🌐 HR 6 🌐
***
Kailangan kong madaliin, kaunti lang ang palugit namin ni Kuya Zen para makasagap ng mga karagdagang impormasyon. Matapos namin tanggalin ni Kuya Zen ang suot naming lab-gown ay naghiwalay na kami at nagtungo sa magkabilang direksyon. Bawat sampung segundo ay otomatikong kumukuha ng larawan ang map locator na binigay sa akin ni Kuya Zen, nag-iiwan pa nga ito mahinang click sound. Nang marating ko ang unang airvent window ay maingat kong sinilip kung ano ang nasa ibaba niyon at sinikap na huwag gumawa ng anumang ingay. Hindi ako sigurado kung anong silid iyon pero may nakita akong dalawang naka-lab gown, kulay asul ang mga suot nila kaiba sa pinasuot sa amin na kulay puti. Naka-complete gear din sila, may mask, goggles, gloves, hair cap at bota para sa kanilang mga paa. Ang isa sa kanila ay may tulak-tulak na push cart na may tatlong magkakapatong na stainless platform. Maayos nakalapag sa itaas ng platform ang mga syringe na nakalagay sa isang selyadong sisidlan, di ko rin matukoy kung para saan ba ang mga botelyang naglalaman ng mga likido na nasa ilalim naman ng magkasunod na platform dahil na rin sa distansya ko, di ko mabasa kung para saan ba ang mga iyon.
"Kailangan na ang mga ito within two hours, kaya dapat mai-cooldown sila sa fifteen degrees celcius. Maari na itong maihatid sa cold storage section. We have to make sure na maayos ang proseso at nasa tamang oras lamang ang lahat before we pass it sa administrative team," wika ng isa na siyang may hawak ng tila checklist.
Sumagot naman ang kasamahan niya, "Copy."
Kung anuman ang laman ng mga botelyang iyon, malamang ay napakaimportante ng mga iyon. Hinintay ko muna silang mawala sa paningin ko at saka nagpatuloy muli sa paggapang para malaman kung ano pa ba ang matutuklasan ko. Unti-unti ko ng nararamdaman ang pagtaas ng temperatura sa kinalalagyan ko, medyo umiinit na siya, hindi ko alam kung inaatake lang ako ng Claustrophobia o natural lang talaga na nadagdagan ang init sa air vent na binabaybay ko ngayon, pero kung ano pa man ang dahilan, hindi dapat ako magpatinag, kailangan kong magpatuloy. Isang tinig ang pumukaw sa kaliwa kong pandinig, tama, binigyan nga pala ako ni Kuya Zen ng bahagi ng kaniyang airpods kung saan iyon daw ang magiging komunikasyon naming dalawa, "Eumee? Anong Status mo diyan?" aniya na labis ko namang ikamangha, ito ang unang beses na maranasan ang mga ganitong bagay.
"Kuya Zen, parang sumisikip ang dibdib ko, mainit din ang pakiramdam ko," sumbong ko. Hindi ko mapigilang hindi sabihin sa kaniya ang sitwasyon ko. Inaamin ko naman na may Claustrophobia ako, pero matagal ng panahon ng huli ko iyong maramdaman, ngayon na lang ulit kaya nakakapanibago.
"Eumee, pakinggan mo ako. Ipikit mo muna ang mga mata mo at huminga ka ng malalim. Isipin mo na ginagawa mo ito para sa magandang kinabukasan na gusto natin. Para sa ate Maita mo..." Dahil sa mga sinabing iyon ni kuya Zen, pursigido na akong makakayanan ko ito. Hindi ang sitwasyon na ito ang magpapahinto sa akin sa pag-abot sa pantay na pamumuhay na hinahangad ko. Kaya nang maimulat ko ang aking mga mata ay ganado at desidido na ulit akong alamin ang mga sumunod pa na madaraanan ko.
Nagpatuloy ako, sa ngayon, sumusunod na sa isip ko ang katawan ko. Papalapit pa lang ako sa pangalawang airvent ay may kung anong ingay na akong naririnig, mga unggol? Tunog ng paghihinagpis? Hindi ako sigurado ngunit kung anuman iyon ay parang ayoko na ulit tumuloy subalit dinala pa rin ako ng tadhana para masaksihan ng mga mata ko ang senaryong hindi ko maintindihan. Oo minsan ko nang nakita ang mga aparatus tulad ng mga clone pad sa laboratory sa grower station, buong akala ko pa nga'y grower station lamang ang mayroon niyon, ngunit bakit kaya mayroon din silang cloning pad sa lugar na ito? Para saan? Sa mga halaman? Sa hayop? Imposible namang sa tao, dahil sa pagkakaalam ko wala pang nagtatagumpay sa ganoong proyekto. Wala talang akong nauunawaan, sa ngayon ang natatanaw ko lang ay mga clone pad na naglalaman lamang ng hydroxyl liquid na madalas gamitin sa clone processing. "Kuya Zen? Kuya?" Bakit ngayon pa, mukhang hindi ako naririnig ni kuya Zen, wala akong magawa kundi ang umpisahan ang sariling pag-oobserba sa lugar. Wala akong makitang tao na nagpaparoo't parito, mukhang pribado talaga ang lugar na ito. Wala man payo mula kay kuya Zen ay nagpasya akong babain na ang lugar. Nang makarinig ako ng mga nagsasalita ay napahinto ako, naudlot tuloy ang pagbubukas ko sa airvent, tumigil ako at hindi gumawa ng anumang ingay. Mula sa kinaroroonan ko ay nakatanaw ako ng isang lalaki na nakasuot din ng asul na lab gown, tulak-tulak nito ang isang stretcher, sa ibabaw niyon ay may hugis tao ang nakahiga, hindi lang ako sigurado dahil may puting tela ang nakatalukbong doon, "Patay ba ang isang iyon? O isa lamang sa mga Wolf Agents?" tanong ko sa sarili na hindi ko rin naman masagot. Maya-maya pa'y tumapat ang lalaki sa isang malaking bakal na pinto, lumabas doon ang isang hologram keyboard ngunit hindi ko nakita kung anong code ang pinindot ng lalaki, nang bumukas ang pinto ay kasama niyang ipinasok ang tulak-tulak na stretcher hanggang sa magsara na ulit ang bakal na pinto, "Muntik na ako doon," napabuntong-hininga na lang ako. "Kung wala sa lugar na ito ang mga ingay na narinig ko, nasaan pala iyon?" Ayaw ko man kilabutan pero hindi ko mapigilan, muli ko na namang narinig ang mga ungol na iyon, hindi ako naniniwala sa multo kaya dapat matukoy ko na kung saan nga ba nanggagaling ang mga ingay na iyon. Nagpatuloy ako sa paggapang, nilagpasan ko lang ang dalawang sumunod na airvent window dahil bahagi pa rin ito sa silid na nilagpasan ko na lamang. Nagkaroon ng tatlong sangay ang airvent ngunit mas tinuon ko ang pansin sa kung saan mas malakas ang mga ingay at nang marating ko na ang pinanggagalingan bumungad sa akin ang isang malawak ulit na kwarto, kakaiba ito kumpara sa mga nauna kong nakita, ang ilaw dito ay hindi kasing liwanag sa mga nakita ko kanina, magkahalo ang kulay ng puting ilaw at kulay pula na ilaw, masangsang din ang amoy na hindi ko mawarian kung ano, ngunit nang maitukod ko ang kamay ko sa bintana ng airvent ay dali-dali akong lumusot at nahulog pababa, "Ahh aray!" Agad kong natutop ang bibig ko, kahit pa nga gusto ko muna indahin ang sakit ng pagkakabagsak ko. Umaayon pa rin sa akin ang kapalaran dahil wala akong makitang ibang tao sa piligid ko liban na lamang sa napakaraming pintuan. Tumayo ako at hinimas-himas ang mga braso kong sumalo at unang sumayad sa sahig at saka ko pinagmasdan ang buong paligid. "Nasaan ba ako?" Sa gawing kanan ko nakahilera ang sa bilang ko'y labing-limang mga pintuan at ganoon din sa aking gawing kaliwa, bawat pinto ay may maliit na parihabang bintana sa ibaba nito. Kung ikukumpara ko siya sa aming banyo sa cabin, palagay ko, magkasing laki at lawak lang sila sa loob, pero hindi ko sigurado dahil ang bawat pinto ay nagtataglay ng mga lock-combination, hindi ko malalaman kung ano ang nasa loob ng bawat pinto.
