Truyen2U.Net quay lại rồi đây! Các bạn truy cập Truyen2U.Com. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

KABANATA VIII

Ilang bote na ng alak ang kanyang naubos simula nang iutos niya kay Isabel na palihim na kumuha mula sa kusina. Hindi niya lubos maisip na muli niyang makikita ang babaeng naging dahilan ng paghihiwalay nila ni Gabriel. Sobrang sakit ng kanyang nararamdaman—lalo na nang saktan siya ng kanyang lola.

"Bakit ba nangyayari sa akin ito?!" Sigaw niya habang muling uminom ng alak.

Pamilyar sa kanya ang lasa nito—dahil bago pa man niya makilala ang Diyos, ito ang kanyang kanlungan. Isa-isang naubos ang mga bote. Isiniksik niya ang isa sa mga ito sa ilalim ng kama, at wala na siyang pakialam sa itsura niya.

Magulo ang kanyang buhok, marumi ang suot—gawa ng pag-upo sa sahig at ng paulit-ulit na paglilinis upang takpan ang sakit sa puso.

"Señorita, tama na po!" Inagaw ni Isabel ang bote sa kanya, ngunit hindi siya nagpapaawat sa pag-inom.

Alam ni Isabel na hindi sanay uminom ng alak ang kanyang Señorita, kaya labis ang kanyang pagkagulat sa inaasal nito ngayon. Magulo ang buhok nitong nakatali lamang nang pabaya, habang umiinom ng alak na para bang ito'y tubig lamang.

"Okey lang ako, Isabel! Alam mo ba, noong high school pa lang ako, mahilig na talaga akong uminom ng alak? Ginusto ko iyon dahil gusto kong makalimutan ang sakit ng pag-iisa. Sina Mom at Dad kasi ay nasa States—lagi na lang silang naroon para asikasuhin ang kanilang negosyo."

"Negosyo? High school? Ano pong ibig sabihin noon?" pagtatakang tanong ni Isabel.

"Oo nga pala, nasa ibang panahon tayo—kaya siguro hindi mo ako naiintindihan. Nagtataka ako kung bakit hindi ko maalala ang lahat. Ang tanging alam ko lang ay kasal noon ni Ate Rina, at pagkagising ko, narito na ako. Matulog ka na, Isabel; malay mo, bukas ay makauwi na tayo. Hindi ko rin maunawaan kung bakit parang iba ang kinikilos ng lahat ng kakilala ko sa panahong ito. Sabihin mo sa akin, Isabel... nananaginip lang ba ako?"

Napalunok siya ng ilang beses at mahigpit na kinuyom ang kanyang mga palad.

Tumungga muli si Estrella bago humiga sa kama, pinipigilan ang sarili na umiyak sapagkat naroroon pa si Isabel. Ayaw niyang makita nito na siya'y may pinagdaraanan at umiiyak.

"Lasing na po kayo, Señorita. Hindi ko rin po maintindihan ang inyong sinasabi. Hindi ko na po alam kung bakit ibang Señorita ang kaharap ko ngayon. Nawala na po ang Señorita na mahinhin, na karaniwan ay pinapaalis po ako. Ano po ang nangyari? Kayo pa po ang nagtanggol sa akin... Kahit kailan, wala pong ni isang tao ang kayang protektahan ako. Bakit ginagawa n'yo po ito sa akin, Señorita?"

Hindi rin maintindihan ni Estrella ang ibig sabihin ni Isabel—kung bakit tila iba rin ang kilos nito. Napaisip siya kung mayroon nga ba siyang kakambal sa panahong ito, kaya nasabi nitong iba ang kanyang ugali. Napakamot siya sa ulo at nag-isip nang malalim bago muling nagsalita.

"Siguro'y ganoon talaga ang mga tao—mabilis silang magbago. 'Yong akala mo, ikaw lang ang iibigin, pero kinabukasan, may iba na pala siyang mamahalin. Huwag kang mag-alala, Isabel, dahil poprotektahan kita mula sa kahit sinong gustong manakit sa'yo. Promise 'yan."

Pinikit ni Estrella ang kanyang mga mata at nagpanggap na natutulog. Ilang bote pa lang ang kanyang naiinom, kaya ramdam na ramdam niya na hindi pa siya ganoon kalasing.

Namangha si Isabel sa sinabi at ginawa ni Estrella, sapagkat kahit kailan ay hindi pa niya nakitang ganoon ang inasal ng kanyang Señorita. Nang makita niyang mahimbing na itong natutulog, hinawi niya ang mahaba nitong buhok na nakatabon sa mukha. Napaisip si Isabel—mukha ngang mataray si Estrella, ngunit busilak naman ang kanyang puso.

