Truyen2U.Net quay lại rồi đây! Các bạn truy cập Truyen2U.Com. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

KABANATA IV


Napatikhim ang binata nang bumaba ang dalaga mula sa puno ng mangga. Matalim ang tingin ng dalaga sa mga kalalakihang nakatambay sa daan. Tumalikod siya agad upang hindi makita ng mga ito ang ilang ulit na pag-angat ng kanyang palda habang bumaba.

"Binibini, sa susunod ay—" napatigil ang binata nang marinig ang bulong ng dalaga.

"Kapag minamalas nga naman... Mukhang conservative pa naman ang mga tao sa panahong ito. Shocks! Nakakahiya!" bulalas ni Estrella habang pilit tinatanggal ang pagkakasabit ng palda sa sanga. Napunit ito ng bahagya.

Namula ang kanyang mukha at agad tinakpan ng pamaypay ang bibig. Ramdam niyang may mga matang nanonood.

"Bakit?" tanong ng binata, lumapit ito ngunit agad siyang pinigilan.

"Hep hep! Diyan ka lang. Noli me tangere!" Itinaas ni Estrella ang kamay.

Napakunot-noo ang binata. "Anong ibig sabihin ng noli me tangere?"

"Ibig sabihin... bawal ka munang lumapit. Social distancing ba." Pilit ang kanyang ngiti, halatang pilit din ang pagpapakalmado.

"Social? Puwede bang huwag mo akong kausapin sa ibang lingwahe?" mariin na wika ng lalaki, matalim ang tingin at nananatiling tikom ang panga. Inayos nito ang sintas ng kanyang madilim na uniporme habang pasulyap-sulyap kay Estrella.

Napalunok ang dalaga. Pilit siyang ngumiti.

"Ah, wala. Never mind. Basta, kasalanan mo 'to. Kung 'di mo ako pinilit bumaba agad-agad, hindi sana ako—ugh!"

Napakagat-labi si Estrella nang maramdaman ang lagkit sa kanyang likuran. Hindi lang ito simpleng punit—may kulay pula sa kanyang palda.

Namutla siya, agad na tinakpan ng pamaypay ang kanyang mukha.

"Never mind? Ano'ng lingwahe 'yon? Isa ba itong sumpa?" tanong ng binata, halos walang pagbabago sa tono. Isang buntong-hininga lang ang pinakawalan nito habang tinitingnan ang orasan sa pulso.

"Heneral, mahuhuli po tayo sa pagpupulong!" sigaw kutsero mula sa di kalayuan—isang lalaking may sunog-araw na balat, pawis na dumadaloy sa kanyang sentido, at matang bakas ang kaba ngunit nananatiling matalim sa pagbabantay.

"Oh no. No. No. Hindi ngayon, please..." bulong ni Estrella habang tinitingnan ang kanyang palda. May ilang dumaraan na may dalang batya ng isda, at ramdam niya ang mga matang tila nagtatanong, "Ano'ng nangyayari sa babaeng iyon?"

Kinabahan siya. Si Lola... papagalitan ako. Hindi ako puwedeng umuwi nang ganito.

"Ginoo, saglit lang!" mahinhing wika ni Estrella.

Lumingon ang lalaki. Wala pa ring emosyon sa kanyang mukha.

"Ang init ng mukha niya. Pero... hindi pa rin siya ngumingiti," bulong ni Estrella. "Mukhang hindi pa uso ang poker face dito, pero siya, may master's degree na!"

"Ano 'yon?" malamig ang tinig ng binata.

"Maaari bang makahingi ng... pabor?"

Napataas ang kilay ng binata. "Pabor?"

"Tulong. Kailangan ko ng... pantakip."

Hindi siya makatingin ng diretso. Inilapit niya ang pamaypay sa mukha. "Kasi... napunit ang palda ko at... ah... may... tagos ako," halos pabulong, nanginginig pa.

Namula ang pisngi ng binata. Napatingin ito sa palda, saka agad umiwas ng tingin, mas mariin pa kaysa kanina.

Hindi siya nagsalita. Sa halip, marahan niyang tinanggal ang pang-ibabaw na bahagi ng kanyang uniporme, iniwan ang suot niyang camisa de chino.

"Gamitin mo muna ito," maikling sabi niya, hindi pa rin tumitingin sa dalaga. Iniabot ito at agad na tumalikod.

