PANIMULA
***
•ANG PARAISO•
***
"Napakainam... Kamangha-mangha!" wika ni Dakilang-Tinig habang minamasdan niya mula sa kaniyang palasyo ang ganda ng mga ginawa niya. Siya ang Lumalang sa perpektong Paraiso at sa mga elementong taglay nito. Sinigurado niyang magiging kapaki-pakinabang ang lahat ng mga nilikha niyang nakapaloob dito. Sa paraiso rin na ito matatagpuan ang mga mahahalagang elemento na bumabalanse sa lugar, ito ay ang katubigan, kalupaan, hangin, apoy at yelo. Ang bawat isa ay binigyan ng kaharian o hangganan nang masasakupan, at bawat isa'y may kaniya-kaniyang tungkuling dapat magampanan at kung ang isa sa mga ito ang hindi mapangyayari ay siguradong mawawalan ng balanse ang perpektong paraiso.
Sa bawat kaharian na ito ay nagluklok si Dakilang-Tinig ng mapagkakatiwalaan, mula sa kaniyang pambihirang kapangyarihan ay lumikha siya ng limang anyo na kawangis ng sa kaniya. Ang mga ito ang tatayo bilang mga Hari at Reyna.
Ang kaharian ng katubigan ay nagkaroon ng Reynang-Tubig, ang kaniyang nasasakupan ay umabot hanggang sa kailaliman ng dagat, ni hindi masukat o matukoy ang hangganan nito. Lumalangoy sa kaharian niya ang iba't ibang uri ng lamang-dagat. Maliliit man o malalaki, lahat ay nagbibigay respeto at sumusunod sa kaniya.
Ang kalupaan naman ay nagkaroon din ng Reynang-Lupa, ang lahat ng gumagapang, naglalakad at nakatuntong sa malawak niyang kaharian ay kailangang magpasakop sa kaniya. Maging ang mga halama't punong-kahoy ay yumuyukod sa kaniya.
Sa ibabaw naman ng mga ulap matatagpuan ang kaharian ni Haring Hangin, sa lawak niyon ay halos maligaw ang sinumang mapapadpad doon na hindi imbitado ni Haring-Hangin. Ang kaniyang kaharian ay tanaw sa lahat ng dako, ngunit kung walang paanyaya mula sa kaniya ay hindi rin ito matutuntungan ng sinuman.
Si Haring-Apoy naman ang nagbabantay sa mga nagngangalit na init ng mga bituin na nasa sansinukob, isa sa mga bilin sa kaniya ni Dakilang-Tinig ang panatilihing nasa ayos ang mga ito, ang mga bituin na ito kasi ang magiging tanglaw sa lahat ng kaniyang likha sa anumang panahon. At kung mawawala ito sa kaniyang linya o sakaling magtama sa isa't isa ay maaring magdala ito nang panganib sa lahat, at ang panganib na iyon ay isa lamang sa mga babala sa kanila ni Dakilang-Tinig.
Si Haring-Lamig naman ang pinagkatiwalaang mangasiwa sa mga nagyeyelong kabunduka't kapatagan sa magkabilang panig ng paraiso. Ang kaniyang kaharian ay nakakubli sa matigas at makinis na yelo. Ang mga nilalang na sakop ng kaniyang kaharian, lumalangoy man ito, lumalakad o lumilipad ay may kakayahang maparoo't parito sa iba't ibang kaharian, kabaligtaran ng mga nilalang na matatagpuan sa kaharian nina Reynang Tubig, Reynang Lupa, Haring apoy at ni Haring Hangin. Ang kanilang mga nasasakupang nilalang ay walang kakayahang manatili o mapadpad sa kaharian ni Haring-Lamig.
Ang pagkatawag sa kanila ang naging dahilan upang mas maging malapit sila sa isa't isa. Kapwa sila nagbibigayan, nagkakaintindihan at nagkakaisa upang mas mapaganda ang pagpapatakbo sa bawat kaharian na ipinagkatiwala sa kanila
***
•TARANGKAHAN
PATUNGONG
LANGIT•
***
"Ahel... Tanas... Nalalapit na ang panahon na ako ay mamamahinga na sa aking mga nagawa, ako'y maluluklok sa aking trono at doon wala na ni isa ang makakaabot pa ni makakatuntong sa aking pahingahan, hindi ko ibig na gisingin ako sa aking pamamahinga. "
"Nauunawaan ko po," magalang na bigkas ni Ahel.
"Saan ho kayo paroroon?" takang tanong naman ni Tanas.
"Sa langit, ang lugar kung saan nagmula ang lahat ng uri ng kapangyarihan na nasasaksihan ninyo."
"Nais ko pong sumunod sa iyo sa lugar na iyon Dakilang Tinig, ang maglingkod sa iyo buong buhay ko ang siyang tungkulin ko."
"Ang paghahangad mo ang magpapahamak sayo Tanas, huwag mong hangarin ang labis sayo."
Mabilis na napayukod si Tanas at humingi ng dispensa kay Dakilang Tinig, bagama't ginawa niya iyon ay nalalaman pa rin ni Dakilang Tinig ang laman ng puso niya, walang iba kundi ang mas maging angat siya kaysa kay Dakilang Tinig. Labis naman itong ikinalungkot ni Dakilang Tinig.