Sa aking paglalakad, saka ko napatunayan na may kung sino ang nasa loob ng mga pinto, hindi ko lang matutukoy kung sinu-sino ang mga ito dahil wala namang bintana na maari kong silipan bukod doon sa nasa ibaba ng pinto na halos dalawang dangkal lamang ng kamay ko ang laki at may nakatakip pa, "Sinong nandyan? Maawa na kayo, palabasin nyo na ako rito," wika ng isang boses lalaki sabay ang lusot ng kamay nito sa bintana ng kaniyang pinto kaya umangat ang nakatakip doon. Kung ibabase sa tinig nito'y halatang hindi maganda ang kapalaran ng kung sinuman ang nasa loob ng pinto. Isang kulungan? Hindi kaya ang silid na ito ay ang bilangguan?
Nasundan pa ito ng isa na namang boses mula sa kabilang pinto na ganoon din ang iniiyak, tila nagpapakiramdaman lamang ang mga nasa loob ng pinto dahil pagkatapos niyon ay sunud-sunod na silang naghihiyawan at sumisigaw ng tulong habang nakalitaw ang mga kamay sa makipot na bintana na mayroon sila. Sa takot at taranta ko'y napatakbo na lang ako at agad na lumiko hanggang sa may nakabanggaan ako, nawalan pa ako ng balanse at napaupo. Sa sobrang kaba ko ay nanginginig kong iginala ang tingin ko mula sa sapatos ng nakabanggaan ko hanggang sa makita ko ang kabuuang mukha nito, "Lagot, katapusan ko na... Kuya Zen tulong..."
"Sino ka? At anong ginagawa mo rito!" aniya taglay ang nakakakilabot na tinig na halos magpagana sa adrenaline ko. Kaya napatayo ako at patakbo na sana pabalik sa pinanggalingan ko ngunit hinablot niya ako at agad na tinakpan ng kamay niya ang bibig ko, "Huwag kang maingay! May paparating." Hindi na ako nakapalag dahil mas malaki siya sa akin, umalis kami sa kinaroroonan namin na hatak-hatak niya ako at nakatakip pa rin ang kamay niya sa bibig ko. Nagulat na lamang ako ng may isang pinto siyang nabuksan at doon kami pumasok. Sumenyas siya sa akin na huwag akong maingay na ginawa ko naman, ewan ko ba kung bakit sinusunod ko siya, e hindi ko rin naman siya kilala na dapat nga mas lalo kong ipangamba.
May narinig akong mga ingay mula sa labas, parang tunog iyon ng mga gulong ng pushcart ngunit hindi ako sigurado, may mga yabag din bukod pa sa ingay na ginagawa ng mga taong nagbigay takot sa akin kanina. May kung sino ang sumigaw mula sa labas, "Tigil! Tumigil kayo!" Pagkatapos ay huminto ang ingay ng mga gulong sa tapat ng pinagtataguan namin, ilang saglit lang ay ipinasok mula sa maliit na bintana ng pintuan kung nasaan kami ang isang mangkok na naglalaman ng dalawang ube at isang maliit na garapon na naglalaman naman ng kapsula na kagaya ng iniinom naming food capsule ngunit mas malaki ito kumpara ng sa amin. Pamilyar din sa akin ang ube dahil isa ito sa mga itinatanim namin. Matapos iyon ay naramdaman kong palayo na sa amin kung sinuman iyong nasa labas, saka lang ako nakahinga ulit ng maayos ngunit nawala rin ito dahil naalala ko na nasa loob nga pala ako ng isang silid kasama ang taong hindi ko naman kakilala. Mas lalo akong nabahala nang hindi ko na makapa sa tainga ko ang airpod na ibinigay ni Kuya Zen, mukhang nahulog siya sa kung saan, "Kuya Zen... Tu—tulong."
***
Sa kabilang bahagi ay abala na rin si Zen sa pagmamatyag, kasalukuyan na siyang nasa loob ng isang malawak na kwarto na naglalaman ng iba't ibang klase ng mga armas, ang ilan sa mga ito ay alam niya o di kaya'y nakita na niya kung paano gamitin ngunit may ilan sa mga ito ang di pa rin pamilyar sa kaniya. Nakahilera ang mga ito sa kani-kanilang lalagyan na base sa obserbasyon niya'y may ilan din ang rechargeable tulad ng mga kagamitan sa pinanggalingan niya. Nakita niya rin ang ilang mga sasakyan na madalas nilang makasagupa noon sa kanilang paglalakbay. Tama ang hinala nila na may kinalaman ang floating city sa pag-atakeng nagaganap sa labas ng syudad na ito. Patuloy din sa pag-record ng mga datus ang map locator niyang dala, bawat anggulo sinisigurado niyang malinaw at maayos ang makukuha nito. Nang marinig niya ang tunog ng pagbukas ng pinto ay agad siyang naghanap ng mapagkukiblihan. Naisingit niya ang sarili sa pagitan ng dalawang man-sized na tangke. Isang lalaking naka-labsuit ng kulay kahel ang kaniyang natanaw, lumapit ito sa mga armas na nakita niya kanina at may kung anong dinampot, "Sabi na, dito kita naiwan," saad pa nito hanggang sa umalis na nga ito. Saka lang nagpasya si Zen na lumabas na rin sa kaniyang pinagtataguan subalit isang pagkasa ng baril ang narinig niya mula sa kaniyang likuran, kasunod ang mga katagang nagdagdag tensyon sa sitwasyon niya, "Unregistered, data not found."
Bago humarap at maitaas ang dalawang kamay ay mabilis na naitago ni Zen ang map locator niya sa bulsa ng damit niya at maingat ng humarap sa nasa likuran niya. Bumungad sa kaniya ang isang babaing nakasuot ng kumpletong gear ng isang Wolf Agents, minsan nang nabanggit ni Eumee sa kaniya ang tungkol sa mga ito at madalas na rin naman niyang maengkwentro ang mga ito noong nasa labas pa siya kasama ang mga kagrupo niya. Hindi na nga niya mabilang kung ilang beses na ba nalagay sa panganib ang buhay niya dahil sa mga Wolf Agents na nakakasagupa nila. Maikli ang buhok ng babaing wolf agents, malalim at itim ang mga mata nitong nakatitig sa kaniya, puno ng pagbabanta. Inobserbahan din ni Zen ang lahat ng kagamitan na taglay ng Wolf agent na nasa harapan niya, may isa itong earpiece sa kanang tainga nito at tila may eye shield din na kulay berde ang kanang mata nito. Ang itim na kasuotan nito ay mayroon mga lalagyan para sa mga handy weapon tulad ng knives, smoke bombs, brass knuckles at kung anu-ano pa na panigurado ni Zen ay pang-emergency defense ng mga Wolf Agents. Isa lang ang sigurado niya, wala siyang magiging laban dito sa ngayon, dahil nakakatalo lang naman sila ng Wolf agents kapag kasama niyang umaatake ang kagrupo niya dahil hindi biro ang lakas ng mga ito.
