Truyen2U.Net quay lại rồi đây! Các bạn truy cập Truyen2U.Com. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

It Knows We're Here (Tagalog Version)

Sa lahat siguro ng kababalaghan na naranasan ko, ito na sa tingin ko ang pinaka-matindi kasi hindi ako mag-isa nang mangyari ito. At hindi basta-basta ang mga kasama ko nun.

Mas maigi siguro na palitan ko 'yung mga pangalan ng tao sa kuento ko. Hindi ko rin puedeng banggitin ang pangalan ng kumpanya ko, pero ang clue: synonym ito ng "mundo".

Hanggang ngayon, doon ako nagtatrabaho bilang isang senior IT network at server engineer. Madalas akong ipinadadala sa mga malalayong lugar sa probinsya para mag-ayos ng mga cell site o data center.

Nangyari ito bandang 2nd week ng December 2016 sa Nueva Viscaya.

Pagkarating na pagkarating ko sa opisina, dinispatch ako kaagad para sa isang priority service call - severity 1, pinaka-malala sa mga alert. Ultimo CEO makakakuha ng text message kung naayos na ba 'yung problema o hinde. Napaka-importante kasi nung site, pati military naka-rely sa site na 'yun.

Pagkatapos ng briefing, kumuha na ko ng mga gamit at umalis na ako kagad papuntang Viscaya. Anim na oras ang biyahe ko papunta pa lang.

Binilinan ako na katagpuin 'yung mga mag-e-escort sa pinakamalapit na barangay dun sa site. Isang grupo ng 1st Scout Rangers. 'Yung cell site kasi, nasa lugar kung saan aktibo ang mga NPA. Sabi sa report, nagkaroon ng engkwentro sa lugar na 'yun nung umaga, kaya may mga na-damage na piyesa sa site.

May walong sundalong sumalubong sa 'kin. 'Yung leader nila, kababata ko - tawagin na lang natin siyang 1Lt. Ramirez. Ni-request pala niya na ako ang pumunta sa site, kasi alam niyang dun ako nagtatrabaho sa kumpanya namin. Inutusan niyang mga tao niya tumulong sa paglipat ng mga gamit ko sa truck nila. Bale lumubog na 'yung araw nung oras na 'yun.

Nagkukuwentuhan kami ni 1Lt. Ramirez habang papunta kami sa cell site. Sa kalagitnaan ng kuwentuhan namin, may rumadyo sa kanila. Hindi ko naintindihan 'yung saktong usapan, hindi naman kasi ako sundalo.

Bale, may isa palang humingi ng tulong sa isang lugar 'di-kalayuan sa cell site. Posibleng NPA daw, may hina-harass na isang bahay. Inakyat pa nga daw 'yung bubong, at nandoon pa hanggang noong mga oras na 'yun.

Gusto ni 1Lt. Ramirez na daanan saglit kasi isang tao lang naman ang kalaban. Kaya tinungo namin 'yung lugar nang nakapatay ang ilaw.

Sobrang dilim dito sa probinsya. Walang ka-ilaw-ilaw. Sabi nila kapag ganito ka-dilim, hindi puede mag-yosi kasi matutunton sila ng kalaban. Sa sobrang dilim, ganoon ka-liwanag ang baga ng sigarilyo.

Kabado ako, kasi hindi naman ako sundalo tapos kasama ako rito. Pero sabi ng ka-tropa ko, ayos lang daw na sumama ako para maranasan ko maging sundalo kahit isang gabi lang.

Itong ka-tropa ko, si 1Lt. Ramirez, madami nang pinagdaanang labanan. Karamihan nga hindi na nababalita. Mabilis gumalaw saka sabik sa labanan. Mapusok ba. Kahit noong mga bata pa kami ganyan na 'yan. Medyo me angas saka matindi ang kumpiyansa sa sarili. Me abilidad rin naman kasi. Ang alam ko nga nabigyan na ng medalya yan, 'di ko lang sugurado kung anung tawag saka kung bakit siya nabigyan.

"Wala naman tayong magagawa. Kasama talaga sa trabaho 'yan e," sabi niya na parang normal na lang sa kanya ang ganito.

Sa mga ganitong lugar kasi, kadalasan ang Army na rin ang pulis lalo na kung maraming mga gerilyang komunista o mga bandidong Muslim. Kapag Scout Rangers ang na-destino sa isang lugar, malamang malala ang lugar.

Kilala ang Scout Rangers sa buong mundo na magagaling na klase ng sundalo.

Lalo na kapag sinabing 1st Scout Ranger Regiment. Sa pagkakaalam ko, sila ang pinakamagaling. Kung magaling na ang Scouts, sila 'yung mas magaling pa dun. Ganoon ka-tindi itong mga ito.