Matapos niyon ay muling pinatawag ni Dakilang Tinig si Ahel, yumukod ito sa kaniya at nagbigay-galang. "Hindi lingid sa aking kaalaman ang pagnanais ni Tanas na maangkin ang trono ko."
"Isang malaking kahangalan ang isipin iyon ni Tanas. Walang sinuman ang makakapantay sa kapangyarihan mo, wala ni sinuman."
"Ito ang susi sa tarangkahan ng lugar na pupuntahan ko. Sa oras na ako ay naroon na, ingatan mo ito at huwag hayaan na mapasakamay ng mga pusong may bahid ng kamalian. Dahil sa oras na mapasakamay ito ng mga nilalang na sakim sa kapangyarihan ay uusbong ang hangganan, ang liwanag ay magkakaroon ng karimlan, ang ligaya ay mababahiran ng luha, at ang kapunuan ay makararanas ng kakulangan. Ahel, huwag mong ipahintulot na mapasakamay ng masama ang susi sa tarangkahan ng Langit. Sa halip, hintayin ninyo ang aking muling pagbabalik. Humayo ka at ipaalam sa lahat na magkakaroon tayo ng isang malaking piging. Isang pagdiriwang sa lahat ng mainam na bagay na aking nilalang." At mapayapa ngang umalis si Ahel sa palasyo ni Dakilang Tinig. Ngunit bago iyon ay ibinalot niya muna sa isang mahika ang susi sa tarangkahan patungong langit. At itinago mismo sa itim na perlas na nasa kanang mata niya. Sinigurado niyang walang sinuman ang makakakuha niyon.
***
•ANG
MALAKING
SALO-SALO•
***
Isang piging nga ang idinaos sa utos na rin ni Dakilang tinig at ito ay gaganapin sa kaharian ni Haring Hangin, lahat ng nilalang na nasa paraiso ay inimbitahan. Ang bawat isa sa kanila ay nagdala ng mga pagkain na kanilang pagsasaluhan. "Isang karangalang ganapin sa aking palasyo ang selebrasyon na ito," galak na wika ni Haring Hangin kay Kidlat at sa mga dumarating pang mga bisita. Bawat isa'y nginingitian siya bilang pasasalamat sa paanyaya.
Si kidlat, ang tanging elemento na simbolo nang pakikipag-ugnayan ng mga nasa paraiso patungo sa palasyo ni Dakilang Tinig, ngunit kahit si kidlat ay hindi pa rin nakakapasok sa sariling palasyo ni Dakilang Tinig, tanging ang mga tagapangasiwa lamang nito na sina Ahel at Tanas ang binigyang karapatan magparoo't parito sa nasabing palasyo. Ang liwanag na sinamahan niya ng malakas na boltahe ang nagsasabihing nasa paraiso na ang presensiya ni Dakilang Tinig at ang lahat ay kailangan maging handa, gumuguhit sa kawalan ang liwanag na nagagawa niya.
Pinahintulutan naman ni Dakilang Tinig na halos maging kapantay niya ang dalawang alagad- si Tanas at Ahel, sa paningin ng lahat ng kaniyang mga nilikha sa labis na tiwala niya sa mga ito.
Ilang saglit lang ay kasunod ni Kidlat dumating sina Haring Lamig, Haring Apoy, Reynang Tubig at si Reynang Lupa. Lahat sila ay nagtataglay ng nakakapang-akit na ganda at kakisigang nakakapanghalina, angkin nila ang magagarbo at makukulay na kasuotan na ayon sa kanilang mga kaharian. Sila nga ay mga tunay na perpektong nilalang na hindi makikitaan ng anumang kadungisan.
Maya-maya pa'y dumating na rin ang kanilang panauhing pandangal, na nagpahanda ng piging para sa mahalagang anunsyo ng kaniyang pamamahinga matapos ang kaniyang dakilang paggawa. Kaya umugong ng malakas ang musikang nalilikha lamang ni Kidlat simbolo ng pagdating ni Dakilang Tinig. Ang tunog na iyon ang nagbigay hudyat din sa lahat upang tumungo at magbigay pugay kay Dakilang Tinig. Ang prisensiya ni Dakilang Tinig ay maihahalintulad sa liwanag ng bituing-araw, wala ang may kakayahang makatingin ng direkta sa kaniyang kaningningan, maliban na lamang kung kaniyang pahihintulutan. Kasama ni Dakilang-Tinig ang kaniyang dalawang perpektong alagad- si Ahel at si Tanas. Ang mahalahiganteng puting pakpak ng mga ito ay sadyang nakakaakit titigan, si Ahel ay nagtataglay ng kulay asul na mga mata, mahaba at tuwid din ang kulay ginto nitong buhok. Si Tanas naman ay mahaba rin ang buhok, kulot at kulay abo naman ang sa kaniya, ang mga mata niya'y kulay kayumanggi patunay na malaki nga ang kaibahan niya kumpara kay Ahel. Ang baluti na nasa kanilang mga katawan ang nagbibigay-tikas sa kanilang mga tindig, mas lalo tuloy itong nagdagdag sa kakisigan na taglay nila.
