UNANG YUGTO
"Kamahalan, nawawala na naman po sa kanyang silid ang mahal na prinsesa," nakayukong saad ng isang kapon sa kanyang hari.
Napahawak naman ang hari sa kanyang batok dahil tumataas na naman ang dugo nito saka sinabing, "suyurin ang buong kaharian! Pinapaaga talaga ng batang 'yan ang kamatayan ko."
"Masusunod po mahal na hari." Sagot ng kapon sabay yuko bago tinalikuran ang hari.
Kanya-kanyang diskarte ang ginawa ng mga tauhan sa palasyo upang makita ang prinsesa, halos rinig narin sa buong bayan ang mga sigaw nila sa pangalan nito.
Samantala...
"Kamahalan?" tawag ng isang kapon sa loob ng silid aklatan ngunit wala siyang makitang tao sa loob kaya napagpasyahan na niyang umalis na lang.
Nang makasigurong lumabas na ang kapon sa silid aklatan siya namang talon ni Rodel galing sa kesame at agad na nilapitan ang kanyang prinsesa na nagtatago sa likod ng nakatambak na mga libro at lihim na nagbabasa ng mga ipinagbabawal na libro ng palasyo.
"Kamahalan, kailangan niyo na pong bumalik sa inyong silid, nagkakagulo na po sa palasyo." Saad niya rito pero nanatiling nakaupo ang prinsesa habang binubuklat ang kanyang binabasa.
"Rodel... Parang 'di ka na nasanay, hayaan mo silang magkagulo, ang ganda na kaya nitong binabasa ko. Ang bidang babae rito pinaglaban niya talaga yung pagmamahal niya sa isang alipin, hayy." Nakangising saad ng prinsesa na mistulang nananaginip ng gising kaya napailing na lamang si Rodel.
----
"Amang hari pinatawag niyo raw po ako?" bungad ng prinsesa sa kanyang amang nakaupo sa trono't may binabasang sulat. "Ang saya natin ah . . . Anong meron?" dagdag pa nito't patakbong nilapitan ang ama.
Napawi naman ang ngiti sa labi ng hari ng mapansin ang suot ng kanyang anak.
"Bakit ganyan ang iyong kasuotan? Baka nakakalimutan mong may atraso ka pa sa 'kin kahapon sa pagtakas mo ng iyong silid!" pagsisimulang sermon nito.
Imbes na masindak nagbingi-bingihan lamang ito't ibinaling ang tingin sa sulat na hawak ng kanyang ama.
"Teka, bakit parang pamilyar ang borda ng sulat na iyan? 'di ba sa bayan ng Koryeo iyan?" bulalas ni Marikit at agad na inagaw ang sulat sa kamay ng kanyang ama.
"Bastos ka talagang bata ka, paano kita ipapakilala sa prinsepe ng bayan nila kung ganyan ka kumilos at umasta?" magkasalubong na kilay na saad ng kanyang ama.
"Simple lang ama, sabihin mo ito ang pinakaastig at pinakamagandang nilalang sa mundo, ang anak kong si Marikit." Seryosong saad ng prinsesa habang ginagaya ang pananalita ng kanyang ama't kumukumpas sa bawat katagang sinasabi niya.
Naiinis man 'di mapigilan ng kanyang ama na tumawa sa inasta ng anak at sinabing, "ganyan ba talaga ako magsalita?" nang mapansin ng hari ang pagpipigil ng tawa ng mga tagapagsilbi ay agad na tumikhim ito't ibinaling ang atensyon sa anak.
"Pwede ba Marikit umayos ka? Bukas na sila darating sa bayan at maghahanda tayo ng isang piging sa pagdating nila, siguro naman bukas hindi mo ako bibiguin at magpapakatino ka?" paghihingi ng pabor ng hari rito.
Napangiwi na lamang ang prinsesa't alangang tumango saka sinabing, "kaya ko naman siguro ng kaunti?" may halong panunuya sa boses nito.
Sinamaan naman siya ng tingin ng kanyang ama dahilan para kumaripas siya ng takbo papaalis ng tronong silid.
