Truyen2U.Net quay lại rồi đây! Các bạn truy cập Truyen2U.Com. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

🌐 HR 5 🌐


***
         Ilang oras na lang ay tutunog na naman ang  hudyat para sa aming pamamahinga, bago ko pa ikabaliw ang pag-iisip kung saan ko maaring itago si Kuya Zen ay nagpasya na kaming ipaalam na kina Auntie Melva at Elder Rio ang tungkol sa kaniya. "Nahihibang ka na bang bata ka ha!" bulyaw pa sa akin ni Auntie Melva, ngunit sinigurado niyang wala ng ibang makakarinig sa amin. Mabuti na lamang at naisara agad ni Elder Rio ang pintuan ng aming Cabin. "Bakit mo pinahintulutan dito magtago ang rebelde na iyan, di mo ba alam kung gaano kadelikado itong ginagawa mo? Napakainit ng mata ng mga otoridad sa mga tulad nila, at dito talaga Mee!" Sasabat sana si Kuya Zen pero inawat at dinuru-duro siya ni Auntie Melva, "At ikaw, alam mo bang nilalagay mo sa hukay ang isang paa ng pamangkin ko at hindi lamang iyon, maging kami!" Hindi ko pa rin magawang magsalita, mataas ang paggalang ko kay Auntie Melva at naiintindihan ko siya, tama siya, sobrang mapanganib itong ginagawa namin ni Kuya Zen, pero ano magagawa ko?

           Ang mga sagot naman ni Kuya Zen ang kumalma sa tensyon naming lahat, "Huwag ho kayong mag-alala, ipinapangako ko, wala ni isa sa inyo ang mapapahamak, bigyan nyo lamang ako ng ilang araw na palugit."

           "At paano kami makakasiguro?" sarkastikang tanong ni Auntie Melva.

          
         "Sa ngayon, kung walang magsusumbong sa inyo, magiging ligtas pa rin ang isa sa atin, bigyan ninyo ako ng dalawang araw, at kapag nagawa ko nang malibot ang kabuuan ng Floating city na ito, pangako aalis agad ako sa poder ninyo." Nagkatinginan kami nina Auntie Melva at Elder Rio.

          Ibig sabihin ba nito ay kailangan muna naming maging mas maingat sa loob ng dalawang araw at kapag natapos iyon at nagtagumpay si Kuya Zen, ibig sabihin makakaalis na rin ako sa lugar na ito? Lalaya ako? Makakalabas na rin ako? Sa ideya na iyon hindi ko mapigilan ang sarili ko na hindi ganahang tumulong kay Kuya Zen kaya naman sumabat na ako sa usapan nila, "Auntie Melva, please, tulungan natin si Kuya Zen, hindi siyang masamang tao!"

  
          Nabanaag ko ang pag-alala sa mga mata ni Auntie Melva, "Pero ang iniisip ko lang ay ang kapakanan mo, paano kung malaman ng mga Wolf Agents? Mapapahamak ka!"

 
           "Huwag ka pong mag-alala Auntie Melva, panatag ako kay Kuya Zen, tutulungan ko siya, huwag po kayong mag-alala, mag-iingat ho kami."

     
          Sa huli ay nakumbinsi rin namin si Auntie Melva at Elder Rio na ilihim sa lahat ang tungkol kay kuya Zen at gawing taguan ang aming Cabin. Maya-maya pa ay tumunog na ang hudyat para sa lights off, kaya naman nagpasya na rin kaming magpahinga. Ngunit ilang oras na rin ang lumipas noong ipikit ko ang aking mga mata, alam kong gising  pa rin si Kuya Zen, may kung ano siyang ginagawa sa kaniyang higaan, nakapwesto siya sa ilalim ng hinihigaan ko kaya naman sumulyap ako sa kaniya, bagamat madilim ay nagtataglay pa rin ng liwanag ang bagay na kinakalikot niya. Kaya bumaba muna ako sa higaan ko para tanungin siya, "Kuya Zen? Ano po iyang ginagawa ninyo?"

          "Sinusubukan kong kontakin ang mga kasama ko, sana ay okay lang sila."

            "Ibig sabihin, may kasamahan pa kayo na narito?"

    
           "Oo, nagkahiwa-hiwalay na lamang kami matapos naming makapasok dito sa loob. Sana ay ligtas din sila tulad ko."

            "Ah Kuya Zen, may naalala lang ako, noong mga nakaraang araw, narinig ko ang usapan ng mga taga-manuevers, may bagong inhinyero raw na isasali sa grupo nila at mula raw iyon sa Senipphil, hindi kaya isa iyon sa mga kasama mo?"

    
             "Manuevers?"

             "Oo kuya, sila rin ay mga manggagawang tulad namin na mga taga-foster pero mas mahirap ang trabaho nila dahil nasa laboratoryo at teknikal na usapin ang ginagampanan nila. Sa pagkakaalam ko, nasa sumunod na istasyon sa ibaba ang kinalalagyan nila, kaya lang hindi kita matutulungan makababa roon." Kahit ako ay nalungkot sa sinabi ko dahil hindi ko agad matutulungan si Kuya, limitado lamang kasi ang napupunta sa lugar na iyon, maliban na lamang kung may appointment ka o di kaya'y gold card.