Habang nagkakasiyahan ang lahat, kinuha itong pagkakataon ng isa sa mga alagad ni Dakilang Tinig-si Tanas. Isa-isa niyang nilapitan ang mga Reyna at Hari, palihim niyang hinihikayat ang mga ito na tulungan siyang tukuyin ang daan patungo sa tarangkahan ng Langit, ngunit hindi siya pinaniwalaan ng mga ito, guni-guni lamang daw niya ang mundong tinutukoy niya. Dahil kahit sina Haring Hangin, Haring Lamig, Reynang Lupa, Reynang Tubig at Haring apoy ay nanindigang wala silang nalalaman sa ganoong uri ng tarangkahan sa kanilang mga nasasakupan, "Langit? Kung saan may kapangyarihang kayang humigit kay Dakilang Tinig. Ipagpaumanhin mo ang aking kalapastangan, ngunit hindi kaya'y nahihibang ka lang?" Ito ang mga naisagot sa kaniya ng mga napagtanungan niya.
Doon napatunayan ni Tanas na bukod sa kanila ni Ahel ay wala ng ibang nakakaalam pa sa lugar na tinutukoy niya. Ang lugar na paniwala niya'y pinanggagalingan ng lakas ni Dakilang Tinig.
Sa di kalayuan ay napuna siya ni Ahel, nilapitan siya nito, "Tanas, ano ang dahilan ng iyong pagkabalisa?"
"Huwag mo akong alalahanin..." bagama't sinabi ito ni Tanas ay hindi pa rin naalis sa hitsura ni Ahel ang pagkabahala sa pinagkakaabalahan ni Tanas. Malakas ang kutob ni Ahel na hindi maganda iyon, gayon pa man ay hindi na ito nagtanong pa at muling bumalik sa lugar kung saan naroon si Dakilang Tinig.
Isang malalim na buntong-hininga naman ang bigla na lamang narinig ni Tanas, natanaw niya mula sa ibaba ng pasilyo si Kidlat, tila hindi ito makikitaan ng anumang sigla sa kabila ng magarbong handaan. May kakayahan si Tanas na alamin ang mga nakaraan ng isang nilalang at makita kung ano ang saloobin nito. Kaya nang matukoy niya ang dahilan ng pagkabagot nito ay nagkaroon siya ng ideya at agad itong nilapitan, "Nauunawaan ko ang nararamdaman mo, Haring Kidlat..." bating-panimula ni Tanas, binigyan niya ng diin ang pagkakatawag dito na Hari. Agad naalerto si Kidlat, subalit tila sibat ang mga sinabi sa kaniya ni Tanas kaya't nagsimula siyang manlupaypay, para sa kaniya sa wakas, may isang nilalang na ang nakakaunawa sa kaniya, "Ano ang ibig mong sabihin?" maang pa niya.
"Hindi ka ba nagtataka? Sa lahat ng elemento, ikaw lamang ang walang kaharian- ang walang nasasakupan."
"Ano ang magagawa ko, baka nga nakalimutan niya lamang ko," puno ng kalungkutan ang tinig na iyon ni Kidlat, tanda na malalim ang kaniyang pinaghuhugutan.
"Hindi ka niya nakakalimutan, ang totoo niyan, may isang mundo na nakalaan para lamang sayo. Ang mundo kung saan, lahat ng naroon ay luluhod sa kapangyarihan mo."
"Aking mundo? Sariling kaharian?" malumanay ngunit puno ng pag-asang wika ni Kidlat. Bakas sa kilos at reaksyon niya ang kasabikan sa atensyon ng lahat. Pakiramdam niya'y binabalewala siya at ito ang naging dahilan ni Tanas para gamitin ang kapalaluan ni Kidlat sa kaniyang pansariling hangarin. Hindi naglaon, nahikayat niya si Kidlat na tulungan siyang hanapin ang tarangkahan patungo sa lugar na kaniyang kinasasabikan. Dahil tulad din ni Kidlat, naghahangad din siya na magkaroon ng sariling nasasakupan, ayaw na niyang maging isang tagasunod, nais niyang siya ang ituring na pinakamakapangyarihan at higit sa lahat, maging kapantay- hindi! Mas inaasam niyang higitan pa ang antas niya kaysa kay Dakilang Tinig.
***
•MAPANLINLANG•
***
Saksi sina Ahel at Tanas sa pag-alis ni Dakilang Tinig, lingid ito sa kaalaman ng lahat nang nilalang na nasa Paraiso. Mula sa kanilang harapan ay nilamon nang nakakasilaw na liwanag si Dakilang Tinig, sa dulo ng liwanag ay natanaw nila ang libu-libong mga baitang ngunit hindi nila matukoy kung nasaan ang hangganan nito. "Ahel, Tanas, kayo ang magiging mga tinig at mata ko sa buong sansinukob. Hangad ko ang inyong kaluwalhatian." Yumukod lamang sina Ahel at Tanas bilang respeto. Pagkatapos niyon ay mabilis na nawala sa kanilang harapan si Dakilang Tinig kasunod ang Tarangkahang patungong Langit. Laking panghihinayang ni Tanas na hindi man lamang niya ito nalapitan. Nais niyang sumunod kay Dakilang Tinig ngunit wala siyang magawa lalo na't nasa harapan pa siya ni Dakilang Tinig.
