Truyen2U.Net quay lại rồi đây! Các bạn truy cập Truyen2U.Com. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

KABANATA 5

***
• ANG CIFER (SAI-FER) •
***

         Ang parke sa isang maliit na bayan. "Papa, gusto ko po nito," turo ng isang bata sa nagtitinda ng cotton candy. Ngumiti naman ang papa niya sa kaniya, "Oh sige, pabili nga po ng isa nito."

          Sa di kalayuan naman ay isang misteryosong pigura ng isang tao ang tumayo sa pinakadulo ng flagpole, nagpakawala ito ng itim na enerhiya na mabilis nagpalipad-lipad sa malawak na parke na tila naghahanap ng magiging biktima. Agad nasipat ng itim na enerhiya ang isang lalaki na may hawak na cotton candy na iaabot na sana sa batang kasama nito, pumasok siya sa katawan ng lalaki at  walang aberyang naangkin niya ito.

        "Pa—papa? A—ayos lang po ba kayo?" pag-aalala ng bata.

         "Ser? May problema ho ba?" pangamba naman ng tindero ng Cotton Candy matapos masaksihan ang pagbabago sa kilos ng lalaking kasama ng bata.

         Isang ngisi ang pinakawalan ng tatay ng bata bago paangat na sinakal ang tindero ng cotton candy. "Papa! Huwag mong gawin iyan!" Napaupo naman sa takot ang bata at matinis na sumigaw matapos masaksihan ang sunod na ginawa ng kaniyang ama. Nagsitakbuhan naman ang ilan sa mga nakasaksi sa pangyayaring iyon dahilan para mas magkagulo ang lahat ng mga nasa parke. May mga nagtangkang lumaban sa tatay ng bata ngunit may kakaiba sa lakas nito na kahit sampung katao ang pumigil ay walang panama rito.

          Bago umalis sa kinatatayuan ay ngumisi muna ang misteryosong pigura pahiwatig na nasisiyahan siya sa kaniyang nakikita kasunod nito ang mabilis niyang pagkawala sa ibabaw ng flagpole at nag-iwan lamang sa kinatatayuan ng mga nakakakuryente na liwanag na ilang saglit lang, tulad niya ay naglaho rin naman.

***

           Isang lalaki ang kasalukuyang kausap ni Madam Chairman habang ito ay naglalaro ng golf sa bakuran ng kaniyang malaking mansyon. "Madam Chairman! Hindi na biro ang pagsulpot nila. Napapadalas na ang paglaganap ng kasamaan nila," mahinahon na wika pa rin ng lalaki sa kabila ng pangamba nito.

        "Patingin nga ako, ginawan nyo na ba ng hakbang ang tungkol dito katulad ng mga napagplanuhan?" Inabot ni Madam Chairman ang mga dokumento na hinihingi niya sa lalaki. Sa unang bahagi ng papel nakalagay ang mga salitang 'Cifer Appearances', binuksan at ipinagpatuloy niya ang pagbasa doon. "Ibig sabihin, umatake na naman sila," dagdag komento niya pagkabasa niya sa bagong datus na nakalagay dito, "Ilan ang kanilang naging biktima? At sinigurado nyo ba na walang sinumang witness ang makakaalala sa mga nangyari?" tanong muli ni Madam Chairman.

         "Nasa dalawang-pu katao ang mga naging biktima nila, huwag ho kayong mag-alala, naselyuhan na sila bago pa man kumalat ang balita."

         "Magaling Eugene. Ang mga Cifer na iyan— ang pagiging aktibo nila ang senyales na kumikilos na rin ang hukbo ng kalaban, Kailangan nang makumpleto ang mga itinakda sa lalong madaling panahon."

         "At tungkol sa mga itinakda— alam ko na ang lokasyon ng isa sa kanila. Kasalukyan itong nasa isang isla sa Baler. Ngunit may problema tayo, bali-balita na ayaw makipagtulungan ng tagapagmana mula sa lahi ni Reynang Tubig. Ginagawa lamang nito kung ano ang gusto niyang gawin sa buhay—"

         "At iyon ay ang mag-surfing di ba?" wika ni Madam Chairman habang nakatuon ang mga mata niya sa larawan ng lalaking tinutukoy niya, hawak nito ang surfing board at kuha ang larawan sa isang beach na nagtataglay ng puting buhangin.