"Ayun! Mabuti na lang pala may tao rito hehe! Kanina pa kasi ako naliligaw e, hinahanap ko kasi 'yong kapatid ko, dito kasi siya tumakbo papasok," nakangiwi pa niyang pagsisinungaling.
"Lumabag ka hindi lamang isa kundi sa dalawang alatuntunin, una ang protocol sa proper uniform sa lugar na ito, pangalawa, ang courtesy ng pag-iikot ng walang pahintulot!"
"Teka! Teka, hinahanap ko nga ang kapatid ko promise—" Ipinakita pa ni Zen ang kaniyang finger promise na sumisimbolo sa kaniyang pangako. Ipinagtaka ni Zen ang biglaang pagbabago ng mood ng Wolf Agent na kaharap, napahawak pa ito sa ulunan nito na para bang nananakit iyon, "A—ayos ka lang ba?" alanganin pa niyang tanong, hindi niya alam kung aalalayan ba niya ang Wolf Agent o pagmamasdan lang ito o di kaya'y kunin na itong pagkakataon para tumakas.
"Ano ang bagay na iyon! Ano iyon?" hesterikal na tanong ng Agent na hindi naman maintindihan ni Zen. Ngunit hindi na nagsayang ng pagkakataon si Zen, tumakbo siya palayo sa Wolf Agent habang alam niyang wala pa ito sa wisyo. Nawiwirduhan din siya sa ikinikilos nito, ibang-iba sa mga nakaengkwentro na niya. Ni hindi man lang siya pinigilan ng Wolf Agent dahil sa tila pagkalito pa rin nito. Agad namang tinungo ni Zen ang isang silid na nakita niya, nang pumasok siya rito ay naramdaman niya ang pagwisik ng tubig sa buong katawan niya kasunod ang malakas na hangin na para bang dumaan siya sa disinfecting protocol. Ngunit ang mas ikinagulat niya nang tuluyang tumambad sa kaniya ang nilalaman ng silid na pinasukan niya, nakita niya ang naglalakihang storage room na gawa sa transparent na salamin. Sa loob ng mga ito ay nakahilera ng maayos ang di niya mabilang na mga taong walang malay habang nakahiga sa isang bendable chair. Sa parehong kanan at kaliwa niya nakikita ang mga ito, maingat pa siyang naglakad papasok at nakiramdam. Sa labis na mangha niya'y hindi na niya alitana ang lamig ng kwarto. Maya-maya pa'y narinig niyang muli ang boses ng Agent na nakahuli sa kaniya kanina," Tigil!" Mukhang nanumbalik na ito sa katinuan at pursigido nang maparusahan siya.
Minabuti ni Zen na humanap ng ligtas na lugar, dahil alam niyang hindi siya sasantuhin ng Agent na iyon. Napansin niya kasi kung paano mas naging matalim ang mga mata nito kumpara kanina. Nang makakita ng maakyatan ay dali-dali siyang sumampa doon, "Kailangan mong mag-isip Zen..." aniya pa sa sarili. Nang nasa ibabaw na siya ng isa sa mga storage room na nakita niya kanina. Sinimulan niyang matyagan ang magiging kilos ng Agent na humahanap sa kaniya. Nagkaliwa't kanan ang tingin ng Agent na iyon habang hawak-hawak nito ang isang klase ng baril. Pinilit naman ni Zen balikan sa isipan niya kung paano sila nakapagpabagsak noon ng isang Wolf Agent. "Tama! Ang spinal column sensor!" Sa sobrang excitement ay naiuntog pa niya ang sarili sa isa sa maliliit na pipeline na nakakonekta sa storage room kung saan naroon siya, "Aray ko!" aniya sabay ang paghaplos sa ulunan niya.
Muli niyang narinig magsalita ang Agent kaya mas lalo siyang nabahala, "Hindi ka makakapagtago sa akin. Ang heat sensor na inilalabas mo ang magtuturo sa akin kung nasaan ka."
Hindi na nagsayang pa ng oras si Zen, agad niyang inalam kung tama ba ang kaniyang hinala, sinipat niya ng tingin ang tinutukoy niyang spinal column sensor na base sa pag-aaral nila ay karaniwan itong nakalagay sa likurang bahagi ng mga Wolf Agent at tama nga siya, mayroon ngang sensor na nakalagay sa bandang batok ng Agent na iyon, kumikislap pa iyon ng kulay pula. Ngunit na alerto si Zen nang magkrus ang paningin nila ng Agent na iyon, "Huli ka!" wika pa nito. Napaatras sa kaba si Zen at nagbabalak na sanang umalis sa pinagtataguan niya subalit laking gulat niya nang patalon na bumulaga sa harapan niya ang Agent, "Ay diyos ko po! Anong klaseng nilalang ka ba!" Hindi maipinta ang mukha ni Zen habang nakatitig sa kaharap na Wolf Agent. Hindi niya lubos akalain na nakakatalon din pala ng ganoong kataas ang mga Wolf Agent. "Ang daya mo, nahuli mo na naman ako," pagbibiro pa ni Zen para pakalmahin ang sarili, sinabayan pa niya ito ng pagkakamot sa kaniyang ulunan.
