Truyen2U.Net quay lại rồi đây! Các bạn truy cập Truyen2U.Com. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Kabanata III

Reyna Gibib: Ang Unang Pizzazz

Dahil sa pagtunog ng alarma ng Ngangabu Aeronautics and Space Administration (NASA) na umalingawngaw sa buong kaharian, inaasahan na ang pagdating sa kanilang Control Room ng pinakarespetadong tao ng Planeta-si Reyna Gibib. Kasama ng Reyna ang kanyang kapatid na si Prinsipe Loybi at ang kanilang mga kanang kamay upang makibalita sa dahilan ng alarma.

"Mahal na Reyna Gibib," bati ng Chief Officer ng NASA. "Isa pong natatanging tinga na mula sa isang space shuttle na galing sa Planetang Earth ang napadpad sa ating solar system at ngayon ito po ay nagkaroon ng mutation matapos madikit sa Tonsil Stone Satellite."

Sabay-sabay nilang nasaksihan mula sa malaking monitor ng NASA ang ginawang pagsubo ng natatanging tinga sa perlas na Satellite ng Ngangabu.

Iba na ang pakiramdam ni Reyna Gibib sa mga nangyayari. 'Kailangan ko nang kumilos.'

"Loybi ang pustiso?" apuhap na tanong niya sa nakababatang kapatid.

"Ate... kaya mo pa ba?" nangangambang usisa ng Prinsipe.

Napahalukipkip ng kamay ang Reyna at saka poised na nagpaalala sa kanyang kapatid ng kanyang responsibilidad, "Loybi alam mo naman ang motto in life ko 'di ba?"

"Oo, Ate, kabisadong-kabisado ko at tandang-tanda ko pa: Isang malaking kasalanan kapag alam mong mayroon kang magagawa pero pinili mong tumunganga." Napabuntong-hininga ang singkwenta anyos na Prinsipe na nag-aalala sa senior citizen niyang kapatid. "Pero ate hindi ba pwedeng iba naman ang magsuot ng pustiso?"

"Hindi ako makakapagdesisyon niyan kapatid ko," malumanay na tugon ng Reyna. "Ang pustiso ang pipili ng bago niyang protektor. Kusa siyang lalapat sa bibig ng kanyang hihirangin. Pero sa ngayon, dahil wala pa siyang napipili na bagong Pizzazz, wala tayong pamimilian kundi ako lang. Kaya bago pa lumalala ang sitwasyon, maaari bang ibigay mo na sa akin ang Powerful Pustiso?"

Muling nagpakawala ng hangin ang Prinsipe bago niya kuhain mula sa kristal na lalagyan na hawak ng kanyang alalay ang pustisong nakapatong sa pulang unan.

Ang sikreto kung bakit powerful ang pustisong iyon ay dahil sa mga espesyal na materyales na pinanggawa rito: para sa mga mapuputing ngipin ay ang pinakamatigas na bato sa buong kalawakan na tinatawag nilang 'teethite' na tinampyas mula sa mga mistulang ngipin na asteroids na bumubuo sa Planet Ngangabu ring; para naman sa gilagid ng pustiso ay ang gilagidium na siyang pinakamatibay pero pinakamagaang bakal sa buong sansinukob na matatagpuan lamang sa Mt. Gidlagi na siyang pinakamataas na bundok sa Planeta na nasa pinakataas na bahagi nito; para naman sa brace nito ay ang bakal na tinatawag nilang bracium na mamimina pa rin sa Mt. Gidlagi; at ang brace nito ay naaadornohan ng walong makukulay na gemstone na namimina lamang rin sa Mt. Gidlagi-ang pulang gemstone na tinatawag na toothpastium, ang orange na tinatawag na turmericium, ang dilaw na toothpickium, ang berdeng teatium, ang asul na dentalflossium, ang indigo na toothbrushium, ang violet na gemstone ay tinatawag na mouthwashium at ang pink naman na bubblegumium.