        "Tama ho kayo Madam Chairman. Ikinalulungkot kong sabihin na ang mga itinakda sa henerasyon na ito ay tila ba hindi seryoso sa panganib na dala ng mga Cifer."

          "Huwag kang mag-alala. Sige, ipapadala natin ang tatlo doon, hayaan mo ang mga ito ang kumumbinsi sa lalaking iyon."

         "Pero—"

         "Don't worry, I put my trust on them."

          "Kayo po ang bahala."

***
SA BALER
***

          "Baler?"
         
         "Ba—baler?"

          "Ibig sabihin pupunta tayo ng Baler? Ayos ito! Bakasyon! Pagdating na pagdating ko doon, kakain ako ng inihaw na pusit, ay teka, Oo nga pala! Maraming  naka-swimsuit na chikababes din ang naroon, magaganda at sexy pa. Ayos 'to! Susulitin ko ang bakasyo—" Hindi pa man tapos sa sasabihin ay malakas na suntok na naman ang nagpalipad kay Sander dahilan para magkaroon ng butas ang kisame ng kanilang salas.

       
         "Ku—kuya Sander," bulong na pag-aala  ni Icy para kay Sander.

         "Sige po Madam Chairman, ipagpatuloy nyo na po ang sasabihin ninyo," kampanteng saad ni Firah matapos ang ginawa niyang pagsapak kay Sander.

         "Salamat Hija, maaasahan ka talaga. Anyway, ipapadala ko kayo sa Baler hindi para magbakasyon, kundi para katagpuin ang isang lalaki na tulad ninyo ay itinakda rin. Kailangan ninyo siyang hikayatin na sumama pabalik rito."

       "Iyon lang ba? Madali lang iyon, ang magiging problema lang ay ang anak ninyong iyan. Kung iisipin ng lamang lupa na iyan na nasa bakasyon lamang kami ay baka iyan pa ang maging problema namin."

       "Kaya nga ako hindi kinakabahan dahil alam kong ikaw ang makakasama niya," humahagikgik pang saad ni Madam Chairman. "Alam kong magtitino rin ang anak ko kapag nasa tabi ka niya," dagdag pa nito.

       "Pero—"

       "Bueno, I have to go, bukas na bukas din ipapahanda ko ang masasakyan ninyo, okay?" Hindi na nga nakatanggi pa si Firah. Lumabas si Madam Chairman sa kanilang training ground at iniwan na silang tatlo.

        "A—ate Firah, ma—magiging okay lang ba si Kuya Sander?"

         "Huwag kang mag-alala Icy, hindi ako papayag na guluhin ng lalaking iyan ang lakad natin bukas. Babalik tayo rito bitbit ang lalaking sasadyain natin sa lugar na iyon."

        "O—okay. Pe—pero hindi naman iyon ang ibig kong sabihin Ate Firah e, ka—kasi hanggang ngayon dama pa rin ni Kuya Sander ang pagsapak mo sa kaniya, ka—kawawa naman siya," bulong muli ni Icy sa sarili.

***

         Kinabukasan. "Okay! Hmmn, headphone check, phone check, internet check, ATM check, teka ano pa ba ang kulang? Heh wala na siguro, okay lets go!" ganadong bigkas pa ni Sander, iritable naman siyang pinuna ni Firah, "Ano sa tingin mo ang ginagawa mo?" Sinamahan pa ito ng pagtaas ng kilay.

         "Eh di naghahanda." Pagkatapos ay isinara na ni Sander ang kaniyang bagpack.

         "Uulitin ko lamang lupa, hindi tayo magbabakasyon doon!"

           "Ano ka ba, alam ko 'yon," ngingisi-ngisi pang sagot ni Sander.

          "Eh bakit may nakahanda ka pang maleta dyan!" sabay tingin ni Firah sa tabi ni Sander dahil bukod sa inayos nitong backpack ay nakahanda na rin ang brown na maleta nito.

          Napatingin din si Sander sa gawing kanan niya at napakamot na lang sa kaniyang ulo, "Ah e, baka kako kasi magtagal tayo doon at maisipan ninyo na alam mo na... He he."

         "Sander!!!" Halos umusok ang ilong at tainga ni Firah sa sobrang inis niya sa binata mabuti na lamang at bumaba na rin si Icy sa kaniyang kwarto kaya naiba ang timpla ng mood ni Firah, "A—ate Firah... Pu—puwede mo ba akong tulungan?"

         "Tulungan?"

