KABANATA 4
***
• UNANG ARAW SA LUGAR NG PAGSASANAY,
LADY ICY: ANG PRINSESA •
***
"GOOD MORNING Tigre!" bungad na bati ni Sander kay Firah, pababa pa lamang si Firah ng hagdanan.
"Ano ang maganda sa umaga kung ikaw agad ang babati." Sinamahan pa ito ng pag-irap ni Firah sa kaniya.
"Sabi ko na nga ba gusto mo talaga ako e," pang-aalaskang buyo ni Sander. Kasunod nito ay naupo siya sa malambot na sofa.
Inis namang sumagot si Firah sa kaniya, "Bingi ka ba? O sadyang napasukan na ang tainga mo ng dumi? Umagang-umaga bubwisitin mo agad ako." Pagkatapos ay naupo rin ito sa sofa. "Nagugutom na ako, " dagdag pa ni Firah sabay hawak sa kaniyang sikmura.
"Sakto, inaayayahan tayo ni Mama mag-almusal kasama siya." Hindi pa nakakasagot si Firah nang makarinig sila ng ingay sa kusina na para bang may kung sino ang naroon, mga ingay mula sa mga nagkalaglagan na gamit. Nagkatinginan pa sina Firah at Sander sa isa't isa, "May pinadala ba si Madam Chairman na katulong?" tanong ni Firah.
"Malabo, walang ibang ordinaryong tao ang makakapasok sa lugar na ito, liban sa atin. Dala na rin ng pagtataka ay pinuntahan nila ang kusina na nasa gawing kaliwa lamang nila. Maingat silang pumasok doon at nakiramdam, "Imposible namang magkaroon ng daga dito," komento ni Sander, naipatong niya ang mga kamay niya sa balikat ni Firah habang naglalakad sila papasok, nauuna rin kasi sa paglalakad ang dalaga.
"Aalisin mo ba 'yang mga daliri mo o babaliin ko na lang?" iritableng banta ni Firah.
"Hehe, ito na nga aalisin ko na." Napakamot na lamang sa kaniyang buhok si Sander. Muli nilang itinuon ang pansin nila sa loob ng kusina. Laking taka nila nang makitang nakalabas lahat ang laman ng double door refrigerator nila. Nakabalandra ito sa lamesa at mayroon din sa sahig na para bang sinadyang alisin ang mga ito sa loob ng refrigerator, "Ang weird? Imposible namang si mama ang gumawa niyan?" puna ni Sander, muli itong napakamot ng ulo dala ng pagtataka.
Malakas naman ang kutob ni Firah na may iba silang kasama sa loob ng kusina, napatingin na rin siya mismo sa refrigerator at mabilis na kumalabog ang kaniyang dibdib, "Hindi kaya-?" aniya at naglakad palapit sa refrigerator para buksan ito.
Pinuna naman siya ni Sander kahit abala na ito sa pagdampot sa mga pagkain na nasa sahig, "Anong ginagawa mo?" Hindi na niya nasagot pa ito dahil laking gulat niya nang makita kung ano ang nasa loob ng refrigerator pagkabukas niya rito.
"Ahhhh!" malakas na sigaw ni Firah at nagtatalun-talon pa ito kaya agad siyang nilapitan ni Sander para alamin ang nangyari, "Firah! Anong nangyari, ayos ka lang?"
"Ma-may bangkay..." Nanginginig pa ang daliri ni Firah nang ituro niya ang laman ng refrigerator na agad din naman sinundan ng tingin ni Sander. Ngunit kahit siya ay napaupo rin sa sahig at napaatras pa palayo sa refrigerator, tama si Firah may tao nga ang nasa loob niyon at isa itong babae. Mapayapa itong nakapikit at mukhang wala ng buhay, ngunit hindi iyon ang lalo nagpagimbal sa dalawa, dahil ilang saglit lang matapos nilang matitigan ang maamong mukha ng babae ay biglang na lamang namulat ang mga mata nito at patay malisyang napatingin sa kanila, "Si-sino kayo?"