"Sige po, Señorita, magpahinga na po kayo." Kinumutan niya si Estrella at marahang lumabas ng silid nito.

Narinig ni Estrella ang pagsarado ng pinto, at agad siyang bumangon upang kunin pa ang bote ng alak. Gusto niyang lunurin ang sarili sa alak upang pansamantalang makalimutan si Gabriel—burahin ang kanyang mukha sa isipan, kasama ng babaeng labis niyang kinaiinisan.

Iniinda niya ang sakit sa kanyang likod habang iniisip ang dalawang taong labis na nanakit sa kanya—ang kanyang Lola at si Gabriel.

Hatinggabi na nang maisipan ni Estrella na maglakad sa labas upang hanapin si Gabriel. Wala na siya sa tamang katinuan, dulot ng ilang bote ng alak na kanyang nainom. Nakatapak siyang naglalakad palayo sa kanilang hacienda, palinga-linga sa paligid. Ilang minuto rin ang lumipas mula nang siya'y makaalis, at buti na lamang ay wala ni isang bantay ang nakakita sa kanya.

Malamig ang gabi dahil sa hanging amihan na umiihip mula sa karagatan, ngunit hindi ito alintana ni Estrella. Patuloy pa rin siya sa paglalakad, patuloy sa paghahanap ng kanyang pakay. Sarado na ang mga bahay, at ang tanging liwanag na kanyang natatanaw ay mula sa mga sinding kandila at lampara. May ilan na ring nakasabit na parol—iba't ibang kulay—bilang paghahanda para sa selebrasyon ng Pasko.

Hindi sementado ang daan, kaya ramdam ni Estrella ang malamig na putik at mga batong humahaplos sa kanyang talampakan.

"Heto ako, basang-basa sa ulan... Ulan, bumuhos pa," malakas siyang kumakanta habang pinapahid ang mga luha sa kanyang mga mata.

Sa hindi kalayuan, isang putok ng baril ang umalingawngaw, kaya tinakpan ni Estrella ang kanyang tainga. Palinga-linga siya sa paligid, ngunit ni kaunti ay hindi siya natakot sa mga nangyayari.

"Barilin n'yo na lang ako!" sigaw niya, saka napaupo sa damuhan.

Maliwanag ang buwan, at tanaw niya ang liwanag nitong tumatama sa paligid habang naririnig ang marahas na hampas ng mga alon. Sa di-kalayuan, may ilang ibong pungaw na umaawit mula sa mga puno ng niyog at mahogany. Marahang naglakad si Estrella, at mula sa kanyang kinatatayuan ay natanaw niya ang dagat. Naramdaman niya ang buhangin sa ilalim ng kanyang talampakan, at agad siyang nagtampisaw sa mga alon.

"Mabuti pa'y mawala na lang ako sa mundo," bulong niya sa sarili habang unti-unting lumulusong sa dagat. Malamig ang tubig, tila mga karayom na tumutusok sa kanyang balat, ngunit nagpatuloy pa rin siya sa paglalakad.

Lumalalim na ang tubig at wala na siyang pakialam kahit abot-leeg na ito. Gusto niyang lunurin ang sarili—tapusin na ang lahat ng sakit.

"Mabuti pa'y mawala na lang ako sa mundo," bulong niya sa sarili habang tinatanggap ang ginaw ng dagat. Malamig ang tubig, tila mga karayom na walang awang tumutusok sa kanyang 

Tumulo ang mga luha sa kanyang pisngi, humalo sa alat ng dagat—parang ang sakit niya ay pinapasan na rin ng karagatan.

"Nasisiraan ka na ba talaga ng bait? Anong ginagawa mo rito?"

Mabilis na lumusong mula sa dalampasigan ang isang matipuno at matikas na binata. May kung anong pamilyar sa tinig nito, bagaman hindi agad niya matukoy kung saan niya ito narinig. Dapat ay makikipagkita siya sa isang tao ngayong gabi, ngunit sa halip ay nasaksihan niya ang isang dalagang tila susuko na sa buhay.

"Bitawan mo ako! Wala nang halaga ang buhay ko! Pabayaan mo na ako—iniwan na ako ng lalaking minahal ko!" sigaw niya, halos hindi na makilala ang sariling tinig sa pagitan ng hikbi at galit. Hindi niya maaninag ang mukha ng kaharap, ngunit sa gitna ng dilim, may kapayapaan itong taglay—tila kinatawan ng liwanag sa gitna ng kanyang gabi.

