Sa Unibersidad
SA UNIBERSIDAD
Umaalingawngaw sa buong paligid ang malakas na tunog ng bell na nagbibigay-hudyat sa lahat ng mga mag-aaral na magtipon sa quadrangle. Lakad-takbo na ang ginawa ni Shiena para lamang makaabot. Hindi na niya alintana kung may makabunggo man siya o matapakan ng paa. Ang importante sa kaniya sa mga oras na iyon ay makita ang kaniyang kaibigang si Neri.
Unang araw niya ngayon sa unibersidad, mabuti na lamang ay nalaman niyang dito rin papasok si Neri kaya naman kahit paano'y naging panatag ang kaniyang kalooban. At least may makakasama ako rito, parati niyang sambit sa sarili.
Luminga-linga siya sa paligid, tunay ngang malaki ang quadrangle ng kanilang unibersidad. "Paano ko naman kaya makikita si Neri rito?" untag niya sa kaniyang sarili. Hanggang sa may makita siyang babaeng may katangkaran, medyo payat at kumakaway-kaway. Tumingin siya sa kaniyang likuran pero mga propesor na pala ang kaniyang kasunod. Tinuro niya ang kaniyang sarili at tumango-tango ang babae. Lumapit siya rito at namangha.
"Neri!?" hindi makapaniwalang sambit niya sa babae.
"Well," tugon nito at itinaas ang kaniyang kanang kilay.
"Oh, my! Ikaw na ba iyan!?"
"Hindi, picture ko lang 'to," sarkastikong tugon niya.
"Ang laki na ng pinagbago mo, ha," puri ni Shiena.
"Ganoon talaga ang nagagawa ng Maynila. Hahaha!"
"Marahil nga, grabe Neri!"
"Haha, ewan ko nga sa iyo, Shiena. Manghang-mangha ka riyan. Tara na nga sa quadrangle."
Ilang buwan lang naman ang lumipas pero nagmukhang higit sa isang dekada dahil sa labis na naging pagbabago kay Neri. Noon kasi sa kanilang probinsya, kilala si Neri bilang isang nerd at mataba. Tanging si Shiena lamang ang nakakausap nito noon dahil magkapitbahay sila at tunay na magkaibigan. Nang matapos ang graduation ceremony nila noong hayskul, agad na nagtungo ang pamilya nina Neri sa Maynila sapagkat nagkaroon ng malaking offer ang ama nito sa isang kompanya. Napagkasunduan ng dalawa na magkikita silang muli sa Maynila at mag-aaral sa iisang unibersidad.
Nagkatotoo na nga ngayon ang kasunduan ng dalawa. Matapos ng ilang baliktaktakan nila sa telepono, kapwa sila nagulat nang malamang mag-aaral sila sa iisang unibersidad sa Maynila at kukuha rin ng parehong kurso! Kaya naman noong lumuwas si Shiena sa Maynila, agad siyang nag-text sa kaibigan at sinabi ang address ng kaniyang apartment. Napagkasunduan din nilang magkita sa quadrangle ng nasabing unibersidad.
"Good morning dear students!" bungad ng dean ng unibersidad. Pinukulan siya ng atensyon ng lahat ng mag-aaral na nasa quadrangle pati na rin ng mga propesor. Nagbigay siya ng ilang anunsyo't mensahe para sa lahat.
"Good luck and God bless us all on this first day of our class," pagtatapos nito.
Bulto-bultong tao ang nagsi-alis mula sa quadrangle. Hinigit ni Neri ang kanang braso ni Shiena.
"Pasok na tayo!" excited na aya nito.
"Excited na excited?" panunukso ni Shiena sa kaniya.
"Siyempre naman! Marami raw guwapo sa department natin, e!"
"Diyos ko naman, Neri! Hindi ka pa rin pala talaga tuluyang nagbabago. Maharot ka pa rin, e, 'no?"
"Ano ka ba naman, Shiena! Once a maharot, always a maharot! Saka paano mo e-enjoy-in ang college life kung wala man lang mga inspirations," depensa ni Neri sa sarili. Napatawa na lamang si Shiena sa inaakto ng kaibigan. Iiling-iling siyang sumunod sa kung saan man siya pinagdadala ni Neri.
"Heto ang department building natin," turo ni Neri sa tatlong palapag na puting gusali.
"Aba, mukhang alam mo na ang pasikot-sikot sa buong lugar, ha. Iyong totoo? Ginala mo na ito noon, 'no?"
"Grabe ka naman sa ginala, hindi ba puwedeng inalam ko lang para aware ako?"
"Oo na lang, sige na Neri. Lumusot naman na, okay na?"
Nagtawanan silang dalawa habang papasok sa gusali.
"Nandito lang ang room natin para sa unang unit natin. Room 170." Magkasabay na naglalakad ang dalawa at tinitignan ang room numbers na nakadikit sa bawat pinto.
"Heto, 170!" sambit ni Shiena. Agad siyang hinila ni Neri sa loob.
Pagkapasok, namataan nila ang mga ka-block mates na may kani-kaniyang grupo. Mayroong mga babaeng nakapaikot ang mga upuan at kani-kaniya ang pagpindot sa mga hawak nilang smartphones at tablets. Mayroon namang mga lalaking nasa dulo ng silid na iyon at abala magtono ng kani-kanilang mga gitara.
"Parang ang ta-talented naman ng mga ka-block mates natin," mahinang wika ni Shiena kay Neri habang papaupo sila sa ikalawang row.
