siya napigilan nito.
"Nakakainis na ang lalaking iyon, kumukulo talaga dugo ko kapag naririnig ko boses niya Ahrg!" bulong ni Firah sa sarili mabuti na lamang at maaliwalas ang nakikita niya kaya unti-unti rin nawala ang pagkayamot niya. Sa kakalakad niya ay nadaanan niya ang malawak na parke ng syudad, ang malaking department store pati na rin ilang boutique. Sa huling boutique na pinasukan niya ay nakabili siya ng isang pendant, mukha na itong luma o napaglipasan na ng panahon, pero hindi iyon ang dahilan kung bakit niya iyon binili. Dahil ang pendant na iyon ay minsan nang naging pagmamay-ari ng Inay niya, naalala pa niya ang araw noong ibinenta ng Inay niya ang kwintas na iyon upang magkaroon sila ng pera para ipanglaman sa kaniyang tiyan. Kaya nang makita niya iyon na naka-display ay agad niya itong binili sa halagang kaya niya lamang, mabuti na lang at mabait ang tindera na nakausap niya at nakatawad siya ayon sa kaya lamang niyang ibayad.
Pinagmasdan niya muna ito bago nagpasyang isuot na sa kaniyang leeg, naramdaman pa niyang napaluha siya dahil pakiwari niya ay kapiling na niya muli ang kaniyang Inay. Ngunit napalitan iyon ng pangamba nang makarinig siya ng mga sigaw sa kabilang kalsada, kasunod nito ang ingay ng mga wangwang mula sa isang firetruck. "Sunog! May sunog!" hiyawan ng mga taong nagturumpukan sa kabilang kalsada. Mabilis itong pinuntahan ni Firah, nang marating niya ang lokasyon, ay nakita niya ang isang gusali, isa sa mga palapag nito ang kasalukuyang umaapoy, nasa ibaba naman ang dalawang firetruck at ginagawa na ang kanilang mga trabaho. Pero hindi iyon ang kumuha ng atensyon ng lahat, kundi ang isang ginang na naghehesterikal na sa pag-iyak at panay ang sigaw na nasa loob pa raw ang anak niya. Ayaw na sana mangealam pa ni Firah, dahil alam niyang wala siyang maitutulong dahil kung tutuusin, ang apoy pa nga ang naging dahilan kung bakit siya nakakasakit ng iba tao at napalayas sa kanilang baryo. Aminin man niya o sa hindi, may pagkakataong pinagsisisihan niyang nagmula siya sa angkan ni Haring Apoy, pero hindi naman niya ito magawang masabi sa iba kahit sa Inay niya. Tumalikod siya at nagpatay-malisya, ngunit nang marinig niyang muli ang sigaw ng ginang na ang naiwan niyang anak sa loob ay sanggol pa lamang ay tila ba inusig si Firah ng kaniyang konsensiya. Kaya kahit hindi niya alam ang gagawin ay nagpasya siyang pasukin ang nasusunog na gusali. Sinubukan pa siyang pigilan ng ilang bumbero ngunit sadyang mabilis ang mga pangyayari, nakapasok agad si Firah.
"Hindi ko alam kung anong kahibangan itong ginagawa ko, pero bahala na!" bulong muli ni Firah sa sarili. Inakyat niya ang hagdanan hanggang sa makarating siya sa ikalawang palapag kung saan mas mainit at mas malakas ang apoy. Ngunit tila hindi siya nilalamon nito, ni hindi nga magawang dumikit ng apoy sa balat niya. Sinundan ni Firah ang malakas na iyak, walang duda na mula iyon sa isang sanggol. Sinira niya ang pintuan kung saan nagmumula ang iyak at doon nakumpirma niyang may isang sanggol nga. Gumuhit sa alaala niya ang isang eksena mula sa kaniyang nakaraan na kaparehong-kapareho ng sitwasyon niya ngayon, isang bata rin ang sinubukan niyang iligtas noon sa isang sunog subalit nang mahawakan niya ito ay mas nagliyab pa ang bata hanggang sa mamatay ito at simula nga noon, ay mas lalong tumindi ang galit niya sa kapangyarihang taglay niya, para sa kaniya, isa itong sumpa.
Sa kabilang bahagi naman ay huminto ang sasakyan ni Sander malapit sa kumpulan ng mga tao, ang lahat ng ito ay nakatanaw lamang sa mga bumbero at sa gusaling nasusunog sa harapan nila. Narinig niya ang usapan ng mga ito, na isang babae na nagtataglay ng pulang buhok ang bigla na lamang pumasok sa loob, malakas ang kutob ni Sander na kilala niya iyon. Sinubukan niyang pumunta sa kabilang bahagi ng kalsada kung saan walang gaanong tao, tutulong siya sa aabot ng kaniyang makakaya, ngunit kailangan niyang makasiguro na walang iba ang makakakita sa gagawin niya.
Pinagmasdan ni Sander ang buong paligid niya, natanaw niya sa di kalayuan ang inabandunang construction site dala na rin siguro ng sunog sa gusaling kalapit nito. Agad natuon ang pansin niya sa mga buhangin at graba. Pumikit siya at nakipag-isa sa buhangin na naroon, nang imulat niya ang kaniyang mga mata ay sumusunod na ito sa kaniya, napangisi pa muna siya bago utusan ang mga ito na tupukin ang apoy na kaya nilang tupukin. "Magmadali kayo! Tulungan ninyo ang tigre!" Agad na sumabay sa hangin ang mga buhangin at tinungo ang nasusunog na gusali.
