KABANATA XI
Sa kabila ng hangin, naglalakbay ang amoy ng mga bulaklak—rosas, gumamela, at sampaguita—na tila sumasabay sa hangin. Ang lugar ay isang tahimik na paraiso na may mga kabayong nakatali sa malalaking puno ng nara, at ang kanilang mga mata ay malumanay na nagmamasid sa paligid.
Hinanap ni Estrella si Gabriel at nagbalak siyang sumilong sa isang malaking puno ng nara upang makaiwas sa tirik ng araw. Halos tanghaling tapat na, ngunit hindi ganoon kainit, hindi tulad ng panahong kanyang kinabibilangan.
"Naririto ka na?" wika ng isang pamilyar na boses. Nagulat si Estrella nang takpan ng kamay ni Gabriel ang kanyang mga mata. Masyado silang malapit sa isa't isa kaya tumibok ng mabilis ang kanyang puso.
"Gabriel, ikaw ba 'yan?" tanong niya nang bahagya nang nanginginig.
"Oo, Clarita, ako nga," sagot ng binata na may banayad na ngiti, puno ng saya at pasasalamat. "Buti na lang, nakarating ka agad. Iniisip ko na kasi kung kailan kita muling makikita."
Ngunit agad na sumanib ang lungkot sa puso ni Estrella. Unti-unti niyang tinanggal ang kamay ni Gabriel at hinarap siya, pilit nilalabanan ang alon ng emosyon na pumapasok sa kanya.
"Hindi ako si Clarita," malumanay niyang wika, pilit inaayos ang tinig upang hindi maipakita ang pagkadismaya sa dibdib. Sa kabila ng pag-asa na sana ay siya ang makausap ni Gabriel, naroon pa rin ang init ng galit dahil sa panlilinlang na kaniyang naramdaman.
"Estrella? Pasensya na po, Binibini. Akala ko po kayo si Clarita," mahinahon niyang paliwanag, bahagyang nahihiya. "Inutusan ko po ang bata na ibigay ang sulat kay Clarita, pero mukhang naibigay niya ito sa inyo."
Tumingin siya kay Estrella nang may paggalang, at ang tono niya ay puno ng kabaitan at paggalang.
Nagulat si Estrella sa kilos ni Gabriel—sa kabila ng panahon, parang hindi pa rin nagbago ang kanyang ugali. Sandali siyang nanaig ang pag-aalala at pagdududa. Sa puso niya, naisip niyang doon siya unang nahulog sa ganitong klaseng pagkatao.
Ngunit ngayon, mas maingat na siya. Hinawakan niya nang mahina ang kanyang braso, nilalabanan ang galit at kirot na bumabalot sa kanyang damdamin. Sa ilalim ng kanyang pag-iingat, may bahagyang pagsisisi—'Bakit nga ba ako pumayag na makipagkita sa kanya?' ang tanong na hindi niya masagot agad.
"Nais kong itanong kung bakit kahapon iba ang mga titig mo sa akin," mahina at taos-pusong sabi ni Gabriel, habang tahimik niyang pinagmamasdan si Estrella. "Iniisip ko kung may nagawa akong masama sa'yo kaya naiinis ka. Maaari ko bang malaman? Sana pagbigyan mo akong maintindihan."
"Kung alam mo lang," bulong nito sa sarili.
"Anong iyon, Binibini?"mahinang tanong niya, puno ng pag-aalala.
Pilit na nilabanan ni Estrella ang pagpatak ng luha habang naaalala ang mga sugat na iniwan ng nakaraan nila. Alam niyang hindi na siya nakaharap sa dating Gabriel, ngunit ang sakit na nararamdaman ay tila hindi pa rin kumukupas. Sa puso niya, may panalangin na sana ay maghilom ang lahat ng iyon balang araw.
"Wala... nais ko lang sanang humingi ng pasensya sa aking naging inasal," mahinahon niyang sagot, matatag ang tinig kahit pilit niyang itinatago ang mga nararamdaman. "Wala kang kasalanan, at hindi dapat ako magalit sa'yo."
Napatingin si Gabriel kay Estrella, ang mga mata niya'y naglalakbay sa bawat kilos at tingin nito. Dati, magaan ang mga tawa nila, naglalaro sa ilalim ng araw, parang walang inaalala. Ngunit ngayon, malamig ang bawat salita, at ang kanyang mga titig ay tinatanggihan na parang estranghero.
Ramdam niya ang lamat na dumaan sa pagitan nila mula pa noong araw ng kanilang pag-aaral sa Espanya. Parang isang pader ang unti-unting tumataas, hinihiwalay siya sa Estrella na kilala niya mula pagkabata. Nasa harap niya ang isang babae na may ibang mundo, at tahimik niyang tinatanong sa sarili: "Saan nga ba nagsimula ang distansyang ito?"