"Tigil! Ginawa mo ulit! Ano ang bagay na iyon!" sigaw sa kaniya ng Wolf Agent na hindi naman maunawaan ni Zen. Napuna ni Zen na wala na naman sa sarili ang Agent na kaharap, kinuha niya itong pagkakataon para sipain ang hawak nitong baril kasunod ang pagsunggab niya rito kaya kapwa sila bumagsak mula sa ibabaw ng Storage room na kinatatayuan nila kanina, mabuti na lang at unang bumagsak ang Agent sa sahig. "Kailangan kong masira ang sensor mong iyan..." bulong ni Zen sa sarili habang nakapokus ang mga mata sa batok ng Agent na kasalukuyan niyang dinadaganan. Ngunit sadyang malakas ang Agent dahil ngayon ay nagawa nitong baligtarin ang sitwasyon nila, si Zen na ngayon ang dinadaganan ng Agent. Sa sobrang lakas ng Wolf Agent na kaharap ay nagawa pa siyang maiangat nito gamit lamang ang isang kamay nang ito ay tumayo. "Bitawan mo ako! Bitawan mo ako." Sinubukan pa ni Zen paghahampasin ang kamay ng Wolf Agent, ngunit sadya yatang bakal ang mga braso nito at hindi man lamang makaramdam ng anumang sakit. Walang anu-ano'y inihagis siya ng Wolf Agent kaya bumalandra siya sa haligi ng isa sa mga storage room na naroon. Ramdam pa ni Zen ang pagkakasapol niya sa matigas at makapal na salamin na pader. Ngunit kinalimutan niya iyon nang matanaw niya isang dipa mula sa kaniya ang baril na hawak ng Wolf Agent kanina, nasa blind spot ito ng Wolf Agent kaya sigurado si Zen na siya lang ang nakapansin niyon. Binasa niya muna ang magiging kilos ng Wolf Agent na kaharap bago gumawa ng anumang hakbang, kinuha ng Wolf Agent ang gamit nitong latigo na nasa likuran nito, "Kamatayan ng isang rebelyon, ang parusang nararapat sa maglalakas-loob kalabanin ang tulad ko," saad nito habang hinahanda na ang latigong hawak nito. Ngunit bago pa maisipan ng Wolf Agent na ihampas sa kaniya iyon ay mabilis na dinamba ni Zen ang nakitang baril at itinutok sa Wolf Agent, hindi siya nagdalawang-isip pa at agad na kinalabit ang gatilyo niyon. Walang nakita si Zen na lumabas mula sa baril na hawak ngunit napansin niya kung paano tumilapon ng ilang metro ang agent, "Electrical Wave huh? Ginagamit pala ng mga hunghang na ito ang ideya ni Professor Harris," komento pa niya sabay ihip sa dulo ng baril. Nang lapitan niya ang Agent ay nangingisay na ito dala ng elektrisdad na pumasok sa katawan nito, alam ni Zen na sa oras maapektuhan ang mekanismo ng mga wolf agent ay nawawalan na ang mga ito ng kontrol at otomatikong nagkakaroon na ng malfunction katulad ng mga nakasagupa nila noon sa kanilang paglalakbay. Sinilip niya rin ang tinutukoy niyang Spinal Column Sensor at kasalukuyan itong umuusok dala ng pagsabog nito matapos daluyan ng mataas na boltahe ng kuryente. "Nauubos ang oras ko, kailangan ko ng umalis dito," aniya sa sarili, subalit isang kamay ang humablot sa braso niya dahilan para mataranta siya, "Inay ko po!" Laking gulat niya nang makita na sa agent nagmula ang kamay na iyon, "Anong ginawa mo?" naghihikahos pa nitong tanong sa kaniya.
Napatalon palayo si Zen at agad na naitutok ang hawak na baril ngunit base sa status ng baril na hawak niya ay nagri-recharge ulit ito para sa muling paglabas ng enerhiya, kaya alam niyang hindi pa niya ito magagamit sa loob ng dalawang minuto. Kapansin-pansin ang muling pag-iiba sa ugali ng agent na kaharap niya dahil nagpalinga-linga ang tingin nito sa paligid, pinagmasdan din nito ang sariling mga kamay hanggang sa buong katawan nito, pagkatapos ay nasundan iyon ng paghaplos nito sa kaniyang ulanan na parang nananakit ulit iyon.
"Imposible! Dapat nga hindi na maayos ang pananalita mo, dapat hindi ka na gumagana lalo na't sira na rin ang sensor dyan sa batok mo! Imposible talaga e!" pagtataka ni Zen dahil sa pagkakaalam niya, oras na masira ang sensor ng isang Wolf agent, otomatikong namamatay ito na para bang nawalan ng baterya o di kaya'y nagloloko na. "A—ayos ka lang? Teka bakit ko nga ba tinatanong kababaril ko nga lang pala sayo, haist! Ano ba yan!" Naibaba ni Zen ang hawak na baril at muli na namang napakamot sa ulo. Tinitigan niyang mabuti ang agent, alam niyang may kakaiba sa agent na kaharap kumpara sa mga napatumba na nila noon, "Alam mo, kanina pa tayo naghahabulan, bahala ka na nga diyan, limitado lang oras ko!" Nagpasya si Zen na pabayaan na lamang ito, dahil alam niyang anumang oras, malfunctioning na ang sunod na mangyayari sa Agent at kailangan na rin niyang tiyakin kung nasaan na si Eumee, kailangan na nilang tapusin ang paglilibot nila.
***
Control Room / Command center Manuever's Station
Abala ang lahat habang nakatutok sa kani-kanilang working stations, bawat isa ay may nakatokang trabaho na dapat mapagtuunan ng pansin. Hindi rin mabilang ang mga maliliit at malalaking hologram screens na nakakalat sa paligid. May isang lalaki ang agad na tumayo sa kaniyang kinauupuan at sinalubong ang kapapasok pa lang na si Misaki. Bakas sa buti-butil niyang pawis ang kaba, nakabuntot naman sa kaniya ang dalawa pang babae na kasama niya sa trabaho. "Nasaan siya?" seryoso at puno ng pagbabanta ang tanong ni Misaki na halos magpatigil sa operasyon na ginagawa ng lahat ng nasa kwartong iyon. Bawat isa'y nakatingin at nakaabang sa isasagot ng lalaking hindi maikubli ang panginginig ng katawan, "Dr. Misaki ah, we—we lost her."
Nanlaki ang mga mata ni Misaki, halos lumabas ang mga ugat sa kaniyang sintido sa galit, "Dammit! Find her! Anong ginagawa nyo't nakatunganga lang kayo! Find her!" Ang tinig niyang iyon ang tila naging kuryente upang manumbalik sa trabaho ang lahat, bakas sa mukha ng lahat ang takot at pangamba para sa mga buhay nila. Dahil kilala nila kung paano magalit ang isang Misaki, mahirap kapag nabunton sa kanila ang galit nito.
***
Nabuksan ni Mordekail ang metal locked door gamit ang gray na card na pagmamay-ari ni Doctor Velvet, tama nga ang mga sinabi sa kaniya ni Mr Zen tungkol sa passcode, hindi niya tuloy maiwasang balikan ang mga sinabi nito sa kaniya kanina habang nasa loob sila ng washroom, "Ikaw lang ang pag-asa namin ni Eumee, kapag nahiwalay na kayo sa amin, kunin mo itong pagkakataon para gamitin ito kay Dr. Velvet, hindi tayo makakakilos hangga't kasama natin siya." Inabot ni Zen ang isang maliit na syringe gun na kasing laki lamang ng kamay ni Mordekail, "Magagawa nitong bigyan ng hallucination sa loob ng three hours ang sinuman matuturukan nito. Huwag mong hayaang masayang ito. Alam kong kaya mo iyan."
"Kinakabahan ako Mr. Zen."
"Magtiwala ka lang sa sarili mo. Oo nga pala, binasa ko rin ang kilos ng mga kamay ni Dr. Velvet kanina habang pinipindot niya ang kaniyang passcode, kung tama ako, 102540 ang ginagamit niya, tandaan mong maigi dahil mas kakailanganin mo iyan." Pagkatapos ay isang ngiti ang iniwan ni Mr. Zen upang palakasin ang loob ni Mordekail. At nang masolo na nga ni Mordekail sa comfort room si Dr. Velvet, ginawa niya ang makakaya niya para masimulan ang unang misyon na ipinagkatiwala ni Mr. Zen sa kaniya. Matapos matagumpay na maitarak ang syringe gun sa leeg ni Dr. Velvet ay nagsimula na rin manlupaypay ang doctor hanggang sa tuluyan na itong mawalan ng malay. Ikinulong ito ni Mordekail sa isa sa mga cubicle sa loob ng banyo at saka inilagay sa pintuan nito ang karatulang Out-of-order upang wala agad makatuklas sa katawan ng doctor.
Nang tuluyang makalabas ng banyo ay mas inalisto ni Mordekail ang sarili at agad na ibinulsa ang gray card na pagmamay-ari ni Dr. Velvet. Ipinagpatuloy niya ang kaniyang pagtuklas pa sa lugar at muling inalala ang iba pa nilang mga napag-usapan ni Mr. Zen.