Mga limang minuto lang, pumarada na kami. Kabado ako. Lintek na 'yan. Sila ang mahusay, hindi ako.

"'Pre, ano na? Didikit ka ba sa 'kin o iwanan ka na lang namin dito sa truck? Walang sisihan kapag nagpa-iwan ka at ma-kidnap ha. Hindi kita puede iwanan ng bodyguard. Kulang kami," sabi ni 1Lt. Ramirez

Puny**a. Hindi ako ga*o para magpa-iwan, ano. Eh ano pa nga bang magagawa ko kundi sumama, 'di ba.

Konti na lang maiihi na ko sa salawal ko. Engineer ako hindi sundalo. Gusto ko lang gawin trabaho ko nang maka-uwi na ko.

Yari ka talaga sa misis mo 'pag uwi mo, 'langhiya ka.

"O," sabi niya sabay-abot ng isang kargadong .9mm at dalawang extrang basyo. "Sanay ka naman diyan. Naka-safety pa, ha."

Sa isip-isip ko, hindi ako pinapasahod para mamaril ng komunista. Hindi nga kasama sa health card ko ang mga pilay sa pagbabasketball... paano pa kaya ang ma-baril?! Wala na 'kong magagawa. Didikit na lang ako sa ka-tropa ko kesa me ibang kumaladkad sa akin sa damuhan para ipatubos ako. Wala rin naman magbabayad ng ransom ko kung sakali.

Ang siste, 'yung anim sa kanila magpapares-pares tapos palilibutan 'yung bahay. Ako, si 1Lt. Ramirez at 'yung sniper niya si Pfc. Santiago, pupuwesto sa isang tangke ng tubig may 50-60 metro ang layo. Baka i-snipe na lang 'yung mokong na komunista sa bubong, habang naka-standby 'yung anim sa baba kung sakaling mag-mintis.

Simple lang ang plano.

Habang naglalakad kami papunta dun sa tangke ng tubig, tinapik ako ni Ramirez. "Masyado ka naman kabado, 'pre. Naka-itim ka naman kaya hindi ka makikita basta-basta. 10 minutes, tapos 'to. VIP kita eh, kaya nga si sarge pina-standby ko sa cell site at ako mismo sumundo sa 'yo."

Ibang klase rin palang maging VIP ah. Palaban.

Pero konti lang talaga sila, kulang na kulang sa tao kaya kelangan rumesponde ni Ramirez habang kaladkad ako.

Pagka-akyat namin, pumwesto na kagad si Pfc. Santiago. Tinabihan siya ni 1Lt. Ramirez, tapos sa likod nila ako yumuko.

Ayos na 'to. Kung magkaputukan man, malayo ako. Safe na safe. Saka itong dalawang ugok naman ang unang tatamaan bago ako... hehehe.

Akala ko ok lang ang lahat.

"Sir, silipin niyo," sabi bigla ni Pfc. Santiago.

Naglabas si 1Lt. Ramirez ng binoculars. Naka-night vision. Sinilip niya, sabay-baba ng scope. Hindi ko maaninag 'yung expression ng mukha niya sa dilim.

"Ta** *na... ano yun?!" sabi ni 1Lt. Ramirez.

Biglang inabot sa akin ni Ramirez 'yung scope. May tinuro siya, tapos sabi niya sa akin sabihin ko daw sa kanya kung anung makikita ko.

Nung una, akala ko may iba pang nakatagong NPA at mas marami sila. Nung makita ko reaksyon ng isang Scout na kagaya ni Ramirez, kinabahan ako.

Hindi ko inasahan 'yung makikita ko sa scope. Hanggang ngayon, tandang-tanda ko kung anung nakita ko. Sana hindi ko na lang kinuha 'yung scope na 'yun. Sana nga, NPA na lang ang nakita ko. Kaso hinde.

Kulay green 'yung image pagsilip ko. May nakatayo sa bubong nung bahay. May lalaking nakatayo sa bubong, walang pang-itaas at wala ring dalang baril. Hindi ko sigurado kung sobrang iksi lang ng buhok niya o kalbo siya. Naka-paa. Naka-maong pero sira-sira ang laylayan. Palagay ko maitim ang balat niya. Mukha talaga siyang ordinaryong tao sa unang tingin.

Napansin ko yung mga braso niya. Sobrang haba, lagpas-tuhod. Tapos 'yung mga galamay niya, ang haba rin. Halos sumayad na sa sahig. Ang dulo ng mga daliri niya, patulis... hindi ko alam kung kuko 'yun pero itsurang kuko eh.

Ang unang naisip ko nang makita ko 'yun, "Puny**a... hindi 'yan tao! Lintek!"

"Sir, gumagalaw siya," sabi ni Pfc. Santiago.