          "Okay lang Eumee, naiintindihan ko, pero huwag kang mag-alala, hindi masasayang ang mga pananatili ko rito. Hayaan mo, bukas na bukas din, makakaisip din tayo ng paraan para makarating doon. Sige na, pahinga ka na." Ngumiti sa akin si Kuya Zen at ganoon din ako, pumanhik uli ako sa higaan ko at tuluyan na ngang nagpahinga.

           Nang magising ako bago pa man tumunog ang hudyat ay nakita kong gising na rin ang mga kasama ko sa kwarto,  naghahanda na sina Elder Rio at Auntie Melva, si kuya Zen naman ay hawak pa rin ang bagay na huli kong nakita na hawak niya kagabi, hindi ba siya natulog? "Magandang umaga," bati niya sa akin pagkababa ko sa higaan pero hindi siya tumingin sa akin, nakatuon ang mga mata niya sa bagong kinakalikot na naman niya ngayon— ang Quadlet. "Eumee, halika, maari mo bang tignan ito." Lumapit agad ako dala ng kyuryosidad ganoon din sina Elder Rio at Auntie Melva.

           "Alam mo ba kung saan iyan?" Sinilip ko ang Quadlet, mula sa hologram na screen nito, nakita ko ang pag-zoom in ni Kuya Zen sa isa sa mga uploaded na larawan na kinuha niya mula sa surveillance camera niya noong nakaraang araw, nahagip ng larawan ang kasuluk-sulukan ng Cabin Station two. Kung tutuusin, sa unang tingin, pader lamang iyon na yari sa makapal na metal, ngunit nang matitigan ko pa ng mas mabuti ang kabuuan ng larawan ay mayroon itong bukana na tila isang pipeline at nasa duluhang bahagi ito. Ang lawak niyon ay maaring magkasya ang kasing taas ni Kuya Zen. May naka-grilled dito na maliliit din na metal. Sa totoo lang, hindi ko nauunawaan ang nais iparating ni Kuya Zen pero sinabi ko pa rin kung ano ang lugar na iyon. "Ang alam ko po, dyan po nagmumula ang malinis at libreng hangin na pare-pareho ho nating nalalanghap. Iyon lang ang alam ko, ano ho ba ang naiisip mo kuya Zen?"

          "Ang pipeline na iyan ay posibleng nakakonekta sa lahat ng istasyon dito sa loob ng floating city, at kung mapapasok ko lamang iyan, mapapadali ang pangangalap ko ng impormasyon," aniya. Ngunit ano pa man ang balak ni Kuya Zen,  isa lang ang sigurado ako, tyak mahihirapan siyang pasukin iyon, dahil una, maraming Wolf Agents at Scout Ranger ang nag-iikot, pangalawa, tiyak na matibay ang bakal o metal na ginamit doon.

            "Ah, kuya Zen, sige po, alis na ako, kailangan ko nang simulan ang trabaho ko, ngayon kasi ang harvesting time ng prutas na naka-assign sa akin," paalam ko.

           "Sige, ako na bahala rito, huwag kayong mag-alala, mag-iingat ako." Kasunod ang pagbato niya ng tingin kina Auntie Melva at Elder Rio. Sumabay na rin sila sa akin at pikit-mata naming iniwan si Kuya Zen sa aming Cabin, nananalangin na sana walang makatuklas sa kaniya.

             Habang nasa field ako at kasalukuyang pinipitas ang bunga mula sa puno ng atis ay naagaw ng atensyon ko at ng iba pa ang paglapit ng isang Wolf Agent sa isa naming kasamahan— si Tatay Agustin, kasama nito ang isang scout ranger na palagay namin nagsumbong patungkol sa pagtatangka ni Tatay Agustin, ilang dipa lang ang layo namin sa kanila, ang sabi'y sinubukan daw ni Tatay Agustin na pumitas ng piraso mula sa isang bugkos ng ubas na inaani  niya ngunit sa kasamaang palad may nakakita sa kaniya na isang scout ranger na agad siyang naisumbong. Nakakairita na rin minsan ang mga balimbing na mga scout ranger na iyan, daig pa nila ang mga Wolf agents na wala ng puso!

       Wala kaming magawa kundi ang magmasid lamang sa kanila habang kunwari ay abala sa kaniya-kaniya naming trabaho, pero nang matitigan ko kung sinong Wolf Agent iyon, parang pamilyar siya sa akin, Oo, tama, siya nga iyon, ang babaing Wolf Agent na nakasabay ko sa Elevator noong kamakailan, ngunit ang laki ng kaibahan niya ngayon, mukha siyang mabagsik. Nakakatakot.