Ibinalot agad ni Estrella ang uniporme sa kanyang baywang upang matakpan ang kanyang palda. Tumango siya nang bahagya.


"Salamat," mahina niyang wika, kahit wala na ang lalaki.

Sakto namang dumaan sa harap niya ang isang kalesa. Nakalulan dito ang isang babae na may maliit na mukha, kulot na buhok, at mga matang nakatitig sa kanya nang may halong panunuya at paninibugho. Ang mga mata ng babae ay tila mga punyal na dumadaplisan sa kanyang pagkatao, na para bang ang simpleng pagyakap niya sa uniporme ay isang kasalanan. Sa marahang pagaspas ng buntot ng kabayo at ingay ng gulong sa bato, naiwan kay Estrella ang bigat ng matalim na titig ng estrangherang nakasakay.

"Problema non?" mariin na wika ni Estrella .

Naglakad si Estrella sa gilid ng kalsada. Hindi niya maiwasang tumingin-tingin sa paligid, sinisigurong walang nakakakilala. Sa kabila ng hiya, ramdam niya ang init ng araw na tila mas naging mabigat sa kanyang balikat.

Mataas ang mga puno ng acacia sa magkabilang gilid ng daan, at sa pagitan ng mga ito'y may mga lumang bangkong kahoy. Bahagyang umuugong ang mga dahon dahil sa mahina ngunit malamig na hangin. May ilang batang naglalaro ng sipa sa di kalayuan, at isang matandang lalaki ang naglalakad, pasan ang batya ng isda.

"Ang presko ng hangin ang sarap sa balat! Para akong nakaaircon sa panahong ito," namamanghang wika ni Estrella.

Habang patuloy siyang naglalakad, napahinto siya sa tapat ng isang malaking puno ng mangga. Sa ilalim  nito'y may tindero ng suman, bibingka at pamaypay.

"Dito nga 'yon..." bulong niya habang tumitingin sa itaas ng pamilyar na punong mangga. 

Sa tapat ng  mismong lilim ng punong iyon, alam niyang naroon ang  10-Year-Old Café — Isang sikat na restaurant ng Marinduque sa kasalukuyan. Naisip ni Estrella na makabalik na sa kasalukuyan dahil gusto na niyang makapiling ang kaniyang pamilya.

"Gusto ko ng makabalik sa kasalukuyan! Ang tagal naman ni Cristobal! Gutom na ako! Sana nagtungo muna kami sa Bayan bago  pumunta sa Nanay ni Cristobal." bulong ni Estrella.

Kinapa ni Estrella ang kaniyang palda at napasapo sa noo nang muling napagtanto  na nasa nakaraan nga pala siya. Wala siyang dalang pitaka.  Kumakalam ang kaniyang sikmura, at lalo siyang nagutom nang makita ang mga pagkaing tinda sa gilid ng kalsada—mga kakaning pamilyar ngunit tila mas malasa sa paningin.

Saglit siyang napabuntong-hininga, saka muling napalingon sa direksyong tinahak ng Heneral.

Nandoon pa ito—naglalakad, ngunit mabagal. Hindi pa rin lubos na nakakalayo sapagkat may kinausap pang ilang tao na nakasuot ng magarang barong tagalog. 

Nag-aatubili siya, ngunit nanaig ang pangangailangan. Kaya...

"Ginoo!" tawag niya, medyo mas mataas ang tono ngayon, ngunit may halong kaba.

Napatigil ang binata. Dahan-dahang lumingon. Hindi siya nagsalita, ngunit nanatiling nakatitig. Ang mga mata nito ay hindi makabasag-pinggan ngunit hindi rin malamig—tila naghihintay lang.

Namula ulit si Estrella. Huminga siya nang malalim, saka nagsalita:

"Alam kong nakakahiya, pero... puwede bang... mangutang?"

Tahimik.

Muli siyang napatingin sa paligid, saka halos pabulong na idinugtong:

"Konti lang... para sa palda... kasi... baka pagalitan ako ng aking lola," dagdag pa niya.

Bahagyang kumunot ang noo ng binata, waring nag-iisip, ngunit agad ding nagbuntong-hininga. Marahan niyang ipinasok ang kamay sa loob ng kanyang bulsa at inilabas ang ilang nakatiklop na baryang pilak. Lumapit siya nang kaunti, iniabot ang mga iyon sa kamay ni Estrella.