"Ahhhhh!?" sigaw muli ni Firah ngunit sa pagkakataon na ito ay sinabayan na siya ni Sander at halos magyakapan na nga ang dalawa palayo sa refrigerator sa tindi ng kanilang takot.
Maingat na lumabas ang babae sa loob ng refrigerator at minasdan mabuti sina Firah at Sander, "Ma-may problema po ba?" patay-malisya pa nitong tanong, halata sa kilos at mga mata nito na tila wala talaga siyang ideya kung bakit nga ba nagsisigaw sa takot ang dalawa.
Mabilis na bumagsak si Sander sa sahig at hinimatay, samantalang si Firah naman ay unti-unti nang nahihimasmasan. Hindi mawari ni Firah kung maiinis ba siya sa babae dahil halos atikihin na siya sa puso o magpapaka-hospitable sa harap nito. "A-ano ba kasi ginagawa mo sa loob ng ref!" gigil niya ngunit sinusubukan pa rin niya pakalmahin ang sarili.
"Huh? Pa-patawarin nyo ako... Hi-hindi ko naman sinasadyang takutin kayo," malumanay nitong sagot na sinundan pa ng mahihinhin nitong mga ngiti.
***
"A-Ayos lang kaya siya?" pag-aalalang tanong ng babae kay Firah. Kasalukuyan na silang na salas, wala pa ring malay si Sander ngunit nakahiga na ito sa isa sa mahabang couch.
"Huwag kang mag-alala, ayos lang ang lamang lupa na iyan."
"La-lamang lupa?"
"Ahh 'wag mong intindihin iyon, iyon lang gusto kong itawag sa kaniya hehe."
Tatangu-tango namang sumagot ang babae sa kaniya.
"Teka, maiba nga tayo, ano bang pangalan mo? At bakit mo namang naisipang pumasok sa loob ng ref!?"
"Ah e, iyon ba, pa-pasensiya na ulit. A-ang totoo niyan, hi-hindi pa talaga ako sanay sa klima ninyo rito. Sa-sa lugar kasi ng pinanggalingan ko ay malamig, buhat sa pagbagsak ng mga nyebe, kaya ka-kahit saan na dako ako tumingin, pu-puro nyebe lang ang nakikita ko. At nang matuntong ako rito, na-naghanap agad ako ng malamig na lugar at ang bagay nga na iyon ang nakita ko, pu-pumasok ako sa bagay na iyon at kahit papaano naman na punan nito ang pangungulila ko sa aming bayan."
Hindi naman maipinta ni Firah ang kaniyang mukha, "Hindi ba't parang ang weird niyon?" aniya. Hindi niya lubos maisip na may makakaisip na gawin ang bagay na iyon.
Ngumiti muna ito sa kaniya bago tuluyang nagpakilala, "O-oo nga pala, a-ako si Icy, na-nagmula ako sa lupain ng Gaddah o mas kilala ng lahat bilang ang tahanan ni Haring Lamig." Ang maamong mukha ng nagpakilalang si Icy ay sadyang nakakahalina, ang mga mata nito ay tila nagpapabatid ng kaniyang pagiging inosente, ang mahaba at kulay puti nitong buhok ang lalong mas nagpaaliwalas sa kaniyang awra. Bagama't may kawirduhan, alam ni Firah na kahit papaano makakasundo naman niya ito kumpara kay Sander na lagi na lamang pinapaiinit ang ulo niya. Hindi niya tuloy maiwasang muling pagbagsakan ng tingin si Sander na wala pa rin ang malay, mukhang na-enjoy na nito ang pagtulog. Sa tuwing mahahagip talaga ng isipan niya ang anumang bagay na may kinalaman kay Sander, bigla na lamang talaga siya naiinis rito.
Ngunit ikinagulat ni Firah, nang marahan siyang dambahin ng yakap ni Icy. Wala naman iyong halong excitement o kung ano pa man pero naramdaman ni Firah na sinsero ang ginawa nito sa kaniya.
"Ate Firah," sambit ng isipan ni Icy.
"Teka? Okay ka lang?" tanong ni Firah at saka lamang bumitaw sa pagkakayakap si Icy, "Ah e, Oo, O-okay lang ba na tawagin kitang Ate?"