            "Dahil sa iyong paglabag sa ating batas, kailangan kitang patawan ng kaparusahan," wika pa ng babaing Wolf Agent, sinenyasan niya ang kasamang Scout Ranger na itaas nito ang kanang braso ni Tatay Agustin at iyon nga ang ginawa ng Scout Ranger. Sinubukan pa ni Tatay Agustin na pumalag ngunit mas lalo lang uminit ang ulo ng babaing Wolf agent sa kaniya. Agad na dinakma ng babaing Wolf agent ang braso ni Tatay Agustin bagamat hindi pa ito tuluyang naiaangat ng scout ranger, kasunod niyon ay nagsimula nang mamilipit sa sakit si Tatay Agustin, para bang may kung anong enerhiya ang dumadaloy sa kamay ng Wolf agent papunta sa kaawa-awang manggagawa at kung anuman iyon, ito ay nagdudulot ng pangingisay sa buong katawan ni Tatay Agustin. Napaluhod pa si Tatay Agustin at kita sa mukha niya na pinipilit na lamang niyang maka-survive mula sa hirap na pinararanas sa kaniya ngayon. Nang alisin na ng Wolf Agent ang kamay nito sa kaniya ay saka lang natapos sa panginginig ng kalamnan ni Tatay Agustin, napadapa na lamang siya sa kaniyang kinatatayuan, ngunit sa kabila ng kaniyang iniindang sakit ay nagawa pa rin niyang mangatwiran, "Wa–wala kayong mga pu–puso! Tao rin kami at hindi mga hayop! Karapatan din naming makakain ng mga totoong pagkain  Oo! Malakas at makapangyarihan nga kayo! Ngunit ngayon pa lang sinusunog na kayo sa impyerno!" nanggagalaiting sigaw nito na halos dinig ng lahat.

       "Aba! At sumasagot ka pa!" giit naman sa kaniya ng Scout Ranger na sinimulan na siyang pagpapaluin  ng hawak nitong batuta. Gusto ko sanang mamagitan sa kanila ngunit pinigilan ako ni Tata Selo at ng iba pa. Kaya wala akong nagawa kundi ang magtanim na lang ng galit sa kaibuturan ng puso ko. Malaking kahibangan nga na isipin ko pa na may naiibang Wolf Agent, dahil ang totoo, pare-pareho lamang sila, hindi talaga sila mga tao, sila'y mga imbensyon lamang na ikawawasak ng lahat! Wala silang mga puso!

        Dahil sa bugbog na natamo ni Tatay Agustin ay hindi na niya nakayanan pang tumayo, umalis na rin ang Wolf Agent na nagparusa sa kanya, sa ngayon, ay may dalawang foster na ang umakay sa kaniya, nakasunod sila sa scout Ranger at kung saan man nila dadalhin si Tatay Agustin ay hindi na namin tiyak.

           "Hija, huwag na huwag mong susubukang kalabanin sila, hindi pa ito ang ating oras," paalala sa akin ni Tata Selo matapos mawala sa aming paningin si Tatay Agustin at ang scout Ranger.

           "Pero, hanggang kailan tayo magtitiis sa pangmamaliit nila sa atin!" Wala akong nagawa kundi suntukin ang sarili kong palad. Hindi rin nila ako nagawang sagutin dahil kahit sila hindi rin alam ang isasagot sa akin.

***

         Matapos kong masiguro na kumpleto na ang listahan ng mga produktong dadalhin ko sa itaas ay nagulat na lamang ako kung sino ang biglang lumapit sa akin. Nagawa pa nitong ipiring ang mga mata ko gamit ang mga kamay niya. Wala naman akong ibang maisip na gagawa niyon, imposible namang sina Elder Rio at Auntie Melva, o di kaya si Kuya Zen. Pero nang sabihin niyang hulaan ko kung sino siya, ay doon ko lang napagtanto kung sino nga siya, dahil na rin sa boses niya, "Mo–mordekail?" Duda man pero may kutob akong siya nga iyon.

      
          Nang maalis na sa mga mata ko ang mga kamay na iyon ay agad kong kinilala kung sino siya, "Ta-da!"

           "Mordekail! Ano ang ginagawa mo rito sa ibaba?" Halos mamuo ang pawis ko sa gulat at kaba. Ngunit nang pagmasdan ko siya, may kakaiba sa kasuotan niya. Para siyang isang General na may mataas na ranggo.

            "Binibisita ka!"

            "Pero paano?" Sa dami kong nais itanong sa kaniya, masagot niya lang kung paano siya malayang nakababa sa mga istasyon dito ay okay na.

            "Ang totoo niyan, sinasanay na kasi ako ni Lolo, so habang na sa pagsasanay ako, kinuha ko itong pagkakataon para makita ka. Huwag kang mag-alala, isa sa mga trainings ko  ang malaman ang proseso ng pamumuhay ninyo rito, kaya kung may makakita man sa atin na magkasama, sasabihin ko lang na ikaw ang napili kong mapagtanungan." Nginitian pa ako ni Mordekail, ang swerte niya talaga, lahat na lang ng pabor umaayon sa kaniya.

              "Kung ganoon pala abala ka ngayong araw na ito?" sabi ko na lamang sabay suot sa sumbrelong binigay niya sa akin bilang paghahanda sa pag-deliver ko ng mga order sa itaas.

