IKAWALONG YUGTO
"Ama! Ilabas niyo ho ako rito! Paki-usap 'wag niyong sasaktan si Rodel. . . Wala po siyang ginagawang masama ama! Ama!" patuloy ang pagwawala ni Marikit sa loob ng kanyang silid kung saan siya ikinulong ng kanyang amang hari.
Kahit apat na oras na siyang nagmamakaawa at umiiyak ay hindi parin siya sumuko at tumigil dahil alam niya na ano mang oras baka wakasan na ng kanyang ama ang buhay ng kanyang iniirog.
Samantala...
"Haaaaa! Ha! Ha!" patuloy na singhap ni Rodel sa tuwing aangat ang ulo niya pagkatapos ilublob sa tangke ng tubig ng isang kawal.
"Sumagot ka! Nasaan kayo ng isang linggo ng anak ko? Bakit wala kayo sa lugar na inutos kong pagdalhan mo ng anak ko!" tanong muli ng hari habang patuloy na pinaparusahan si Rodel.
"Si-sinabi ko na po sa inyo, dinukot po kami ng mga bandido ng prinsesa, hi-hindi po namin Alam kung saan lugar nila kami dinala—"
Hindi na naitapos pa ni Rodel ang sasabihin niya ng sumenyas ang hari sa mga kawal na ilublob muli ang ulo nito.
"Ha! Ha! Nagsasabi po ako ng totoo. . ." Nanghihinang utal ni Rodel.
"Pasu-an niyo na siya!" sigaw ng isang kawal sa mga kasamahan nito.
Mistulang bingi ang hari sa mga palahaw at pagmamaka-awa ni Rodel hanggang sa umabot na sa puntong pupugutan na siya nito ng ulo.
"Pugutan niyo na siya ng ulo." Mariing utos ng hari sa mga kawal bago nilisan ang lugar at bumalik sa kanyang trono.
Agad nilang dinala ang nanghihinang si Rodel sa gitna ng entablado, kung saan nakalagay ang napakalaking tadtaran, o pampugot ng ulo sa mga kriminal na nahahatulan.
Pinaluhod nila ito sa gitna habang nakatali, nangingig naman Rodel sa ginaw ng tubig na dumaloy sa kanyang damit sa pagkalublob kanina at sa sakit na nararamdaman niya sa kanyang malaking paso sa dalawang hita. Putok rin ang kanyang mga labi at umaagos ang dugo sa kanyang ilong dahil sa pagkakabugbog sa kanya kanina.
Mariin siyang pumikit at nagdasal na matapos na ang paghihirap niya at sana maging masaya parin si Marikit kahit wala na siya.
"PAKAWALAN NIYO SIYA!" sigaw ng isang 'di kilalang tao mula sa likod ng mga kawal at walang kung anu-ano'y bigla nalang itong dumami't nagsilusob sa mga bantay at agad na ginilitan ng leeg gamit ang kanilang mga punyal.
Magaling ang mga kalalakihang nagsilusob dahil hindi man lang sila nakagawa ng ingay sa kanilang pagpatay sa mga bantay o kawal.
Nanghihina man inangat parin ni Rodel ang kanyang ulo upang tignan kung ano ang nangyayari na hindi parin siya pinupugutan, ngunit 'di niya mawari kung sino ang mga ito dahil nanlalabo na ang kanyang paningin sa labis na hilo ng kanyang ulo't tuluyan na siyang bumagsak sa sahig at nawalan ng malay tao.
---
Kinabukasan...
"Kamahalan may masamang balita po tayo." Saad ng isang tagapagsilbi sa hari pagkatapos magbigay galang.
Agad naman nagkasalubong ang kilay ng hari sa tinuran nito't inilapag niya ang tsaa sa mesa na kanyang iniinom.
"Bakit? May nangyari ba?" seryosong tanong nito.
"Kamahalan, ang mga kawal..." Singit ng isang kawal pagpasok nito sa bulwagan ng hari saka yumuko upang magbigay galang, "nilusob po tayo ng mga rebelde... Ang lahat ng mga preso ay nakawala sa kanilang mga kulungan at kalahati sa mga kasamahan kong kawal ay pinaslang nila."