"Young General, hindi lingid sa kaalaman ko ang dahilan kung bakit malapit ka kay Eumee. Bukod sa gusto mo siyang matulungan na mailigtas ang ate Maita niya, alam ko rin na gusto mo rin siya—"
Para namang isdang nahuli sa bibig ang naging reaksyon ni Mordekail, "Pa—paano mo nalaman Mr. Zen?"
"Ano ka ba, lalaki ka at ganoon din ako, kaya alam ko ang mga ganyan estilo, huwag kang mag-alala young general, your secret is safe with me, ako bahala." Napakamot naman sa ulo si Mordekail, muling nagsalita si Mr. Zen, "Young General, ang totoo niyan, malaki talaga ang maitutulong mo para kay Eumee, ang authority na mayroon ka ang magdadala sa atin para sa misyon na ito— ang iligtas ang ate Maita niya, para sumaya na rin siya at hindi na malungkot pa. Alam ko naman na iyon ang gusto mo, di ba? Di ba?" Sinabayan pa ito ni Zen ng pagsiko kay Mordekail.
"Paano ba ako makakatulong?"
"Good question!" May kinuha si Zen mula sa mga hidden pockets sa suot niya, nilabas niya ang isang pares ng airpods at isang maliit na device, "Young General, ito ang airpods, makakatulong ito para makapagkomunikasyon tayo sa isa't isa kahit magkahiwa-hiwalay tayo, ibibigay ko sa 'yo ang isa. At ito naman ang frequency detector, sa liit nito, malabong may makapansin agad nito. Iiwan ko ito sa pangangalaga mo, ako at si Eumee ay magkakaroon din nito." Iniabot ni Zen sa mga palad ni Mordekail ang mga gamit na tinutukoy niya.
"Para saan ang frequency detector Mr. Zen?" Banayad na minasdan ni Mordekail ang kwadrado at kulay itim na box na kasing liit lang ng mga ice cube sa mga restuarant na kinakainan niya. May kulay pula at kulay asul na nagbi-blink sa unahan nito at isang button sa likuran nito.
"Nagagawa ng device na iyan na i-delay ng two minutes ang frequecy ng isang device papunta sa isa pang device kagaya ng mga cctv cameras sa buong paligid patungo sa monitoring output ng mga ito. Meaning, may dalawang minuto lamang tayo bago nila malaman na naroon tayo sa isang specific location. At ang dalawang oras na iyon ang gagamitin natin para makatakas tayo o makaalis sa lugar na iyon. Hindi dapat masayang ang mga pagkakataon na iyon Young General, dahil sa oras na mahuli tayo, we're dead, mapapahamak di lamang ikaw, pati na rin si Eumee." Napuno ng kaseryusohan ang mukha ng bawat isa. Ipinagpatuloy ni Zen ang kaniyang pagpapaliwanag, "Young General, nakikita mo ba ang kulay pulang ilaw na iyan? Kapag huminto iyan sa pagpatay-sindi, ibig sabihin ay pinoproseso na nito ang pagdaya sa frequency ng pinakamalapit na cctv sayo. Kapag ang kulay asul naman ang huminto sa pag-blink, ibig sabihin tapos na rin ang iyong dalawang minuto."
Nanumbalik ang kaisipan ni Mordekail nang makita ang unang cctv sa loob ng binabagtas niyang hallway at kagaya ng sinabi ni Mr. Zen sa kaniya, tumigil nga sa pagpatay-sindi ang kulay pula ng frequency detector. Hindi na nga siya nagsayang pa ng oras at mas binilisan pa ang takbo paloob. Doon niya nakita ang higanteng double door na may nakasulat sa ibabaw nito na engineering lab. Katulad nina Eumee ay ito rin ang unang beses niya na makakapaglibot sa mga ganoong klase ng lugar. At kagaya ng kaniyang hinala, marami ngang manggagawa ang kasalukuyang naroon. Agad naghanap si Mordekail ng mapagtataguan upang malayang makapag-obserba pa at hindi mapansin agad. May kadiliman ang engineering lab kumpara sa clinical section na pinasukan nila kanina nina Eumee na halos lahat ng pader ay kulay puti salungat sa kung nasaan siya ngayon. Napansin din niya na ang kasuotan ng mga narito ay kulay kahel di katulad ng pinasuot sa kanila na kulay puti. Tumingin siya sa itaas, may mga magkakadugtong na bakal na tulay ang naroon, iilan lang din ang mga manggagawa ang nasa itaas. Mas magiging mainam kung doon siya dadaan kaya naman inakyat niya ang mataas na bakal na hagdanan. Sa taas nga nito ay halos malula si Mordekail ngunit kailangan niyang magpatuloy. Nang makaakyat siya ay tuluyan na niyang nakita ang lawak ng lugar at ang mga kagamitan na pinagkakaabalahan at binubuo ng mga manggagawang naroon. Ito ang unang pagkakataon na makakita ng mga naglalakihang mga makinarya at sasakyang himpapawid na sa pag-aakala niya'y wala na. Sa pagkakaalam nga niya'y wala ng anumang sasakyang panghimpapawid ang maaring magamit ng sinuman dahil naniniwala ang gobyerno na hindi na rin ligtas ang hangin sa labas ng floating city kaya pinatigil nila ang anumang imbensyon na may kinalaman sa himpapawid. Hindi mapigilan ni Mordekail na hindi magduda matapos masaksihan mismo ng mga mata niya ang mga bagay na nasa ibaba. Maaring tama si Eumee, na marami pa siyang hindi nalalaman sa ilalim ng gobyerno nila dahil kahit ang heneral niyang lolo ay wala namang nababanggit tungkol dito, ngunit bakit kailangan itago sa publiko ang ginagawa nilang ito, mga katanungang umiikot kay Mordekail. Maya-maya pa'y ikinagulat niya nang makarinig siya ng maliit na boses sa kanang tainga niya, boses iyon ni Mr. Zen mula sa suot niyang airpods, "Young General? Naririnig mo ba ako?"
"Mr. Zen?"
"Mabuti naman ayos ka lang...Teka, nagawa mo ba?"
Sinabayan pa ito ni Mordekail ng pagtango, "Nagawa ko na Mr. Zen, tama ka rin sa mga code na sinabi mo. Nandito ako ngayon sa Engineering Lab. Sa palagay ko pagawaan ito ng mga aircrafts, teka kasama mo ba ngayon si Eumee?"
"Salamat Young General, sa ngayon, hindi pa kami magkasama ni Eumee pero huwag kang mag-alala, hahanapin ko siya. Oo nga pala Young General, sabihin mo sa akin ang iyong lokasyon, dahil papupuntahin ko sayo ang isang taong maaring makatulong sa atin."
"May kasamahan ka mula rito?"
"Ahmmn sabihin na nating ganoon. Pero huwag kang mag-alala, tiyak kong mapagkakatiwalaan natin ang taong iyon. Ang totoo niyan, hindi ko pa rin siya nakikita, basta ipapaliwanag ko ang lahat oras na magkita-kita na tayo."