              "Hmmn hindi naman, mamayang hapon pa kasi ako magpapasa ng report ng observation ko, so may oras pa ako. Ano, tara?"

             "Pasensiya ka na Mordekail, hindi kita masasamahan ngayon, may dalawang store pa akong dapat puntahan sa itaas e," tanggi ko. Nakalimutan yata ni Mordekail na hindi ako katulad niya na may layang gawin ang anumang naisin niya dahil sa lugar na ito, isa lamang akong manggagawa.

               "Ako bahala sa'yo Eumee, teka." Nagpalinga-linga muna si Mordekail para siyang may hinahanap hanggang sa matanaw niya ang isang scout ranger na papunta sa direksyon namin, "Ahm Excuse me," aniya na labis kong ikahanga, dahil huminto sa harapan namin ang scout ranger at nagbigay pugay sa kaniya. "Yes Young General!"

          "Maari mo ba akong ihanap ng papalit sa kaniya, siya kasi ang napili kong sumama sa aking obserbasyon ngunit maapektuhan ang kaniyang trabaho, ayokong mapagalitan siya ng dahil sa'kin."

            "Yes young General, ako na ang bahala." Agad na umalis ang scout ranger, nagkatinginan na lamang kami ni Mordekail, kinindatan niya ako at saka kami sabay na bumungisngis, "Ano tara?" Tumango ako sa kaniya at mabilis kaming umalis sa kinatatayuan namin.

            Lahat ng mga tanong niya na alam ko ay sinagot ko, kinausap niya rin si Mrs Macbeth at ipinakilala siya sa internal area manager ng buong gardenville. Pinigilan pa namin ang matawa ni Mordekail nang magsalita si Mrs Macbeth na para bang nakita na raw niya minsan si Mordekail, pero hindi na ito nagtanong pa dahil na rin sa takot lalo na nang malaman niyang apo si Mordekail ng isang Heneral.

          Tinungo namin ang puno ng bayabas na muntikan na niyang mapitas noon, sinamahan din kami ni Mrs Macbeth. Sinabi ni Mordekail na gusto niyang tikman iyon, bagama't nag-aalinlangan si Mrs. Macbeth na sundin si Mordekail ay wala rin naman itong nagawa. Ginamit ni Mordekail ang gold card niya, nai-scan niya ito sa isang scanner na nakatoka sa puno ng bayabas, nag-beep ito at nahinto panandalian ang alarming system nito maging ang harvesting timer nito. Malayang napitas ni Mordekail ang bunga na gusto niya, kumuha siya ng tatlo, isa sa kaniya at binigyan niya rin kami ni Mrs. Macbeth. Alanganin pa nga naming kinain iyon ni Mrs. Macbeth pero dahil si Mordekail ang aming kasama kaya nakampante rin kami.

          Matapos sa Gardenville ay pinasyal ko rin siya sa laboratory at farmville na labis niyang ikahanga. Nagpakain kami ng mga isda sa mga fishpond, nakita niya rin kung paano paitlugin ang mga inahing manok sa isang farm, maging ang mga baboy-damo, baka at ostrich  na malayang magparoot-parito sa malawak nilang kulungan. Ngumiti lang ako sa kaniya nang banggitin niya na paborito niya raw ang adobong manok na hindi ko naman alam kung anong klaseng luto iyon, basta masarap daw ang isang iyon, at noong oras lang din na iyon nabanggit ni Mordekail ang tungkol sa mama niya, pero nang tanungin ko ang tungkol sa mama niya ay mabilis lang itong nagyaya paalis sa lugar kaya hindi ko na siya pinilit magkuwento halatang ayaw niya iyon pag-usapan.

            Sunod naming pinuntahan ang Cabin Stations, hindi na namin kasama si Mrs. Macbeth at kami na lamang dalawa. Nilagpasan namin ang Cabin 1 Station at bumaba sa sumunod na istasyon kung nasaan ang Cabin namin, gusto niya raw makita ang tinutulugan ko. Sa aming paglalakad sa pasilyo palapit sa aming cabin ay isang lalaki ang aming nakasalubong, hindi ako maaring magkamali, si kuya Zen ang isang iyon, nakasuot siya ng uniporme ng taga-foster. Subalit sumenyas siya sa akin na huwag kaming magpansinan kaya nilagpasan  lang namin ang isa't isa na parang hindi kami magkakilala, saan kaya siya papunta? Pagkatapos ay narating na namin ang aming Cabin, "Ayan nandito na tayo Mordekail."

            Pumasok kami at inikot ni Mordekail ng paningin niya ang aming buong silid, hindi pa kami tuluyan nakakapasok ay kabisado na niya agad ang ayos at hitsura ng buong kwarto. Dahil isang kwadrado lang naman ito na may dalawang doubled deck sa gawing kanan at isang maliit na pintuan sa kaliwa na papasok sa maliit naming banyo. Nasa harapan naman namin ang metal na aparador, pagkatapos ay wala na, iyon lamang ang laman ng aming silid, "Dito pala kayo natutulog." Tumango ako sa kaniya, itinuro ko rin kung saan ako nakapwesto.