  
         Napabugtong hininga naman si Sander matapos mawala sa kaniya ang atensyon ni Firah, "Nice timing ka talaga Icy, good job!" bulong pa ni Sander sa sarili na narinig naman Firah kaya muli itong napatingin sa kaniya. Nagmamabilis tuloy si Sander sa kaniyang paglalakad palabas sa training ground bago pa mabalik  ang pagkayamot ni Firah sa kaniya.

          Natagpuan na lamang ni Firah ang sarili sa loob ng isang minishop, nakatingin lamang siya kay Icy na hanggang ngayon ay hindi pa rin makapagpasya kung ano ang bibilhin nito. Nasa harapan ni Icy ang dalawang malaking fridge na naglalaman ng iba't ibang flavor at sizes ng ice cream. "May napili ka na ba?" tanong ni Firah.

          "Mu—mukhang lahat sila masarap, ka—kaya lang..."

           "Kaya lang ano?" Lumapit naman sa dalawa si Sander, napansin niya kasi ang pagtamlay ni Icy nang tignan nito ang sariling pitaka, nahalata niya na kulang ang dalang pera ni Icy para bilihin kung anuman ang gusto nito. Nilaklak muna ni Sander ang dalang sprite na nasa can at saka itinuon ang pansin sa dalawa, "Oh siya, kunin mo lahat ng flavor na gusto mo Icy, ako na magbabayad," aniya at saka ngumiti pa sa mga ito ng ubod ng kinang na sinundan pa ng thumb's up.

   
          "Ku—kuya Sander!" Dinambahan naman siya ng yakap ni Icy. Iyon ang unang beses na makita nila itong tuwang-tuwa.

           Nang makabalik na sila sa kanilang sinasakyan ay pinuna ni Firah si Sander, "Teka, bakit parang di ka masaya sa ginawa mo kay Icy?"

          "Ang sabi ko! Kunin niya ang flavor na gusto niya! Pero wala akong sinabing kunin niya lahat ng laman ng fridge sa store na iyon! Ahhh!" pigil pang sigaw ni Sander ngunit hindi siya alintana ni Icy na nasa likuran nila dahil abala ito sa paglatak sa mga ice cream na nakapalibot sa kaniya.

          "Ang isang buwan na allowance ko, naubos lang lahat sa ice cream! Sabihin mong hindi ito totoo!" mangiyak-ngiyak pang komento ni Sander na halos ikaluha naman ni Firah sa kakatawa.

          "Hmmn Ice cream... Ice cream pala ang tawag nila rito... Ang lasa at texture, lahat masasarap, hmmn," bulong ni Icy sa sarili habang nagpapakalunod sa dami ng ice cream na kinuha niya. Bagama't mahaba ang byahe, hindi ito natutunaw dahil na rin sa pinapalamig sila ng kapangyarihan ni Icy.

            Ang lungsod ng Baler. "Tumigil ka na nga sa kadramahan mo dyan lamang lupa, hindi bagay sayo," iritableng puna muli ni Firah sa kasabay niyang si Sander, hanggang ngayon ay dinidibdib pa rin nito ang isang buwang allowance na nawala sa kaniya, "Hindi ba't nagmula ka naman sa angkan ng mayayaman, ano ba pinoproblema mo?" dugtong pang saad ni Firah.

          Halos manlupaypay naman si Sander bago nakapagpaliwanag, "Hindi mo kilala ang mama ko, bago ako makahingi sa kaniya ng pera, kailangan ko pang pagtrabahuan. At ang allowance na nilalagay niya sa ATM ko ay sinasakto niya lamang sa kung ano lang ang kailangan ko sa loob ng isang buwan. Isa sa mga prinsipyo ni Mama na kung may gusto kang bagay na makuha, kailangan mo muna itong paghirapan! Kaya naman— argh! Ayoko na ulit magpakapagod!" Ginulo pa ni Sander ang buhok niya pagkatapos ay napatingin kay Icy na naglalakad sa unahan nila, masyado itong abala sa pag-ubos ng popcicle dahilan para hindi nito mapansin ang kaniyang pagdadakdak. "Paano niya nagagawa 'yon ha? May halimaw ba sa tiyan niya para maubos niyang lahat 'yon!" habol pa niyang komento habang minamasdan si Icy, halata naman na wala itong ibang iniisip kundi ang ice cream na dinidilaan nito.

