Truyen2U.Net quay lại rồi đây! Các bạn truy cập Truyen2U.Com. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Chapter IX ✔

                    Iminulat ni Czarina ang mga mata habang nakalagpak sa malawak na buhanginan ang buo niyang katawan. Agad niyang nasulyapan ang mga pinong buhangin, ang nagtataasang mga puno ng niyog at ang ilang mga bunga nito na nakabagsak na sa buhanginan. Pinagmasdan din niya ang luntiang mga puno at halaman na nakabalandra sa harapan niya. May mga nakakalat din sa buhanginan na mga lamang-dagat katulad ng mga alimango, iba't-ibang shells, kabibe, star fish at kung anu-ano pa,  walang duda, nasa isang isla siya. A—anong... lugar 'to?  Bulong niya sa sarili, sabay hawak sa nananakit niyang ulo at saka dahan-dahang tumayo. Pinagmasdan niyang muli ang buong paligid hanggang sa napagtatanto niya kung nasaan nga ba talaga siya. Kasunod nito'y napatingin din siya sa mismong asul na karagatan at mula sa kinatatayuan ay tanaw na tanaw niya ang lupain na pagmamay-ari nila. Kita pa nga rin niya ang itim na usok na nagmumula roon na ibig sabihin ay nasa isla siya ng katapat lang ng lupain nila. Ang isla na kung saan ni minsan hindi niya naisip na matutuntong siya.

                 Ilang segundo pa lang niyang natatanaw ang lugar na iyon ay nagsimula na namang tumulo ang mga luha niya. Dahil ngayon ay tandang-tanda na niya ang lahat ng mga nangyari bago siya mapadpad sa islang kinaroroonan niya.  Ang mga mahal niya sa buhay, lahat ng mga taong iyon ngayon ay wala na. Masakit dahil sa isang iglap lang, nasira at nawala na parang bula ang lahat. At ang higit na nagpadagdag sa bigat nang nararamdaman niya ay ang pagkawala maging ng taong inakala niyang makaliligtas kasama niya pero hindi pala! Dahil ito rin ay pinatay sa mismong harapan niya, "Anndrewww!" sigaw niya sa pinakamalakas na kaya niya, sinusubukang ang sakit na nararamdaman ay mawala man lamang. Humahagulgol siya na para bang wala ng natitirang bukas para sa kaniya, subalit hindi, hindi basta-basta mawawala ang hapdi ng mga senaryong nasaksihan niya.

                 Nanghihina at nanginginig ang buo niyang katawan sanhi na rin nang galit na unti-unting namumuo sa kaniya. Napaluhod siya at pinagsusuntok ang puting buhanginan na kinasasadlakan niya. Umaasa na sa pamamagitan nang paglalabas ng sama ng loob ay makalimutan niya ang lahat, "Mommy! Daddy!"  paghihinagpis niya. Mga kapatid ko...  Gigil niyang ginagasumot ang buhanginan ngunit patuloy lang itong kumakawala sa mga kamao niya. Tumingala siya sa kulay bughaw na kalangitan na para bang may kung anong tinitignan, "Ba—bakit? Ahhhrg bakit! Ano ang kasalanan ko para danasin ang lahat ng ito! Naging mabuti akong tao, pero bakit! Bakit! Sana pinatay mo na lang ako kasama ng buong pamilya ko, kasama ng taong pinakamamahal ko..." Hindi naiwasan ni Czarina na ibuntong ang lahat ng sisi sa Diyos, sa Diyos na pinapaniwalaan niya. Hindi niya lubos maisip kung bakit nangyari ang lahat ng iyon sa kaniya. Pakiramdam niya tuloy pinaparusahan siya ng langit sa kasalanang hindi niya naman alam.