Isang kakarimpot na liwanag naman ang dahan-dahang bumaba sa palad ni Ahel, nasa loob niyon ang susing nagbukas at ang nakapagpasara sa Tarangkahang patungong Langit. Ang matagal nang hinahanap ni Tanas. "Iyan ang- ipagpaumanhin mo Ahel, ngunit bakit na sa iyo ang susi na iyan?" malumanay na tanong ni Tanas ngunit hindi pa rin niya maikukubli lalo na kay Ahel ang poot na nararamdaman niya matapos masaksihan na si Ahel ang mas pinagkatiwalaan na mangalaga sa susi na iyon. "Ang maingatan ito ay isang malaking responsibilidad, hindi ito pribilehiyo, kundi isa itong mabigat na obligasyon, kaya kung anuman ang naiisip mo, huwag kang masyadong magpakalunod, hindi biro na mailayo ito sa kamay ng mga mapang-abuso."
Hindi man deretsahan ngunit natitiyak ni Tanas na siya ang pinatutungkulan ni Ahel nang sabihin nitong mapang-abuso, kaya mas lalo siyang nag-umigting sa galit. Mabilis na lumipad palayo si Ahel, binalot niya ng mahika ang susi at siniguradong hindi nakita ni Tanas ang ginawa niyang pagbalik sa kanang mata niya ng perlas na itim kung saan niya naikubli ang susi.
"Pagsisisihan mong ikaw ang nangalaga diyan..." bulong na sumpa ni Tanas, mabilis niyang binuksan ang kaniyang bagwis at lumipad sa kabilang direksyon. Oras na para gamitin ang alas niya, lalo na ngayon at wala na ang presensiya ni Dakilang Tinig sa paraiso.
Natanaw niya sa ibaba ng parang ang mga libu-libong puting Deysi na mula sa lahi ng mga bulaklak, namumukadkad ang mga ito sa ganda at masayang nakikipaghabulan kay Kidlat. Ngunit bago lumapit si Tanas sa mga ito ay kisap-mata siyang nagpalit ng anyo, nagkaroon siya ng malalalim na sugat at nagkaroon ng bali ang isa sa mga pakpak niya, humahangos siyang bumagsak sa harapan ng mga ito. Mabilis naman nagpatangay sa ihip ng hangin ang mga munting Deysi pagkakita sa naghihingalong hitsura ni Tanas, halos kasing gaan lamang din kasi sila ng mga bulak sa kagubatan. "Tanas, ano ang nangyari sayo, sino ang may kagagawan nito?" pag-aalala ni Kidlat, ganoon din ang maliit na Deysi na nakapaikot sa kanila, ang maamo nilang mga mukha ay napuno ng pag-aalala para kay Tanas.
"Si- Ahel, ninakaw niya sa pangangalaga ko ang susi na dapat ay sayo. Ki-inuha niyang pagkakataon ang panandaliang pagkawala ni Dakilang Tinig, gusto niyang angkinin ang kaharian na dapat ay sa'yo." Pinalabas ni Tanas na lubha siyang nahihirapan, para mas lalo niyang mapaniwala ang lahat ng nasa parang na iyon.
"Traydor siya-" tanging bulong ni Kidlat, ilang saglit lang ay may kung anong enerhiya ang bumalot sa buong katawan niya. Mga enerhiyang nakakakuryente, nagsimulang magpulasan ang mga deysi na nasa paligid nila. Bakas ang takot na madampian ng mga nagngangalit na kuryente ni Kidlat dahil tiyak na matutupok sila. Nangangatal pa nang muling magsalita si Tanas, "Du-dumating na ang panahon, o-oras na para ipaglaban mo naman ang dapat ay sa 'yo. Heto, ga-gamitin mo ang piraso ng balahibo mula sa bagwis ko, sa pamamagitan nito maari kang mag-anyo ng kahit na ano, at kung sinuman ang gagayahin mo, kung anong kanilang kapangyarihan ay ganoon din ang magiging taglay mo."
Hindi nagdalawang isip si Kidlat na abutin sa kamay ni Tanas ang balahibo mula sa bagwis nito, walang ibang laman ang isip niya kundi ipagtanggol ang tanging nilalang na nagpahalaga sa kaniya at ipaglaban ang dapat ay sa kaniya. Tuluyan na ngang nalason ni Tanas ang marupok na emosyon ni Kidlat. Nang mahawakan ni Kidlat ang balahibo ay binalot siya ng liwanag, at nang mawala ito ay bumungad sa harapan ng lahat ang anyo ni Dakilang Tinig, isang perpektong kawangis ng totoong Dakilang Tinig. Ito lang ang naiisip ni Kidlat na may kakayahang makatalo sa tulad ni Ahel. "Magaling Kidlat, talunin mo si Ahel at dalhin sa akin ang susi na magbubukas sa tarangkahan patungong langit. Subalit- bilisan mo dahil limitado lamang ang kapangyarihan ipinahiram ko sayo, at kung di mo magagawa sa tamang oras ang dapat mong gawin, masisira ang lahat ng pinaplano ko." Ito ang mga katagang naglalaro sa isipan ni Tanas habang sinasaksihan ang pag-alis ni Kidlat sa malawak na parang na kinaroroonan nila. Kisap-mata itong naglaho sa harapan nila, ang tanging naiwan lamang ay ang bakas ng kuryente nito at ilang saglit lang ay nawala rin.