"Sige," maikli niyang sabi, pilit na walang emosyon ang tinig.

Napasinghap si Estrella, halos hindi makatingin habang tinatanggap ang mga baryang inilapag ng binata sa kanyang palad. Namumula ang kaniyang mukha dahil ito ang unang beses na humiram siya ng pera.

Hindi niya alam kung saan ibabaling ang tingin, kaya't pinili na lang niyang tumingin sa lupa. Sa gilid ng kalsada, may ilang kalat na tuyong dahon at mga talukap ng santan.  

"Gracias! Gracias! Senor," tumungo ng bahagya si Estrella at nagmadaling umalis bago pa man tanungin ng ilang kalalakihan na kausap ng Heneral ang kaniyang pangalan.

"Heneral, ang babaeng tinulungan mo kanina? Siya ba si Felicia?" tanong ng isang lalaki na may bilugang mukha. 

"Hindi ko siya kilala," maikling sagot ni Tinio, walang anumang pag-aatubili. Malamig ngunit tuwid ang kanyang tinig, tila nais nang tapusin ang usapan.

Nagkatinginan ang ilan, saka muling ngumiti ang bilugang mukha. "Napakabuti talaga ng iyong puso at manang-mana ka sa iyong ama, Heneral," dagdag pa niya, may halong paghanga at paggalang.

SA gitna ng kalesa, tanaw ni Estrella ang malawak na palayan at matataas na puno.
Hindi sementado ang daan, kaya't umaalog-alog ang sasakyan sa baku-bakong lupa. Sa magkabilang gilid, makikita ang mga bahagyang lumuluhod sa hangin—mga bahay na yari sa kawayan at pawid, ang ilan nama'y may sementadong unang palapag at kahoy sa itaas, tila pinagbiyak na panahon.

Habang palapit sila sa bayan, unti-unting nagbago ang tanawin. Sa halip na puro bukirin, nakita ni Estrella ang mga kalsadang gawa sa adoquin, at ang ilang kabataan na may suot na camisa de chino at baro't saya, naglalakad patungong simbahan. May mga palamuti sa kalsada—banderitas na gawa sa telang pinagdikit-dikit, umiindayog sa hangin.

"Whoa... This is Boac? Parang postcard from 1800s..."
"Pero totoo. May alikabok. May tunog. May amoy..."

Biglang kumalembang ang kampana ng simbahan. Malalim. Mabigat. Umaalingawngaw sa buong bayan.

DONGGGG... DONGGGG... DONGGGG...

Napalingon si Estrella. Sa di kalayuan, tanaw niya ang simbahan ng Boac—nakatindig sa burol, yari sa mapulang batong koral. Sa harap nito, may mga taong may dalang kandila, rosas, at mga kubyertos ng imahe ng Mahal na Ina.

May dumarating na prusisyon—mga sakristan na may suot na puti't pulang sutana, mga babaeng may belo, at sa gitna, ang birheng nakasuot ng asul at puting tela, may mga bitbit na rosaryo at bulaklak. May nagrorosaryo sa wikang Espanyol, habang ang ilan ay may hawak na dasal sa Tagalog.

"Viva la Virgen de Biglang Awa!" sigaw ng mga tao.

Estrella ay napapikit. Isang boltahe ng kabog sa dibdib ang bumalot sa kanya.

Lumamig ang hangin. Tila may kasabay ang kampana—isang bulong ng dasal, isang paanyaya na magtiwala kahit hindi niya maintindihan.

"Cristobal, anong araw ngayon?" tanong ni Estrella, hindi maipinta ang mukha.

"Fiesta po ng Mahal na Ina ng Biglang Awa, Senyorita," sagot niya. "Bawat taon, nagpaparada ang buong bayan. Lahat ng kasalanan ay ibinibigay sa Ina, kapalit ng bagong pag-asa."

Hindi pa rin malimutan ni Estrella ang kahihiyan niya kanina. Ilang ulit niyang tinitigan ang perang iniabot ng binata—tila ba may mahikang nakakubli sa papel. Sa bawat pagbalik ng tingin, lalong namumula ang kanyang pisngi, parang sinisilaban ng init na hindi niya maipaliwanag. Hindi niya alam kung dahil ba ito sa halaga ng pera... o sa lambing ng kamay na nag-abot nito.