Tinanggal ni Reyna Gigib ang koronang gawa sa diamante at ruby na nakaputong sa kanyang nakaumbok na bouffant hair updo para ibigay iyon sa kanyang kapatid at maghabilin na rin. "Ikaw na muna kapatid ko ang bahala sa kaharian."

Matapos damputin ang korona ng Reyna ay ibigay na ni Prinsipe Loybi ang pustisong kanina'y nakapatong sa pulang unan. Itinago niya sa isang simpleng ngiting nagpalabas ng kanyang dalawang biloy ang takot na nararamdaman para sa kapatid. "Mag-iingat ka, Ate."

Kaagad namang sinuot ni Reyna Gibib sa kanyang bibig ang Powerful Pustiso saka inihiyaw ang magic word na makakapagpabago ng kanyang anyo, "Pizzazz!"

Mula sa iconic elegant red longsleeve ballgown with silver and ruby accent all over, and ruffled white satin collar embellish with pearls and diamond, napalitan ng pustiso inspired costume ang suot ng Reyna. Huminto ng panandalian ang oras habang nagliliwanag ang Reyna na binabalot ang ulo ng helmet na ang disenyo ay tila nakabukang pustiso na tumatakip ang itaas na arko ng mga ngipin sa kanyang noo habang ang ibabang arko naman ng mga ngipin ay sa kanyang baba; at may dalawang pakpak sa magkabilang sintido ng helmet na nakakatulong sa paglipad. Ang kanyang damit ay naging red fitted longsleeve outfit topped with two white breast plate that looks like the two central incisor of a mouth, at ang kanyang pang-ibaba ay naging red strechable skinny pants na tinernuhan ng puting palda na may mga plits na mistulang mga ngipin sa ibaba naman ng bibig. Mayroon din siyang pustiso-inspired bracelet na bulletproof din gaya ng kanyang breastplate. At siyempre hindi mawawala ang kanyang pustiso-inspired shoes na kayang tumibag ng building.

Bago pa balutin ng salivanite protective barrier ang kastilyo ng kaharian, siniguro muna ni Reyna Gibib na nakalikas na ang ang mga Gangbanese saka siya lumipad papuntang kalangitan.

Kahit na nilunok na ng Natatanging Tinga ang Tonsil Stone ng planeta ay hindi pa din ito tinubuan ng katawan gawa marahil sa kulang na siya sa hibla ng karne. Natanaw niya mula sa himpapawid ang mga Ngilpaers na nakapasok sa Kaharian ng Gangba. Nakita niya kung paano nilang nilantakan ang mga hayop na kanilang nadadaanan na naiwan ng mga Gangbanese. Isang plano ang nabuo sa isip ng Natatanging Tinga: "Mukhang hindi na pala ako ang kailangang humuli ng mga hayop para lang makakain ng karne dahil may gagawa na n'on para sa akin! Sila ang aking magiging mga alipin! Ahahahahaha! Itong planetang 'to na ang uunahin kong kamkamin! Ahahahahahahaha!"

"Hindi ka magtatagumpay!" kontra ng isang tinig sa likod ng Natatanging Tinga na kanyang nilingon kaagad.

"At sino ka namang pangahas ka?" tanong ng Natatanging Tinga na tiningnan pa mula ulo hanggang paa ng kanyang nanlilisik na mga mata ang kausap.

"Ako si Pizzazz-ang bonggang superhero ng Planetang Ngangabu," tugon ni Reyna Gibib na may full authority sa tono ng kanyang pananalita habang proud na nakapamewang.

"Bongga pala ha? Mas bongga ako sa 'yo!" Humaba ang mga buhok ng Natatanging Tinga na akmang paluluputan si Reyna Gibib.