"Ano?! Punong kapon ihanda ang armas ko! Mga lapastangan!" galit na sigaw ng hari sabay tayo at agad na bumaba sa kanyang trono saka lumabas ng bulwagan upang pumunta sa kulungan.
Pagdating nila sa kulungan, bumungad sa kanila ang mga dugo at patay na kawal na nagkalat sa paligid na sa ngayon ay nililigpit na ng mga tagapagsilbi.
Biglang napahawak ang hari sa kanyang sentido at sinabing, "Halughugin ang bayan tiyak hindi pa sila nakakalayo! Asan na si Heneral Diamante?" tanong niya sa isang kawal.
"Sa pagkakaalam ko po hindi na siya pumapasok sa palasyo simula nung nalaman niya ang nangyari sa kanyang anak na si Rodelito, pinuntahan na po namin siya sa bahay nila pero wala na po siya dun." Tugon ng kawal rito.
Lalong sumiklab ang galit ng hari at napakuyom na lamang siya sa kanyang kamao, "natitiyak kong pakana niya ito! Mag-amang traydor! Hanapin niyo sila at dalhin ang pugot nilang mga ulo rito!"
"OPO KAMAHALAN!" sabay na sigaw at yuko ng mga grupo ng kawal bago sumunod sa utos ng hari at umalis na.
-----
"Kamusta na siya?" tanong ni Hektor kay Emelia pagpasok sa kubong tinitirhan nila.
"Hindi parin siya nagigising, pero ligtas na siya sa kapahamakan," malungkot na sagot ng ginang kasabay ang pagpatak ng kanyang mga luha... "Parang dinudurog ang puso ko Hektor, ayokong nasasaktan ang anak nating si Julio. Kailangan na nating kumilos para mapatalsik ang impostor na iyon." Mariing saad ng ginang sabay punas ng kanyang mukha.
"Huwag kang mag-alala Emelia, malapit na... Malapit na malapit na, hintayin nalang nating gumaling ang anak natin." Turan nito saka lumabas na muli ng kubo.
Kumuhang muli si Emelia ng malinis at maligamgam na tubig upang punasan si Rodel, sa kanyang pagbalik sa kinaroroonan ng binata nadatnan niya itong umungol na tila ba binabangungot at pinagpapawisan.
"Julio! Julio anak..." Tarantang saad ni Emelia sabay haplos sa mukha ng binata.
Ilang sandali huminto na ang pag-ungol ni Rodel at dahan-dahang iminulat ang kanyang mga mata.
"Julio! Sa wakas! Salamat sa Diyos gising kana! Ano may masakit pa ba sayo?" sunod-sunod na tanong ni Emelia sa kanyang anak.
"Nay Emelia? Nasaan po ako?" naguguluhang tanong ni Rodel sa ginang sabay pilit na tumayo.
"'Wag ka munang bumangon, hindi ka pa magaling anak gusto mo ba ng tubig?"
Umiling naman ang binata at sinabing, "si Marikit, kailangan kong puntahan si Marikit... Gusto ko siyang makita." Pagpupumiglas ng binata habang pilit na bumabangon.
"Hindi ka pa magaling Julio! Paki-usap makinig ka muna sa akin."
"Nay Emelia bakit Julio po ang tawag niyo sa akin? Ako si Rodel hindi po Julio ang pangalan ko. Sige na kailangan kong makita si Marikit."
Nagsimulang umiyak si Emelia at patakbong lumabas sa kubo.
"Si Julio! Gising na siya!" sigaw niya sa dalawang lalaking masinsinang nag-uusap sa labas; Sina Hektor at Heneral Diamante.
Sabay na tumayo ang dalawa at sabay na pumasok sa kubo, nadatnan naman nilang nagbibihis si Rodel kahit namimilipit pa sa sakit.
"Anak..." Utal ni Heneral Diamante.
"Ama? Ano pong ginagawa niyo rito? Bakit kasama mo sila? Bakit tayo nandito?" sunod-sunod na tanong ng binata habang palipat-lipat ang tingin sa tatlo.
"Anak huminahon ka muna't umupo, paki-usap hindi ka pa magaling!" sabat ni Emelia sa kanya sabay akay sa kanya para makaupo.
"Anak hayaan niyo kaming magpaliwanag sa iyo." Ani ni Heneral Diamante.