"Ha? Ah e, sige, ikaw ang bahala kahit mukhang magkaedad lang naman tayo." Sinuklian na lamang siya nito ng isang magiliw na pagngiti. Para kay Firah, ang ngiting iyon ni Icy ay tila ba may kakayahang magpatigil ng isang bagyo, naibsan nga ng ngiting iyon ang pagkayamot niya kay Sander, kaya sino siya para humindi sa kahilingan ni Icy.
***
Samantala....
Tinitigan ng mabuti ni Madam Chairman ang dokumentong nasa ibabaw ng lamesa niya, naroon ang larawan ni Icy at ang lahat ng impormasyong mayroon ito, "Nandito na rin pala siya, ngunit papaano ka? Please tell me na mananatili ka pa rito ng kahit ilang araw pa." Tumingin siya sa lalaking nasa harapan niya, kakaiba ang kasuotan nito kumpara sa kaniya, ang kasuotan ng lalaki ay sadyang niyari na angkop sa malalamig na lugar. "Ang misyon ko'y maihatid siya rito ng ligtas, ngayon na nandito na siya, tapos na rin ang misyon ko. Madam Chairman, ipinagkakatiwala ko na sa iyo ang kaniyang ikabubuti, umaasa ako na matututukan ninyo rito ang paglago sa natutulog niyang kakayahan. Ngunit isang babala ang aking iiwan, huwag ninyong hahayaan daigin siya ng kaniyang nakaraan. Dahil maari itong gamitin ng mga alagad ni Tanas upang linlangin ang prinsesa."
"Ganoon ba, naiintindihan ko. Huwag kang mag-alala, gagawin ko ang lahat ng makakaya ko, maproteksyunan lamang sila lalo na ngayon na nandito sila sa poder ko." Matapos marinig iyon ng lalaki ay kampante na itong nagpaalam at tuluyan na ngang umalis sa nasasakupan ni Madam Chairman.
***
• SI TANAS:
SA NAKARAAN
AT SA KASALUKUYAN •
***
Ang nakaraan. Agad na naghanap si Tanas ng kaniyang mapagtataguan, hindi siya maaring humarap kay Dakilang Tinig matapos ang mapangahas na panlilinlang na kaniyang ginawa. Ngunit saan man dako ay tila walang gustong kumupkop sa kaniya, kusang nagsasara ang lagusan sa mga liblib na kweba sa kagubatan, ang dagat na hindi siya pinapayagan na makatuntong man lamang at ang mga ulap sa himpapawid na kusang naglalaho sa tuwing susubukin ni Tanas lumipad at magkubli doon. Wala siyang magawa kundi ang tumakbo palayo kung saan naroon ang paniniwala niya'y atensyon ni Dakilang Tinig.
Tumakbo si Tanas nang tumakbo at ang tanging laman lang ng kaniyang isipan ay huwag sana siyang mapansin o maalala man lamang ni Dakilang Tinig subalit yumanig ang lupa na kinatatakbuhan niya, nabiyak ito sa malalaki at maliliit na piraso at nagkaroon sa gitna nito ng malaki at malalim na hukay kung saan tila naging daan iyon patungo sa isang lugar. Nagsimulang maglabas ito ng nakakapasong apoy kaya patalon na umatras si Tanas palayo rito at sumampa sa isang dambuhalang puno na malapit lang doon. Narinig niya sa kawalan ang tinig na kailanman ay hindi niya makakalimutan. "Ang tarangkahan ng Hades, ito ang magiging lugar para sa mga tawo na may pusong tulad ng kay Tanas..." Ang naglalagablab na apoy na inilalabas mula sa bukana ng malaking hukay sa lupa na iyon ay halos lamunin ang lahat ng bagay na nasa paligid ni Tanas, walang nagawa si Tanas kundi maghanap muli ng