"Nakakahiya ka talaga, Estrella! Nakakahiya ka! First time mo talagang mangutang at sa isang lalaki na hindi mo kilala. Teka, Tinong ang pangalan niya, di ba?" sinabutan niya ng bahagya ang kanyang sarili.

"Saan aabot ang isang daang pisong ito? Pangbili lang ito ng sisig sa Chicken Burger sa Jollibee" pabulong niyang wika habang tinitingnan ang sarili sa maliit na salamin.

"Naririto na tayo, Senorita, sa bayan ng Boac, baka po ay may gusto kayong bilhin." Hindi maipinta ang mukha ni Cristobal nang makita ang damit ng Heneral na nakasabit sa baywang ng dalaga. Nawala ang kanyang ngiti sa kanyang labi sapagkat siya'y may kutob na baka may kasintahang Heneral ang kanyang Senorita.

Nanlaki ang mata ni Estrella nang mapagmasdan ang sinaunang bayan ng Boac na tila isang larawang luma sa kanyang harapan. Hindi sementado ang lugar, ngunit ang mga hanay ng kabahayan ay gawa sa kahoy at ang bubong nito ay ginamitan ng materyales na kugon. Nakaagaw rin sa kanyang pansin ang mga bahay na gawa sa tisa. May ilang pamilihan ng prutas tulad ng saging, manga, at pakwan ang makikita. Nahagip rin ng kanyang mata ang pamilihan ng magagarang baro't saya.

"Para Cristobal! D'yan lang sa tabi," nanghihinang wika ni Estrella nang maramdaman ang pagkirot ng kanyang puson.

"Sige po," matamlay na tugon ni Cristobal.

"Bakit kasi sa lahat ng araw ay ngayon pa?" bulong nito sa sarili.

"Binibini, baka may gusto kang ipabuhat sa inyo pong pamimili—" Nabitawan ni Cristobal ang mga dala niyang bayong na gawa sa nito nang kumaripas ng takbo si Estrella.

"Wala!" nagmadali siyang bumaba sa kalesa at hindi na hinintay pang alalayan siya ni Cristobal.

"Senorita! Huwag ka pong tumakbo dahil madulas ang daan!" pag-aalalang wika ni Cristobal habang itinatabi ang kalesa.

Lalo pang bumilis ang takbo ng dalaga, lalo na at nakita niya ang tindahan na kanyang hinahanap. Wala siyang pakialam sa putikang daan at mga matang nakatingin sa kanya habang tumatakbo. Bakas ang pagtataka ng mga nakakasalubong niya ang mga taong suot ang magarbong baro't saya at barong tagalog. Ang ilan pa rito ay may dalang baston at abaniko.

"Ano ba 'yan! Kababaeng tao, ngunit daig pa ang mga indio sa pagtakbo." Tumaas ang kilay ng isang babae na puno ng kolorete ang mukha.

"Mag-ingat ka nga!" sigaw ng isang matabang babae na nakakunot ang noo nang muntik na siyang mabanggaan ni Estrella.

Humihingal ang dalaga nang mapahinto sa isang tindahan na may nakasulat na Casa de Ropa na sa kanyang palagay ay tindahan ng mga damit. Ang bahay ay mayroong dalawang palapag, at sa ibaba nito ay mapapansin ang dalawang matandang babae na nagtatahi ng damit. Gawa sa tisa ang unang palapag, samantalang ang ginamit sa ikalawang palapag ay kahoy na pinatingkad ng silak. May ilang kababaihan na namimili ng damit ang napatigil sa pagpili nang siya'y makita.

"Hindi ko akal-ing may alipin palang may lakas ng loob na pumasok sa tindahan ng magagarang damit." Tiningnan siya nito mula ulo hanggang paa at nanlaki ang mga mata nito sabay bulong sa kanyang katabi.

"Mirasol, ang nakatali na uniporme sa kanyang baywang ay tila aking natatandaan." Nakangisi ang dalaga habang tinitingnan si Estrella na ngayo'y naiilang sa kanyang kasuotan.

"Mukhang uniporme ito ng isang Heneral." Napataas ng kilay ang isang babae habang ginagamit ang pamaypay upang maging panabon sa kanyang mukha sa tuwing siya'y magsasalita.

"Sisa, mukhang ang babaeng ito'y ikinatutuwa pang ipagyabang ang kanilang relasyon."

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen2U.Com