Para pigilan ang gagawing pag-atake ng Natatanging Tinga, pinindot ni Reyna Gibib ang kulay pink na gemstone na bubblegumium sa kanyang Powerful Pustisong suot. Kaya mula sa Powerful Pustiso sa bibig ay unti-unting lumobo ang isang bubble gum na kulay pink. Nagpatuloy ito sa paglobo hanggang maging kasing laki ng isang hot air balloon na lumipad papunta sa Natatanging Tinga para balutin ito.

Napangiti si Reyna Gibib na kita ang maputing ngipin na may rainbow brace sa pag-aakalang nagtagumpay siyang magapi ang Natatanging Tinga, pero nawala ang ngiti na iyon ng wasakin ng Natatanging Tinga ang bubblegum na bumabalot dito. Kaya bago pa makatakas ang kalaban, muling pumindot ng isang gemstone si Reyna Gibib sa kanyang Powerful Pustiso, sa pagkakataong ito ay ang kulay asul na dentalflossium naman ang kanyang ginamit kaya nilabasan ng mga puting hiblang sinulid ang kanyang dalawang bracelet na pumalupot sa ulo ng Natatanging Tinga.

Pero dahil sa lakas nito, nakalas lang niyang muli ang bumigkis sa kanyang sinulid. "Ahahaha! Hindi mo ako kayang pigilan!" kutya na may kasamang paglabas pa ng kayumangging dila ng Natatanging Tinga na kaagad tumalikod at humarurot ng lipad palayo.

Sinundan siya ni Reyna Gibib na kaagad naibalik ang composure matapos ang so stressful na pangyayari. Naghabulan sila ng milyon-milyong light years hanggang sa napadpad sila sa galaxy na tinatawag na Milky Way. Napansin ni Reyna Gibib ang pagkahapo sa Natatanging Tinga na nagkubli sa pinakamaliit na buwan ng planetang Mars na tinatawag na Deimos. Pinindot ni Reyna Gibib ang kulay dilaw na gemstone na toothbrushium at dahil doon lumabas sa Powerful Pustiso na nasa kanyang bibig ang dilaw na sipilyong may pitong talampakang haba.

Dahan-dahan siyang lumapit sa Deimos Moon saka niya hinampas ng toothbrush ang Natatanging Tinga dahilan para tumilapon ito papunta sa buwan ng Earth na tinatawag na Luna. Sa lakas ng impact ng pagkakahambalos ni Reyna Gibib sa Natatanging Tinga ay naibuga nito ang Tonsil Stone papunta sa Earth.

"Hindi!" Labis na panghihinayang ang madadama sa pagsigaw na iyon ng Natatanging Tinga na pilit inabot ng kanyang mga buhok ang Tonsil Stone na nagbigay sa kanya ng buhay at kapangyarihan. Sa pag-abot ng Tonsil Stone, hindi na namalayan ng Natatanging Tinga na nahuhulog na rin siya sa Earth.

Pagdating sa Exosphere na unang layer ng atmosphere ng Earth ay nag-apoy ang Tonsil Stone ganoon din ang kasunod nitong Natatanging Tinga na nasunog ang mga tingang buhok. Pero pagdating na sa boundary ng Exosphere at Thermosphere na thermopause ay nahati ang Tonsil Stone sa dalawa. Nang marating na nila ang Karman line na boundary ng Earth sa outer space ay naging apat na hati na ang Tonsil Stone. At bago sila tuluyang makapasok sa Earth, hinarap muna nila ang Ozone layer na nagpahating muli sa Tonsil Stone sa walo nang bahagi habang ang Natatanging Tinga ay nawalan na ng mukha at bumalik nang muli sa isang hibla ng tinga.

Nag-dive din si Reyna Gibib papunta sa Earth para unahan ang natatanging Tinga sa Tonsil Stone pero pagdating sa Ozone layer ng earth bumalik sa iconic red ballgown ang kanyang outfit kahit suot pa niya ang Powerful Pustiso ng Planetang Ngangabu. Isang hinala ang nabuo sa isipan ni Reyna Gibib: "Hindi na ako ang protektor ng pustiso?"

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen2U.Com