matutungtungan dahil natupok na nito ang punong kinatatayuan niya kanina. Patuloy na dumagundong sa paraiso ang isang nakakakilabot na tinig na sadyang nagtataglay ng otoridad, "Ang sinuman mapaparito ay makakaranas ng walang katapusang paghihirap. Maglalagay ako ng isang tagabantay na mangangalaga rito, at siya ay kikilalanin bilang si Kamatayan, siya ay kakikilabutan at ang pangalan niya ay katatakutan." Sa labis na pagkamuhi ni Tanas sa nagmamay-ari ng tinig na iyon ay nagpasya siyang bumalik na lang para humanap ng ibang madaraanan sa kaniyang pagtakas ngunit nagulat siya nang may makita siyang isang nilalang at sa kaniyang harapan ito ay humarang, "Hindi kaya ito ang tinutukoy ni Dakilang Tinig na si Kamatayan? Sa tindig at kilos nito mas halatang may ibubuga naman ako tss," bulong na pagmamalaki ni Tanas sa sarili habang minamasdan niya ang nilalang na nasa harapan niya. Kulay itim ang suot na baluti at kapa nito, natatakpan din ng itim na tela ang kabuuang mukha nito kaya hindi niya matukoy kung ano ang hitsura nito, sa kanang kamay nito ay hawak nito ang isang mahabang bagay na ang nasa dulo ay isang matulis na karit. Nang matitigan ni Tanas ang mukha ng itim na nilalang, ang tanging kumislap lamang ay ang pulang mga mata nito. May kakaibang pwersa rin siyang naramdaman na tila nagbigay pa lalo ng kilabot sa kaniya. "Si-sino ka?" sigaw na tanong ni Tanas ngunit sa halip na sagutin siya ay iniangat nito ang kaliwang palad nito at lumabas mula rito ang mahaba at nakakapasong kadena na direktang pumulupot sa buong katawan niya. Napasigaw si Tanas matapos dumampi sa katawan niya ang tila nagbabagang mga kadena, hindi na niya nagawang manlaban dahil parang hinihigop ng kadenang iyon ang buong lakas niya. "Hindi mo ba ako nakikilala! Isa ako sa kanang kamay ni Dakilang Tinig! Magbabayad ka! Isang malaking kalapastanganan ito" giit pa ni Tanas habang nagpupumiglas subalit tuluyan na siyang humandusay at namilipit sa sobrang hapdi at kirot ng pagyakap sa kaniya ng mga naglalagablab na kadena.
Gamit ang kadenang nakapulupot kay Tanas, ay walang habas siyang kiniladkad ng itim na nilalang ngunit kahit anong panlalaban ang gawin ni Tanas ay mas lalo lamang humihigpit ang pagkakayakap ng kadena sa kaniya. Isa lang ang natitiyak ni Tanas, gusto ng itim na nilalang na iyon na dalhin siya sa bukana ng lumiliyab na hukay sa lupa na nasaksihan niya kanina, subalit mas kinilabutan si Tanas nang magsalita ang nilalang na nagkukubli sa itim na kasuotan, "Naghahangad ka ng sarili mong kaharian di ba?" ngumisi muna ito bago ulit nagpatuloy sa kaniyang sasabihin, "...Sa Hades, doon ka nararapat!" Nanlaki ang mga mata ni Tanas dahil alam niya na ang lugar na iyon ang tinutukoy ni Dakilang Tinig na kaniyang magiging kulungan, ang lugar na nagtataglay ng walang katapusan na parusa. Buong lakas na nagsisigaw at nagpapalag si Tanas, sinisikap niyang makawala mula sa mga kadenang ayaw siyang pakawalan, "Hindi! Hindi! Hindi ako makakapayag! Hindi sa ganito matatapos ang lahat!"