-----
Kinabukasan...
"Kamahalan, umaga na po. . . Kailangan niyo na pong bumangon." Sunod-sunod na sigaw at katok ng mga tagapagsilbi ng palasyo kaya galit na napabalikwas si Marikit sa kanyang higaan.
"Ano ba! Kitang natutulog pa yung tao eh! Kung ayaw niyong magpatulog lalabas talaga ako diyan at pagsusuntukin ko kayong lahat para nang sa ganun may karamay ako sa mahimbing kong pagtulog! Nyeta!" bulyaw ng prinsesa at bumalik sa pagkakahiga, bago paman siya mapapikit mula naramdaman niyang may marahas na humawak sa likod at hita na inaangat siya nito kaya ganun nalang ang pagkawindang at pagtitili niya rito.
"Susmiyo! Rodelito Juancho Diamante! Ibaba mo ako sa ngalan ng mahabaging langit!" pagwawala niya habang karga-karga parin ni Rodel.
"Sabi kasi ng hari gisingin raw kita." Parang manikang saad nito dahil sa blanko na ang ekspresyon ng mukha niya't walang buhay pa ito kung magsalita.
"Pake ko kung inutusan ka niya? Pwede ba! Sino ba ang amo mo? Diba ako? Kaya sige na gusto ko pa talagang matulog," pagmamaktol ng prinsesa kay Rodel na nagbibingi-bingihan. "Kama ko. Hintayin niyo lang ang ina niyo babalik rin ako." Saad niya sabay abot ng mga kamay sa direksyon ng kama kahit pa malayo ito.
"Para kang bata." Tugon ni Rodel kaya napasimangot na lamang ang prinsesa saka siya binaba nito.
"Pwede na kayong pumasok." Sigaw ni Rodel sa labas kung saan nag-aabang dun ang mga tagapagsilbi ng prinsesa.
Pagpasok ng mga tagapagsilbi niya bigla na lang siyang humiga sa sahig at nagpagulong-gulong dahilan upang mataranta ang mga tagapagsilbi at pilit siyang pinapabangon.
"'Wag kayong titigil hangga't hindi niyo naaayusan ang kamahalan." Malamig paring utos ni Rodel sa mga tagapagsilbi at agad na lumabas ng silid.
"RODELITO!" sigaw ng prinsesa bago tuluyang makalayo ang binata.
-----
Sa araw ng piging. . .
"Maligayang pagdating sa bayan ng Mantawi, haring Arnalfo." Masayang bati saka pakikipagkamay sa kaalyasang bayan ni haring Virgilio.
"Masaya akong makita kang muli haring Virgilio. Kamusta ang pamamalakad mo rito? Ginugulo ka pa rin ba ng mga rebelde?" tanong nito.
"Masaya rin akong makita ka haring Arnalfo mabuti naman ang bayan sa ngayon tahimik pa ang bayan at kampante kaming hindi na kami guguluhin ng mga iyon dahil wala na silang mapapagtaguan sa bayang ito, tantya ko'y nagsialbalutan na sila sa kabilang nayon." Pagmamalaking sabi ng hari.
"Ganun ba? Kung ganun magandang balita iyan!" bungisngis ni haring Arnalfo sabay taas ng tasa niyang may lamang alak.
"Tagay!" sabay na saad ng dalawa sabay inom ng kanilang mga alak.
"Pero wala nang mas gaganda pa sa balitang dala ko sa iyo," ani haring Arnalfo.
Lumapad naman ang ngiti ni haring Virgilio bago sinabing, "at ano naman iyon?"
"Ilang taon na nga ulit 'yang prinsesa mo?" tanong ni haring Arnalfo sabay salin ng alak sa tasa ni haring Virgilio.
"Disisyete anyos na magdidisi-otso na siya sa susunod na buwan. Bakit?"
"Naaala mo pa ba ang kasunduan natin noon?" aniya sabay ngisi dahilan upang kabahan ang hari sa sinabi niya.
"'Di ko na yata maalala ano ba iyon?" maang-maangan ni haring Virgilio.