"Sigurado ka ba na ito ang sagot?" malamig ang boses ng binata ngunit matatag. "Na kapag ginawa mo 'to... magiging maayos ang lahat? Na sa langit ka mapupunta?"

Hindi siya nakasagot. Lumuha siya muli.

"Tatapusin mo ang sarili mo para sa isang taong baka naman sadyang inalis ng Diyos sa buhay mo—dahil hindi siya karapat-dapat sa'yo?Hindi ba mas mabuting, sa halip na magpakalunod sa alak at pighati... lumapit ka sa Kanya? Sa Diyos na kailanman, hindi ka iniwan—at hinding-hindi ka iiwan."

Hindi niya alam kung bakit, pero sa gitna ng kanyang kalituhan, tila tumigil ang mundo. Ang hampas ng alon, ang lamig ng gabi, lahat ay lumabo. Ang mga salita ng binata ay tumama, direkta sa puso.

"Walang mabuting maidudulot ang paglalasing," dagdag pa nito, habang unti-unti siyang hinihila pabalik sa dalampasigan. Basa na silang pareho—damit, buhok, kaluluwa.

Sa kanyang puso, isang tanong ang umalingawngaw:

"Bakit ngayon pa may gustong humila sa akin pabalik?"

Who are you? Do you even know me? Hindi mo alam kung gaano ko siya kamahal dahil wala ka sa katayuan ko!" mangiyak-ngiyak na sigaw ni Estrella, sabay hawak sa kwelyo ng lalaki. Tumutulo ang kanyang mga luha habang nanginginig ang kanyang mga kamay.

"Ano bang sinasabi mo? Hindi kita maintindihan," gulat na tugon ng binata. Lumapit siya nang bahagya, ngunit natigilan nang maramdaman ang luha ni Estrella na sumisingaw sa kanyang dibdib.

Napatulala siya nang ngumiti si Estrella — isang ngiting punô ng sakit at pagod — bago muling napahagulgol.

"Senorita!"

Napatakip ng palad ang isang babae na tila kanina pa pala naroroon. Nakahawak si Estrella sa braso ng lalaki habang magkatitig silang dalawa. Dumarampi ang malamig na hangin sa kanilang mga balat habang sinasaliwan ng liwanag ng buwan at kumikislap na mga bituin.

"Heneral Tinio? Senorita Estrella? Anong ginagawa ninyo rito sa gitna ng gabi? Magtatanan ba kayo?"

Nahihiyang hinawakan ng binata ang kamay ng dalaga upang dahan-dahang alisin ito sa kanyang braso. Ngunit ikinagulat niya ang muling pagsubsob ni Estrella ng mukha sa kanyang dibdib upang suminga nang ilang ulit.

"Si Isabel ka ba? Pwede bang iwan mo muna ako?" aniya, bahagyang nabigla sa tanong ni Estrella.

"Senorita!" namumulang wika ni Isabel habang tinatakpan ang kanyang mukha ng mga palad, bagaman sinisilip pa rin niya ang pangyayari mula sa pagitan ng kanyang mga daliri.


"Natutuwa po ako sapagkat matapos ang ilang taon, naisipan n'yo na ring pumasok sa isang relasyon! Hala, susuportahan ko po kayo kung saan kayo masaya. Ako na po ang bahala sa inyong Lola!"

Malawak ang kanyang ngiti habang nagsimula na siyang humakbang palayo.

"Binibini," madiing wika ng binata, kasabay ng matalim na tingin. Napatahimik si Isabel at agad kinagat ang kanyang dila, ramdam ang bigat ng kanyang presensya.

"Ano po 'yon? Heneral?" tanong niya.

"Walang sinuman ang dapat makaalam sa gabing ito. Kung may bumabagabag sa'yo, hintayin mong luminaw ang isip ng iyong Senorita—doon ka magtanong," mariing wika ng binata, taglay ang tinig na hindi mapapahinga.

"Opo," mahinang sambit ni Isabel, halos pabulong, sabay yuko ng ulo bilang tanda ng paggalang at pag-unawa.

"Alam mo namang hindi magandang tingnan kapag may babaeng magkasama ang lalaki, lalo na't dis-oras na ng gabi. Isa pa, may umalingawngaw na putok ng baril—gusto kong malaman kung ano 'yon. Delikado sa lugar na ito, lalo na para sa inyong dalawa."