Sa labis na kagustuhan na makaligtas mula sa parusang iyon ay nagawa ni Tanas na maihiwalay ang kaniyang Espirtu sa kaniyang kaluluwa at katawan, napangyari niya ito gamit ang ipinagbabawal na mahika na tanging sa kanila lamang ni Ahel inihabilin ni Dakilang Tinig. Kaya bago tuluyang maihulog sa nagliliyab na hukay ay isang itim na liwanag ang mabilis na kumalas sa katawan ni Tanas. Sa bilis nga niyon ay hindi na ito nagawa pang pigilan ng kadena ni Kamatayan- ang nilalang na inatasan ni Dakilang Tinig bilang tagapagbantay sa Tarangkahan ng Hades, wala itong nagawa kundi sundan na lamang ng tingin ang itim na liwanag na iyon hanggang sa ito ay maglaho. Kasunod niyon ay tuluyan na ngang nahulog si Tanas sa malalim at naglalagablab na hukay. Ang malalakas na hinagpis ni Tanas ang nagsasabing hindi biro ang kaniyang nararanasan pagbagsak sa kailaliman niyon. Sumusugat sa balat niya ang bawat matutulis na bato na sumasalubong sa kaniyang pagkahulog, halos lusawin naman ng apoy ang buong katawan niya ngunit tila pinaglalaruan siya ng lugar na iyon dahil matapos malusaw ang kaniyang katawan sa tindi ng apoy ay muli itong nanunumbalik sa dati nitong anyo para muling mararanasan ang hapdi at kirot mula sa panibago na naman na pagkalusaw nito. Wala siyang magawa kundi danasin ang bagsik ng hatol sa kaniya ni Daking Tinig- ang walang katapusang paghihirap sa kailaliman ng Hades. "Magbabalik ako! Magbabalik ako! Hindi pa tayo tapos!" Mga katagang naririnig sa kailaliman ng hukay bago ito bagsakan ng malalaking tipak ng lupa at tuluyang matabunan na para bang walang naganap na malaking butas doon. Kasabay ng paglaho ng tarangkahan ng Hades ay ang pagkawala rin ng nilalang na nagtataglay ng itim na kasuotan na binigyan nga ng pagkakakilanlan ni Dakilang Tinig bilang si Kamatayan.
Makalipas ang daan-libo na mga taon. Kasagsagan ng digmaan noon sa pagitan ng mga sugo ni Tanas at ng mga imortal na pinangungunahan ng mga Anghel, dahil kahit nagawang maikulong ang katawan at kaluluwa ni Tanas sa Hades ay malaya pa rin naman naglalakbay ang Espiritu nito at taglay pa rin nito ang angkin kapangyarihan kaya nagawa pa rin nitong bumuo ng isang hukbo sa kabila ng kawalan niya ng pisikal na pangangatawan.
Katuwang ng mga anghel sa mahabang labanan ang mula sa lahi ng limang tanyag at dakilang mga tawo. Naging mainit ang mga mata ni Tanas sa angkan ng mga tawo lalo na nang malaman niyang ang mga ito ay walang anuman naalala sa mga naganap noon, at siya lamang ang bukod tanging nakakaalam sa mga kaparusahan at sumpang ipinataw ni Dakilang Tinig sa lahat, maging si Ahel na dati niyang kasamahan ay inalisan din ng mga alaala. Kaya hindi niya matanggap na ang lahat ng paghihirap at mapait na alaala ay siya lamang ang nakakaranas. At dahil nakakulong sa kailaliman ng Hades ang kaniyang pisikal na katawan at ang kaniyang kaluluwa, nagpasya siyang maghanap ng isang katawan na gagawin niyang sisidlan ng kaniyang Espiritu- ang kaniyang Espiritu na nagawang makatakas sa kaparusahang iyon.
Sa paglipas ng mga taon, naglalakbay sa kawalan ang kaniyang Espiritu at naghahanap ng panibagong masisila, dahil aminado siya na sa tuwing sasanib siya sa isang pangkaraniwang katawan ng mortal ay hindi nito natatagalan ang kaniyang pananatili, agad itong bumibigay hanggang sa unti-unti itong maglaho na parang abo habang tinatangay ng mahihinang ihip ng hangin kaya naman umaalis siyang bigo sa bawat katawan ni sinasaniban niya.
Ngunit hindi iyon nagtagal dahil sa wakas ay natunton na ni Tanas ang lugar na pinagtapunan kay Kidlat. Natitiyak niya na sa oras gamitin niya ang pisikal na katawan ni Kidlat ay magagawa nitong mapanatili ang kanyang pangangatawan dahil isa rin ito sa mga makapangyarihang nilalang na nilikha ni Dakilang Tinig noon. At ang katawan ni Kidlat ang nakikita niyang perpektong sisidlan para sa kaniya.
