KABANATA VI
NAPAUPO si Estrella sa sahig habang patuloy na kinukusot-kusot ang kanyang mga mata. Hindi niya mawari kung imahinasyon lang ang lahat, ngunit nararamdaman pa rin niya ang mabilis na tibok ng kanyang puso. Marahan muli siyang sumilip sa bintana at tiningnan ang binata na tila pamilyar ngunit hindi niya matukoy kung bakit.
"Iho, anong nangyari sa'yo?" pagtatakang tanong ni Dona Teresa na alarmadong lumabas ng bahay. Ang langit naman ay puno ng mga bituin, at mapapansin din ang bilog na buwan na nagbibigay-liwanag sa mga kabahayan.
Napasabunot ang dalaga sa kanyang buhok, lalo na nang inangat ng binata ang kanyang mata. Muling nagtama ang kanilang paningin at agad napangisi ang binata sa inasal ng dalaga. Kakaba-kabang napaupo si Estrella sa sahig at nakinig sa sasabihin ng binata.
"Umulan po ng malakas sa Gasan, kaya nabasa ang aking damit," magalang niyang wika habang tinitingnan ang bintana.
"Ganoon ba, Iho?" pag-aalalang tanong ng matanda.
"Nasaan po si Clarita? Aking nabalitaan na magbabakasyon siya rito ng dalawang linggo kaya agad akong naparito," nakangiti niyang wika.
"Clarita? Sino si Clarita? Sino siya sa buhay ni Gabriel?" bulong ni Estrella sa sarili habang nagmadaling inayos ang kanyang mahabang buhok. Puno ng katanungan ang kanyang isip, ngunit pinilit niyang itago ito sa kanyang mukha.
Nag-iisip pa rin si Estrella kung bakit marami siyang pamilyar na mukha na nakikita sa panahong ito. Hindi rin mawari ng kanyang isipan kung bakit iba ang buhay nila rito. Isa pa, siya lang ang nakakaalam na silang lahat ay bumalik sa unang panahon. Muling sumilip si Estrella sa bintana at bakas ang lungkot sa kanyang mukha nang hindi na niya muling masilayan pa ang binata.
"Senorita, pinapatawag ka ni Dona Teresa para batiin ang ating mga panauhin," nakangiting wika ni Isabelle, ang kanilang katulong.
"Ha? Ako?" tanong ng dalaga, halatang nagulat.
"Hindi ko akalain na mapapagmasdan ko ang anak ng dating Alcalde Mayor ng bayan ng Gasan. Totoo nga ang balita na maraming babae ang nahahalina sa kanyang angking kagwapuhan."
"Teka, ako pinapatawag?" Hindi mapakali si Estrella sa kanyang kinatatayuan habang nagmadaling humarap sa salamin. Tinalian niya ang kanyang buhok at inayos ang kanyang kulay-dilaw na saya. "Maganda ba, Isabel?"
"Maganda ka naman, Senorita, at kahit anong damit ay talagang babagay sa'yo," pagsang-ayon ni Isabel.
Napabuntong-hininga si Estrella at uminom ng isang basong tubig bago bumaba sa hagdan. Kahit nakakaramdam siya ng galit kay Gabriel, ay mas nangingibabaw ang pananabik na makita at muling makausap ito. Mabigat ang kanyang paghakbang at natagpuan niya ang binata na nakaupo sa sala habang magiliw na kinakausap ang kanyang Lola. Sumisilay ang kanyang ngiti at nakita niya ang biloy nito sa kaliwang pisngi.
Ilang gasera ang nakalagay sa bawat lamesa ng bawat sulok ng bahay, kaya kahit gabi'y napakaliwanag tingnan ng paligid.
"Nasaan si Lola?" tanong ni Estrella at sa hindi inaasahan, nakita niya ang binata na nakatingin sa kanya.
"Akala ko'y ikaw si Clarita," natatawang wika ni Gabriel habang sinusuri ang mukha ni Estrella.
Napalunok si Estrella dahil hindi niya malaman kung sino ang tinutukoy ng binata. Hindi magawa ni Estrella na ilihis ang kanyang paningin, lalo na't napagmasdan nito ang mga mata ng binata. Ang mata ng dalaga ay puno ng katanungan, lalo na nang tinanggal nito ang sombrero para magbigay-galang.
"Magandang araw po, Binibini. Ako nga pala si Miguel Gabriel Alforque at ikinalulugod kitang makilala," nakangiting wika nito kay Estrella.
Napalunok ng ilang beses si Estrella at agad na kumunot ang kanyang noo. Pinipilit niyang basahin ang ekspresyon ni Gabriel upang makakuha ng ebidensya na hindi talaga siya kilala nito. Hinigpitan niya ang hawak sa kanyang palda at pinipilit ang sarili na iproseso kung anong dapat niyang sabihin.
"Senorita, ayos ka lang?" Kinapitan ni Isabel ang kamay ni Estrella at agad nang nagsalita.
"Ikinalulugod rin kitang makilala." Bawat salita'y tumutusok sa puso ni Estrella sapagkat hindi niya akalain na ang taong pinakamamahal niya ay hindi siya kilala.
"Ano ang yong pangalan? Ikaw na ba si..." tanong ni Gabriel.
"Iha, maaari mo bang tulungan si Isabel sa paghanda ng hapunan? Alam ko na magaling ka magluto. Sa aking palagay, nanabik na ring makakain ng lutuing Pinoy ang ating bisita, sapagkat kakabalik pa lang nila sa Pilipinas."
Napansin ni Estrella na lumabas ang kanyang Lola mula sa kusina.
"Opo," mabilis na tugon ng dalaga habang pinipigilang tumulo ang namumuong luha sa kanyang mga mata.