Alanganin man ay walang nagawa si Mordekail kundi ang magtiwala na lang din, alam niya na kung si Mr. Zen ay kaibigan ni Eumee, mapagkakatiwalaan din niya ito. Matapos sabihin ang kaniyang eksaktong lokasyon ay may isang lalaki ang lumapit sa kaniya, kulay kahel ang kasuotan nito katulad ng iba, madungis din dahil na rin sa uri ng tinatrabaho nito, may bitbit din ito na isa pang uniporme, "Hindi ka tagarito bata!" Agad nakaramdam ng kaba si Mordekail dahil hindi siya sigurado kung ito ba ang tinutukoy ni Mr. Zen sa kaniya, "Huwag kang mag-aalala, kakampi mo ako, oh heto suotin mo, kailangan na nating makaalis dito, hindi tayo magiging ligtas kung mananatili pa tayo rito." Doon lang nakahinga ng maluwag si Mordekail, kaunti na lang ay mapapabilib na siya ni Mr. Zen dahil bukod sa malawak ang nalalaman nito pagdating sa teknolohiya ay para bang may koneksyon din ito sa loob, ngunit paano nagkaroon ng ganoong kakayahan si Mr. Zen, kanino ba siya talaga nagtatrabaho? Alam din kaya ni Eumee ang tungkol dito? Mga tanong na sinarili na lamang ni Mordekail habang sinusundan ang lalaking lumapit sa kaniya.
****
Control Room / Manuever's Station
"Ipakita mo sa akin ang last location ni Agent 024 kung saan nawala ang kaniyang signal," puno ng otoridad na saad ni Misaki sa isa sa mga tauhan niya. Isa namang babae ang lumapit sa kaniya, "Dr. Misaki, palagay ko kailangan nyo itong malaman." Bitbit ng babae ang nakabukas na scrollpad. Hindi naman lumingon si Misaki dito, nakapokus pa rin siya sa ginagawang pag-trace ng tauhan niya sa lokasyon ng agent na hinahanap niya, "Tungkol saan iyan?" wika na lamang niya
"May dalawang key card ang hindi authorize na pumasok sa ilan nating mga restricted areas."
"Key Card? At kanino nakarehistro ang mga iyan?" Dito na naituon ni Misaki ang pansin niya. Ipinakita naman ng babae ang nilalaman ng scrollpad niya, makikita sa screen nito ang dalawang imahe na naglalaman ng mga datus, "Nalaman namin ang gray card ay pagmamay-ari ng Doctor John Velvet, isang biologist na naka-assign sa clinical laboratories. Habang ang isa na gold card ay nasa pangangalaga naman ng isang Mordekail Riggs. Walang anumang request o authorization kaming nakita para sa kanila, kaya agad namin sinilip ang mga cctv at nang makita namin ang footage, nalaman namin na may ibang gumamit sa parehong card."
"Ibang gumamit? Sino?"
"Ang gray card ay ginamit ng isang bata at ang pangalan niya ay Mordekail Riggs, habang ang golden Card ay pagmamay-ari naman mismo ng batang si Mordekail Riggs ngunit may iba rin ang gumamit sa kaniyang card, isang batang babae at isang lalaki. Heto po." Ipinakita ng babae ang mga larawan at bidyo bilang kanilang mga ebidensiya.
"Hindi ba't ang golden card ay naka-issue sa mga upper class?"
"Tama kayo Dr. Misaki."
"At ang Riggs na iyan, anong koneksyon niya kay General Juaquin Riggs?"
"Lumalabas sa data na ang batang si Mordekail ang kaisa-isang apo ni General Riggs at kasalukuyan itong dumaraan sa mga trainings, nalaman din namin na binigyan nga ng authorization ang apo niya para maglibot sa clinical laboratories ngunit doon lamang at hindi sa ating mga restricted areas. At meron pa po kaming natuklasan Dr. Misaki, ang dalawang taong ito na gumamit sa golden card ni Mordekail Riggs ay lumalabas na kasabwat ng bata dahil pinahintulutan niya ang mga ito na gamitin ang kaniyang gold card upang malayang makapasok sa mga pribadong lugar na nasa pangangalaga natin."
Napangisi naman si Dr. Misaki, "Interesting, mukhang may dapat magpaliwanag dito sa kasong treason, i-connect mo nga ako kay General Riggs. Alamin mo rin kung nasaan na ang doctor Velvet na iyan at kung ano ang kinalaman niya sa mga nangyayari."
"Masusunod po." Mabilis na umalis ang babae. Kinuha naman itong pagkakataon ng isa pang tauhan ni Misaki, "Sir, na-trace ko na po ang last location ni Agent 024."
"Mahusay." Agad na tinignan ni Misaki ang bidyo kung saan nawala ang signal nila sa isa sa mga wolf agents niya. At base sa nakikita niya, may nakasagupaan pa ito. At nang ipa-zoom in niya ang larawan ng lalaking nakalaban ng Agent niya, nalaman niya na ito rin ang gumamit sa gold card na pagmamay-ari ng apo ni General Riggs, "Hanapin mo nga ang data ng lalaking iyan," aniya sa tauhan niya.
"Ginawa ko na po, kaya lang wala ho akong makita na kahit na anong data tungkol sa kaniya, lumalabas na hindi siya nakarehistro sa kahit anumang istasyon sa floating city."
"Malabo iyang sinasabi mo, lahat ng mga nandito sa loob ng floating ay rehistrado. Maliban na lang kung... nagmula siya sa labas." Dito na nagsimulang maalerto si Misaki, "Madali, alamin mo ang lahat tungkol sa lalaking iyan at kung nasaan na siya sa mga oras na ito. Kailangang mahanap nyo agad siya, nagkakaintindihan ba tayo!"
"Yes sir!" Muli namang bumalik ang babaing nagreport sa kaniya tungkol sa unauthorize card na pumasok sa system nila, "Dr. Misaki, nasa linya na po si General Riggs."
"Good." Sumenyas naman si Misaki na buksan na ang monitoring kung saan niya maaring makita si General Riggs, agad siyang sinunod ng babae. Kaya bumungad kay Misaki ang kasalukuyang imahe ni General Riggs sa hologram kasama ang ilang kalalakihan na base sa kanilang mga kasuotan ay nagtataglay din ng mataas na posisyon sa gobyernong kanilang pinagsisilbihan, kita sa hologram monitoring na nasa loob sila ng isang pribadong silid na may isang malaking round table. "Kumusta General Riggs," bating panimula ni Misaki.
"Dr. Misaki, hindi ko inaasahan na makakatanggap ako ng tawag mula sayo, alam mo bang kasalukuyan kaming nasa isang executive meeting? Siguraduhin mong may kabuluhan ang pang-aabala mong ito sa amin."
"Don't worry, I am sure na pagtutuunan mo talaga ito ng pansin. Alam mo bang maari kong paratangan ang kaisa-isa mong apo ng kasong Treason?"
"Anong ibig mong sabihin?" Gulat na tanong ni General Riggs, napatayo pa ito hindi dahil sa pagtataka kundi sa galit dahil sa paratang na binitawan ni Misaki sa harap ng mga bigatin niyang kasama sa kwarto "Dr. Misaki, mag-iingat ka sa mga binibitawan mong salita," banta na lamang ng General.
Hindi naman nakitaan ng anumang pangamba si Misaki, sa halip ay pinakita niya sa mga ito ang mga ebidensiya na hawak niya, mula sa gold card na pagmamay-ari ni Mordekail at video kung sino ang gumamit nito hanggang sa paggamit ni Mordekail sa isang nakaw na gray card. Kitang-kita ni General Rigs mula sa hologram na nasa harapan nila ang mga kuha at larawan ng apo niya. Kaya sa galit ay napalakad pa siya palapit sa hologram para lamang tiyakin kung apo nga niya ang mga nasa bidyo at larawan, "Hindi! Sigurado akong mali lang kayo ng pagkakaintindi, hindi magagawa ng apo ko ang mga bagay na ibinabato ninyo sa kaniya. Dr. Misaki, hayaan mong ako ang magpa-imbestiga sa bagay na iyan. Huwag mong ipapahawak sa mga tauhan mo ang apo ko, ako ang bahala sa kaniya. At tungkol sa mga tinutukoy mong kasabwat ni Mordekail, hindi ko sila nakikilala, bahala ka na kung anong gusto mong gawin sa kanila ngunit pagdating sa apo ko, ako ang pipiga sa kaniya. Nagkakaintindihan ba tayo?"