Nasa isang malayo at naghihikahos na kagubatan si Kidlat, wala itong kasama doon na para bang ang lugar ay inalisan ng karapatang mabuhay. Tuyot ang mga ilog at lawa na naroon maging ang mga puno ay wala na rin mga dahon at bunga. Mag-isa itong nabubuhay doon at katulad ng iba, wala rin itong naalala na labis namang kinainggitan ni Tanas. Isang umaga ay nagpakita siya rito sa anyo ng isang maliit at bilog na apoy. "Huwag kang mabahala kidlat, ako ito ang dati mong kaibigan," pakilala pa ni Tanas. Nang subukin siyang hawakan ni Kidlat ay kinuha itong pagkakataon ni Tanas para malayang makapasok sa katawan ni Kidlat. Sa una ay nagpapalag pa ito ngunit sa huli ay mas nagwagi si Tanas, naangkin niya ang katawan ni Kidlat at tama siya ng kaniyang palagay, na kayang matagalan ng katawan ni Kidlat ang elemento na tulad niya. Isang ngisi ang iniwan ni Tanas, ngayon ay handa na siyang simulan ang mga plano niya.
Labing anim na taon bago ang kasalukuyan. Sa panahon na ito ay matagal ng namayapa sina Haring Apoy, Haring Hangin, Haring Lamig, Reynang Lupa at Reynang Tubig ang mga labi nila ay nakahimlay sa kani-kanilang bayan kung saan sinikap nilang mamuhay ng mapayapa sa kabila ng mga banta ng pagbabalik ni Tanas. Bagamat pinilit ng mga lahi ng limang tanyag na mga tawo na mamuhay alinsunod sa mga batas na ginawa ng mga ito, hindi pa rin nila maikakaila ang takot sa kanilang mga puso. Mayroon kasi na isang nilalang ang pilit kumakalaban at sumisira sa tahimik nilang pamumuhay at nagpakilala ito sa kanila bilang si Haring Kidlat. Kaya naman labis silang nangangamba sa tuwing sasalakayin sila ng hukbo ni Haring Kidlat. Mabuti na lamang at katuwang nila ang mga Anghel. Mayroon din namang mga tawo na sa paglipas ng mga panahon ay nagawang mamana ang mga kapangyarihan taglay ng kanilang mga dakilang ninuno. Ang ilan nga sa kanila na napili ay nagtataglay ng mga kapangyarihan ngunit iyon ay limitado lamang sang-ayon sa mga lahi na pinagmulan nila. Katulad ng mga nagmula sa lahi ni Haring Apoy kung saan sila ang may kakayahang kumontrol sa apoy. Ang lahi ni Haring Lamig na kumukontrol naman sa mga nyebe, ang lahi ni Haring Hangin na napapasunod ang hangin, ang lahi ni Reynang Tubig na kayang humati ng tubig at sa lahi ni Reynang Lupa na napapasunod ang malalaki at maliliit na buhangin o bato.
May isang babae ang nagdadalang tao sa lupain ng Sunnah, anim na buwan na noon ang sanggol na nasa sinapupunan niya. At dahil sa banta ng digmaan noon kaya hindi naging madali sa kaniya ang pagbubuntis niya. "Huwag kang mabahala, hangga't nandito ako, hindi ka namin pababayaan," wika ng isang anghel sa kaniya. Ito ang nag-alis ng takot sa puso ni Flamora. Sa kasamaang palad, hindi na niya makakasama ang ilan sa mga kalahi niya dahil sa nagkahiwa-hiwalay na sila sampung taon na ang nakakaraan noong subukin silang pagbagsakin ng hukbo ni Kidlat. Ang kaniyang mister naman ay nasawi rin nang pagtangkaan ang buhay niya mabuti na lang at nagawa siyang iligtas ng anghel na ngayon ay nasa tabi niya, "Konting tiis na lang at parating na rin dito ang tulong mula sa ibang lahi," dagdag na saad ng anghel na kasama niyang nagkukubli sa isang makipot na kweba, may sugat ang isa sa pakpak nito dahilan upang maging limitado lamang ang mga kilos nito. Nginitian lang ito ni Flamora, bagamat nag-aalala rin siya sa kalagayan nito. Hindi niya maintindihan kung bakit ang anak pa niya ang napiling magmana sa kapangyarihan ni Haring Apoy, ngunit wala naman siyang magagawa dahil di naman niya pwedeng hadlangan ang bagay na nakatakda na.