Pagkarating sa kusina, agad siyang lumapit sa naglalakihang kabinet na inuukitan ng sari-saring bulaklak. Naramdaman ng dalaga ang biglaang pagsikip ng kanyang dibdib, kaya't napaupo siya sa sahig upang pahirin ang kanyang mga luha.
"Señorita?! Anong nangyayari sa'yo? Balis ba 'yan?! Baka may balis 'yung lalaking kasama ni Senor Gabriel, kaya ka nagkakaganyan! Naku, sabi ng aking Ina, lawayan mo raw agad 'yung parte ng katawan mo na sumasakit—para raw maalis ang bisa ng balis! Diyos ko, " natarantang sambit ni Isabel.
"Pati ba naman sa panahong ito, matataranta ka pa rin, Isabel?" malungkot niyang tanong habang nakatitig sa dalawang gamo-gamong lumilipad papalapit sa gasera.
Maliwanag at maluwang ang kusina, pinapalamutian ng ilang basket na hitik sa makukulay na gulay at hinog na prutas. Sa dingding, nakasabit ang kumpol-kumpol na bawang at iba't ibang uri ng tuyong pampalasa na nagpapalutang ng masarap na halimuyak sa paligid. Sa isang tabi, maayos na nakahanay ang mga pinggang porselana sa kanilang lalagyanan, tila ba handang-handa sa isang marangyang salu-salo. Sa gitna ng silid, nakatayo ang isang malaking mesa—isang matibay at pinakintab na center table—na sa tantiya niya'y kayang upuan ng mahigit sampung katao para sa isang masaganang kainan.
"May sakit po ba kayo sa atay? Kasi po parang galit 'yung mga ugat n'yo sa leeg, parang gusto na nilang magsumbong!" ani Isabel, halatang nag-aalala pero hindi napigilang magbiro.
Tutulo na sana ang luha ni Estrella kung hindi lang niya narinig ang tanong ni Isabel. Saglit siyang nahimasmasan, at pansamantalang nawaglit sa kanyang isip si Gabriel—lalo na't mukhang uunahan pa siya ni Isabel sa pag-iyak. Napangiti siya nang pilit, saka ilang beses na tumalon-talon na parang bata, para patunayang wala siyang iniindang sakit. Mukhang hindi pa rin nagbago si Isabel—iyakin at madiriin pa rin, kahit sa ganitong panahon.
"Binibiro lang naman kita, Isabel. O, ayan ha—wala tayong luha-luha, strong tayong dalawa!" ani Estrella, sabay tawa na parang hindi napigilang bumuga. Agad siyang napatakip sa bibig. "Naku, ang lakas ata nun..," bulong niya, sabay irap sa sarili habang pilit pinipigil ang isa pang tawa.
Nakasilip ang dalaga sa bintana ng kalesa habang pinagmamasdan ang liwanag ng buwan. Tila lumilipad ang kanyang isipan, dala ng alaala ng lalaking kanyang ipininta. Ilang taon na siyang namalagi sa kumbento sa Maynila upang pag-aralan ang mga gawain at tungkulin ng isang babae. Ilang taon na rin siyang sabik na naghintay sa kanyang kasintahan, na nag-aral ng medisina sa ibang bansa. Kaya't hindi na niya mapigilan ang pananabik na muling makita ito. Bumibilis ang tibok ng kanyang puso habang papalapit sila sa isang mansyong napapalibutan ng mga bulaklak.
"Señorita, mukhang naririyan na si Gabriel! Tingnan mo, may kalesa sa tapat ng inyong bahay," masayang wika ng isang malusog at maputing babae habang pinapalayas ang mga lamok na dumadapo sa kanyang braso.
"Sa palagay mo, hindi pa rin nagbago ang pagtingin sa akin ni Gabriel? Ilang taon na kaming hindi nagkikita, at sobra na ang kaba ko."
"Oo naman, Clarita! Maraming magaganda rito sa ating probinsya, pero para sa akin, ikaw ang pinakamaganda. Napapansin mo ba? Tuwing may mga binata tayong nakakasalamuha, sa'yo lang talaga sila nakatingin!"
"Marites, ngunit napakaraming babae na mas higit pa sa akin."
"Sino naman ang hihigit sa maputi at makinis mong balat? Sa maamo mong mga mata at maliit na ilong? Idagdag mo pa ang manipis at mamula-mula mong mga labi, Señorita," namamanghang wika ni Marites habang pinagmamasdan ang namumulang si Clarita.
Bahagyang yumuko si Clarita at inilagay ang isang hibla ng buhok sa likod ng tainga. "Nasobrahan ka naman sa pagpupuri sa aking panlabas na kaanyuan," mahinhing tugon niya, halos pabulong ang tinig.
"Naririyan na rin ba ang aking kapatid na si Estrella?" dagdag niya habang marahang pinisil ang laylayan ng kanyang panyo.
"Oo, balita ko'y naisipan niyang dito magbakasyon mula sa Maynila,"
"Ganoon ba?" sagot ni Clarita, habang dahan-dahang tumango, ngunit bakas sa kanyang mata ang lungkot.
"Bakit bigla ka na lang nalungkot, Señorita? May problema ka ba?" tanong ni Marites, puno ng pag-aalala.
"Wala 'yon," maikli at mahinang sagot ni Clarita, sabay abot ng kanyang mga gamit kay Marites, maingat at may pagkakaayos.
Maya-maya'y binuksan ng isang binata ang pintuan ng kalesa. Bago siya bumaba, bahagyang itinaas ni Clarita ang laylayan ng kanyang palda upang hindi ito matapakan. Mahinhing yumuko siya bilang pasasalamat, saka marahang ibinaba ang kanyang mga paa at iniabot ang bayong sa binatang handang tumulong.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen2U.Com