Kumunot ang noo ng binata at sinabing, "sasapi na ba tayo sa kanilang mga bandido?"
Umiling naman si Diamante at sinabing, "hindi anak, dahil ang totoo hindi sila mga bandido."
Mas lalong naguluhan si Rodel sa sinabi ng kanyang ama.
"Anak panahon na para malaman mo ang totoo tungkol sa tunay mong pagkatao." Turan nito.
"Anong tungkol sa akin?" saad ni Rodel.
"Rodel hindi ka isang ordinaryong mamamayan ng Mantawi dahil ikaw ay anak ng isang hari at reynang pinatalsik sa palasyo." Panimula ni Diamante.
"At kami iyon anak, ikaw si Julio ang aming prinsipe, ang siyang tunay na tagapagmana ng trono." Sabat ni Hektor.
"Alam niyo wala akong panahon na makipagbiruan sa inyo! Ama! Anong kahibangan ba iyang sinasabi mo?!" hindi na napigilan pa ni Rodel ang mainis dahil sa sinasabi ng mga ito.
"Anak hindi sila nagsisinungaling, sila ang tunay mong mga magulang at kapatid ko si Hektor. Kapatid ako ng isang hari, at anak ka ng isang tunay na hari, ang ama ng minamahal mong si Marikit ang sumira sa pamilya natin Rodel, nakalimutan mo na bang matagal na kitang binalaan at pinagbawalan na huwag na huwag kang lumapit sa kanya pero hindi ka nakinig sa akin at minahal mo pa siya." Nanlulumong turan ni Diamante.
"Kung ayaw mong maniwala, heto ang proweba." Turan ni Hektor sabay lahad ng isang ataul na may lamang maliit na kahoy na hugis parisukat, may naka-ukit na pangalan at nakasabit na palamuti sa taas nito, isang punseras na gawa sa mamahaling bato na may disenyong dragon at isang balumbon ng papel namay nakasulat na patuyan na siya ang hari at may tatak o selyo.
Nanlaki naman ang mata ni Rodel sa gulat saka sinabing, "baka ninakaw mo lang ang mga iyan!"
Umiling naman si Hektor at sinabing, "Ibaba mo ang damit mo sa kaliwa."
Nag-aalangan man sinunod parin ni Rodel ang sinabi nito.
Ganun rin naman ang ginawa ni Hektor at ipinakita ang balat na hugis dragon sa kaliwang likod braso.
Mas lalong nanlaki ang mata ni Rodel at sinabing, "me-meron din ako niyan..." Saka tiningnan ang kaliwang likod braso.
"Ikaw si Julio, ikaw ang anak namin Rodel. Paniwalaan mo naman sana kami." Umiiyak paring saad ni Emelia.
"Papano? Bakit?" nanhihina at naguguluhan paring turan ni Rodel.
Hayaan mong ipaliwanag namin sa iyo ang lahat mula sa simula hanggang sa kasalukuyan.
Umupo sa tabi niya ang mag-asawa at nagsimula na itong magkwento mula sa pamumuno, pagtatraydor ng pamilya ni Virgilio, pagpapatalsik sa kanila at sa mga planong bawiin ang tronong kanilang tunay na minamay-ari.
"Pero paano na si Marikit?" nag-aalalang tanong ni Rodel.
"Walang kinalaman si Marikit sa gulong ito kaya labas siya dito 'wag kang mag-alala hindi namin siya sasaktan at idadamay, sa ngayon magpagaling ka muna... 'Pag magaling kana saka tayo lulusob sa palasyo't makikita mo na si Marikit." Turan ni Diamante sa kanya.
Napabuntong hininga na lamang si Rodel at tumango.
"Kung ganun ikaw ang ina ko?" turan ni Rodel kay Emelia.
"Oo Julio, anak ko. Maaari ba kitang yakapin anak?" malumanay na tanong ng ginang rito.
Tumango naman si Rodel at maluha-luhang sinalubong ang yakap ng kanyang ina.
Kahit papano naging masaya siya sa resulta, dahil sa tinagal-tagal na panahon niyang pinangarap na magkaroon ng isang ina, sa wakas nakita na rin niya ito't makapiling pa.
Itutuloy...
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen2U.Com