Natanaw nila mula sa kanilang pinagtataguan ang isang malakas na pagsabog sa di kalayuan, mas lalo tuloy nandilim ang paligid dahil sa mga abong nagbabagsakan sanhi nito, sinabayan pa ito ng pagbuhos ng ulan. Nagsimulang kumulog at gumuguhit sa alapaap ang mga puting liwanag, ang senyales nito ang tila nagbabadya nang pagdating ng hukbo ni Haring Kidlat na labis ikinababahala ng lahat saan man sila naroroon.
"Naririnig mo ba iyon?"
"Ang alin?" takang tanong ng anghel. Hindi sumagot si Flamora at nanatiling tahimik upang mas malinaw na marinig ang tinutukoy niya hanggang sa magkatinginan sila ng anghel na kasama. "Isang bata! Tulungan natin siya!"
"Hindi Lady Flamora, ang misyon ko ay bantayan ka hangga't wala pang dumarating na tulong mula sa kanila."
"Ngunit ang batang iyon, kailangan niya ng tulong!" Mas lalong naging malakas ang iyak ng bata, hindi sigurado ni Flamora kung nasaan ito gayon pa man mas nanaig sa puso niya ang pagiging isang ina kaya hindi niya matitiis na wala siyang gagawin at pakikinggan lamang niya ito. Kaya tumayo siya at akmang lalabas ng kweba, "Teka, saan ka pupunta?" takang tanong ng Anghel.
"Kung hindi mo siya kayang iligtas, pwes ako ang gagawa!"
"Nahihibang ka ba, paano kung isa lamang iyong patibong ni Kidlat? Malalagay sa panganib ang buhay mo pati na rin ang sanggol na dinadala mo." Hindi naman nagpatinag si Flamora, maaring totoo ang hinala ng anghel ngunit matitiis ba ng konsensiya niya na hayaan na lamang ito kaya nanindigan siya," Ngunit paano kung totoong bata iyon? Matitiis ba ng konsensiya mo iyon?!" Napaluha pa ito bugso ng kaniyang nararamdaman. Naunawaan naman siya ng Anghel kaya nagdesisyon ito, "Sige Lady Flamora, dito ka lang, hayaan mong ako ang humanap sa kaniya. Babalik din ako kaagad." Bagama't hindi sigurado ang anghel sa kaniyang pasya ay ginawa niya pa rin. Lumabas siya ng kweba at mula sa taas nito ay tumalon siya paibaba at mabilis na nawala sa paningin ni Flamora.
Pinahid ni Flamora ang mga luha niya hanggang sa isang tinig sa likuran niya ang kumuha sa atensyon niya, "Sinong nandyan? May tao ba dyan?" aniya.
May isang pigura ng tao ang lumabas mula sa loob ng kweba, madilim kaya di matukoy ni Flamora kung sino ito ngunit isang bagay ang natitiyak niya, isa itong matandang babae dahil na rin sa boses nito, "Ang kasama mo kanina, isa siyang anghel di ba?"
Muling naghari sa alapaap ang puting liwanag na sinundan ng malalakas na kulog, dahil dito ay nasilayan ni Flamora ang totoong hitsura ng kasama niya sa kweba. Tama ang hinala niya na isa itong matanda, kulubot ang balat nito at kulay puti na rin ang bawat hibla ng buhok nito. "Si-sino ka?" alangan na tanong ni Flamora.
"Tulad mo'y nagkukubli rin ako sa lugar na ito, nagtatago sa malupit na mundo na nasa labas. Ngunit mapalad ka, dahil may nagbabantay sa iyo." Ang tinutukoy nito ay ang anghel na kaalis lamang.