Ito talagang sumunod, hindi ko naisip na mangyayari ni sa sapintaha ko man lang.

Lumingon siya sa akin. Tinignan ako sa mata.

PU**** *NA, TINIGNAN NIYA KO.

Imposible akong magkamali. Lumingon, sakto sa direksyon ko kahit na sobrang layo namin. 'Yung mga mata niya, kulay puti... ka-kulay ng mata ng pusa kapag inilawan mo ng flashlight 'yung mga mata ng pusa.

Napa-atras talaga ako, paupo. Nahulog ko pa nga 'yung binoculars. Kung hindi ko sinuot 'yung strap, dire-direcho na 'yun sa lupa kasi lulusot sa grills na sahig nung tangke ng tubig.

Napatingin sa akin si Ramirez, naghihintay kung anung sasabihin ko.

Wala na kong ibang nasabi kundi, "PUNY**A, PRE! TINIGNAN NIYA KO! ALAM NIYANG NANDITO TAYO!!!"

Sabay-sabi si Pfc. Santiago ng, "Sir, orders!"

Sabi ng tropa ko, bigyan daw ng dalawa sa ulo 'yung kung-anuman-'yun. Tingin ko unang bitaw ni Pfc. Santiago, tumama. May bigla kasing umalingaw-ngaw na sigaw. Ewan ko kung sigaw ang puede kong itawag sa tunog na 'yun. Unang beses ko pa lang makarinig ng ganoong ingay. Parang pinaghalong boses ng malaking lalaking sumisigaw at hayop na nalagay sa alanganin o malapit nang mamatay. Ang hirap ipaliwanag eh. Pero sa lakas ng tunog na 'yun, sigurado lahat kami narinig 'yun.

Hindi na nagpaputok ulit si Pfc. Santiago. Hindi ko alam kung sinadya niya 'yun o nagulat rin siya.

Tapos me mga nagpapaputok na sa may direksyon nung bahay.

Pinababa na kami kagad ni 1Lt. Ramirez. Naunang bumaba si Pfc. Santiago, tapos ako, huli si 1Lt. Ramirez. Tumakbo kami patungo dun sa bahay.

Ta** *na, ang bibilis nilang magsi-takbo. Halos kaladkarin ako ni 1Lt. Ramirez para lang hindi ako maiwan. Pero sa totoo lang, puny**a, ayoko lumapit dun sa pu**** *nang bahay na 'yun, at mas lalo na dun sa pu**** *nang halimaw na 'yun. Hindi ako kasing-tapang nitong dalawang ungas na kasama ko. HINDI AKO SCOUT, MGA PUNY**A! Halos hindi ko na nga mapigilan ang pantog ko! Ihian ko kayo diyan, eh!

Pag lapit namin dun sa bahay, 'yung apat sa mga Scout may pinapaputukan pa doon sa may mga puno. Sa may harapan ng bahay, nakita namin 'yung isa sa mga tauhan ni Ramirez. May malaking sugat sa kaliwang braso. Nakasandal siya sa may pader habang nilalapatan siya ng isa pang sundalo na ka-buddy niya. Sa laki ng sugat, kumalat na 'yung dugo niya sa lupa.

Sabi nung nasugatang sundalo, may bigla daw tumalon sa ibabaw niya matapos magpakawala ng bala ni Pfc. Santiago. Hindi daw niya naaninag masyado kasi madilim, pero sabi niya sigurado siyang hindi tao 'yung umatake sa kanya. Kahit 'yung ka-buddy niya, 'yun din ang tingin... hindi daw tao 'yun.

Bumalik 'yung apat na sundalo, sabi hindi daw nila nahabol 'yung tumalon sa bubong.

Inalam ni Ramirez kung sino 'yung nakatira sa bahay. Ordinaryong mag-asawa. Medyo bata pa sila. Buntis si misis, mukhang malapit na ang kabuwanan. Nang may narinig silang naglalakad sa bubong, nag-text sila sa kakilala nila sa barangay. 'Yung barangay ang kumontak sa mga sundalo at nag-request ng patrol kasi akala nila, NPA 'yung nasa bubong.

Kaming tatlo - ako, si 1Lt. Ramirez at si Pfc. Santiago - nanahimik lang. Hindi namin sinabi kahit kanino kung ano talagang nakita namin, kahit dun sa mag-asawa. Ang sinabi na lang namin, may lalaki sa bubong nila na me dalang itak... baka nanakawan sila. Kilala naman ang NPA na nagnanakaw eh.

Dumirecho na kami sa cell site pagkatapos. Inayos ko kagad. Tuluy-tuloy lang ako gumawa buong gabi. Kahit pa makuha kong matulog muna, baka bisitahin lang ako nung halimaw na 'yun sa bangungot ko.