"Nung nakaraang araw, napansin kong parang estranghero na ako sa'yo," wika ni Gabriel, bahagyang malungkot ang tinig. "Parang iniiwasan mo ako, naisip ko pa nga na may nagawa akong mali sa'yo."
Tumigil siya saglit, at muling naalala ang mga nangyari. "Hindi kita nakilala sa una, pero nang binanggit ng iyong lola ang iyong pangalan, doon ko naintindihan na ikaw nga pala 'yon."
Napangiti siya nang may halong lungkot. "Alam mo, umalis lang ako sa Espanya para mag-aral. Habang nandito ka sa kumbento, parang naging estranghero na tayo sa isa't isa... Parang nagbago ang lahat."
"Anong ibig mong sabihin?" namangha si Estrella sa sinabi ni Gabriel. Akala niya ay ngayon lang sila nagkakilala, pero ngayo'y nalaman niyang may nakaraan pala sila—kahit sa panahong ito. Hindi niya inakala na ganoon na pala ang kanilang relasyon noon, at iyon ang dahilan kung bakit iba ang tingin ni Gabriel sa kanya ngayon.
Habang tinitigan niya ang mukha ng binata, napansin niyang tila bumata rin ito ng ilang taon, katulad ng nangyari sa kanya. Ang pagkakatuklas na iyon ay nagdulot ng halo-halong emosyon sa kanyang puso—pagkabigla, pag-usisa, at isang bahagyang pag-asa.
"Huwag mo bang natatandaan, Estrella? O sadyang pinipili mo na lang na magpanggap na nakalimutan mo na ang lahat?" tanong ni Gabriel, habang paulit-ulit siyang bumuntong-hininga.
Napansin ni Estrella ang mga matang tila naglalaman ng taimtim na pagsusumamo—mga mata na puno ng kalungkutan at pag-iisa, na naghahangad na maunawaan at maramdaman ang kanyang presensya.
Mga matang dati niyang hinahangaan tuwing nanunuyo si Gabriel, ngayon ay puno ng pighati at sakit—mga matang alam niyang dapat ay nagmamahal, ngunit ngayo'y tila nagtatampo. Alam niyang hindi siya dapat nakikisawsaw sa damdaming ito dahil ang Gabriel na ito ay ibang tao na—hindi na siya ang lalaking minahal niya noon. Magkaiba na sila ng landas, ng buhay, at pagkakakilanlan.
Ngunit bago pa man siya makalayo, inabot ni Gabriel ang kamay upang maayos na kuhanin ang dumikit na alikabok sa buhok niya.
" May dumi sa buhok mo," mahinang wika ni Gabriel, ang mga daliri niya'y maingat na lumapit sa ulo ni Estrella.
Biglang sumandal si Estrella, at sa kanyang pagkagulat, sinampal niya si Gabriel nang hindi inaasahan—ang galit na nag-uumapaw sa kanyang puso ay biglang sumabog.
"Hindi mo na ako pwedeng hawakan!" sigaw niya, na tila bumabalik ang lahat ng sakit ng panloloko at pagtataksil ni Gabriel.
Tumingin siya kay Estrella nang may halong pagkabigla at tanong sa mga mata. Napansin niya ang pamumula ng pisngi niya—tila nahihiya at naguguluhan sa nangyari.
Nagmistulang banal ang katahimikan sa malawak na hacienda, na para bang sagrado ang sandaling iyon na ayaw sirain ng kanilang mga puso. Ilang paru-paro ang lumilipad sa pagitan nila, parehong nag-iwas ng tingin, ngunit ramdam ang bigat ng mga salitang hindi nasabi.
Si Gabriel ang unang bumasag ng katahimikan, ang tinig niya ay may halong lungkot at pag-aalinlangan.
"Hindi ko talaga maintindihan kung bakit ang tindi ng galit mo sa akin, Binibini. Patawarin mo ako sa aking kapangahasan na hinawakan ka ng ganoon. Hindi ko sinasadya — 'di ko napigilan ang sarili ko. Siguro mas mabuti pa nga kung lumayo na ako, baka may makakita sa atin dito." yumuko si Gabriel upang humingi ng pasensiya.
Hindi niya maisagawang magmuti ng mga salita kay Gabriel, lalo na nang mabilis itong tumalikod sa kanya. Marahan ang mga hakbang ng binata, ngunit hindi maintindihan ni Estrella ang kanyang nararamdaman. Nagulat siya sa kanyang sariling ginawa; parang may kumalabit ng konsensiya sa puso niya dahil iba ang Gabriel na kanyang kaharap— hindi ito ang Gabriel sa kasalukuyang panahon. Ang puso niya ay nalason na ng galit at inggit, kahit pa kay Gabriel sa panahong ito.
