Truyen2U.Net quay lại rồi đây! Các bạn truy cập Truyen2U.Com. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

KABANATA X

Hinanap nila sa loob ng kwarto ang pitaka, kaya sinubukan nilang haluhugin ang mga gamit sa aparador. Ang mga damit ni Estrella ay nakalapag sa lahat ng sulok ng kwarto, bahagi ng kanyang kaabalahan sa araw na iyon. Bawat piraso ng damit ay kanilang tiningnan kung may nakasingit na pera, ngunit sa kabila ng lahat ng paghahanap, wala silang makita. Kumunot ang noo ni Estrella, lalo na nang hindi niya makita ang kanyang hinahanap. Ang kanyang isip ay naguguluhan at puno ng pag-aalala kung paano niya mababayaran ang inutang kay Tinio.

"Nasaan na po yung pitaka na 'yon? Saan mo ba nilagay, Señorita?" tanong ni Isabel habang nag-aalis ng alikabok sa ilalim ng kama. Ang kanyang mga kamay ay puno ng alikabok mula sa mga lumang gamit. "Baka naman nahulog 'yan nung pumunta ka sa bayan?"

"Hindi ko rin alam," mabilis na sagot ni Estrella habang pinapawisan sa pag-asam na mahahanap ang pitaka. Bigla niyang napansin ang isang maliit na itim na lalagyan na nakasingit sa isa niyang damit. "Ay, ito na pala 'yon, Isabel!" Nagniningning ang kanyang mga mata sa tuwa, at tumalon pa siya nang ilang beses dahil sa saya.

"Wow! Ayos! Mababayaran mo na pala yung utang mo!" sigaw ni Isabel na parang bata, ang ngiti niya ay punong-puno ng saya at pag-asa.

Ngunit napangiwi si Estrella sapagkat ito ang unang beses niyang umutang—at sa isang lalaki pa na hindi niya gaanong kilala, isang estranghero na nakilala lang niya sa daan.

Binuklat ni Estrella ang pitaka, at nagulat siya nang makita ang laman nito. Ang mga barya ay nakaayos, at ang kalat na naiwan niya sa kanyang purse ay tila naging pangkaraniwan na sa kanya.

"Limangpu't isang piso!" napangiwing wika ni Estrella habang tinitingnan ang mga barya na nasa loob ng kanyang pitaka. "Paano ko mababayaran si Tinio nito?"

"Pero, Señorita! Alam niyo po ba, ang perang 'yan ay halos kalahating taon ng sweldo ko na. Gaano po kalaki ang inutang ninyo sa kanya?" tanong ni Isabel, na ang tinig ay puno ng pagkabigla at tunay na pag-aalala.

"Ano? Isabel?" napasabunot si Estrella ng kanyang buhok, habang ang pagkabahala ay unti-unting lumilitaw sa kanyang mukha — isang damdaming lalong nagpalito kay Isabel.

"Magkano po ba talaga ang inutang ninyo?" muling tanong ni Isabel, na ang tinig ay nagdadala ng bahagyang panghihinayang at pag-aalala, na tila bumigat sa puso ni Estrella.

"Isang daan!" sagot ni Estrella, ang kanyang boses ay puno ng pagsisisi.

"Sus, Maryosep, Senorita! Ano po ba ang inyong binili at ganoon kamahal ang inyong binayaran?" tanong ni Isabel, ang kanyang mga mata ay lumalaki sa pagkabigla.

Habang inaayos ni Estrella ang kanyang mga gamit, may bigla siyang naramdamang nahulog mula sa kanyang hawak na pitaka. Napayuko siya at pinulot ito—isang lumang larawan. Marahan niya itong binuksan, at sa kanyang gulat, iyon pala ay larawan nila ng kanyang mama at papa. Bata pa siya roon, yakap-yakap siya ng dalawa, at parehong may mga ngiting punô ng pagmamahal.

"Isabel..." mahina niyang tawag sa kaibigan, habang nakatitig pa rin sa larawan. Bakit hindi ko nakikita sina Mama at Papa.

"Señorita... hindi mo po ba natatandaan?" tanong niya, dahan-dahan ang tono, tila ayaw makasakit.

"Matagal nang umalis sina Mama at Papa mo papuntang Espanya. Noon pa. Akala nga natin uuwi rin sila agad... pero hanggang ngayon, wala pa ring balita."

Sandaling natahimik si Isabel. Kanina'y may pagtataka sa kanyang tinig—bakit hindi ito maalala ng kaniyang Senorita . 

Ngunit ilang ulit silang nakarinig ng katok sa pinto, kaya agad silang natahimik.

"Sino 'yan?" tanong ni Estrella, ang kaba ay nagsimula nang lumitaw sa kanyang dibdib.

"Ako po ito, si Caloy! Kapatid po ni Cristobal. May nais lang po akong iabot sa inyo, ang sulat," tugon ng bata, ang kanyang mga mata ay halatang pagod.