Itong sina 1Lt. Ramirez at Pfc. Santiago, pinangatawanan 'yung unang kuwento namin nung tanungin sila ng mga ka-baro nila tungkol dun sa engkwentro. Hindi nila binanggit 'yung itsura nung "magnanakaw" pati na rin 'yung "atungal ng hayop" na narinig namin.

Buong gabi, walang tulugan akong nagtrabaho. Nung ok na, maayos na lahat, hinatid ako ni 1Lt. Ramirez at nung mga tauhan niya puwera 'yung nasugatan pabalik sa nayon nung sumikat na ang araw.

Habang nililipat ng mga bata niya 'yung mga nasirang gamit galing sa cell site papunta sa kotse ko, nag-usap kami ni 1Lt. Ramirez. Para bang walang nangyari. Biru-biruan lang. Sabi niya, puede na raw ako magpalista sa army tutal nabuhay daw ako sa unang sabak ko. Alam ko na daw pakiramdam na maging sundalo kahit papaano.

Sinakyan ko lang. Kailangan ko makalimutan 'yung mala-bangungot na halimaw na 'yun eh.

Pero bago ako tuluyang maka-alis, sabi ni Ramirez sa akin, "'Pre. Si Santiago... ako... pare-pareho lang tayo ng nakita. Alam mo naman kung ano talaga 'yun, di ba?"

Hindi ako makasagot. Pero sa loob-loob ko, palagay ko pareho kami ng iniisip.

(Artwork NOT MINE; Artist: ATANBZ (https://atanbz.deviantart.com/art/Aswang-289221440)

Aswang... kuwento-kuwento at alamat; kinatatakutan nating lahat 'yan nung mga bata pa lang tayo. 'Yung itsura nung nilalang na 'yun, pati na rin 'yung tunog... wala ka na talagang ibang puede pang maisip eh.

Noong panahon ng mga Kastila, itong mga nilalang na ito dati raw tao na binasbasan ng mga babaylan para malabanan nila 'yung mga mananakop na nang-api sa kanila. Ginawa ng mga Kastila, pinahuli lahat ng mga babaylan at tinawag na mangkukulam. Nagpakalat rin sila ng balita na hindi lang mga Español ang inaatake, pati mga Pilipino. Para matakot ang lahat sa mga babaylan at mga aswang.

Ang sabi, kaya daw ng mga aswang magpalit ng anyo bilang tao o hayop, pero hindi nila ito kayang gayahin nang eksakto. Kung anyong-tao sila, itim ang balat nila at mahahaba ang mga biyas o galamay. Kung anyong-hayop naman, lagi itong itim at halos tatlong beses ang laki kaysa sa normal na hayop na ginagaya nito. Hindi nila kayang magsalita o gayahin ang tunog ng mga hayop. Ang kaya lang nila, umungol o sumigaw. Madalas silang kumain ng mga bagong-libing na tao o hayop, pero gusto rin nila kumain ng mga taong may malalang sakit o kaya naman mga nagdadalang-tao. Mga buntis... buntis na kagaya nung babaeng nakatira doon sa bahay na iyon.

Ang mga naging aswang na, hindi na puedeng maging tao pang muli. Namamana ito, at kahit pa makagat o masugatan ka nila hindi ka magiging ka-uri nila. Pero sigurado, malala ang sugat mo na puede mong ikamatay.

Totoo ang lahat ng ito, kung maniniwala ka sa mga alamat at kuwento.

Hindi na ko nabalik pa sa ngayon doon sa lugar na 'yon. Sina Ramirez naman, pinadala sa Maguindanao noong sumalakay ang mga Isis.

Bago ko ito isinulat, kinausap ko siya tungkol sa gabing iyon. Hindi ko kasi maisip na ang isang sundalo, Scout, na kagaya niya maniniwala sa mga ganitong bagay. Kahit ako nga, hindi ko makuhang maniwala sa mga sinulat ko. Pero kahit anung gawin ko, wala akong paliwanag sa kung anuman ang nakita namin noong gabing iyon, bukod sa alamat ng aswang na ipinasa pa sa atin ng mga ninuno natin.

"'Pre, 'di ba sinabi ko na? Alam natin kung anung nakita natin," sabi sa akin ni Ramirez noong pumunta ako sa bahay nila noong nakaraang linggo lang. "Basta, sinusunod ko kung anong nakikita ko. Sa trabaho ko, wala na akong oras na magduda kung anung nasa harapan ko."

Sa totoo lang, hindi ko alam kung malalaman ko kung anung totoo. Pero puny**a, sa isang banda parang ayoko na rin malaman pa.

:::::
If you liked this chapter, HIT THE VOTE BUTTON! It helps every Wattpad creator whenever you do so!
:::::

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen2U.Com