Kabanata II
Ang Natatatanging Tinga
Lulan ng spaceshift Uvula na mula sa Planetang Earth ang grupo ng mga astronaut na pinamumunuan ni Astronaut Jap Ledesma. Napadpad sila sa Minty Breath Galaxy upang ipagpatuloy ang kanilang pananaliksik sa kalawakan.
"Parang may mali?" tanong ng isang crew na si Astronaut Juan Dela Cruz sa sarili na hindi mapakali. "Ang kati ng ngipin at gilagid ko."
Para maginhawahan ang pakiramdam, ibunuka niya ang kanyang bibig at ipinasok doon ang kanyang kanang hintuturo at hinlalaking daliri upang kapain ang parte na sa palagay niya ay nangangati. At mula sa may ibabang wisdom tooth sa kaliwang bahagi ng kanyang bibig ay nakutkot niya ang isang tinga.
"Kadiri!" Tila nilamukos na papel ang naging ekspresyon ng mukha ng astronaut na napatanong na naman sa kanyang sarili habang pinagmamasdan ang hibla ng karne ng baka na lumulutang sa ere dala ng kawalan ng gravity sa outer space. "Kailan pa ba ako kumain ng corned beef?"
Napakamot siya ng batok habang nag-aapuhap sa kanyang memorya ng kasagutan. At nang kanya nang napagtanto ang sagot kusa itong bumulalas sa kanyang bibig. "Noon pa yatang nasa Earth kami! Edi may isang buwan na ito rito?" Ginulo niya ang kanyang buhok sa pagkadismaya sa sarili dahil sa hindi pagiging malinis sa kanyang katawan. "Buti na lang nandito na ako sa outer space kaya siguro hindi ito nabulok."
Sa takot na makita ng kanyang mga kasama ang bagay na pinagmumulan niya ng pagkairita, kinuha niya iyon saka itinapon sa wet trash bag. At mula sa mid deck ng space shuttle dinala papunta sa lower deck ang wet trash bag para tuyuin sa evaporator machine ang mga laman n'ong basang basura. Kasamang nag-evaporate ng mga moisture sa basura ang tinga na dumaan sa tubo bilang steam palabas ng vent door ng space shuttle.
Nagpalutang-lutang ang tinga sa kalawakan hanggang mapadpad sa solar system na nasa Minty Breath Galaxy. Tinutumbok nito ang Planetang Ngangabu hanggang sa pumakat sa Tonsil Stone Satellite ng naturang planeta. Dahil sa cosmic radiation at sa negatibong energy na nasa Tonsil stone ay nagkaroon ng mutation ang tinga-tinubuan ito ng mukha! Kasabay ng pagdilat ng nanlilisik ng mga pulang mata nito ay ang pagtubo ng mahahabang hibla ng karne na nagsilbing buhok sa anit ng ulo nito. Ngumiti muna ito na labas ang matatalim na ngipin saka naglabas ng kanyang saloobin. "Matitikman ninyo ang batas ng isang api! Bukas luluhod ang mga tala! I am the now queen of the world-the universe rather! Ahahahahahahahahahahaha! Ahahahahahahahahahahaha! Ahahahahahahahahahahaha!"
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen2U.Com