        "Tumigil ka na nga sa pagngangawa mo diyan! Nakakairita ka na talaga, at pabayaan mo na si Icy, huwag mong tataluhin si Icy kundi mananagot ka sa akin!" Ipinamukha pa ni Firah ang kaniyang kamao sa binata.  

          Maya-maya pa ay paupong bumagsak sa harapan nila si Icy kaya kapwa napatingin sina Firah at Sander sa naging sanhi nito. Nakita nila na may nakabungguan pala si Icy. Ngunit hindi iyon ang kanilang inaalala, kundi ang reaksyon ni Icy pagkatapos malaglag sa buhanginan ang kinakain nitong ice cream kanina.

        "A—ang ice cream ko..."

         Matinis na boses ang bumasag sa atensyon nina Firah, "Kasalanan mo 'yan, hindi ka kasi tumitingin sa dinaraanan mo." Bumungad sa kanilang harapan ang isang batang lalaki na kung susuriin ay nasa edad dose o trese anyos pa lamang, topless ito at nakasuot ng pang-beach na short. Hindi ito makikitaan ng anumang pagsisisi sa kabila ng bungguan na nangyare sa kanila ni Icy. Halata sa kilos at asal ng batang lalaki na hindi sila gagalangin nito, "Hiump," busal pa nito sa kanila. Hindi naman napigilan ni Sander na patulan ang kasupladuhan nito, lalo na ang paghamak nito kay Icy, "Hoy kutong lupa! Naghahanap ka ba talaga ng away! Hindi mo ba nakita, nakapanakit ka na ng tao!" Agad naman siyang inawat ni Firah, "Teka lang Sander bata ang isang yan, tumigil ka nga!"

         Ngunit ang mga sumunod na sinabi sa kanila ng bata ang biglang nagpabago sa ihip ng hangin, "Isang may sariling mundo, isang isip bata at isang gurang, teka bagay kayong dalawa~." Sa pagkakataon na ito si Firah naman ang hindi napigilang manggalaiti sa galit, gusto niyang ibaon ang bata sa kinatatayuan nito mabuti na lamang  at pinigilan agad siya ni Sander, "Humanda ka sa akin bata ka! Mata mo lang ang walang latay!"

         "Teka Firah! Maghunos-dili ka, bata lang ang isang iyan!"

          Humarap naman si Icy sa kanila para pigilan sila, hiniwakan ni Icy ang damit ni Firah at saka umiling-iling. Hindi mawari ni Firah at Sander ang totoong nararamdaman ni Icy dahil wala naman itong sinasabi at nanatiling nakatungo lamang.

         "Icy..."

         Agad naman nagsalita sa harap nila ang batang lalaki. "Hindi tatalab sa akin ang mga kaignorantihan ninyo sa aming lugar, hindi pwedeng dahil mga dayo kayo, magmamaang-maangan na kayo sa daan, tsk, makaalis na nga!" Hindi na rin nakipagtalo pa si Firah dahil mas inaalala niya ang nararamdaman ni Icy, bigla kasi itong nanahimik.

         "Ginagalit talaga akong batang 'yon! Grrr! Hayaan mo Icy, bibili na lang ulit tayo ng ice crea—" Hindi na naituloy pa ni Sander ang sasabihin nang may maalala.

         "Oh bakit ka tumigil?" pansin ni Firah sa kaniya.

          "Ah eh, naalala ko lang, ubos na nga pala laman ng ATM ko hehehe."

           "Ahhrgg, nakakapang-init ka talaga ng ulo!" Naikuyom pa ni Firah ang kamao niya sa harapan ni Sander habang patakbo naman itong lumayo sa kanila.

          
***

         Walang nagawa sina Firah kundi ang magpatuloy sa paglalakad, hanggang sa maramdaman na nila ang lamig ng hangin mula sa dagat. Dumadami na rin ang mga nipa hut at mga restaurant  na nadadaanan nila senyales na malapit na sila sa beach. Hindi maiwasan ni Firah ang mamangha sa kaniyang nakikita nang tuluyang tumambad sa kanila ang kulay asul na karagatan. Tumatama pa rito ang liwanag na mula sa araw kaya naman mas lalong gumanda sa paningin niya ang lawak nito. Sa seaside nakabalandra ang iba't ibang klase ng mga turista. Totoo nga ang sinabi ni Sander na marami nga ang mga babae at lalaki ang naka-swimsuit. Mayroon din mga nagba-volleyball, mga batang nagtatakbuhan, mga nakasakay sa banana boat, may mga nagpa-parasailing at higit sa lahat mga nagsu-surfing.