                   Ilang oras din na nakaluhod si Czarina sa buhanginan, nakatulala  lamang siya sa karagatan kung saan tinatanaw pa rin niya ang lupain nila. Maya-maya ay isang kalukos mula sa likuran ng halamanan ang kumuha sa atensyon niya, "Si—sinong nandyan?" nauutal niyang tanong. Naghanap agad siya ng maari niyang ipandipensa kung saka-sakali pero mga bato lang ang nakita niya sa tabi niya, gayon pa man ay kinuha na lang din niya ito para lang makasigurado, nagpatuloy naman ang pagkalukos mula sa mga halamanan, "Sa—sabi ko, si—sinong nandyan, ma—magpakita ka!" Kahit humihikbi pa ay mas nilakasan pa ni Czarina ang boses niya para ipakita na siya ay hindi natatakot at kahit papaano palaban din naman siya.

                   Dahan-dahang lumabas ang taong nasa likuran ng halamanan na iyon at tumambad kay Czarina ang isang pamilyar na mukha at sa isang bagay ay naging sigurado siya, kilala niya ang taong iyon at hindi siya maaring makamali, "I-ikaw? Akala ko... teka ba—bakit po kayo nandito?" nauutal niya kasabay ang kalituhan na tanong para sa taong iyon.

                      "Czarina hija... Anong nangyari, nakita ko ang pagsabog mula doon sa bahay ninyo pati na rin sa isa sa mga yate ninyo. Ano ba talaga ang nangyayari? Paano ka napunta rito?" sunud-sunod na tanong ng lalaki na dahan-dahan nang lumalapit kay Czarina. Samantalang si Czarina naman ay kampante na niyang naibaba ang  hawak na bato at patakbong lumapit sa kumausap sa kaniya, "Uncle Miggy!"

                    Mahigpit na yakap naman ang isinalubong sa kaniya ng tinukoy niyang Uncle Miggy. Kahit papaano naibsan ng kaunti ang kirot sa puso ni Czarina nang malamang may isa pa rin siyang kamag-anak na buhay na pwedeng makasama. "Uncle!" nagpatuloy lang si Czarina sa pag-iyak. Awang-awa naman si Miggy sa kaniyang pamangkin, kahit hindi pa man nagsasalita ang dalaga ay dama na niya ang lungkot at galit na dala-dala nito.

                   Miggy Javier, ang nakakatandang kapatid ni Mr. Miguel Javier na ama naman ni Czarina. Ang paniniwala ng lahat na sa amerika ito gaya na rin ng laging sinasabi ng Daddy ni Czarina. Kabilang si Miggy sa mga pilipinong negosyante na nakabase sa amerika. Ngunit ayon sa balita, kasabay ng paghina ng ekonomiya kung nasaan ito ay ang pagkalugi rin ng negosyo nito. Dala na rin ng hiya kaya nagpasya itong huwag ng bumalik ng pilipinas dahil na rin sa marami ang naghahabol dito, iba't ibang mga investor at dahil na rin sa pagkalugi nito, samu't saring kaso tulad ng estafa ang nakahain dito. Bumalik si Miggy sa  Pilipinas na lingid sa kaalaman ng lahat. Ang tanging nakakaalam lang ay ang nakababata nitong kapatid na si Mr. Miguel Javier. Minabuting hindi ipaalam ni Miguel sa pamilya ang tungkol sa pagbabalik ni Miggy para hindi na mag-alala pa ang mga ito at hinayaan ni Miguel ang kapatid na manirahan sa isla na bagong bili pa lamang niya noong mga panahong iyon.  Subalit aksidente namang nalaman ito ng mga anak ni Miguel na sina Kenjie at Mckie nang minsang pumasyal ang mga ito sa isla para mag-diving at ang sikreto ay nanatili lamang sa tatlo. Kaya madalas hindi sang-ayon ang  mga kuya ni Czarina sa kaniya sa tuwing maiisip niyang bumisita sa isla.

                 Matapos ikuwento ni Miggy ang mga pangyayari sa likod ng pananatili niya sa isla ay mas nauunawaan na ngayon ni Czarina kung bakit nga ba hindi siya pinapayagan ng lahat na maligaw sa isla lalo na ng kaniyang Daddy Miguel.

