17
"Oh, anong ginagawa mo dito?" bungad ko kay Enro nang makita kong nasa labas siya ng k'warto. Nakaupo siya sa salas at seryosong-seryoso na naman ang tingin sa akin. Mukhang napapasarap na siya dito sa bahay ah?
"Tara," matipid na tugon niya.
"Saan na naman? Akala ko pupunta ka na ng Matingain?" kungwaring naiinis kong tugon pero sa totoo lang ay gustong-gusto ko nang um-oo agad kahit hindi ko pa alam kung saan kami pupunta.
"Basta." Tumayo na siya at nagsimulang maglakad palabas. Nakita kong nakapark ang motor niya sa harap ng bahay.
"Liligo muna ako hoy!" sigaw ko na nagbabaka-sakaling iintayin niya ako. Ngunit narinig kong ini-start niya na ang makina ng motor at mukhang paalis na talaga siya.
"Tanghali na hindi ka pa nakakaligo," narinig kong sabi n'ya.
Walang'ya talaga 'to, oo!
Nagmadali na lang akong magbihis kahit nalalasahan ko pa sa bibig ko ang ulam ko kagabi. Bahala siya kung maamoy niya man ang hininga ko. Hindi man lang n'ya ako binigyan ng chance na makapag-toothbrush man lang.
Suot ang pantalon at loose shirt, lumabas ako ng bahay nang walang ligo o wisik man lang para kay Enro. Inayos ko ang bangs ko ngunit wala rin namang kwenta ito dahil isinuot niya agad ang extra helmet niya sa ulo ko.
Bigla ko rin tuloy naisip kung ginagamit din ba ito ng Kate noon. Panghalili lang ba ako dahil wala siya?
"Ginagamit din ba ito ni Kate dati?" Hindi ko napigilang itanong sa kan'ya.
"Hindi. Hindi siya sumasakay sa motor." Tugon niya at pinaandar na ang motor.
"Eh bakit ka may extra helmet?"
"Chismosa," sabi niya.
Kung ihulog ko kaya 'to ngayon? Kaso siya ang nagmamaneho.
Saan na naman kaya ako dadalhin nito?
Humawak na lang ako sa baywang niya at hinayaan na lamang kung saan man niya ako dalhin. Naisip ko, ito na ba ang huling beses na makakasama ko siya, na makaka-angkas ako sa motor na ito? 'Wag naman sana.
Maya-maya pa'y tumigil na nga ang sinasakyan namin sa harap ng isang restaurant.
"Kakain tayo?" tanong ko naman agad pagkaalis ng helmet.
"Hindi, tutulog."
Ang pilosopo mo for today ha.
"Anong meron?"
"Aalis na ako bukas," inabot niya ang helmet ko. "Naisip ko na pasalamatan ka sa pamamagitan nito."
Si Enro lang ang kilala kong nagpapasalamat na parang may sama pa rin ng loob. Pero kahit na ganon, tuwang-tuwa pa rin ako sa sinabi niya. Buti naman at naisip niya akong pasalamatan. Akala ko lalayasan niya lang ako bigla e.
"Ito naman oh! Pinapakilig mo naman ako as a friend e!" pagbibiro ko. "Tara!"
Pumasok na nga kami sa loob. Gotohan pala ito. Ganito pala mga trip ni Enro. Ang sakit lang isipin na kung kailan mas nakikilala ko pa s'ya, mukhang ito na ang huli naming pagsasama.
"Hindi mo ba ako isasama bukas?" tanong ko naman agad pagkaupo namin.
"Delikado," tugon niya habang pumipili sa menu na nakapatong sa table. "Hindi natin alam kung anong nag-aabang sa'tin."
"Sa dami na ng pinagdaanan natin, sa huli pa ba kita iiwan?" nakangiting tugon ko, ngunit may halong pait.
Tumunghay siya at tumingin nang diretsahan sa aking mga mata.
Nakakatunaw. Nakalulula. Nakakakaba.
"Ayoko nang madamay ka."
Tumango na lang ako at inayos ang aking upo. Gusto kong sumama sa kaniya, ngunit ayoko namang suwayin siya dahil iniisip niya lang din ang kapakanan ko.
