Truyen2U.Net quay lại rồi đây! Các bạn truy cập Truyen2U.Com. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

KABANATA VII

Maingat ang bawat hakbang ni Clarita sa madilim na pasilyo ng hacienda, habang inaayos ang laylayan ng kanyang puting Maria Clara. Ang liwanag ng gasera'y tumatama sa makinis niyang balat, at sa bawat hakbang ay bahagyang kumakaluskos ang tela ng kanyang saya.

Napahinto ang ilang trabahador sa pag-iigib; tila natahimik ang gabi sa kanyang pagdaan. Hindi siya tumingin sa kanila—bagkus ay bahagyang ibinaling ang mukha at inilapit ang pamaypay sa pisngi.

Pagbukas ng pinto, sumalubong agad sa kanya ang anyo ni Gabriel. Napatayo ito, may ngiting tila noon pa niya iniingatan. Sa hiya, bahagyang yumuko si Clarita at tinakpan ang kalahati ng mukha ng kanyang pamaypay—ngunit mula sa likod nito, palihim siyang sumulyap.

"Gabriel," bulong niya sa sarili. Gusto sanang magmadali ng dalaga upang makalapit sa binata, ngunit napatigil siya nang mapansin ang kanyang Lola—tila ba pinapahiwatig ng matanda, sa isang sulyap pa lamang, na huwag niya itong gawin. Sinasabayan ng mabilis na tibok ng kanyang puso ang bawat marahang hakbang ng kanyang mga paa.

"Titingnan ko muna kung handa na ang hapunan," wika ng matanda at sinenyasan si Clarita na ayusin ang bawat kilos nito.

Umupo si Clarita, may isang upuan ang pagitan nila ni Gabriel. Naroon pa rin ang kaibigan ni Gabriel, pati na rin si Marites, na kapwa nakatayo upang bigyang daan ang masinsinang pag-uusap ng dalawa.

"Kamusta?" pangbasag ng binata sa katahimikan.

"Mabuti naman," nahihiyang tugon ng dalaga, habang namumula siya sa pagtitig sa lalaking matagal na niyang iniirog.

Tila bumalik sila sa panahon noong nililigawan pa lamang siya ni Gabriel, lalo na't ilang taon na rin silang hindi nagkikita. Napansin ni Clarita ang mga pagbabagong dumaan kay Gabriel—lalo itong gumuwapo sa kanyang paningin. Matikas at matipuno ang tindig nito, at higit na lumutang ang kanyang pagkamestiso. Malamlam ang mga mata nito at napakaamo ng kanyang mukha.

"Hindi ko alam kung nananaginip lang ako o totoo ka talagang nasa harapan ko ngayon," nakangiting sabi ni Gabriel. "Ang tagal kong hinintay ang sandaling muli kitang makita."

Lalong namula ang mukha ni Clarita. Ibinaba niya ang tingin at pinigilan ang sarili, nahihiyang tanggapin ang matinding pagnanais na yakapin ang binata.

"Gab, kung alam mo lang kung gaano ko inaabangan ang mga sulat mo. Minsan, buwan pa ang lumilipas bago ko makatanggap ng isa. Hindi ko maiiwasang magtampo kapag parang nakakalimutan mo akong sulatan. Palagi akong naghihintay... at minsan, natatakot ako—baka may iba nang laman ang puso mo."

"Mahal kita, Clarita. Alam mo naman, ikaw lang ang babae na minahal ko. Ikaw lang," mahina ngunit tapat ang tinig ni Gabriel.

Pasimpleng hinawakan niya ang kamay ni Clarita at banayad itong hinalikan. Paminsan-minsan ay sumisilip siya sa paligid, nag-aalala na baka makita sila ng kanyang lola, lalo't masyado na silang malapit sa isa't isa.

Marahan niyang inangat ang mukha ni Clarita, saka lumapit nang dahan-dahan, puno ng paggalang at pag-ibig ang kanyang mga mata.

"Gabriel...Hindi nagbago ang puso ko, kahit ilang taon na ang lumipas."

Natigil sa pag-uusap ang dalawa nang may marinig silang nabasag na mga plato. Pag-angat nila ng paningin, napansin nila ang isang dalagang abalang pinupulot ang nagkalat na ulam sa sahig. Isa-isa rin niyang dinampot ang mga pira-pirasong basag na plato upang itapon sa basurahan.

Lumapit si Gabriel kay Estrella upang tulungan itong pulutin ang mga nabasag na pinggan. Maingat niyang iniabot ang isang piraso ng plato habang tinitiyak na hindi masugatan ang dalaga.

Sa hindi inaasahang sandali, pumasok si Doña Teresita. Agad na sinalubong siya ni Clarita at marahang lumapit sa kanyang tagiliran. May ibinulong siya sa matanda—isang bagay na agad nagbago sa ekspresyon ng mukha ni Doña Teresita. Mula sa pagiging maamo, unti-unting nanigas ang kanyang mga mata, at ang labi'y pinilit panatilihing tikom.

"Estrella! Anong nangyari? Isabel, ikaw na ang gumawa rito. Kukuha kami ng bagong pinggan para sa iyong Señorita," inis na wika ng matanda.

"Nasugatan ka ba, Binibini?" tanong ng binata kay Estrella, may pag-aalalang bakas sa kanyang tinig.