          "Ang buhay ninyo rito, parang napakahirap, tapos kailangan ninyong gumising ng maagap para magtrabaho." Nakita ko ang lungkot sa mga mata ni Mordekail habang masinop niyang dinadama ang bawat detalye ng aming silid.

         "Mabuti na rin 'yon, kaysa nandito lang ako sa loob ng kwartong ito, boring masyado, at least sa gardenville, nakikita ko ang mga prutas at halaman sa kanilang paglago. Mabuti nga sila umuusbong, Mordekail sa lugar namin, bawal kaming lumago, para kaming mga bonsai na halaman na limitado lamang ang paglaki, kaya mapalad ka dahil isinilang kang may gintong kutsara na sa bibig mo." Hindi ko napigilan ang sarili kong paghambingin ang buhay namin pero anong magagawa ko, si Mordekail lang ang alam kong makakaunawa sa akin. "Masyado ka palang malalim at makaluma Eumee, nababasa ko lang ang metaphor na iyan sa  history class ko e." Napangiti at napakamot na lamang ako sa ulo ko, tama si Mordekail, narinig ko lang din kasi ang kasabihang iyon sa mga matatandang nakakasama ko sa Grower Station.

         "Siya nga pala Eumee, may isang araw pa ako para maglibot dito, kaya bukas, sasamahan mo ulit ako ha, pupuntahan natin ang sumunod na istasyon." Nanlaki ang mga mata ko nang marinig ang tinutukoy niya, sa wakas, may pagkakataon na akong makababa sa sumunod na istasyon, kung saan nagtatrabaho ang mga manuevers.
Bigla kong naisip si Kuya Zen, pati na rin ang narinig kong tiga-Senipphil na hula ko'y nasa ilalim ng quarantine jurisdiction. "May problema ba?" biglang tanong sa akin ni Mordekail.

           "Wa—wala, teka, sigurado ka bang ako ang isasama mo? E hindi ko pa rin kasi iyon napupuntahan kaya di ko alam kung saan ba kita dadalhin doon."

           "Walang problema, ako na bahala doon, basta gusto ko ikaw ang kasama ko sa lugar na iyon."

            "Sige, ikaw ang bahala."

         Tumingin si Mordekail sa kaniyang wrist watch, "Hapon na pala, sige Eumee, kailangan ko ng bumalik sa camp station, kailangan kong sumunod sa protocol nila para makaulit ako bukas. Salamat Eumee, sinamahan mo ulit ako." Ngumiti siya at kinindatan ako, ganoon din ang ginawa ko at sabay na kaming nagtawanan. Inihatid ko siya sa lift station na maghahatid sa kaniya sa camp station sa itaas. Kumaway ako habang minamasdan siya sa loob ng transparent na elevator, kumakaway din siya pabalik sa akin hanggang sa tuluyan na siyang mawala sa paningin ko.

         Nang pabalik na ako sa aming Cabin ay napansin ko sa di kalayuan ang tumpukan ng mga kapwa ko foster kasama ang isang scout ranger, nasa apat ang bilang nila at lahat nakatingin sa akin, may pakiramdam ako na ang kanilang pinag-uusapan ay ako, hindi maganda ito kaya naman mabilis akong umalis sa lugar at bumalik sa aming cabin.

***

   
           "Kakaiba ang kasama mo kanina, hindi siya tulad ng mga kasamahan mo rito, tama ba?" Nasundan ito ng pagsulyap ni kuya Zen kina Auntie Melva at Elder Rio na ngayon ay mahimbing ng natutulog.

           "Oo kuya Zen, isa kasi siyang purong Mercanians."

           "Pure mercanians pala huh."

           "Sa pagkakaintindi ko, parehong nagmula sa lahi ng Merca ang magulang niya, pero wala akong alam kung sino ang mga ito, wala naman kasing nababanggit si Mordekail at wala rin naman akong balak itanong."

           "Mordekail pala ang pangalan niya, kung tama ulit ang hinala ko, siya ang tinutukoy mong maaring makatulong sa atin."

           Tumango ako kay kuya Zen, mabilis talagang maka-pick up si kuya ng mga bagay-bagay, "Tama ka kuya Zen, pero wala pa akong nababanggit na kahit ano sa kaniya. Siya nga po pala, bukas ay sasamahan ko siyang bumaba sa Manuevers Station. Pagkakataon na natin ito para lumibot sa lugar na iyon di ba kuya?"

           "Kung gayo'y, dapat mapaghandaan natin iyan, mabuti at nabanggit mo, umaayon pa rin talaga sa atin ang mga pagkakataon, malaki ang posibilidad na magtagumpay tayo sa mga plano natin."

            "Kuya Zen, kung papayag si Mordekail, isasama ka namin. Kapag kasi siya ang kasama natin, hindi gaanong kahigpit ang seguridad. Mataas ang takot nila kay Mordekail at sinusunod ng ilan ang lahat ng iniuutos niya."