Sa hindi kalayuan, may natanaw siyang kalesa, at agad namang napalitan ng takot ang kanyang puso—ang takot na mapagalitan muli ng kanyang Lola.
NAKARATING si Estrella sa bahay ng kanyang Lola bago pa man siya maabutan ng kalesa. Agad siyang nagkulong sa kanyang kwarto, takot na malaman na nakipagkita siya kay Gabriel. Gulong-gulo ang kanyang isipan dahil sa mga nangyari at sa rebelasyon tungkol sa kanila ni Gabriel.
Sinuklay niya ang mahaba niyang buhok at maingat na inayos, alam niyang baka pagalitan na naman siya ng kanyang Lola. Ilang minuto lang matapos pumasok ang kanyang Lola sa bahay, may narinig siyang katok sa pintuan.
Sino 'yan?" tanong niya nang may halong pag-aalinlangan.
"Si Marites po ito, ang kasambahay ni Binibining Clarita. Ipinabababa po kayo ng iyong Lola; may nais po siyang iparating sa inyo," mahinahong sagot ng babae.
Nang buksan ni Estrella ang pinto, napansin niya ang babae—medyo matanda ng ilang taon, mga limang taon lamang, matangkad, at kapag magkatabi sila, halos abot leeg lang ang taas ni Estrella. May mahinahong ngiti sa mukha ni Marites, ngunit halata ang pagkabahala sa kanyang mga mata.
Tiningnan siya ni Marites mula ulo hanggang paa, napataas ang isang kilay na nagdulot ng kakaibang kilabot kay Estrella. Hindi niya maintindihan kung bakit tila may lamig ang pagtitig ng dalaga sa kanya. Umismid pa ito nang ilang ulit, waring sinusuri siya, bago biglang lumingon at nilisan ang silid, na sinundan ng malakas na pagsara ng pintuan.
Napakunot ang noo ni Estrella sa pagtataka at mabilis siyang bumaba ng hagdan, nagmadaling hanapin ang kanyang Lola. Sa kanyang pagtakbo, napatingala siya at napansin ang mga mata ng ilang kasambahay na malaki ang pagkabukas sa pagkagulat habang nagwawalis ng sahig — tila napahanga at nabigla sa biglaang kilos ni Estrella.
"Mukhang tama nga sila na mas lalo pang nagiging kakaiba ang kilos ng Senorita. Hindi kaya totoo ang nangyari kagabi?" tanong ng isang batang babae na nasa dalawampu't isang taong gulang.
"Huwag kang maingay, baka marinig tayo ng Senorita," bulong ng isang kasambahay.
Napatingin na lang si Estrella, nagtataka sa dalawang kasambahay na nagmadaling umalis sa kanyang harapan. Nagtataka siya sa ikinikilos ng mga tao sa sinaunang panahon, lalo na sa mga malapit sa kanyang buhay.
Nagtungo si Estrella sa bulwagan at napansin niyang abala ang kanyang Lola sa pagbabasa ng diyaryo. Sa edad na animnapu, malinaw pa rin ang mga mata ng kanyang Lola, at naalala niya kung paano siya lagi nitong binabasahan ng Bibliya noong siya'y bata pa. Siya rin ang nagturo sa kanya na marapat na huwag kaligtaan ang pagbabasa nito upang mapanatili ang mabuting balita ng Diyos sa puso.
"Lola, pinapatawag po raw ninyo ako," kinakabahang saad ni Estrella, lalo na nang makita ang matatalim na mga mata nito na nakatingin sa kanya.
Ibinaba ng kanyang Lola ang diyaryo at tinawag ang dalawang katulong na nagpupunas ng sahig. Binulungan niya ito, at napansin ni Estrella na tila nagulat ang dalawang babae sa kanyang sinabi. Nagmadaling umalis ang mga ito at nagtungo sa kusina upang sundin ang iniutos ng kanyang Lola.
"Hindi ba dapat alam mo na kung bakit kita pinapatawag?" mariin na wika ng matanda, saka uminom ng isang basong tubig. Tinawag din niya ang isa pang katulong upang kunin ang kanyang pamaypay.
"Hindi ko po kayo maintindihan," nalilitong tanong ng dalaga."Nasaan ka kagabi?" marahang lumapit ang matanda kay Estrella, at walang emosyon na nababakas sa kanyang mukha.
Nanlaki ang mga mata ng dalaga nang marinig ang tanong ng kanyang Lola. Hindi niya kayang titigan ang mga mata nito dahil hindi niya malaman kung paano ipapaliwanag ang lahat.