Naging makahulugan naman ang sagot ni Misaki sa General, "Bahala ka, ngunit General Riggs, hindi ko iyan maipapangako, kung ako sayo, ipahanap mo agad ang apo mo dahil kapag nagkataon at nakabara siya sa mga susunod kong hakbangin, pasensiyahan tayo, baka madamay siya."
"Dr. Misaki!"
Ngunit binabaan na agad siya ng linya ni Misaki habang nakangisi ito at nakakaway pa, "Bye!"
"General Riggs, kailangan mong ipaliwanag iyon sa amin. Alam mo naman na bawat akto ng hindi pagsunod lalo na kung manggagaling sa mga may posisyon ay agad naming nirereport sa kapitolyo," pagbabanta ng isang ginoo na kasama ni General Riggs sa silid na iyon.
"Huwag kayong mag-alala, bigyan nyo lamang ako ng isang araw at sisiguraduhin kong nagkakamali sila ng pinagbibintangan."
"Dapat lang General Riggs, masyadong mainit ang tainga ng mga nasa kapitolyo lalo na kung rebelyon ang pag-uusapan. Hindi naman siguro lingid sa inyo ang naganap na sagupaan kamakailan sa labas ng floating city, sa pagitan ng mga Wolf Agents at ng mga rebelde mula sa Senipphil. Aminado tayong may kapabayaan kaya nagkaroon tayo ng small damage sa ating physical structure mula sa labas matapos ang kanilang ginawang pag-atake at may posibilidad na isipin ng mga taga-kapitolyo na may sabwatang naganap. Kaya siguraduhin ninyo na malinis at wala kayong tinatagong kahit ano sa ating kapitolyo," pagbabanta ng isa.
Gigil namang sumagot sa kanila si General Riggs, "Patutunayan kong nagkakamali lang sila." Agad na nai-tap ni General Riggs ang call button na nasa harap ng table niya, "Hanapin nyo ngayon din si Ginoong Royce, do it faster!" Isang babae ang mabilis na sumagot sa kaniya mula sa kabilang linya, "Masusunod po!" Pagkatapos niyon ay nagkatinginan na sila sa isa't isa, "Shall we continue?" tanong ng isa na sinang-ayunan na naman ng mga kasama ni General Riggs sa kwarto. Bagamat nagpatuloy na ang kanilang naudlot na meeting ay hindi na naalis pa sa isipan ni General Riggs ang tungkol sa kinasasadlakang kontrobersyal ng kaniyang kaisa-isang apo, "Mordekail... Anong gulo itong pinasok mo."
***
"Nasaan na ang hinihingi ko! Give me his exact location! You stupid!" Halos manggalaiti sa galit si Misaki habang hinihintay ang resulta ng pinapahanap niya. Natataranta namang sumagot ang nasa unahan niya "Sir, nakita ko na po, nasa west wings po siya ng ating holding area. Ngunit may problema po tayo, si Agent 024, mukhang..." Nag-aalangan pa ang lalaki na ipaalam ang kaniyang hinala.
"Ano!"
Napalunok muna ang lalaki bago ipinagpatuloy ang sasabihin, "Hindi na po nagre-respond sa anumang command si Agent 024, at mukhang sinusundan niya rin ang lalaking iyon, kung ano ang dahilan, hindi pa ho namin alam pero nagpadala na po ako ng ilang Wolf agents sa kinaroroonan nila. Any minute now, makakasalubong na ng mga tauhan natin ang mga ito."
Tila nakuntento si Misaki sa mabilisang aksyon ng mga tauhan niya dahil bigla itong nanahimik habang nakatingin sa monitoring nila kung saan nakikita niya ang isang misteryosong lalaki habang sinusundan ito ng isa sa mga paborito niyang Wolf Agent, walang iba kundi si Agent 024, "Mukhang pahihirapan mo talaga ako ng husto 024, hindi ako makakapayag na mawawala ka sa mga kamay ko ng gan'on-gan'on na lang! I'll do everything to bring you back!" bulong pa nito sa kaniyang sarili, "Do whatever it takes para mapasakamay ko ulit siya nagkakaintindihan ba tayo?" Dala na rin ng matinding takot ay sabay-sabay pang sumagot ang mga tauhan niya sa kaniya sa kabila ng kani-kanilang kaabalahan, "Yes sir!"
***
Holding Area...
"Eumee? Eumee!" Ngunit kahit anong sigaw ni Zen sa kaniyang airpod ay wala siyang makuhang anumang respond mula kay Eumee, labis na siyang nababahala sa kung ano na ang nangyari rito. Sa labis na pangamba ay hindi na niya napansin ang paparating na panganib, akmang babarilin na siya ng isang lalaking Wolf Agent pagkakita sa kaniya subalit nagulat si Zen nang mula sa kung saan ay lumitaw ang isang babaing kailanma'y hindi niya malilimutan, ang babaing Wolf Agent na tinalo niya kanina. Sa bilis ng kilos nito'y kulang na lang ay talunin nito ang bilis ng pagkakapikit ng mata ni Zen. Ang suntok ng babaing wolf agent na iyon ay nagsanhi ng isang malakas na impact para sa lalaking wolf agent na nagtangka sa buhay ni Zen. Sa lakas niyon ay halos mabasag ang bungo ng lalaking Agent, nangingisay pa ito at nawala rin sa ayos ang ilang parte ng mukha nito hanggang sa tuluyan na itong bumagsak na para bang isang makina na nawalan ng kontrol. Tumayo ang babaing Agent at pinagmasdan ang sariling kamao na para bang kahit ito ay napamangha rin sa sariling kakayahan. Agad naman naalerto si Zen bagamat kahit siya'y aminadong napahanga rin, "Pa—paano mo nagawa iyon? Ba—bakit?" Hindi tuloy matukoy ni Zen kung bibilib pa ba o kakabahan na matapos makitang buhay pa rin ang babaing agent na buong akala niya'y napatay na niya lalo pa ngayon at nasaksihan niya kung gaano talaga ito kalakas.
"Babarilin ka niya," kalmadong sagot sa kaniya ng Agent.
"Pe—pero iyon din ang binalak mo sa akin kanina?"
Maang namang sumagot ang babae sa kaniya, "Bakit?"
"Bakit? Bakit kamo? Aba malay ko sayo! Basta gusto mo akong saktan kanina."
"Isa sa bilin ni papa ay ang huwag akong mananakit," sagot ng babae na labis ipagtaka ni Zen dahil ang seryosong pananalita nito kanina ay napalitan ng tila isang paslit. Dito na nagsimulang magduda si Zen kung ito nga ba ay isang tunay na Wolf Agent, "Ano ka ba talaga?"