            "Malaking isda pala iyang kaibigan mo Eumee, maari nga natin siyang gamitin, ngunit kailangan pa rin nating maging maingat. Kung may taglay nga siyang otoridad, maari rin niya tayong ilaglag sa huli kapag nalaman niya ang tungkol sa mga plano natin." Naging seryoso ang mukha ni Kuya Zen ngunit hindi ko naman siya masisisi. Sana nga lang mali ang kutob niya, hindi naman siguro magiging traydor si Mordekail, dahil kung tutuusin napakabuti nitong tao.

            Parang hindi ulit natulog si Kuya Zen, huling kita ko sa kaniya kagabi ay abala siya sa pagbutingting sa mga gamit niya at ngayong nagising na kami nina Auntie Melva at Elder Rio bago pa man tumunog ang hudyat ay patuloy pa rin siya sa pagkalikot sa mga kagamitan niya, "Kuya Zen?"

           "Gising ka na pala." Hindi man lang ito tumingin sa akin, nakapokus pa rin siya sa kaniyang ginagawa. Maya-maya ay napatayo na ito, "Ayan, tapos na!" aniya sabay angat ng Quadlet niya.

             "Anong tapos na kuya?" taka ko.

             "Kumpleto na ang layout mapping ko sa Cabin station 1 at 2, pati  na nga rin sa Grower station na sinasabi mo ay nagawa ko rin makuha ang layout, matagumpay ang ginawa kong paglibot kahapon!" Napatingin ako sa quadlet  na hawak niya kung saan kita sa hologram nito ang three dimension miniature ng floating city, nai-zoom in niya ito at tama nga ang sinabi niya, may mga ipinapakita na ngang data at larawan ang bawat bahagi ng grower station at mga cabin stations. Nakakamangha! Dahil kuhang-kuha nga nito ang aktuwal na ayos ng mga istasyon.

***

             "Magandang umaga Ms. Eumee!" bati sa akin ni Mordekail, ang pormal ng bati niya, kaya naman pala, may kasama siyang mga Scout Ranger, kasama rin niya si Ginoong Royce, tumango lang sa akin ito bilang pagbati niya. Nagpakapormal din ako upang walang makahalata na close kami ni Mordekail sa isa't isa, "Magandang umaga rin sa 'yo Young General."

            "Handa ka na?" aniya. Ngumiti muna ako bago sabihin sa kaniya na may isasama ako, "Young General, mayroon pala akong imumungkahi sa iyo, mayroon akong kasama na maaring makatulong sa atin sa paglibot mamaya."

            "Walang problema, isama natin siya." Pagkatapos ay tumingin si Mordekail sa dalawang scout Ranger na nakabantay sa kaniya, "Maari nyo na akong iwan, ako na ang bahala rito. Ah Ginoong Royce, pwede mo na rin akong iwan."

           "Masusunod Master Mordekail!" sagot ni Ginoong Royce. Sumaludo naman ang dalawang scout ranger bago kami iwan. Nang mawala na ay saka na lamang kami nakahinga ni Mordekail, tahimik ulit kaming nagbungisngisan, "Teka Eumee, sino nga pala iyong tinutukoy mo na sasama sa atin?"

           "Ah e, kaibigan ko rin siya, please isama natin siya." Hindi naman ako nagpapa-cute sa kaniya o kung ano pa man pero sana umipekto. At Oo, pumayag siya.

           Kanina ko pa nga nakikita sa malayo si kuya Zen, naghihintay lang siya ng senyales ko para lumapit sa amin, hindi naman niya magawang lumapit kanina dahil na rin sa nakaantabay na mga scout ranger. Sumenyas ako kay kuya Zen saka lang ito lumapit sa amin, "Ayan na siya!" Pareho naming tinignan ni Mordekail ang paglapit ni Kuya Zen. Nang nasa harapan na namin siya ay yumukod siya bilang respeto niya kay Mordekail, "Ikararangal kong maisama ninyo ako sa inyong paglibot sa lugar na ito, young General."

            "Naku, huwag na ho tayo magpakapormal, Mordekail na lang ang itawag mo sa akin, kung kaibigan ka ni Eumee, magkaibigan na rin tayo." Natuwa ako sa sinabi ni Mordekail, napakamapagkumbaba niya talaga.

             "Hindi na ako magtataka kung bakit ganoon ka na lamang ipagmalaki sa akin ni Eumee. Napakabuti mong tao Mordekail."

            Halata sa kilos at hitsura ni Mordekail na nahihiya siya, "Naku hindi naman. Ah e, ano? Tara?" Tumango kami pareho ni kuya Zen, hinayaan namin si Mordekail ang mauna sa paglalakad, nagkatinginan na lamang  kami ni Kuya Zen. May kaba sa puso ko na baka mabuking siya pero mas lamang ang kasabikan ko na matuklasan ang mga bagay na nasa ibaba namin— ang manuevers station.