Agad na napaiwas ng tingin ang dalaga. Hindi siya tumugon, ni hindi magawang tingnan si Gabriel sa mata. Ayaw niyang mahalata ang mga luhang nagbabadyang pumatak mula sa kanyang mga mata.

"Iho, paumanhin, ngunit kukuha muna kami ng bagong plato," mahinang wika ni Doña Teresita bago marahang hilahin si Estrella papunta sa kusina at isarado ang pinto.

Tahimik na napabuntong-hininga si Estrella. Pilit niyang pinipigil ang luha. Hindi niya inaasahang makikita siya ni Gabriel sa ganitong sitwasyon—kasama pa ang babaeng ayaw niyang kaharap. Masakit, lalo na nang halos maghalikan ang dalawa.

Sa loob-loob niya, naalala niyang ni minsan ay hindi pa siya nahahalikan ni Gabriel. Pinili niyang panatilihin ang kanyang puridad—isang tahimik na panata sa Diyos.

"Wala ka talagang ginawang tama!" sigaw ni Doña Teresita sabay hampas ng pamaypay sa likod ni Estrella.

Napangiwi si Estrella, hindi dahil sa sakit kundi sa gulat. Nanlaki ang kanyang mga mata—hindi niya akalaing magagawa iyon ng kanyang lola. Sa buong buhay niya, ni minsan ay hindi siya sinaktan nito.

Agad na lumapit si Isabel at siya na ang sumalo sa mga hampas ng matanda, na para bang nais niyang ipagsanggalang si Estrella.

"Huwag n'yo pong saktan si Isabel. Ako na lang po ang saktan n'yo," mahina niyang wika, ngunit sapat upang marinig ng kanyang lola.

"Estrella, sinasagot mo na ba ako?" tanong ng matanda, punô ng awtoridad ang tinig. Humarang siya, ayaw nang masaktan pa si Estrella, na ngayo'y walang tigil sa pagluha.

"Señorita! Ako na lang..."

Pumikit si Estrella at mahigpit na niyakap si Isabel, pinoprotektahan ito mula sa inaasahang hampas ng kanyang lola.

Hinintay niya ang sakit, ngunit nagtaka siya—wala siyang naramdaman.

"Iho?"

Napatingin si Estrella kay Gabriel, na ngayon ay hawak ang pamaypay na sana'y ihahampas sa kanya. Seryoso ang tingin ng binata sa kanyang lola, habang si Clarita naman ay napatakip ng bibig sa gulat.

Hindi mawari ni Estrella kung bakit siya ipinagtatanggol ni Gabriel—at kung paanong nagawa nitong saluhin ang galit ng kanyang lola para sa kanya.

"Pasensya na po sa aking inasal sa pagpigil sa inyo sa pagdisiplina sa inyong apo. Alam ko pong hindi sinasadya ni Estrella ang pagkabasag ng pinggan, sapagkat ako po ang may kasalanan."

Nanlaki ang mga mata nina Estrella at Clarita sa sinabi ni Gabriel; bakas ang pagtataka sa kanilang mga mukha.

"Anong ibig mong sabihin, iho?" pagtatakang tanong ni Doña Teresita.

Napakamot ng ulo si Gabriel at napatingin kay Estrella, na nakatulala at pilit pinoproseso ang mga pangyayari. Hindi niya inakalang may magtatanggol sa kanya—lalo na ng isang taong ngayon lang niya nakilala.

"May nais pong sabihin sa akin si Julio kaya ako'y tumayo upang lumapit sa kanya," paliwanag ni Gabriel.

Napatingin siya kay Julio, na pinasunod niya sa loob ng kusina. Puno siya ng pagtataka, sapagkat alam niyang kanina pa lang ay tahimik lang itong nakatayo at naghihintay na matapos ang pag-uusap ng dalawa.

"Sa kasamaang-palad, napatid ko siya—kaya ako po ang may kasalanan."

Nahimasmasan ang lola ni Estrella mula sa kanyang galit. Agad niyang kinuha ang pamaypay at sinenyasan ang isang katulong upang siya'y paypayan.

"Paumanhin, iho, sa aking inasal. Huwag mo sanang masamain ang paraan ng pagdidisiplina ko sa aking mga apo. Ayaw kong panatilihin nila ang ugaling maaaring ikahiya ng aming pamilya."

"Naiintindihan ko po," tugon ni Gabriel, habang nakatitig kay Estrella na tila ba sinusuri ang mukha nito.

Agad namang umiwas ng tingin si Estrella at nagpanggap na hindi siya nahahalina sa anyo ng binata.

"Pero sana po, huwag na pong maulit ito."

"Sige, Estrella, makakabalik ka na sa iyong kwarto. Bahala na ang mga katulong sa mga natira."

"Estrella?" Nanlaki ang mga mata ng binata habang tinitingnan ang dalaga.

"Gabriel, natatakot ako... sapagkat iniwan mo akong nag-iisa sa bulwagan. Halika't samahan mo ako," mahinhing wika ni Clarita matapos magpakawala ng malalim na buntong-hininga.

Marahang naglakad si Estrella, inalalayan ni Isabel. Hindi niya maiwasang mapansin ang titig ni Gabriel na nakatuon sa kanya.

At sa sulok ng kanyang mata, tila ba nakita niyang si Clarita ay natigilan—parang nakakita ng multo.

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen2U.Com