Sa Aklatan
SA AKLATAN
Morning shift ang kinuha nilang schedule pero dahil maagang nag-dismiss ay may mahabang oras pa silang dalawa na mamalagi sa unibersidad o gumala. Nagyayang gumala si Neri, sumang-ayon naman si Shiena dahil na-miss niyang gumala sa Kamaynilaan, ilang taon na rin kasi siyang hindi nakapupunta rito. "Kung bakit naman kasi napakalayo ng Davao, e!" lagi niyang reklamo sa sarili sa tuwing nakikita niyang may concerts ang kaniyang mga paboritong singers tulad nina Jessie J at Beyonce at sa tuwing nakikita niyang may book signing sina Lang Leav, John Green at Gayle Forman na ilan lamang sa mga paborito niyang manunulat.
Kaya naman laking tuwa niya nang sinabi ng kaniyang mga magulang na sa Maynila na siya magkokolehiyo. Mabuti na lamang at nakahanap sila ng sponsor niya kaya naman halos wala ng poproblemahin sa gastos sa pag-aaral ang kaniyang mga magulang. Napakalaking tulong nga talaga ng tiyahin niyang nasa Amerika.
Palabas na sana sila nang may tumawag kay Neri. Huminto muna sila sa paglalakad at agad na sinagot ni Neri ang tawag.
"Hello?" bungad na sabi nito. Nanlaki ang kaniyang mga mata.
"Opo, pupunta na ako riyan!" sabay patay ng tawag at Nakita ni Shiena sa mukha nito ang pagka-aligaga. Nagbutil-butil din ang pawis sa kaniyang noo.
"Anong mayroon? Ano problema?" tanong ni Shiena.
"Ah, ano kasi. Uhm, nandito si Papa." May kung ano sa pagkakasabi niyang iyon na medyo nagpabahala kay Shiena.
"O, Papa mo naman iyon, e."
Napatingin si Neri sa ibaba at nagkuyom ang kaniyang kamao.
"Hindi ko siya papa," matigas na pagkakasabi nito at nagpaalam nang mauuna.
"S-sige pala, bukas na lang tayo gumala," turan ni Shiena at agad na lumabas si Neri sa unibersidad. Susundan pa sana siya ni Shiena pero napatigil ito at tinignan na lamang ang paliit na kaibigan hanggang sa maglaho ito sa kaniyang paningin.
Tinignan niya ang kaniyang relo at nakitang ala-una palang ng hapon. Tinatamad pa siyang umuwi dahil wala naman siyang ibang gagawin sa kaniyang apartment. Naisin man niyang gumala na lang mag-isa ay hindi naman niya kaya dahil baka maligaw lamang siya. Mabuti na nga lamang ay saulado na niya ang daan papauwi, e.
Napagpasyahan na lamang niyang magtungo sa aklatan. Tinanong niya ang guwardiya sa may gate ng kanilang unibersidad nang malaman ang direksyon ay agad siyang nagtungo roon.
Pagkapasok pa lamang niya sa loob ng aklatan ay dinama na niya agad ang katahimikan at sinimot-simot ang amoy ng mga luma at bagong librong umaalingasaw sa buong silid-aklatan.
Nagtungo siya sa pinakadulong upuan, doon sa may sulok ng aklatan, at inilabas ang librong nasa kaniyang bag. Binuksan niya ang pahinang may book mark at nagsimulang magbasa.
Halos patapos na siya sa pagbabasa ng may humablot ng libro. Nagulat siya at napatingin sa likuran.
"Marco," seryosong saad niya. Ngumiti ang lalaki at tumabi sa kaniya. Pilit na lumayo si Shiena pero siniksik ng lalaki ang sarili hanggang sa magdikit ang kanilang mga braso.
"Akin na iyong libro," matapang na utos niya. Ang ayaw pa naman ni Shiena ay iyong may gumugulo sa kaniya sa pagbabasa lalo na't patapos na siya.
"Bakit niyo pala ako pinag-uusapan kanina?" Parang nakidlatan si Shiena sa untag ni Marco, nagsimulan manuyo ang kaniyang lalamunan at umurong ang dila niyang kay tapang kanina.
Napatingin siya sa mga mata ng lalaki, kumindat ito sa kaniya kaya naman napayuko siya.
"A-akin na i-iyong li-libro," utal-utal niyang sabi habang nakayuko.
"O, bakit nauutal ka na riyan? Parang kanina lang ang siga mong magsalita, ha," tukso sa kaniya ni Marco. Alam ni Shiena na umakyat na ang lahat ng kaniyang dugo sa ulo dahil dama niyang uminit ang kaniyang mukha. Alam din niyang nangangamatis na siya sa pagkapula.
"Tignan mo pala ako," mapanuksong utos ni Marco sa kaniya. Umiling siya at inilahad ang kamay na parang namamalimos.
"Iyong l-libro," pagsusumamo niya.
"Angat mo pala ulo mo," ani Marco at hinawakan ang baba ni Shiena upang maingat ang ulo nito.
Tipid na ngumiti si Shiena dahil hiyang-hiya na siya sa mga nangyayari. "Diyos ko naman, first day na first day hiyang-hiya na ako sa lahat," sabi niya sa sarili. Ngumisi lamang si Marco nang makita ang namumula niyang mga pisngi.
"Ang init, 'no? Kahit naka-aircon ang library," panunukso pa ng binata kung kaya naman ay mas lalong namula si Shiena.
"Uh, iyong libro ko?" Pinilit ni Shiena na magtunog normal lang para di mahalata ni Marco ang nahihiya niyang sarili rito. Ngumiti ang binata sa kaniya at binuklat ang libro nang biglang may nalaglag dito. Agad na pinulot ni Marco ang bagay na iyon, gayundin si Shiena. Napahawak sila sa kamay ng bawat isa at nagkatitigan.
Hinablot agad ni Shiena ang nalaglag na bagay sa kamay ni Marco at umayos ng upo.
"Ano 'yan?" untag ni Marco.
Inilahad ni Shiena ang kaniyang kamay at ipinakita rito ang bookmark.
Isang book mark na kulay kahoy at may nakasulat na quotation sa paraang calligraphy.
"Believe in love," pagbasa ni Marco sa nasabing quotation.
Ngumiti nang tipid si Shiena at agad na kinuha ang libro sa kaniya. Nabigla si Marco kaya agad na tumakbo palabas ng aklatan si Shiena. Iiling-iling lamang siyang pinagmasdan ni Marco at hindi na nag-abala pang habulin ang dalaga.
"Kahit takbuhan mo man ako,hinding-hindi ka makakatakas sa akin," pilyong pagkakasabi nito sa sarili.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen2U.Com