***

            Nang makababa kami at makalabas na sa Lift Station ay sinalubong kami ng dalawang naka-labsuit, inaasahan nila ang pagdating namin nina Mordekail. Inakay nila kami papasok sa isang silid kung saan pinayuhan nila kaming magsuot din ng labsuit, isa raw iyon sa mga rules sa lahat ng pupunta sa manuevers. Pagkatapos namin gawin ang proper hygiene at isuot ang labsuit ay sinimulan na namin ang paglibot sa lugar.

             Sumalubong sa amin ang kulay puting mga pader, kahit saan na anggulo, kulay puti ang lahat. Mangilan-ngilan din ang nakikita naming mga naglalakad na tulad namin ay mga naka-labsuit din. Sa aming paglalakad ay narating namin ang malawak na bulwagan, marangya at mahaba rin ang hagdanan sa magkabilang dulo nito, bumaba kami roon at mas tumambad sa amin ang ilang mga abalang manggagawa. Kung susuriin ay mukhang normal lamang ang ginagawa nila, wala pa akong masyadong nakikita na kakaiba. May mga nagkukwentuhan sa information desk na nilapitan namin, sa kabilang bahagi naman ay ganoon din. Tumigil sa pag-uusap ang mga ito at pagkatapos gamitin ni Mordekail ang gold card niya ay pinapasok na nila kami sa doubled door na nasa gawing kanan namin. Nasa loob daw niyon ang mga pag-aaral at pagsusuri na may kinalaman sa mga siyensiya at kalusugan.

           Hindi kami nakikinig ni Mordekail sa kasama namin na doctor, nagpakilala siya sa amin bilang si Doctor Velvet, panay ang dadak nito na hindi na namin pa inintindi ni Mordekail. Nakamasid lang kami sa mga indoor lab na nadadaanan namin, nariyan ang clinical chemistry section, may nabasa rin akong serology section, coagulation section, hematology section, microbiology section at kung anu-ano pang tawag sa kwarto na hindi ko naman maintindihan. Basta lahat sila dinaanan namin at nakikita lang namin ang ilan sa mga ginagawa nila sa pamamagitan ng mga transparent na salamin. Pinukaw naman ni Mordekail ang pansin ko, hindi kami nagpahalata sa kasama naming doctor, "Eumee, may nabanggit sa akin si Kuya Zen kanina habang nasa wash room kami," wika niya sa akin sapat lang para ako lang ang makarinig. Oo nga pala, magkasama silang pumasok sa washroom kanina para magpalit ng Labsuit, ako lang ang naiba dahil babae ako. Nakahiwalay kasi ang washroom ng babae sa lalaki.

            "Sinabi niya sa akin na kung maari hayaan ko siyang hanapin si Ate Maita mo. Alam pala niya ang tungkol kay Ate Maita?"

            Minsan ko na nga palang naikuwento kay Kuya Zen ang tungkol sa nangyari kay Ate Maita, "Ah Oo Mordekail, ang totoo niyan, hiningi ko ang tulong niya para alamin kung ano ang nangyari kay Ate Maita. Sana huwag kang magagalit," pagsisinungaling ko dahil ang totoo, wala sa usapan namin ni kuya Zen ang tungkol kay Ate Maita. Pero okay na rin siguro na ito ang isipin ni Mordekail na dahilan kung bakit si Kuya Zen ang pinili kong makasama namin.

            "Ano ka ba hindi, 'di ba sabi ko naman sa 'yo, tutulungan kitang imbestigahan ang totoong nangyari sa Ate Maita mo." Ngumiti ako ng may pasasalamat kay Mordekail, sunod niyon ay napatingin kami kay Kuya Zen na kasunod lang namin sa paglalakad. Ano kaya ang naiisip ni Kuya Zen, e ang dapat lang naman na gagawin namin ay mag-surveillance sa lugar hanggang sa kung saan man abutin ang paglilibot namin. Nagtanguhan kami nina Mordekail at kuya Zen sa isa't isa na animo'y iisa lang ang takbo ng naiisip namin. Agad naman na nagsalita sa Mordekail at kinausap ang doctor na umaalalay sa amin, "Doctor Velvet, saan dito ang inyong comfort room?"

             "Young general, hayaan mong ituro ko sa inyo ang daan, dito po tayo." Nagpatiuna sa aming kanan si Doctor Velvet, susundan na sana namin siya ng pigilan kami ni Mordekail, may pasimple rin siyang inabot sa akin na sinikap namin na walang makahalata, "Huwag na, hintayin nyo na lamang ako rito." Nakita ko ang ginawang pagkindat ni Mordekail, mukhang nakuha ko na kung ano ang naiisip niyang plano. Kukunin namin itong pagkakataon para mawala  kami sa paningin ng doctor at malayang makapaglibot. May mga restricted area kasi kaming nilagpasan lang kanina at napupuna namin iyon ni kuya Zen. Agad kong naibulsa ang inabot sa akin ni Mordekail, "Kung gayon ay hintayin nyo na lamang kami sa loob niyon," saad sa amin ni Doctor Velvet, may itinuro siya sa likuran namin. May pintuan doon at sa ibabaw nito nakasulat ang salitang waiting area. Sa madaling sabi'y sinunod namin siya. Nang mawala na sila sa aming paningin ay kinuha na namin iyong pagkakataon para balikan ang mga dinaanan namin kanina.