***

                   "Hindi ko akalain na mangyayari ang mga bagay na iyon sa kapatid! Sa inyo! Mga demonyo sila, hindi na sila naawa!" galit na saad ni Miggy kasabay ang paggasumot sa mga kamao niya. Kasalukuyan na silang nasa pansamantalang tahanan ni Miggy na nakakubli sa pusod ng maliit na isla. Simple lang ito na gawa sa mga kawayan, may maliit itong hagdan na may tatlong baitang lamang papunta sa isang kwarto. May sala na yari rin sa mga kawayan ganoon din ang mga lababo at kabinet. Hindi samento o tiles kundi lupa ang mismong kinatatayuan ng magtiyuhin at ito ang kauna-unahang mapupunta sa ganitong lugar si Czarina subalit hindi na ito big deal sa kaniya. Kahit pagbalik-baliktarin pa ang sitwasyon nawala na sa kaniya ang lahat at wala na siyang karapatan na mag-inarte pa. Nananatili pa ring nakatungo si Czarina, tikom ang bibig habang kutkot ng mga daliri niya ang bawat isa.

                  "Oh siya, uminom ka muna. Heto, juice ng buko iyan na kinuha ko kanina bago pa kita nakita doon sa may pangpang. Kung titignan kita mukhang malapit ka nang ma-dehydrate kaya inumin mo na ito para kahit papaano bumalik ang lakas mo," alok ni Miggy sa kaniya. Kinuha ni Czarina ang stainless na baso, aminin man niya o hindi pakiramdam niya wala na talaga siyang tubig sa katawan dahil na rin siguro sa kakaiyak. Hindi siya nagkamali, nang inumin niya ito ay kahit papaano may bumalik na lakas sa kaniyang katawan.

                 "Hija, Czarina ano na ang plano mo?" seryosong tanong ni Miggy sa pamangkin. Mula sa pagkakatungo ay tumingin si Czarina kay Miggy at kitang-kita sa mga mata niya ang poot, galit at tila pagnanasa sa iisang bagay, "MAGHIHIGANTI AKO! Makikita nila. Kung anong kinuha nila sa akin, higit pa doon ang kukunin ko sa kanila. Kung inalis nila sa akin ang buo kong pamilya sa mabilis na paraan. Pwes iisa-isahin ko ang mga mahal nila sa buhay. Gagawin ko ang lahat... Kukunin ko ang hustisya na nararapat kina Mom and Dad, sa mga kapatid ko pati na rin sa taong mahal ko na si Andrew at sa lahat ng taong nadamay sa gulong ito!" Mababanaag ang kaseryusohan sa mga mata ni Czarina sa mga sinabi niya.

                  "Teka, sigurado ka ba sa iniisip mo? Huwag kang magdedesisyon ng bara-bara Czarina. Mahirap kalabanin ang mga demonyong iyon na sa palagay ko ang humahawak sa kanila ay mas higit pang makapangyarihan kaysa sa mga nasaksihan mo. Sigurado akong malaking grupo ang nasa likod niyan base na rin sa pagkakakuwento mo sa akin kanina. Hindi sila basta-basta Czarina. Bakit hindi mo na lang hayaan na ang batas ang magbigay ng hustisya sa kanila."

                  "Uncle? Pa—paano mo nasasabi iyan? Kapatid mo ang pinatay! Mga pamangkin mo! Ang mga kapatid ko napakabata pa nila, sina Sairah, Zoren... Marami pa sana silang maabot pe—pero inalis ng mga demonyong iyon ang karapatan nilang makamit ang mga bagay na iyon. Uncle tandaan mo rin sana, pati sarili mong magulang hindi rin nila pinatawad. Sina Lolo at Lola... Tapos sasabihin mo lang sa akin na ipaubaya ko sa walang kwentang batas na iyan... " Hindi napigilan ni Czarina na magalit dahil sa narinig niya mula sa uncle niya. Sa tingin niya hindi pa lubos nauunawaan ng Uncle niya kung ano ba talaga ang mga nangyari dahil na rin siguro hindi nito nasaksihan kung paano pinatay sa mismong harapan niya ang mga taong tinutukoy niya.