         "This is life!" masiglang sigaw pa ni Sander hindi alintana ang dami ng tao.

          "Tara, magtanong tayo doon," turo ni Firah sa isang establisyimento, tinanguhan naman siya ni Sander. Sa di kalayuan ay natanaw ni Sander ang isang batang babae, naglalaro ito ng mga buhangin at sinusubukan bumuo ng kastilyong buhangin. Hinayaan na muna ni Sander na mauna sina Firah sa paglalakad at saka  nilapitan ang bata na agad na nagtaka, kinindatan naman ito ni Sander at saka pasimpleng ginamit ang kaniyang kapangyarihan. Inutusan niya ang mga buhangin na bumuo ng kastilyo. "Sander!" sigaw ni Firah sa kaniya. "Pariyan na!" sagot naman niya. Iniwan ni Sander ang bata na puno ng katanungan ngunit bakas sa mga mata nito ang mangha mula sa nakikita. Isang perpekto at mataas na kastilyong buhangin ang biglang bumungad sa harapan ng bata kaya nagtatalon at nagsisigaw ito sa tuwa, "Wow, may castle na ako! Wow may castle na ako! Mommy! Daddy! May castle na ako!" Agad na lumapit ang magulang nito na napuno rin ng pagtataka, "Anak, sino ang gumawa niyan?!" Ngunit hindi na naituro pa ng batang babae si Sander dahil natabunan na ito ng mga taong naglalakad.

         "Kilala nyo ba ang lalaking ito?" Ipinakita ni Firah ang larawan ng sadya nila sa lugar ngunit sa halip na sagutin siya ng ginoo ay naramdaman ni Firah na may pagdududa ang mga tingin nito sa kanila ni Icy. "Bakit? Ano ang kailangan ninyo sa kaniya?"

          "Ibig sabihin nandito nga siya, saan namin siya pwedeng puntahan?"

            "Miss hindi mo ba narinig ang tanong ko? Ano ang kailangan ninyo sa kaniya?"

            Mabilis naman uminit ang ulo ni Firah dahil kanina pa talaga siya nakakaramdam na hindi sila welcome sa harap ng lalaki. "Kapag sinabi ko ba? Ihahatid mo kami sa kaniya?" nagtitimping tanong ni Firah.

           "Wala siya rito, umalis na siya."

          Hindi na napigilan pa ni Firah ang sarili, hinatak niya ang blusa ng lalaki kahit na mas malaki ito sa kaniya, ramdam niyang nagsisinungaling lang ito sa kanila, "Pinagloloko mo ba ako?!"

           "Firah sandali!" Agad siyang pinigilan ni Sander nang makalapit ito sa kanila, pinilit ni Sander na maialis ang kamay ni Firah sa damit ng lalaki.

           "Master Sander?" anang ng lalaki, saka lang binitawan ni Firah ang pagkakahawak niya sa damit nito.

           "Ginoong Royce? Ikaw nga! Kumusta na ho? Matagal-tagal na rin ho tayong hindi nagkita!" Nakipag-shakehand at yumakap si Sander sa tinutukoy niyang Ginoong Royce. "Napasyal ka Master Sander, anong meron?" tanong agad nito sa kaniya.

            "Naku Ginoong Royce, pasensiya ka na sa kasama ko, medyo mainitin lang talaga ang ulo niyan, pero hindi naman iyan nangangagat." Sumama tuloy  ang tingin ni Firah sa kaniya.

           "Ganoon ba, napansin ko nga, teka, Master Sander, hayaan mong kami na ang mag-accomodate sa inyo sa bayan namin. Labis kong ikagagalak kung ako ang mag-aasikaso ng lahat ng kailangan mo sa lugar na ito."

          "Talaga ho? Naku salamat! Sakto, medyo pagod at nagugutom na nga rin ako."

          "Okay‐okay!" Pinindot nito ang bell na nasa ibabaw ng counter, maya-maya pa ay dumating na ang isang nakasandong lalaki at nakasuot ito ng bulaklakin na short "Jimboy, pakihatid sila sa cottage sa class A."

          "Class A ho?"

          "Narinig mo ako di ba?!"

          "Oho, ang sabi nyo po dalhin ko sila sa Class A ng ating cottage ."