"Ano ka ba naman hindi ba gusto mo maging magkumpadre tayo paglaki ng mga anak natin? Kung hindi mo naitatanong ang bunso kong anak na si Crisanto ay kabebente lang nitong nakaraang buwan at natitiyak kong madaling makapagpalagayan ang dalawa, dahil. . ." tumikhim muna ito bago tumuloy, "gwapo naman ang anak ko tulad ng ama niya, at natitiyak kong lumaking isang mayuming binibini ang iyong anak, ano nga ulit ang kanyang pangalan?" mahabang salaysay ni haring Arnalfo na medyo tinamaan na ng alak.
"Tama! Naalala ko na ang kasunduan natin! Marikit, Marikit ang pangalan ng kaisa-isa kong anak. Haring Arnalfo hindi ba masyado pang maaga para ikasal sila?" batid ang pag-aalangan sa boses ng hari.
"Kay gandang pangalan tiyak mas lalo siyang gumanda ngayong dalaga na siya, tama ba ako? pero teka, teka umaatras ka ba sa usapan natin haring Virgilio?" tanong ni haring Arnalfo na nakakunot-noo na.
"Hindi naman sa ganun haring Arnalfo ang sa'kin lang, maiiwan na akong mag-isa rito sa palasyo kapag nasa puder niyo na ang anak ko." Aniya sabay lagok ng alak.
Tumawa naman si haring Arnalfo at sinabing, "matatanda na tayo haring Virgilio, hindi ka ba naiingit sa'kin na marami ng apo? Ba't 'di mo paramihin ang lahi mo? Isipin mo pag nakasal na silang dalawa hindi ka na mag-iisa, hindi ba ang anak mo ang magiging reyna ng bayan na ito balang araw? pwes magkakaroon ka na ng pangalawang anak at yun ang anak ko balang araw rin magkakaroon ka ng mga maliliit na pasaway na manggugulo sa palasyo."
Sandaling napaisip si haring Virgilio at sinabing, "sige, pag-iisipan ko."
"Sige tagay!" bulalas ni Haring Arnalfo sabay taas ng kanyang tasa at tinugunan naman ito ni haring Virgilio.
Nagpatuloy sa pag-uusap ang dalawang hari ng biglang dumating ang isang binatilyong may suot na kalasag sabay yuko bilang pagbati sa kanila.
"O? Andito ka na pala! halika rito saluhan mo kami rito ng magiging biyenan mo." Bungisngis paring saad ni haring Arnalfo.
"Kung ganun, ito si Crisanto?" tanong ni haring Virgilio sabay turo nito ngumiti naman at tumango si Crisanto sabay sabing,
"Magandang araw po kamahalan, kinagagalak ko po kayong makilala." Buong galang nitong pagbati sa hari.
"Aba't kay gandang lalaki naman ng batang ito." Nakangiting saad ng hari.
Parehong tumawa ang mag-ama sa sinabi niya.
"Nais ko po sanang makilala ang inyong pinakamamahal na prinsesa." Ani ng prinsipe.
"Punong kapon, pakitawag ang anak ko." Utos ng hari sa kanyang alagad yumuko muna ito bago umalis sa kanilang harapan bilang pagsunod at paggalang.
Makaraan ang ilang minuto bumalik na ang punong kapon dala ang pilit na nagpupumiglas na prinsesa.
"Kamahalan, siya si Marikit ang aking nag-iisang prinsesa." Ani ni haring Virgilio kay prinsipe Crisanto.
"Bitiwan niyo ako! Amang hari anong kabalbalan ito?" nanggagalaiting sigaw ng prinsesa sa kanyang ama kaya marahas itong napalingon sa kanya.
"Marikit! Umayos ka! May bis-"
"IKAW?" gulat at sabay na bulalas ng dalawang kamahalan sa isa't-isa kaya 'di na natapos ng hari ang sasabihin niya.
Humalakhak naman si haring Arnalfo at sinabing, "haring Virgilio mukhang 'di na tayo mahihirapan nito." Aniya sabay lagok muli ng alak.
Itutuloy...
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen2U.Com