"Tama ho kayo, kundi dahil sa kaniya, malamang wala na rin kami ng magiging anak ko." Kasunod ang paghimas ni Flamora sa kaniyang tiyan. Ngunit ilang saglit lang ay napangiwi siya ng sumakit ito. "Ayos ka lang hija?" tanong ng matanda sa kaniya.
"Bigla hong nanakit ang tyan ko." Namilipit si Flamora nang mas lalong tumindi ang sakit. Agad naman lumapit ang matanda sa kaniya para tulungan siya, pinaupo siya nito sa isang bato. Hinawakan ng matanda ang tiyan ni Flamora, "Anim na buwan na rin ang sanggol mo," wika nito.
Kahit nahihirapan ay nagawa pa rin magtanong ni Flamora, "Paano nyo po nalaman?"
"Isa akong Griotes." Nang marinig iyon ay hindi na nagtanong pa si Flamora. Minsan na niyang narinig ang tungkol sa mga griotes ngunit hindi niya akalain na sa ganitong pagkakataon niya makikilala ang isa sa mga ito. "Hayaan mong tulungan kitang alisin ang sakit sa tiyan mo." Walang nagawa si Flamora kundi hayaan ang matanda na tulungan siyang maihiga at ilapat ang mga kamay nito sa tyan niya. Tama ang sinabi ng matanda, napatigil nga nito ang pananakit ng tyan niya subalit nakaramdam siya bigla ng pagkaantok, nagsimulang maging mapungay ang mga mata niya hanggang sa tuluyan na siyang makatulog.
"Flamora! Flamora! Gising!" Napamulat si Flamora, pinagmasdan niya ang paligid. Maliwanag na at hindi na rin umuulan, "Sino kayo?" aniya dahil hindi niya kilala ang mga taong nakapalibot sa kaniya. Nang mapagmasdan mabuti ang paligid, nalaman ni Flamora na nasa loob na siya ng isang sasakyan. Sinagot naman siya ng babaing nasa harapan niya, "Ako si Sandra, pero mas tinatawag nila ako bilang si Madam Chairman."
"Madam Chairman?"
"Ipinagkatiwala ka sa amin ng anghel na nagbabantay sa iyo, ngunit, ikinalulungkot kong sabihin na wala na siya." Bakas sa mukha ng nagpakilalang Madam Chairman ang kaniyang lungkot. Napabalikwas si Flamora at agad na hinawakan ang tyan niya, "Ang baby ko! Kumusta ang baby ko!" pag-aalala niya.
"Huwag kang mag-alala, ligtas ang anak mo. Halos dalawang araw ka rin nawalan ng malay. Pero huwag kang mabahala, kasama natin ang mula sa lahi ni Reynang Tubig, siya ang umaalalay sa kaligtasan ninyong mag-ina habang wala kang malay. Tumingin si Flamora sa gawing kanan niya at doon ay nakita niya ang tinutukoy nilang galing sa lahi ni Reynang tubig, "Walteron nga pala," pakilala nito sa kaniya. Nginitian muna ito ni Flamora bago nagpasalamat pagkatapos ay muling ibinaling ang atensyon kay Madam Chairman, "Ano ang nangyari sa anghel? Sa pagkakatanda ko, nasa loob ako ng isang kweba, tapos-"
"Tinangka kang kunin ni Haring Kidlat, gusto niya kayong patayin mag-ina upang maputol at hindi na magpatuloy pa ang kapangyarihan ni Haring Apoy, hindi ba't ang sanggol sa sinapupunan mo ang itinakda? Mabuti na lamang at dumating kami at nailigtas ka namin sa kamay niya. Subalit, ikinasawi ng anghel na nagbabantay sayo ang mga nangyari, isinakripisyo niya ang buhay niya para sa inyong mag-ina."
Walang nagawa si Flamora kundi ang maluha, halos lahat na lang ng magtanggol sa kanilang mag-ina ay binubuwis ang kanilang buhay kaya hindi niya mapigilan ang muling magdalamhati.
To be continued.
***
Mga dapat abangan:
✔ Ang tagapagmana ng kapangyarihan ni Reynang Tubig
✔ Ang pagbabalik ni Tanas
✔ Ang mga sandata
✔ Elite Classes at ang kanilang mga guro
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen2U.Com