Ang mga iyak ng sanggol ang nagpabalik sa ulirat ni Firah, nagdadalawang-isip pa siya kung hahawakan ang sanggol, may takot sa puso niya na baka masaktan lamang niya ito. Sinubukan niyang hawakan ang pendant na kabibili pa lamang niya at isang alaala muli ang nanumbalik sa kaniya, ang natatanging payo ng Inay niya sa kaniya "Anak, naniniwala akong mabuti ang hangarin mo, at ang kabutihan na nasa puso mo ang magpapalaya sa totoong kakayahan mo."
Bago imulat ni Firah ang kaniyang mga mata ay isang pangungusap ang kaniyang pinanghawakan, "Inay, alam kong gagabayan mo ako!" Nang bumukas ang kaniyang mga mata ay biglang nagbago ang kulay ng mga ito at ngayon ay naging pula na, sa sentro nito ay may kapiranggot na kulay ng bughaw. Mabilis siyang lumapit sa sanggol at nasalo ang nagliliyab na kahoy na babagsak na sana dito, "Ako ang bahala sayo, ililigtas kita." Ngumiti siya sa sanggol, natigil naman sa pag-iyak ito at napangiti pa nang magtama ang mga mata nila. Naramdaman ni Firah na naging kumportable ang sanggol pagkakita sa kaniya at para bang nawala na ang takot nito, isa lang ang sigurado Firah, nadama ng sanggol na ligtas na siya.
Ang pagnanais ni Firah mailigtas ang sanggol ang naging dahilan kaya hindi ito nasunog nang hawakan niya ito. Ikinulong niya sa kaniyang bisig ang sanggol, halata naman na walang muwang ang sanggol dahil sa halip na matakot sa sitwasyon nila ay mas inabala nito ang sarili sa paglalaro sa buhok ni Firah, humahagikgik pa ito sa tuwing dadait sa kamay nito ang buhok ni Firah.
Lumabas si Firah sa naglalagablab ng silid, kahit saan dako, ang nakikita niya lamang ay ang himagsik ng apoy. "...Ang kabutihan na nasa puso mo ang magpapalabas sa totoong kakayahan mo."
Isa lang ang namutawi sa isip niya bukod sa mailabas niya ng ligtas ang sanggol at iyon ay sana magkaroon ng espayo na maari nilang daanan. "Kièrû!" sigaw niya, ang salitang iyon ang biglang naghari sa isip niya na para bang may nagsabing sabihin niya iyon. Pagkatapos niyon ay tila nagkaroon ng isip ang apoy na nasa paligid niya, sinunod siya nito at lumikha ng isang daan kung saan di naabot ng apoy. Kahit si Firah ay nagulat din sa kinilos ng mga apoy na nasa harapan niya pero hindi na siya nagsayang pa ng oras dahil iba na rin ang sumisirkulong hangin na nalalanghap niya at kapag nagtagal pa sila doon ay mahihirapan na silang huminga, mas delikado iyon para sa sanggol. Binaybay ni Firah pababa ang nilikhang daan ng apoy, hanggang sa matanaw niya ang papalapit na kumpulan ng mga buhangin sa kaniya, naramdaman niyang may kinalaman si Sander doon. Nilagpasan lamang siya ng mga ito at dumiretso sa mga nagliliyab na apoy upang tupukin ang mga ito kagaya ng pagkakautos sa kanila ni Sander.
Napangiti naman si Sander nang malaman niyang ligtas na si Firah at ang sanggol na hawak nito, para bang nakakonekta ang isip ng mga buhangin sa kaniya na kung anuman ang nakita o naramandaman nito ay agad na nakakarating sa kaniya.
Patakbong lumabas ng gusali si Firah, sinalubong agad siya ng mga bumbero at agad na inabot ang sanggol na hawak niya. Labis naman ang pasasalamat sa kaniya ng ina ng sanggol. Hindi na nagtagal pa si Firah sa lugar, umalis siya bago pa siya usisain ng mga tao. Hindi man niya maipaliwanag pero may kung anong saya ang nasa puso niya ngayon. Muling siyang naglakad palayo sa pinangyarihan ng sunog, alam niyang kaya na ng bumbero ang trabaho nila lalo na at tinulungan pa sila ni Sander na maapula ito.
"Lady Tiger!" Napaangat ng tingin si Firah sa isang lumang puno malapit sa nilalakaran niya. Nakita niyang nakatayo roon si Sander at ngumiti ito sa kaniya at kinindatan pa siya. Mabubwiset sana siya pero mas lamang sa puso niya ngayon ang saya kaya kalilimutan niya munang naiinis siya kay Sander, alam din naman kasi niya na tumulong din ito, kaya nginitian na lamang niya ito.
Patalon na bumaba si Sander at tumabi sa kaniya."Lady Tiger, pinapahanga mo talaga ako, pa-kiss nga." Subalit isang malakas na uppercut ulit ang ibinigay niya dito. Ganoon talaga siguro, trabaho na ni Sander ang pakuluin lagi ang dugo niya.
To be continued.
***
Mga dapat abangan...
✔️ Si Icy
✔️ Ang karimlan ni Tanas
✔️ Loussiana University
✔ Si Kidlat
️
***
Hi mga Yhinters!
Inaanyayahan ko rin po kayo naidagdag sa mga reading list ninyo ang HAVEN REY a glimpse of Hope ko, ito ay science fiction at patungkol sa maaring hinaharap ng mundo. Isang virus outbreak na hahantong sa pagkasira ng mundo.
Salamat po ^_^
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen2U.Com