Umorder na kami. Parehas goto with egg na may kasamang sinangag. Nilibre niya rin ako ng softdrinks.
"Masaya ako para sa'yo, Enro. Makikita mo na siya," wika ko.
Ngumiti siya, 'yong ngiting totoo.
"Masaya rin ako na nakilala kita."
Parang tinusok ng kung ano ang puso ko. Masakit sa umpisa, ngunit guminhawa ito nang nahabol ko ang aking hininga.
Bakit parang nagpapa-alam ka na?
"Hoy, babalik ka ha! Babalik ka nang kasama siya," usal ko.
Tumango siya at inabutan ako nang kutsara't tinidor.
"Masakit pa ba?" biglang tanong niya. "Ang pagkawala ng papa mo?"
Hindi ko inaasahan ang tanong na iyon mula sa kan'ya at sa ganitong pagkakataon.
"Patawad," dagdag niya.
"Wala kang kasalanan. Nawalan ka rin, Enro."
"Nakakatakot ang tadhana, ngunit iba rin ang saya na maibibigay nito kung tama."
Tumango naman ako habang tinitimpla ang kalamansi at sili sa isang maliit na mangkok.
"Sa mga magagandang nangyari sa atin, salamat sa tadhana." Salamat sa tadhana at nakasama kita, salamat at pinasulyap sa akin kung sino nga ba si Enro, salamat at minahal kita, kahit ako lang mag-isa at mukhang hanggang dito nga lang. Babalik ka na ulit sa taong mahal mo.
Dumating na ang order namin at nagsimula na kaming kumain. Nakiliti ang dila ko nang unang beses kong tinikman ang sabaw ng goto. Napakasarap! Nilagyan ko pa ito ng kalamansing may sili. Inabot ko rin kay Enro ang mangkok at nilagyan n'ya rin ang kan'ya. Masaya ko siyang pinagmasdan hanggang tuluyan naming maubos ang napakasarap na tanghalian.
Sana maging masaya ka na ulit, Enro.
Naglakad na kami papalabas. Umangkas na ulit ako sa motor niya at handa nang harapin ang bukas na wala nang susulpot na Enro sa salas ng bahay namin. Sinimulan niya nang ii-start ang makita, ngunit ayaw gumana nito.
"Anong nangyari?" tanong ko.
"Ayaw mag-start." Sinubukan niya ulit ngunit ayaw talaga.
Bumaba ako sa motor at nagtanong sa may ari ng gotohan kung may alam ba siyang malapit na pagawaan. Itinuro niya ito sa amin. Buti at malapit lamang kaya tinulungan ko si Enrong akayin ang motor n'ya.
"Kaya kong ayusin ito," sabi nang mekaniko nang makita niya ang sira sa motor "ngunit matatagalan nang kaunti."
Tumango naman si Enro. "May alam ba kayong p'weng puntahan pampalipas ng oras?" tanong niya sa lalaking kausap niya.
"Ah, motel ba?" tugon nito.
Mabilis naman akong napailing kasabay ang pagkumpas ng aking mga kamay. Naramdaman ko agad ang pag-iinit ng aking mukha.
"Hindi, manong!" usal ko. "Mga park lang, gano'n."
Narinig ko naman ang mahinang tawa ni Enro kasabay ng halakhak ni manong.
"Ay akala ko ay motel e!" Inulit pa e. "Doon sa kabilang kanto, may parke," nakangiting sabi niya.
"Sige po. Salamat!" Mabilis akong naglakad palayo ng mechanic shop at sumunod naman sa akin si Enro.
Malayo-layo rin ang nilakad namin para makarating sa sinasabing parke ni manong. Laking tuwa ko naman nang makita kong may playground din pala dito. May tatlong slides na iba-iba ang kulay. Katabi nito ang dalawang magkatabing swings. May see-saw rin; isang malaki at isang pang-bata. May mga monkey bars din at ibang outdoor exercise equipment.
Tumakbo ako pumunta sa isang swing at umupo agad dito.
"Weee," sabi ko habang nagduduyan.