***
•DIGMAAN: LAKAS SA LAKAS•
***
Isang balita ang gumimbal sa lahat ng kaharian sa paraiso, mabilis na nagkatipun-tipon sina Haring Lamig, Haring Apoy, Haring Hangin, Reynang Tubig at Reynang Lupa. Nakarating sa kanila ang balitang kasalukuyang nakikipaglaban si Ahel kay Dakilang Tinig. Ngunit ang hindi nila maintindihan ay kung ano ang dahilan, nakarating din kay Reynang Lupa buhat sa kaniyang mga alagad na Deysi na maging si Tanas ay lubha rin napinsala. Agad nilang pinuntahan ang lugar ng labanan at nakita nila sa alapaap sina Ahel at Dakilang Tinig. "Ahel, itigil mo ang kahibangang iyan!" sigaw nila.
"Huwag kayong magpapalinlang sa huwad na iyan, hindi iyan si Dakilang Tinig." Mas lalo naman itong ikinalito ng mga Reyna't Hari ng mga Elemento. Hanggang si Haring Lamig na rin ang nakatuklas ng malaking kaibahan ng nilalang na iyon sa ginagagaya niyang si Dakilang Tinig. "Mga kuryente- nakapaikot sa mga paa niya ang malalakas na boltahe."
"Si Kidlat?" sabay-sabay pa nilang wika. Ngunit sunud-sunod na bumulusok sa kinaroroonan nila ang malalakas na liwanag taglay ang napakalakas na mga boltahe. Nang tamaan sila ng mga ito ay tumilapon sila sa iba't ibang direksyon, at nag-iwan ng malaking bakas ng sunog ang lugar na kinatatayuan nila kanina.
Puno ng hinagpis ang mga sigaw ni Kidlat laban sa lahat, "Naisip nyo ba ang nararamdaman ko? Elemento rin naman akong tulad ninyo, mas makapangyarihan pa nga, subalit ang hindi ko maintindihan- bakit kailangan ninyong ipagdamot sa akin ang sarili kong kaharian. Magbabayad kayo- kundi ninyo siya ibibigay- walang makikinabang nito!" Nagsimulang dumilim ang buong paraiso, gamit ang hiram na kapangyarihan ni Dakilang Tinig na kasalukuyang gamit ni Kidlat ay inutusan niya ang mga higanteng bulalakaw na tupukin ang lahat ng kahariang nakapaloob sa paraiso at lahat ng buhay na mayroon ito.
Walang sinayang na oras ang mga hari at reyna ng mga elemento, mabilis nilang tinungo ang kani-kanilang kaharian para protektahan laban sa mga higanteng bulalakaw na gustong sumira sa mga ito. Hindi magkamayaw ang mga nasasakupan nila nang makita ang mga paparating na bulalakaw, sigurado sila na sa oras dumait ang mga ito sa kanila ay siguradong katapusan na rin nila. Si Haring Apoy din ay mas lalong naging abala, nawala sa wastong linya ang mga bituin na nasa pangangalaga niya, napasunod ni Kidlat ang mga ito gamit ang anyo at kapangyarihan ni Dakilang Tinig. Nagnanais ang mga ito na tupukin ang paraiso kaya ginamit na ni Haring Apoy ang buong lakas niya para pigilan ang mga ito sa pagbagsak.
Sa di kalayuan ay tahimik naman nakamasid si Tanas sa kanila, naaaliw siya sa kaniyang mga nakikita, "Magaling kidlat. Pabagsakin mo si Ahel, pabagsakin mo silang lahat," bulong na komento pa niya.
"At ikaw!" Naging higante ang kanang-kamay ni Kidlat at ikinulong niya sa kamay niya si Ahel. "Binabawi ko na ang kaharian ko!" wika pa niya. Nagsimulang manghina ang katawan ni Ahel, parang hinihigop ng kamay ni Kidlat ang kaniyang lakas. Ang kulay ginto niyang buhok ay unti-unti nang naging itim. Lumuha rin ng kulay pilak ang kanang mata ni Ahel, agad niya itong tinakpan ng kamay niya dahil ramdam niyang may gustong lumabas mula sa kaniyang perlas na itim- isang bagay na ikinubli niya rito. Ngunit hindi niya iyon maaring payagan, kailangan niyang mailihim sa lahat ang pinagtataguan ng susing ipinagkatiwala ni Dakilang Tinig sa kaniya. Natanaw naman ni Tanas mula sa kinatatayuan niya na may kakaiba sa kulay ng mga mata ni Ahel, ang isa ay kulay itim- malayo sa natural na kulay ng mga ito na asul, kaya malakas ang kutob ni Tanas na maaring naroon ang matagal na niyang inaasam. Muli siyang kumuha ng isang balahibo sa kaniyang bagwis, alam niyang ilang segundo na lang ay mawawala na ng bisa ang kapangyarihang ipinahiram niya kay Kidlat. Inutusan niya ang kaniyang balahibo na pumaloob sa katawan ni Kidlat upang pahiramin ulit ng panibagong lakas.