Nagmadaling binuksan ni Estrella ang pinto, at tumambad sa kanya ang isang batang nakasuot ng damit na marungis, may bahid ng dumi at putik. Ang kanyang tsinelas ay halos hindi na maaninag sa kapal ng putik, at ang kanyang mukha'y litaw na litaw ang pagod—tila ba unti-unti nang nauubos ang lakas mula sa sunod-sunod na gawain.

"Anong nangyari sa'yo, Caloy? Ano ka ba, bata ka! Kung saan-saan ka na naman nagpupunta!" ani Isabel sa pag-aalalang tinig. Bagama't kalmado ang kanyang pananalita, bakas ang tunay na pagkabahala.

"Nanggaling po mandin ako sa bukid at tumulong kay Itay sa pag-aararo. Itinali ko rin po ang aming kalabaw malapit sa damuhan para makakain. Ako po'y may nakasalubong na lalaki—ako po'y tinawag niya at iniabot ang sulat na ito. Agad din po siyang umalis pagkabigay," sagot ni Caloy, may kababaang-loob sa tinig.

Agad na kinuha ni Estrella ang sulat at marahang iniladlad upang basahin ang laman nito. Pamilyar ang pagkakasulat ng mga titik—at sa sandaling iyon, isang matinding kirot ang sumundot sa kanyang puso.

"Magkita tayo sa dati nating tagpuan,
Doon sa lugar kung saan maraming bulaklak at kabayo.
Ginoo G."

Nanginginig ang tinig ni Estrella nang tanungin si Caloy, "Sigurado ka bang para sa akin ang sulat na ito?" Habang binabasa niya ang mga salita, bumalik sa kanyang isipan ang mga alaala—ang mga matatamis na sandali, ang mga lihim na sulyap, at ang mga gabing puno ng pag-asa. Muling nag-aalab ang kanyang damdamin sa posibilidad na si Gabriel ay naghahanap sa kanya.

"Opo, sigurado po ako. Hindi naman po ito para kay Ate Isabel," sagot ni Caloy na may buong tiwala.

"Bakit sa sulat pa dumaan si Gabriel? Bakit hindi siya dumiretso sa bahay at humarap kay Lola? O baka... si Clarita talaga ang gusto niyang makita?"

Habang tahimik na pinagmamasdan si Estrella, hindi naiwasang mapangiti si Isabel. Sa kabila ng mga tanong, may kutob siyang si Estrella talaga ang tinutukoy sa sulat—at hindi si Clarita.

"Sa dami ng pwedeng tagpuan, bakit doon pa kung saan maraming kabayo?" bulong niya sa sarili.

"Alam kong ikaw ang may pagkahilig sa kabayo, Senyorita. Noon pa ma'y tambayan mo na ang lugar na iyon—lagi kang nandoon para magsuklay, magpakain, at kung minsan pa'y kinakausap mo pa sila na para bang nakakaintindi. Si Clarita naman, alam mo namang mas gusto ang hardin. Lagi siyang naroon, nag-aalaga ng mga bulaklak."

Napakunot ng noo si Estrella at naguguluhan sa sinabi ni Isabel lalo't mahilig pala ang Estrella sa panahong ito sa kabayo na hindi naman niya hilig sa kasalukuyan.

"Kung si Clarita nga ang pinatutungkulan, bakit hindi sa hardin ang tagpuan? Bakit hindi niya pinadaan sa kilalang mga tagadala ng sulat? Bakit si Caloy pa?" pabulong na wika ni Isabel ngunit sapat lang na marinig ni Estrella.

Ngunit hindi agad tumugon si Estrella. Nanatili siyang tahimik, hawak-hawak ang sulat. May isang ideya ang biglang sumagi sa kanyang isipan—paano kung hindi para sa kanya ang sulat na iyon? Paano kung si Clarita, ang matagal nang kasintahan ni Gabriel, ang tunay na pinatutungkulan nito?

"Saan ba ang lugar kung saan maraming kabayo?" tanong niya, pilit ikinukubli ang pag-aalinlangan sa kanyang tinig.

"Ah! Doon po sa malapit sa balon na ating pinaglalabhan. Naroon po ang mga kabayong inaalagaan ni Lola," sagot ni Isabel na tila nagulat sa tanong, ngunit agad ding ngumiti.

 Hindi niya alam kung ang sulat ay paanyaya para sa isang pagkikitang inaasam niya... o kung ito'y paanyaya sa isang tagpong hindi para sa kanya. Napasabunot siya ng buhok dahil alam niyang ibang Gabriel ang kaharap niya ngayon pero sa likod nito'y gusto pa rin niyang makipagkita dito.

"Sige... pupunta na ako," bulong niya, hindi na sigurado kung ang hatak ng sulat ay pag-asa... o pagkasugat.

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen2U.Com