Napatigil si Estrella, biglang sumama ang kanyang pakiramdam. May kakaibang kirot sa kanyang sikmura, at parang lalong gumulo ang kanyang isip.

"Opo, Ginoo... pero anong nangyayari kay Senorita?" pinagpapawisang tugon ng dalaga. Napatakip siya muli ng bibig nang makita ang ginawa ni Estrella. Nanlaki ang mga mata ng binata, kaya't naisipan nitong tanggalin ang kanyang pang-ibabaw na uniporme.

"Sorry, peace!" nakangiting biro ni Estrella habang pinagmamasdan ang reaksiyon ng binata. Ang damit nito'y nabahiran ng suka at luha.

"Hilig mo ba talagang dumihan ang uniporme ko?" inis na wika ng binata habang isa-isang tinatanggal ang mga butones ng pang-itaas niyang suot.

"Papalitan na lang po ni Senorita ang inyong damit! Alam ko po—may damit po ang kapatid ni Cristobal, malapit lang po ang bahay nila!" natatakot na sabat ni Isabel habang pinipilit iwasan ang matatalim na titig nito. Agad siyang tumakbo palayo.

"Saan ka pupunta?" mabilis na tanong ng binata, gusto niya sanang pigilan si Isabel. Hindi tama para sa isang babae ang maglakad mag-isa sa gitna ng gabi.

"Isabel!" sigaw niya, ngunit napatigil nang may biglang gawin si Estrella...

Marahang bumaba ang dalaga mula sa sinasakyang kalesa upang magtungo sa dalampasigan. Gabi na't madilim, ngunit hindi niya alintana ang nararamdamang pagod. Dumaan siya sa lugar na napapalibutan ng matataas na damo at mga punong niyog. Ang tanging liwanag na kanyang bitbit ay mula sa maliit na lamparang isinama niya.

"Naibigay mo ba ang sulat, Joselito?" tanong niya sa batang lalaki na nakasunod sa kanya. Ang bata ay nakasuot ng damit na sira-sira ang laylayan at puno ng mantsa.

"Opo, naibigay ko po kay Heneral," paninigurado nito.

"Magaling," natutuwa niyang wika habang nanabik na makita ang kanyang pakay.

May kaunting pangangatog sa kanyang tuhod, ngunit ang tibok ng puso niya ang mas naririnig niya—matulin, puno ng kaba. Hawak niya ang isang liham sa kanyang kamay—isang liham na sana'y magiging daan upang magbukas ng panibagong pag-asa.

Ngunit sa kanyang paglapit, bahagyang natigilan ang kanyang mga hakbang. Sa ilalim ng malamlam na liwanag ng buwan, natanaw niya si Heneral Tinio.

At hindi ito nag-iisa.

Nandoon si Estrella, nakasubsob sa dibdib ng Heneral habang pilit sinusuka ang laman ng kanyang sikmura. Ang uniporme ni Tinio ay bahagyang marumi na at may bakas ng suka, ngunit hindi niya alintana ito—mahigpit ang pagkakahawak niya sa dalaga, halatang pinipigilan ito upang hindi matumba.

Sa unang tingin, para bang yakap ng isang nagmamahalan ang kanilang anyo.

Napalunok si Felicia, unti-unting nabitawan ang liham mula sa kanyang kamay.

Napaatras siya ng isang hakbang. Napakapit siya sa isang punong niyog upang hindi matumba.

"Hindi..." bulong niya, halos hindi marinig.

Namumuo ang luha sa kanyang mga mata, ngunit pinilit niyang hindi umiyak. Mahina ang kanyang katawan, pinipigilan lamang ng kanyang matatag na paninindigan ang tuluyang pagbagsak.

Nagpatuloy siya sa paglakad, palayo. Marahan. Mabagal. At ramdam niyang lumalamig ang kanyang mga palad, habang dahan-dahang nanghihina ang kanyang mga tuhod.

Umabot siya sa kalesa at agad siyang inalalayan ni Joselito.

"Senyorita Felicia, namumutla po kayo!" gulat na sambit ng bata.

Hindi siya sumagot. Sa halip, pinikit niya ang kanyang mga mata at pinakawalan ang luha sa kanyang pisngi habang inililiyad ang likod sa kalesa.

"Pakiuwi mo na ako... Joselito..." mahinang sambit niya.

At sa huling sulyap sa lampara, sa dalampasigan, at sa aninong hindi niya na malilimutan at nagmistula siyang tuluyang nawalan ng lakas.

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen2U.Com