Nagulat na lang ako nang umupo rin si Enro sa katabing swing.
"Salamat sa pagsama sa akin ngayon," sabi niya habang nagduduyan din.
"Libre mo e!" biro ko. Ikaw pa ba? S'yempre sasama't sasama ako. "Nabusog ako, salamat."
Ngumiti siya at tumuloy ulit sa pagduduyan.
Nang nagsawa akong magduyan ay pinilit ko siyang mag-see-saw. Hirap na hirap ako sa paghila sa kan'ya ngunit napaupo ko rin naman siya sa kabilang dulo.
Hindi naman ako makaupo sa kabila dahil naka-angat ito. Bahagya siyang tumawa at inayos ang kan'yang pag-upo para bumaba ito at makaupo rin ako.
Hindi ko narealize na ang awkward palang mag-see-saw kasama ang masungit mong crush kasi yung seryosong mukha n'ya lang ang makikita mo. Gusto ko na sanang bumaba ngunit binilisan niya ang pag-taas-baba. Napahigpit tuloy ako ng hawak sa hawakan habang nakapikit nang mariin.
Ang lakas na naman ng trip nito.
Medyo nahihilo na ako nang maisipan niyang tumigil. Nakita ko rin na ngumisi niya ngunit agad niya itong binawi nang makita niyang mulat na pala ako.
Napalitan ang pagkailang ko ng pakiramdam ng paghihiganti. Babawian kita tamo.
Pinilit kong itaas baba din ang see-saw ngunit hindi ko siya kaya. Pinipigilan niyang tumawa ngunit napahalakhak na siya.
Napatawa na lang din ako sa ginagawa namin.
Parang panaginip, parang hindi totoo. Ito na naman ako sa sana hindi na matapos ito.
Nang masubukan namin lahat dito sa palaruan ay naisipan kong magyayang magmeryenda.
Agad naman kaming pumunta sa magfi-fishball na nadaanan namin kanina. Nilibre ulit ako ni Enro. Sobra-sobra ata ang blessings ko ngayon a?
"Gusto mo ba si Ken?" Muntik na akong mabulunan ng fishball sa tanong niyang iyon.
"Bakit mo naman naitanong?" sabi ko habang nagpupunas ng bibig.
"Makipagkaibigan ka pa sa iba mong kaklase," tugon niya.
"Bakit naman?"
"Mas masaya."
Hindi na ako sumagot pa at sinulit na ang panglilibre niya ng fishball. Naka-jackpot ako sa mood ni Enro ngayong araw kaya hindi ko na sasayangin pa.
Malungad-lungad na ako ng fishball sa dami na ng aking nakain kaya napagkasunduan na naming bumalik sa mekaniko. Buti na lamang pagbalik namin ay gawa na nga ang motor ni Enro.
Sumakay na siya at binayaran si manong. Umangkas na rin ako.
Pakiramdam ko ay ginawa itong araw na ito para sa aming dalawa, pero siguro sa para sa kan'ya ang araw na ito ay para mamaalam sa akin.
Inabot na kami ng dilim sa daan. Ito na naman ako at naka-angkas sa motor ni Enro. Isang gabi na naman na kasama siya. Biglang nagsimulang umambon at naramdaman ko ang unti-unting paglamig ng paligid. Hinayaan ko na lamang na mabasa ako kasama siya. Pumikit na lamang ako hanggang sa hindi ko na namalayan na nasa tapat na pala kami ng bahay.
Bumaba ako at hinubad ang helmet. Inabot ko naman agad ito sa kan'ya.
"Mag-ingat ka."
Nagsimula nang bumuhos ang malakas na ulan.
Ngumiti siya, "sa'yo na 'yan."
Sinabayan ng malakas na kalabog ng puso ko ang kulog at kidlat.
Hindi na ako nakasagot pa dahil umalis na agad siya. Wala na akong nagawa kungdi pagmasdan na lamang na tuluyang maglaho ang kan'yang imahe sa dilim ng gabi at hamog.
At kasabay ng malakas na pagpatak ng ulan ang pagdaloy ng mga luha ko.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen2U.Com