           Binagtas namin ang kaliwang pasilyo kung saan nakita namin ang sign na restricted area. Wala namang kahit sinong bantay kaya mabilis kaming dumiretso doon. Ilang saglit lang ay sumalubong sa amin ang isang doubled door. Ayon kay kuya Zen, naka-lock ito at mabubuksan lamang sa pamamagitan ng dalawang paraan, i-tap ang passcode sa hologram keypad nito na hindi nga namin alam kung ano o i-scan ang registered na key card, "Teka, may inabot sa akin si Mordekail." Kinuha ko ang bagay sa aking bulsa, ito ang gold card na pagmamay-ari ni Mordekail, hindi ko alam kung eepekto ito ngunit bahala na, inabot ko ito kay kuya Zen. At ito ay gumana, binasa ng scanner ang card ni Mordekail at bumukas sa aming harapan ang double door.

Nagpatuloy kami sa paglalakad, may mga maliit na pintuan kaming sadyang nilalagpasan, may kutob kami na wala roon ang hinahanap namin. Subalit bago pa namin marating ni kuya Zen ang papalikong daan ay nakarinig kami ng mga papalapit na boses. Napahakbang tuloy kami pabalik hanggang sa makita namin ang pinakamalapit na pintuan sa amin. Pumasok kami agad doon upang hindi makasalubong kung sinuman ang mga paparating, kasabay ng pagpasok namin ay ang pagbukas din ng ilaw. Nakiramdam lang kami at hindi gumawa ng anumang ingay.  Nang dumaan na ang mga ito sa silid na pinagtataguan namin ni Kuya Zen, hindi sinasadyang narinig namin ang usapan ng mga ito, "Nakakapagod, twenty five hours din akong gising ahh dahil sa walang katapusang pagmomonitor na iyan, mabuti na nga lang at dumating na ang kapalitan ko, kung hindi bibigay na talaga ako."

               "Swerte pa nga natin at doon tayo dinala, e kung na-assign pa tayo sa death row section, naku sinasabi ko sa iyo. We're living in a nightmare. Susuko talaga ako."

              "Para namang may choice tayong humindi. Pero tama ka, maswerte pa rin tayo. Hindi ko nga lubos-maisip kung paano kaya nakakayanan ng konsensiya nila ang magtrabaho sa loob niyon tsk tsk..."

            "Parehas lang tayo ng mga tanong."

               Hanggang sa tuluyan nang mawala sa pandinig namin ang mga boses na iyon. Kinuha namin itong pagkakataon ni Kuya Zen upang pagmasdan ang lugar kung nasaan kami. Napagtanto naming nasa loob pala kami ng isang storage room, maraming iba't ibang klase ng fluids at clinical equipments ang nasa loob nito. Agad napatingin sa air vent sa kisame si Kuya Zen, alam ko ang naiisip niya. Kinuha niya agad ang ladder na nakita namin sa may sulok pagkatapos ay itinapat doon mismo. May kung ano siyang kinuha sa loob ng damit niya at pagkatapos ay tangan-tangan na niya ang universal tools na minsan na niyang pinakita sa akin,  tama siya, anuman ang sitwasyon malaki ang pakinabang niyon. Gamit ang universal tools ay maingat niyang binuksan ang air vent, nang makatiyak na ligtas naman ay sinabihan niya akong sumunod kaagad sa kaniya. Tumango lang ako sa kaniya at inihanda ang sarili. Maya-maya pa ay tuluyan na nga siyang pumasok sa air vent, sumunod na rin ako makalipas ang isang minuto. May kalakihan ang vent, na kahit umupo ako ay magkakaroon pa rin ng isang dangkal na espasyo sa bawat gilid. At kagaya ng payo sa akin ni Kuya Zen, hinatak ko papasok sa loob ng vent ang hagdanan na ginamit namin upang wala kaming maiwan na ebidensiya. Napagpasyahan namin na magkahiwalay naming babaybayin ang vent, sa kaliwa siya at sa kanan naman ako. Binigyan niya rin ako ng magagamit kong map locator para markahan ang bawat madadaanan ko at ma-trace pa rin ang pabalik kung saan kami pumasok. Ito rin ang gamit niya para mabuo ang layout mapping na ginawa niya sa mga cabin stations at grower station. Binigyan niya ako ng sampung minuto para makapag-ikot, pagkatapos ay kailangan na namin ulit magkita kung saan kami magkakahiwalay. "Eumee mag-iingat ka," banggit pa sa akin ni Kuya Zen. Kinakabahan man ay lakas-loob na akong tumalikod sa kaniya at dahan-dahan ng gumapang palayo baon ang kasabikan kung ano ang sunod na matutuklasan ko, "Ate Maita, hintayin mo ako, ililigtas kita."

To be continued.

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen2U.Com