"Talented din naman tayo, a!" tugon ni Neri. Tipid na ngumiti si Shiena at iginala ang mga mata sa buong silid. Medyo malaki iyon para sa kanilang block na halos dalawampu lamang ang bilang.
"Bakit nga pala Education ang kinurso mo?" biglaang tanong ni Neri sa kaniya kung kaya naman ay nabaling ang atensyon niyang kumakalat-kalat sa silid sa tanong ng kaibigan.
"Masaya kayang magturo, saka alam mo namang ito na ang pangarap ko noon pa man," makabuluhang tugon niya. Namilog ang mga mata ni Neri sa isinagot ng kaibigan.
"Naks naman, ang taray naman ng sagot. Pang-Miss Universe," mapanlokong sabi nito.
"E, ikaw ba? Bakit Education?"
"Wala lang, gusto ni Mama, e. Saka gusto kong maranasan ang trabaho niya, e."
Tumango-tango lamang si Shiena at itinuloy ang naudlot na pag-o-obserba sa mga ka-block mates niya. May ilan siyang nakatitigan at nakangitian. Mukha naman silang mababait, pagsasabi niya sa kaniyang sarili.
Dagling umayos ang mga ka-block mates niya nang biglang pumasok ang kanilang propesor. Tinago ng mga mga babae ang kani-kanilang gadyets samantalang itinabi naman sa sulok ng mga lalaki ang mga gitara. Pinagmasdan silang lahat ng propesor habang isa-isang inilapag ang kaniyang dalang malaking bag.
"Welcome mga freshies," sambit nito at nagulat silang lahat. Ang propesor na matikas ang tindig ay ganoon pala ang pananalita.
"I'm shookt!" mahinang sabi ni Neri kay Shiena at kapwa sila mahinang napahagikgik.
"Gaga ka talaga, baka marinig tayo ni Sir," mahinang bulong ni Shiena. Pinilit ni Neri na huminto kakatawa kaya naman kapansin-pansing namula ito.
Akala ni Shiena sa high school lang iyong kapag first day ay puro vacant pero nagkamali siya sapagkat dalawang professor lamang ang pumasok sa kanila ng umaga iyon at puro pakilala lamang ang nangyari. Alas-onse na ng umaga nang mag-dismiss sila kaya naman napagpasyahan nila ni Neri na tumambay muna sa cafeteria.
"Alam mo bang marami raw guwapo rito kapag mga ganitong oras. Lunch time na rin kasi, haha!" mahinang sambit nito na parang bulateng inasnan. Halos matanggal na nga ang ulo nito kakaikot dahil linga siya nang linga sa paligid para makahanap ng guwapo. Sa tuwing makakakita siya, agad niyang kakalabitin si Shiena at ipapaling nito ang ulo ng kaibigan sa kinaroroonan ng lalaki.
"Dali, tignan mo iyon kasi!" pamimilit ni Neri kay Shiena na abalang magbasa ng isang nobela.
"Tigilan mo na nga iyan, Neri. Busy ako," sabi niya habang nakadikit pa rin ang mga mata sa binabasa.
Napanguso ang kaibigan niya at sinamaan siya ng tingin. Naradaman ni Shiena na medyo umiba ang atmospera nilang dalawa kaya naman iniangat niya ang ulo at nakita ang tingin ng kaibigan. Napabuntong-hininga siya.
"Saan ba?" mahinahong tanong nito. Tinuro ni Neri ang lalaki na nasa likuran lang pala ni Shiena. Lumaki ang mga mata ni Shiena nang malaman ito.
"Loka-loka ka talaga, nasa likuran ko lang pala," mahinang sambit niya at agad na bumalik sa pagbabasa.
"Wala kasi talaga siya sa likuran mo kanina, agad siyang lumipat nang makita niya akong pinipilit kang tignan siya," mahinang tugon ni Neri. Bahagyang namula si Shiena sa iwinika nito at mas nagpakasubsob sa pagbabasa.
"Hindi mo ba siya kilala?" tanong ni Neri at sumipsip ng iced tea.
"Hindi," tipid na sambit ni Shiena.
"Tao ka ba talaga, Shiena!? Uso naman sa iyo ang Facebook, di ba?" mapanlokong sabi ni Neri. Isinara ni Shiena iyong nobelang binabasa niya at hinila ang kaibigan papalapit sa kaniya.
"Alam mo ang ingay mo, nasa likuran ko lang siya, o. Napaka-hindi halata na pinag-uusapan natin siya, di ba?" sarkastikong ani ni Shiena.
"Oo na, sabi ko nga hihinaan ko na lang ang pagsasalita ko," sabi ni Neri nang umayos ito ng pagkakaupo.
Magsasalita na sana ulit si Neri nang biglang tumayo ang lalaki at pinuntahan sila. Inilahad nito ang kaniyang kamay kay Shiena.
"Marco," sabi niya. Sa bigla at hiya, hindi nakapagsalita si Shiena at tinanggap na lang ang pakikipag-kamay ni Marco. Ngumiti si Marco sa dalaga at umalis.
"And what was that!?" malakas na pagsambit ni Neri nang makalayo si Marco.
"Ikaw kasi, e!" paninisi si Shiena. Dama ng dalaga ang lakas ng tibok ng kaniyang puso dahil sa nangyari. Hindi niya matimbang kung anong emosyon ang bumalot sa kaniya kanina, hiya o gulat lamang ang naiisip niya.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen2U.Com