                   "Hindi mo ako naiintindihan! Mga halang ang bituka nila at ikaw anong alam mo? Baka nga paghawak ng baril ay hindi ka marunong!" Dahil sa sinabi ng Uncle niya, gumuhit sa alaala ni Czarina ang mga pagkakataong nahawakan pa niya ang baril ng Daddy niya. Tama ang tiyuhin niya, ni paghawak ng baril hindi nga niya magawa ng tama, pero gayon pa man desidido pa rin siya, "Wala na akong pakialam! Gagawin ko ang lahat makapaghiganti lang. Uncle... Ito na lang ang natatanging dahilan ko para manatiling buhay. Kung ayaw mo akong tulungan, pwes gagawin ko ito ng mag-isa. Hindi ako magtatago na lang dito katulad mo at hahayaan ang mga taong iyon na malayang nakakapamasyal sa kabila ng pagpatay nila sa mga mahal ko sa buhay. Uncle sana gumising ka! Ayokong manatiling mahina na wala man lang magawa. Kakalimutan ko ang pagkatao na mayroon ako noon, kung halang ang mga bituka nila mas hihigitan ko pa iyon!"

                  "Czarina, ito na ang magiging huling paalala ko, ipaubaya mo ang bagay na iyan sa batas na mayroon tayo."

                 "Hindi! Uncle tama na! Itigil mo na ang paniniwalang iyan... Batas? Walang batas ang makakatulong sa akin! Malaking kalokohan ang batas na tinutukoy mo Uncle. Kung hindi mo ako sasamahan, kagaya ng sinabi ko kanina gagawin ko ito ng mag-isa!" Pagkadaka'y tumayo si Czarina at akmang lalabas na ng pintuan, "Sandali..." Napalingon si Czarina nang patigilin siya ng Uncle niya, "Bakit Uncle, pipigilan mo pa rin ba ako?"

                 "Hindi mo sila kakayanin kung mag-isa ka lang..."

                 "Hindi Uncle, buo na ang desisyon ko—"

                  "Tutulungan na kita." Hindi na natapos ni Czarina ang sasabihin niya nang marinig ang sagot ng Uncle niya. Kaya naman ang panlulumo na nasa mata niya kanina ay tila napalitan ng kaunting pag-asa. Nangilid din bahadya ang luha sa mga mata niya. Aminin man niya o hindi, nagpapasalamat siya sa suportang ibinigay ng Miggy sa kaniya. Tango at ngiti lang ang isinagot ni Czarina kay Miggy bilang pasasalamat.

                 "Sa gagawin mong iyan ka—kailanganin mo ng magandang plano at ng mga baril, hindi ba?"

                 "Tama ka Uncle... May alam ba kayong maari nating Mapagkuhaan?" takang tanong ni Czarina na sinabayan naman ng tango ni Miggy, nagbigay lalo ito ng positibong pakiramdam kay Czarina.

***

                  Dinala ni Miggy ang pamangkin sa isang maliit ngunit samentadong bodega na nakatago rin sa pusod ng isla na iyon. Nakakandado pa ito nang datnan nila ni Czarina, pero hawak naman ng Uncle niya ang susi. "Uncle, pagmamay-ari rin ba natin ito?" pinagmamasdan ni Czarina ang buong kapaligiran, napakaliblib nito dahil na rin sa mga nagtataasang mga puno na nakapalibot sa buong lugar. Marami rin silang dinaanan bago makarating sa bodega, kinailangan muna nilang pumasok sa isang maliit na kweba na nagsisilbing lagusan patungo sa lugar na iyon. "Oo at dito namin ni Miguel, ang daddy mo, itinatago ang mga bagong baril na ni-request ko sa kaniya. Bale ang mga baril na nasa firing range ninyo ay ang mga mahihinang klase lamang," paliwanag ni Miggy at tuluyan na nga niyang nabuksan ang pintuan ng bodega. Bumungad sa kanila ang iba't-ibang klase ng mga baril at mga improvise na bomba. Maayos itong nakahilera dipende sa klase at kung paano gamitin. Mula sa pinakamalaki hanggang sa pinakamaliit na uri ng mga baril.