Naramdaman ni Kidlat na tila may kung anong enerhiya ang pumasok sa kaniya pagkatapos ay nakarinig siya ng munting tinig, "Pabagsakin mo siya Haring Kidlat Kunin mo ang lahat ng kapangyarihan niya, ang mga tulad niya ang magiging sagabal sa kaharian na muli nating itatayo." Hindi niya matukoy kung kanino ito galing, gayon pa man ay kaniya pa rin itong pinakinggan. Sigurado siyang ang tinutukoy nito ay si Ahel. Ngayon nga'y mas naging ganado siya nang maramdaman niya na tila mas lumakas pa yata siya. Tuluyan na nga siyang nilamon nang kasakiman nag-uudyok sa kaniya, "Katapusan mo na..." aniya at sinabayan pa niya ito ng pagngisi niya.
***
•MORTAL: TAWO•
***
Sa labis na kaabalahan ng mga Hari at Reyna sa pagprotekta sa kani-kanilang kaharian, hindi na nila pa nagawang iligtas si Ahel sa kamay ni Kidlat, ang atensyon nila'y nakatutok sa ikaliligtas ng marami. Binalutan nila ng mahiwagang harang ang kanilang nasasakupan, ang lahat ng di naabot niyon ay nagsimula nang maging abo matapos bumagsag sa mga ito ang ilang mga bulalakaw na nakalusot sa harang na ginawa naman ni Haring Apoy. Nakakalat din sa paligid ang napakaraming liwanag na nagtataglay ng malalakas na boltahe, at ito ay nalilikha lamang sa pamamagitan ng kapangyarihan ni Kidlat. Ang sinuman tamaan nito ay mabilis na natutupok.
Marami pa rin ang hindi nakaligtas mula sa bagsik ng mga nangniningas na bulalakaw, at mapaminsalang kapangyarihan ni Kidlat. Ang perpektong paraiso ay unti-unti nang nawawasak, at ang lahat ng ito'y nasasaksihan nina Haring Apoy, Haring Hangin, Haring Lamig, Reynang Lupa at ni Reynang Tubig, may bahagi sa kalooban nila ang tila pinupunit ng dahan-dahan.
Sa kabilang dako'y lubha nang nanghina si Ahel, ang ginintuang buhok niya'y tuluyan ng naging itim, ang malalaking pakpak niya ay mabilis nang naglaho hanggang sa iwanan na rin siya ng kaniyang kamalayan, doon na sumilay pareho ang ngiti nina Kidlat higit lalo na si Tanas. At dahil nawalan na nga ng malay si Ahel ay nawala na rin ang pagkakahawak niya sa kanang mata niya. Ilang saglit lang ay inihagis ni Kidlat si Ahel sa natuyong lawa buhat ng pagtama ng bulalakaw dito. Sa pagbasak ni Ahel dito ay nakaantabay na pala sa kaniya si Tanas, bumalandra siya sa paanan mismo ni Tanas, isinampa naman ni Tanas ang kaliwa niyang paa sa nanghihinang si Ahel, muli siyang ngumisi rito, "At kagaya ng banta ko, pagsisisihan mong ikaw ang naging tagabantay ng bagay na iyan." Agad na itinapat ni Tanas ang isa niyang palad sa kanang mata ni Ahel, napasigaw pa sa sakit si Ahel nang sapilitang inilabas ni Tanas gamit ang kapangyarihan niya ang itim na perlas na nagkukubli sa kanang mata ni Ahel.
Pagkatapos ay lumutang sa hangin ang itim na perlas at inilabas nito ang susing makapagbubukas sa Tarangkahan ng Langit- ang lugar kung saan pinaniniwalaan ni Tanas na pinanggalingan ng lakas at walang hanggang kapangyarihan ni Dakilang Tinig. Kasunod niyon ang pagkabulag ng kanang mata ni Ahel, sumuka pa siya ng kulay pilak na likido, ang likidong dumadaloy sa kanilang katawan at sumisimbolo rin sa kanilang mga buhay.
Sinubukan pa siyang pigilan ni Ahel, ngunit wala na rin itong nagawa. Tuluyan nang napasakamay ni Tanas ang susing pinakainaasam-asam niya. Maya-maya pa'y isang nakakasilaw na liwanag ang lumitaw sa kanilang harapan, isang lagusan patungo sa lugar na wala pa ni isa ang nakakatuntong liban kay Dakilang Tinig, muling napangisi si Tanas subalit panandalian lamang iyon dahil ang liwanag ay nagsimulang maglabas ng malakas na hangin, hanggang sa makabuo ito ng mapaminsalang ipu-ipo at saka pinakawalan sa malawak na parang. Hinigop lamang ng malaking ipu-ipo ang mga nag-aalab na bulalakaw, dahilan para mas lalo itong naging mas kapinsa-pinsala. Dumagundong nang napakalakas ang kulog na nalilikha lamang ni Kidlat. "A-anong nangyayari?" aligagang wika niya, biglang nanumbalik ang kaniyang ulirat. Nahintatakutan siya dahil nangyayari lamang iyon kapag ipapaalam sa paraiso ang pagdating ni Dakilang Tinig. Namayani sa buong paligid ang boses na kilala ng lahat, saan man dako ay dinig ito ng lahat, "Tanas, ano itong iyong ginawa!" bakas ang galit at pagkadismaya sa kung sino man ang pinangagalingan ng boses na iyon. Mabilis naman na naghanap nang mapagtataguan si Tanas, ayaw niyang humarap sa nagmamay-ari ng tinig na iyon dahil sa takot.