          "Ahrg! Eh bakit nagtatanong ka pa!" Nangagalaiti namang wika ni Ginoong Royce sa staff niya.

          "Eto na ho, paalis na nga po." Agad na tinuon ni Jimboy ang pansin niya sa tatlo bago pa uminit sa kaniya ang ulo ng amo niya, "Ma'am, ser, dito po tayo. Ako na rin po magdadala ng gamit ninyo."

           "Okay lets go! Ginoong Royce, salamat po, usap na lang po tayo mamaya." Sabay abot ni Sander ng bag niya kay Jimboy na nagpresintang magdadala, ganoon din si Icy at Firah, kaya naman uugod-ugod at nangangapang naglalakad si Jimboy dahil natatakpan ang paningin niya ng mga bag na bigla na lang inabot sa kaniya ng tatlo.

***
         Ang silid na pinagdalhan sa kanila ay sadyang napakalawak, may tatlong maliit na kwarto at isang master bedroom, bawat silid ay may kaniya-kaniya rin Comfort Room, malaki rin ang sala at kusina nito. Naroon sa harap ng sala ang teresa na sadyang nakatapat ang tanawin sa kulay asul na karagatan. Dumungaw doon si Sander at saka nag-unat-unat, "Ito ang sinasabi kong bakasyon!"

         Napagpasyahan nina Firah na manatili na lamang na magkasama sa master bedroom, si Sander naman ay solo sa isang silid kaya may dalawang silid silang mababakante. Saglit lang silang nagpahinga at nang lumabas sila sa kaniya-kaniyang kwarto ay bumungad sa kanila sa dinning table ang nakahain ng pagkain at halatang masasarap ang mga ito. Iba't ibang uri ng seafoods at mga desserts ang mga ito na lalong nagpatakam sa grupo. Aminin man ni Firah o sa hindi, naakit din siya sa halimuyak ng mga biyayang nasa harapan nila. "Master Sander! Ipinaluto ko sa aming chef ang lahat ng sikat na pagkain sa lugar na ito, kaya huwag kayong mahiya, halika at kumain na muna kayo!" ganadong alok sa kanila ni Ginoong Royce na nakatayo malapit sa dinning table, abot-langit naman ang ngiting itinugon ni Sander dito.

           Matapos kumain ay kapansin-pansin ang pananahimik ni Icy, alam nina Firah at Sander na tahimik at mahiyahin naman talaga ito ngunit iba ang mga oras na iyon, nararamdaman nila na dinadamdam pa rin nito ang nangyari kanina, "Icy okay ka lang?" pag-aalala ni Firah. Ngumiti naman si Icy sa kaniya at mas pinili pa rin itikom ang bibig.

          Nagsimula namang magtanong si Ginoong Royce kay Sander, "Katulad ng tanong ko kanina, ano ba ang kailangan ninyo sa kaniya?" Ang tinutukoy nito ay ang larawang ipinakita ni Firah kanina.

           "Ginoong Royce, pinapunta kami rito ni Mama para sa lalaking iyon, siguro naman, aware kayo sa kalagayan namin at kung sino kami at ayon kay mama, isa ang lalaking iyan sa mga itinakda tulad namin." Kasalukuyan silang nasa sala ngayon at umiinom na ng tsaa.

         "Ganoon ba?" Sumeryoso ng bahadya ang mukha ni Ginoong Royce, at saka tumitig ng maayos sa tasang hawak niya. "At kagaya ng binanggit ko kanina, wala talaga siya ngayon dito~ kasalukuyan siyang nasa isa sa mga isla na matatagpuan dito sa baler."

           "Ngunit pwede naman namin siyang mapuntahan di ba?" pangungumpirma ni Sander.

           "Maari ngunit... Ayaw niyang may maririnig tungkol sa mga itinakda o kahit na anong bagay na may kinalaman sa pagiging tagapagmana niya  sa kapangyarihan ng kaniyang pinagmulang lahi. Malaki ang ipinagbago ni Master Walter simula nang mamatay ang kaniyang kakambal at isinumpa niya ang tadhanang nakatali na sa kanilang angkan." Napakagat-labi si Firah nang marinig ang paliwanag na iyon mula kay Ginoong Royce, may pakiramdam siya na may pagkakapareho sila ng lalaking binabanggit  sa kanila ni Ginoong Royce. Sa kalagitnaan ng kanilang pag-uusap ay biglang tumayo si Icy, "A—ate Firah, pu—puwede bang makapagpahinga muna?"