                    "Uncle, ang dami nito. Halos ang iba nga dito hindi pamilyar sa akin." Pumasok pa si Czarina sa loob at paikot na sinilip ang mga baril na naka-display at nakasabit ng maayos sa dingding. Nakahiwalay din ang mga bala nito na maayos din na nakahilera ayon sa iba't ibang hugis at laki. "Oh heto magsimula ka rito." Inabot ni Miggy ang isang revolver sa pamangkin, "Aralin mo muna kung paano ang tamang paghawak ng baril, saka na natin pag-aaralan ang pag-asinta sa mga bagay, nauunawaan mo ba?" dagdag pa ni Miggy na sinang-ayunan naman ni Czarina. Aminado naman si Czarina na hindi nga siya marunong humawak ng baril kaya nga hindi niya naipagtanggol ang Daddy niya at ang sarili noong hawak pa niya ang baril ng Daddy niya pero ngayon ipinapangako na ni Czarina sa sarili na mula ngayon sa baril na niya idedepende ang lahat, ito ang magiging sandigan niya at ang makakasama niya sa laban. Ito mismo ang tutulong sa kaniya upang mabigyang hustisya ang mga naganap sa kaniya at sa pamilya niya. Sa ngayon ang baril ang magiging kaibigan, kasangga at batas na panghahawakan niya. Kinuha niya ang baril kasabay nito ang pagbitaw niya ng isang malalim na buntong hininga, senyales na handa na siya sa gagawin at mga planong ilalatag nila.

***

                   Ilang araw ang lumipas pagkatapos ng insidente sa lupain ng mga Javier. Kasalukuyang nasa harap ng isang puntod si Caleb, ang puntod di umano ni Czarina. Pero hindi talaga naniniwala si Caleb na ito nga ang bangkay ng dalaga. Hindi napatunayan ng mga nasa laboratoryo ang pagkakakilanlan ng bangkay dahil masyado itong sunog at matatagalan pa ang resulta kung ipipilit talaga na alamin. Ginawang libingan ang lupain ng pamilya Javier dahil malawak naman ito at halos lahat ng biktima ay dito na nga rin inilagak. May nakalagay sa main gate nito na isang tarpaulin na may nakasulat na "JUSTICE FOR JAVIER FAMILY AND COMPANY".


                      Ipinagbawal na rin ang pagpunta ng kahit sino sa lugar maliban sa mga nabigyan ng authorize ng polisya. Magkalapit ang puntod ng mag-asawang Javier at nakahilera naman sa tabi ang mga anak nito at ang ilang biktima. Czarina, hindi ko alam kung buhay ka pa o hindi na. Kung nasaan ka man naroon huwag kang mag-alala hindi ko bibitawan ang kaso ng pamilya mo. Sana nga ay buhay ka pa Czarina... sana buhay ka pa. Mula sa puntod ay napatingin na lang si Caleb sa asul na karagatan at napukaw ng atensyon niya ang dalawang isla na nasa kalagitnaan nito. Maya-maya ay tumunog ang kaniyang cellphone. Kinuha niya ang phone sa bulsa niya at sinagot ito, "Yes sir!"

               "I have a good news, bumalik ka na rito sa opisina, may isa na tayong ebidensya mula sa mga camera na nakuha sa crime scene. Magugulat ka kung sino ang mga nahagip doon," wika ni Chief Montaro mula sa kabilang linya.

                 "Copy sir, I'm on my way." Ibinaba na ni Caleb ang phone niya at muling ibinaling ang atensyon sa mga isla na aminado siyang nagandahan talaga siya.

***

to be continued.

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen2U.Com