"A—ano ako? Teka, si—sino ba ako? Sino ako? Ahrg!" Napahawak ang babaing Agent sa kaniyang ulunan na para bang nananakit ulit iyon hanggang sa matanaw ni Zen sa kabilang bahagi nila ang isang pang Wolf Agent base kasuotan nito, "Takbo!" aniya at hindi nagdalawang isip na hatakin ang kamay ng babaing wolf Agent na nagligtas sa kaniya at mabilis na tumakbo sa kabilang direksyon.
"Dali, bilisan natin, delikado tayo!" sigaw pa ni Zen habang binabaybay nila ang paliku-likong hallway. Hindi rin maintindihan ni Zen kung bakit nga ba niya isinasama sa pagtakas ang babaing Wolf Agent pero na sa ganoong sitwasyon na siya kaya ipapaubaya na lamang niya sa swerte ang pagtakas na gagawin nila.
Natigil naman sila sa kanilang pagtakbo nang huminto ang babaing Wolf Agent, walang nagawa si Zen kundi ang huminto rin dahil sa angking lakas nito na pagpigil sa kaniya, "Tigil, may paparating sa unahan natin, two meters away, isang scout ranger at isang Wolf Agent." Hindi alam ni Zen kung maniniwala siya sa sinasabi nito dahil wala naman siyang nakikita dahil sa paliku-liko ang daan ngunit nagulat siya ng ilang saglit lang ay may sumulpot na lamang sa unahan nila na dalawang lalaki, ang isa ay nakasuot ng uniporme ng isang Wolf Agent habang isa ay lalaking scout ranger naman, nagulat si Zen dahil mabilis na naibato ng Wolf Agent na kasama niya ang kutsilyo nito na nagpahinto naman sa paglapit sa kanila ng lalaking scout ranger, hindi pa doon natapos dahil agad na sinalubong ng suntok ng kasama niyang agent ang kapwa nito agent na palapit na sa kanila. Nagpalitan pa ng suntok ang dalawang agent, nasundan pa iyon ng paglabas ng lalaking Agent ng sarili nitong kutsilyo at nang makakuha ng pagkakataon ay mabilis itong isinaksak sa tagiliran ng babaing Agent, ngunit sadyang kakaiba ang lakas na mayroon ang babaing Agent dahil hindi nito ininda ang pagkakasaksak sa halip ay buong lakas nitong sinuntok ang lalaking Agent hanggang sa tuluyan itong bumagsak at mawalan ng malay.
"Ang galing..." bulong ni Zen sa sarili habang nakamasid lamang sa mga ito. Natauhan lang si Zen nang magsalita sa kaniya ang babaing Wolf Agent, "Papalapit na rin sa atin ang tinakasan natin kanina."
Ngunit sa halip na makinig ay inalala ni Zen ang kalagayan ng babaing Wolf Agent, "Ma—may sugat ka."
"Huwag mo itong alalahanin." Kusang hinugot ng babaing Agent ang kutsilyo sa kaniyang tagiliran na para bang balewala lamang iyon, "Kailangan na nating makaalis dito, tiyak na marami pa sila."
Tumango si Zen at mabilis na inalalayan ang babaing Agent, "Tama ka, may alam ako na makakatulong sa atin, kailangan lang ay mahanap natin sila." Matapos makontak ang mga taong tinutukoy niya ay sinubukan niya rin kontakin sina Eumee at Mordekail, ngunit si Mordekail lang ang nakausap niya at agad niya itong pinasundo sa mga taong alam niyang makakatulong sa kanila.
***
"Puwede ko bang malaman kung sino kayo?" alanganing tanong ni Mordekail habang nakasunod pa rin sa lalaking ni hindi nga niya kilala.
"Malalaman mo rin kapag nakarating na tayo doon, teka, kasamahan ka nina Zendrick hindi ba? May balita ka ba kung nagawa na niya ang trabaho niya?"
Ikinalito naman ito ni Mordekail, "Ha?" Ngunit hindi na niya nagawa pang linawin ang sinabi sa kaniya ng lalaki dahil huminto na sila sa kanilang paglalakad, "Nandito na tayo." Pinagmasdan ng mabuti ni Mordekail ang paligid, subalit ang tanging nakikita niya lang ay mga puting pader na nakapakibot sa kanila at dalawang sangay ng hallway sa magkabila at ang hallway na pinanggalingan nila kanina. Hindi maintindihan ni Mordekail kung ano ang ibig sabihin ng kasama niya na nandito na sila dahil wala naman talaga siyang nakikitang iba bukod sa bakante at malawak na daanan. "Dito?" pangungumpirma pa ni Mordekail.
"Oo, dito nga, nakikita mo iyon?" Itinuro ng lalaki ang isang cctv camera na nasa kasuluk-sulukan ng kinaroroonan nila. Agad namang nabahala si Mordekail ngunit na wala rin iyon matapos magsalita ang lalaki, "Huwag kang mag-alala, kakampi natin ang naka-monitor sa Cctv na iyan mula doon sa pinasukan natin hanggang sa kabilang dulo ng daan na ito. Sa tulong niya hindi tayo mapapansin ng mga henyo. Halika panoorin mo 'to." Tumingin ng direkta ang lalaki sa harap ng cctv at nagbigay saludo.
Sa kabilang bahagi naman kung saan direktang pumapasok ang actual footage na nasasagap ng camera na iyon ay nakaabang nga ang isang lalaki mula sa hanay ng mga nasa command center, siniguro muna ng lalaki na walang ibang nakamasid sa mga kilos niya habang nasa kaniyang working table. Nang makatiyak na wala naman ay may kung ano siyang in-encode sa kaniyang personal computer, kita niya sa kaniya monitoring ang kinaroroonan nina Mordekail ngunit agad niyang pinalitan at dinaya ang nilalaman ng screen, binura niya ang imahe ng dalawa sa screen. Sinundan niya ito ng pag-tap ng submit mula sa hologram keyboard niya. Matapos niyon ay panatag niyang ibinalik ang tingin sa paligid at nagmasid muli, nang makasiguro na walang nakapansin sa ginawa niya ay saka siya napangiti pahiwatig na nagawa na naman niya ang kaniyang trabaho ng walang nakakatuklas kahit sino.
Samantala, laking gulat ni Mordekail nang mula sa puting pader ay nagliwanag iyon ng asul na linya pahalang mula sa taas nito paibaba na para bang ini-scan ang kabuoan nito, "Ang pader na iyan ay likha lamang ng hologram projector, halika tignan mo." Inilapit siya ng lalaki sa pader at inakay ang kamay niya palapit sa tinutukoy nitong hologram na pader. Halos manlaki ang mga mata ni Mordekail nang tumagos lamang sa pader ang kamay niya. Totoo ngang likha lamang ng hologram ang imahe ng pader, "Halika na, mas ligtas tayo sa loob," aya sa kaniya ng lalaki pagkatapos ay lumakad na ito patagos sa kulay puting pader hanggang sa tuluyan na ngang mawala sa harapan niya ang lalaki. Kinakabahan man ngunit aminado si Mordekail na mas lamang pa rin sa kaniya ang excitement na makatuklas ng bago lalo na kung ano nga ba ang naghihintay sa kaniya sa kabila. Wala na siyang nagawa kundi sundan ang lalaki at tuluyan na nga siyang nilamon ng mapanlinlang na pader na iyon. Muling umilaw ng asul pahalang ang pader mula sa ibaba nito hanggang sa itaas, pagkatapos ay nanumbalik ang dati nitong hitsura na para bang isang matigas at matibay na haligi na nagbibigay ng hangganan sa kung sinumam ang makakakita rito.
***
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen2U.Com