        Muli na namang nabagabag si Firah, "May problema ba Icy? Masama ba ang pakiramdam mo?"

         "Na—naku hindi... Na—napagod lang siguro ako sa byahe."

          "Sige, ikaw ang bahala, mauna ka ng magpahinga."

          "Sa—salamat ate Firah, si—sige kuya Sander, Ginoong Royce, ma—magpapahinga lang muna ako." Nagkatinginan na lamang sina Firah at Sander, ngunit wala ni isa sa kanila ang nagkomento.

***

           Kasalukuyan siyang nanunuluyan sa maliit na isla sa baler, madali naman siyang hanapin sa lugar dahil kilalang-kilala siya ng mga tagaroon kaya hindi kayo mahihirapan. Ngunit kung kayo ay magpapakilala agad at ipapaalam ang pakay ninyo sa kaniya ay baka hindi niya kayo pagtuunan ng pansin. Magtagumpay sana kayo na kumbinsihin siya master Sander. Huwag kayong mag-alala sa kasama ninyo, babantayan ko siya habang wala kayo rito. Ito ang mga katagang inalala ni Firah habang nakasakay sila sa bangkang de motor. Ayaw man nilang iwan si Icy pero wala silang magagawa dahil hanggang ngayon hindi pa rin ito makausap ng maayos. Nakaupo lang sa sentro ng bangka si Firah habang panay naman ang kuha ni Sander ng litrato sa paligid hanggang sa mapansin niya si Firah, nilapitan niya ito at kinausap, "Anong plano mo?"

          "Huh?"

          "Kapag nakaharap na natin 'yong Walter."

           "Bahala na, kung hindi siya makukuha sa santong dasalan, pwes dadaanin natin siya sa santong paspasan."

          "Ayan ka na naman, sisimulan mo na naman sa init ng ulo."

           "Aba, coming from you talaga? Sige nga, may naiisip ka bang paraan?"

           "Ikaw naman oh, wala ka talagang bilib sa akin 'no? Okay ganito, bakit hindi natin daanin sa sport? Total, mahilig siya sa surfing, e di doon natin hulihin ang kaniyang kiliti."

           "Nasisiraan ka na ba? Surfing? Surfing talaga! Tiyak na wala pa tayo sa kalingkingan sa husay niyon. Bakit? Marunong ka bang mag-surfing!"

            "Aba, bakit ako lang, tayo dapat."

          "Ayoko."

           "Hindi pwedeng hindi mo ako tutulungan Tigre."

         "A—YO—KO!"

         "Basta 'pagdating natin doon  back-apan mo na lamang ako, okay?"

         "Kung sa suntukan o punong braso pa 'yan, sige, kahit ako na ang bahala, pero kung surfing lang din, no thanks, didiskarte na lang ako ng akin," mariin na bigkas ni Firah sabay ang pagpulupot ng kamay niya sa kaniyang dibdib.

           "Okay-okay, bahala na nga mamaya."

           "Malapit na ho tayo," saad ng bangkero sa kanila. Tinanaw naman nina Sander at Firah ang islang papalapit na sa kanila, ang islang tinutukoy ni Ginoong Royce.

***
• ANG MANGGAGAMOT •

***

          "Nay! Nay! Si Toto po, tumitirik ang mata!" sigaw ng batang si Ana. Agad naman nabitawan ng nanay niya ang walis tingting at pinuntahan ang anak na si Toto, "Diyos ko po, anong nangyayari sayo anak! Tulungan ninyo ako, dalhin natin siya sa clinic!"

            Bakas sa mukha ng Ginang ang pag-aalala habang hinihintay lumabas ang manggagamot sa isang kwartong pinagdalhan nila kay Toto, nang lumabas ito ay agad niya itong sinalubong ng mga tanong, "Doc, kumusta ho ang anak ko, ano ho ang nangyari sa kaniya? Magiging okay lang po ba siya?"

            "Ate Flor, huwag ka na hong mag-alala, okay na ho siya, mataas ang temperatura ng katawan niya kayo ganoon na lamang ang reaksyon nito. Ilang araw na ho ba siyang nilalagnat?"

           "Dalawang araw na ho, akala ko ho kasi madadaan sa mga dahong gamot na nasa bakuran namin kaya hindi ko ma siya dinala rito sa clinic ninyo. At saka wala rin ho kasi kaming pambayad sa inyo Doc, nakakahiya rin ho kasi."