Labis itong ikinalungkot ni Dakilang Tinig, dahil hindi pa ito ang araw ng kaniyang pagbabalik kaya wala siyang magagawa kundi saksihan ang pagyakap ng sumpang kaniyang binitawan sa lahat ng magagandang bagay na kaniyang nilalang, sumpa kung saan sa oras na mapasakamay ng masama ang susi sa Tarangkahan ng Langit, ang lahat ay magkakaroon na ng hangganan, binalot ang paligid ng karimlan, dumilim sa buong paraiso, at tanging liwanag lamang ni Haring Apoy mula sa sansinukob ang nakikita nilang nagliliwanag, ngunit si Haring Apoy ay nawalan na rin ng malay ganoon din ang kapwa niya mga Hari at Reyna ng mga elemento- at ito ang naging unang gabi para sa lahat.
Unti-unti namang naglaho sa pagbagsak ang mga bulalakaw, pati na rin ang mga harang na ginawa nina Haring Lamig, Haring Hangin, Haring Apoy, Reynang lupa at ni Reynang Tubig na pumoprotekta sa kanilang nasasakupan. Humiwalay sa mga walang malay nilang katawan ang bawat elementong taglay nila. Lumabas ang mga liwanag sa mga katawan nila, pulang liwanag mula sa katawan ni Haring apoy, asul na liwanag ang kay Reynang Tubig, berdeng liwanag para kay Haring Hangin, Lila na liwanag naman ang mula kay Haring Lamig at kulay itim naman ang mula kay Reynang Lupa. Ang mga liwanag na ito ay paangat na lumutang sa malawak na alapaap. Samantalang ang mga iniwanan nilang mga katawan ay nagsimula nang maging ordinaryo, dahil hindi na taglay ng mga ito ang kapangyarihang ipinagkaloob ni Dakilang Tinig. Sa malawak na lupain ay maingat silang naibaba ng ihip ng hangin. Ang mga kasuotan nila'y nag-iba rin, para silang hinuburan ng pagkakakilanlan. Ilang segundo lang ay dahan-dahan nilang iminulat ang kanilang mga mata, pinakiramdaman ang sarili, agad nilang napansin ang malaking kaibahan nila sa dating sila. Hindi na napapasunod ni Haring Hangin ang mga nilalang na may pakpak, maging ang mga ulap ay naging mailap sa kaniya. Ganoon din sina Haring Apoy, Haring Lamig, Reynang Tubig at Reynang Lupa, nawala ang kakayahan nilang mapasunod sa kanila ang mga elemento at nilalang na nasasakupan nila. Ang madilim na kapaligiran ang nagbigay takot sa lahat, sa harap ng bawat isa, ang mga Hari at Reyna ay nabalot ng mga katanungan, "Anong nangyari? Sino ako? Sino itong mga nilalang na nasa harapan ko?" Ngunit ni isa sa kanila, walang nakasagot. Wala silang maalala, kung sino at kung ano ang ginagawa nila ng mga pagkakataon na iyon. Isang malakas na tinig ang muling narinig ng lahat, "Isasama ko sa aking paglisan ang paraisong ito, lahat ng may pandinig, makinig! Ikinalulungkot ko, ngunit mula sa araw na ito, lahat ng may buhay magkakaroon ng hangganan. Ang lahat ng nilalang na taglay ang anyo ko'y tatawaging tawo na ang ibig sabihin ay pagkawala ng kapangyarihan, sila ay magiging mga mortal, ang kabaligtaran ng mga una kong dinisenyo sa kanila."
Pagkatapos niyon ay nagwakas din ang unang gabi. At muli nilang nasilayan ang kaningningan ni Dakilang Tinig sa pamamagitan ng bituing-araw at tinawag nila iyong umaga o araw na sumisimbolo sa panibagong pag-asa na ibinigay pa rin sa kanila ni Dakilang Tinig sa kabila ng karahasan na ginawa nina Tanas at Kidlat. Ang mga halaman at puno na dati'y malayang magparoo't parito ay nagkaroon na ng kaniya-kaniyang pwesto, wala silang magawa kundi ang manatili sa kung nasaan sila, nawalan din sila ng karapatang magsalita o makipag-ugnayan sa kahit sino pa man. Kagaya ng mga Hari at Reyna, sila rin ay naging ordinaryo na lamang. Ang mga nilalang na may pakpak, buntot at mga paa, maliliit man o malalaki, na hindi kaanyo ni Dakilang Tinig ay nawalan din ng kakayahang makapagsalita at maintindihan nina Haring Apoy, Haring Lamig, Haring hangin, Reynang Tubig at Reynang Lupa na ngayon nga ay mas kilala na sa tawag na mga tawo o mga mortal. Lahat ng uri nila'y binansagan bilang mga hayop na ang ibig sabihin ay kinahabagan o kinaawaan. Naganap na nga ang kahindik-hindik na sumpa at mananatili itong nakatala sa kasaysayan ng buong sansinukob.