           "Ate Flor naman, kailan ba ako naningil sa panggagamot ko. Hayaan mo, hindi mo na kailangan matakot o mangamba pa, siguradong manunumbalik na ang lakas ni Toto."

          "Salamat Doc, hulog ka talaga ng langit sa amin." Ngumiti ng matamis ang Doctor at saka nagpaalam, "Sige ho Ate Flor, may pasyente pa ako sa kabila."

***

            Minasdan nina Firah at Sander ang paligid pagkababa nila sa bangka, sa magkabilang dalampasigan makikita ang mga batang masayang nagtatampisaw sa tubig, may mga kalalakihan naman na may bitbit ng mga isda na halatang bagong huli pa lamang. "Tara magtanong tayo doon," turo ni Sander sa isang kubo sa di kalayuan sa kanila.

           "Magandang araw po, magtatanong lang ho sana, kilala nyo ho ito?" Ipinakita ni Sander ang larawan ng lalaking hinahanap nila sa isang Ginang, mahaba ang suot na palda nito at maraming burluloy ng mga shells ang nasa kwintas nito, kasalukuyan itong abala sa pagkalikot ng mga natuyong isda sa bilaong kalong niya. Napatingin sa kanila ang Ginang nang tuluyang makita ang litratong naipakita nila, "Oho, si Doc Walter po iyan."

         "Doctor?" pagtataka ni Firah.

         "Saan ho namin siya pwedeng makita?" tanong ni Sander.

         "Kapag ganitong oras, tiyak naghahanda na iyon umuwi. Kung aalis na kayo ngayon, maabutan nyo pa siya sa kaniyang clinic, baybayin ninyo ang kalsadang iyon, kapag dineretso ninyo iyon ay kumanan kayo, tapos kaliwa, tapos matatanaw nyo na sa kaliwa ang maliit na clinic sa lugar na ito."

          "Maraming salamat po, sige ho dito na ho kami," magalang na paalam ni Sander at tinungo na nga nila ang direksyon na itinuro sa kanila ng Ginang. At katulad ng sinabi sa kanila ng babae ay agad nilang nakita ang clinic, sakto namang may isang lalaki ang lumabas mula rito, nagkatinginan pa sina Sander at Firah, sa wakas ay nahanap na nila ang target nila, wala silang sinayang na oras at mabilis na tumambad sa harapan nito, "Ikaw si Walter di ba?"

          "Ha? Oo, ako nga, bakit? Ano ang kailangan ninyo sa akin? Magpapa-check din ba kayo?"

          "Mukha ba akong may sakit?" sarkastikang tanong ni Firah. Agad naman pumasok sa eksena sa Sander, kilala niya si Firah at bago pa masira nito ang plano niya ay nagpakilala na siya, "Teka Doc, nandito kami para hingin ang tulong mo, alam namin na ikaw ang pinakamahusay ng doktor sa lugar na ito, kaya naman sinadya ka pa talaga namin dito." Napangiwi na lamang si Firah, wala siyang anumang ideya sa kung ano ang sinasabi ni Sander dito.

           "Ganoon ba..."

           "Oo, ganoon nga ho, ako si Sander, at ito naman si Firah, medyo pagpasensiyahan mo na, mainitin talaga ang ulo niyan."

            "Walang problema, Walter, Walter na lamang ang itawag ninyo sa akin."

***
To be continued.

Mga dapat abangan...

✔ Ang manggagamot na si Walter
✔ Ang lahi ni Reynang Tubig
✔ Ang mga Cifers
✔ Ang nakaraan ni Walter
✔ Ang nakaraan at ang kasalukuyan. 
✔ Angkan ni Haring Lamig
✔ Angkan ni Reynang Tubig

         

***

Hi mga Yhinters!
Subukan nyo rin pong basahin ang aking Revencher (action), ito ay patungkol sa isang babae na magiging sagisag ng kamay na bakal na hustisya. Ang prinsesang pamumuhay ni Czarina ay mauuwi sa impyernong  buhay na puno ng makatotohanang bangungot. Mag-isa na siya at pinatay sa harapan niya ang mga taong pinakamamahal niya. Samahan siya sa pagkamit sa hustisyang hinahangad niya.
Salamat po ^_^
         
              
     
         

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen2U.Com