***
•ANG APAT NA
TARANGKAHAN•
***
Naging ordinaryo na nga ang lahat, ang mga hari at reyna at ang lahat ng mga nilalang nakayapak sa paraiso. Ang dahilan ng pagsapit ng gabi at pagsilay ng umaga ay unti-unti na rin nabura sa isipan ng mga tawo at ng mga hayop, hanggang sa tuluyan na nga silang walang maalala patungkol dito. Kasama rin si Kidlat sa mga inalisan ng pagkakakilanlan at alaala tungkol sa kaniyang kapangyarihan at kung paano ito gamitin, ang magandang musika rin na kaniyang nalilikha ay napalitan ng isang nakakakilabot na ingay na halos ikabasag ng katahimikan ng lahat at mapabilang sa tunog na kasusuklaman ng sinuman ang makakarinig nito.
Samantala, agad na hinangaan ni Dakilang Tinig ang pagbubuwis ni Ahel ng kaniyang buhay para lamang mapangalagaan ang susing ipinagkatiwala niya rito, kaya naman, siya mismo ang nagpanumbalik sa lakas nito, ngunit hindi na katulad ng dati, inalis din sa kaniya ang kaniyang mga pakpak, ang kanang mata niya ay muling nakakita. At bago tuluyang burahin ni Dakilang Tinig sa kaniya ang mapait niyang alaala ay pinasaksi niya muna rito ang naging bunga nang panlilinlang ni Tanas.
"Mula sa mga oras na ito, masasaksihan mo ang apat na tarangkahan na bunga ng kasakiman ni Tanas, ang tarangkahan ng Hades, ito ang magiging lugar para sa mga tawo na may pusong tulad ng kay Tanas, ang sinuman mapaparito ay makakaranas ng walang katapusang paghihirap. Maglalagay ako ng isang tagabantay na mangangalaga rito, at siya ay kikilalanin bilang si Kamatayan, siya ay kakikilabutan at ang pangalan niya ay katatakutan. Ang pangalawa rito ay ang tarangkahan ng paraiso, ito ang aking bagong paraiso, sa lugar na ito ay wala nang kapintasan pa, walang luha, walang karimlan di tulad sa mundo ngayon ng mga mortal, subalit ang lugar na ito ay hindi man lang masisilayan ng mga pusong di marunong makuntento at walang kapayapaan. Katulad sa Hades, maglalagay din ako ng tagabantay sa labas ng tarangkahan nito, dalawa sa magkabilang dulo at tatawagin silang mga Anghel, na siyang isinunod ko sa iyong ngalan Ahel bilang pagpupugay sa iyong katapatan. Ang pangatlong tarangkahan ay ang lugar kung saan kita ilalagay, ang mundo ng mga imortal, maglalagay pa ako ng makakasama mo roon, ang mga magiging tagasunod mo, sila ay pagkakalooban ko pa rin ng kakayahan at buhay na walang hanggan, ngunit wala ni isa ang maaring umangat sayo. Ang huling tarangkahan ay ang lugar na kinaroroonan ngayon ng mga mortal o ng mga tawo, nang sa ganoon ay mamuhay pa rin sila ng maayos at mapayapa, malayo sa kaalaman ng mga bagay na mahiwaga at makapangyarihan, upang hindi rin sila matukso. Ang lahat ng ito ay nasaksihan mo Ahel, ngunit ito ay magiging isa nang lihim magmula sa mga oras na ito na kahit ikaw ay hindi rin makakaalala."
Sa bawat tarangkahan ay naglaan si Dakilang Tinig ng mga natatanging susi na makapagbubukas ng lagusan patungo sa mga ito. Bago tuluyang mawala ang mga alaala ni Ahel ay muling ginamit ni Dakilang Tinig ang perlas na itim sa kanang mata ni Ahel, siya mismo ang nagpasya na muling itago rito ang susi na ngayon ay naging apat na. Hinayaan niya rin na hindi na makakita pa ang kanang mata ni Ahel, kung saan niya ikinubli ang mga susing makapagbubukas sa apat na tarangkahan. Pagkatapos niyon ay tuluyan na ngang nabura sa alaala ni Ahel ang mga nasaksihan niyang ginawa ni Dakilang Tinig sa harapan niya. Ang tanging alaala na naiwan lamang sa kaniya ay ang pagiging bantay niya sa mundo ng mga imortal.
***
Mga dapat abangan:
✔️ Ang kasalukuyang panahon...
✔️ Si Firah
✔️ Ang pagbabalik ni Tanas...
✔️ Ang paghihiganti ni Kidlat...
✔️ Ang salinlahi ng angkan ng limang elemento: Lupa, Tubig, Apoy, Hangin at Yelo.
[Hello mga Yhinters, important reminders lang po, ito po ay bahagi pa rin ng daloy at mismong pulso noong unang mabasa ninyo ang lumang version nito, may pagkakahawig pa rin ito sa unang kong pagkakakuwento rito, Sina Safire, Airah, Icy, Sander, Walter at Thunder pa rin ang magiging mga bida sa kuwentong ito, pero malaki po ang posibilities na ibahin ko ng kaunti ang mga names nila. Iyon lamang po, sana ay suportahan nyo pa rin po ang bagong bersyon ng Elements Warriors. Salamat po]
Ps. Planning to change the title too, pero under brainstorming ko pa haha.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen2U.Com