Walang lumabas na salita sa kanyang bibig, at agad siyang napatungo.
"Kung ganoon, totoo nga ang lahat ng usap-usapan sa bayan na nakipagkita ka sa isang estranghero? Hindi mo ba naisip na sa ginagawa mo ay dinudungisan mo ang apelyido ng ating angkan? Ang apelyidong ilang taon nang naglilingkod sa bayang ito? Nagawa mo pang uminom ng alak?"
"Hindi po ako nakipagkita sa kanya. Sadya lang po na nakainom ako ng alak, tapos—"
Napatahimik ang dalaga nang hinampas ng malakas ng matanda ang lamesa upang patigilin siya sa pagsasalita.
"Hindi rin kita tinuruan ng pagsagot sa akin, Estrella. Manang-manang ka talaga sa iyong ina, na simula noon ay magaling lang sa pagsagot sa akin ng pabalang. Palibhasa'y isa lang siyang anak ng serbidora na nagbibigay-aliw sa bahay-aliwan," mariing wika ng Lola, na may halong pagkagalit at pagkahiya.
Nanlaki ang mga mata ni Estrella, at bahagyang nanginig ang kanyang mga kamay. Alam niya ang katotohanan — ang kanyang ina ay may marangal na trabaho. Isa siyang may-ari ng isang kilalang restawran dito sa Pilipinas, at higit pa rito, isang matapat na lingkod ng simbahan. Hindi niya inakalang ganoon kabigat ang sisi ng kanyang Lola sa nakaraan.
"Hindi po iyon totoo! Ang aking ina ay may marangal na trabaho, bukod sa kanyang negosyo, siya'y naglilingkod din nang tapat sa simbahan," sagot ni Estrella, halos umatungal sa pagtatanggol sa dangal ng ina.
"'Tama na, Estrella! Kahit anong sabihin mong ilusyon ay hindi nito mababago ang katotohanan. Hindi ko maintindihan kung bakit iniwan ng iyong ama ang una niyang asawa para sa isang babaeng napulot lang sa lansangan—isang kaladkaring babae!" mariing bumulong ang Lola na tila punung-puno ng galit.
Kinuyom ni Estrella ang kanyang mga kamao. Pinigilang tumulo ang mga luha dahil sa sakit ng mga salitang iyon. Ang kanyang ina ay isang pastora sa kasalukuyan—isang taong nagturo sa kanya na kasalanan sa Diyos ang panghuhusga at pang-aapi, lalo na sa mga hindi karapat-dapat.
"Huwag po ninyong tawaging kaladkaring babae ang aking ina! At..." aniya, ngunit hindi na niya natapos ang pangungusap.
Isang malakas na sampal ang dumampi sa kanyang pisngi. Napahawak si Estrella sa bahagi ng kanyang mukha na sinalanta ng hapdi. Kahit hindi siya tumingin sa salamin, ramdam niya ang pamumula at init na bumabalot sa balat.
Napahinto ang mga kasambahay sa kani-kanilang gawain. Luminga-linga sila, may halong awa at pagkabahala sa kanilang mga mata.
"Hindi kita tinuruan na sumagot sa akin, Estrella! Nagdala ka na ng kahihiyan sa ating angkan, at uminom ka pa ng alak! Sa palagay mo ba ay palalampasin ko ang mga iyon?" galit na wika ng kanyang Lola.
Pumasok ang dalawang kasambahay, may dalang malaking bilao at ilang kilong asin na nakalagay sa bayong. Inilagay ng isa ang palanggana sa harap ni Estrella at nilagyan ito ng malamig na tubig at asin.
"Lumuhod ka dito hanggang hindi ako bumabalik," mariing bilin ng Lola. "Bukas ay ipakikilala ko sa iyo ang lalaking magiging panakip-butas sa reputasyon ng ating angkan."
Napaupo si Estrella nang marinig ang mga salitang iyon, parang binuhusan ng malamig na tubig. Nais niyang magising mula sa bangungot na tila siya'y nalulunod.
Napaupo si Estrella nang marinig ang mga salitang iyon, parang binuhusan ng malamig na tubig. Nais niyang magising mula sa bangungot na tila siya'y nalulunod. Sa gitna ng kanyang pagkalugmok, dahan-dahan niyang inabot ang kanyang pitaka sa loob ng kanyang bag.
Hinugot niya ang isang maliit na larawan — isang lumang kuha ng kanyang ina, nakangiti at puno ng pag-asa. Pinagmamasdan niya ito nang matagal, ang mga matang iyon ay puno ng kabutihan at lakas, tila nagsasalita sa kanya mula sa malayo.
Alam niyang ang tinutukoy ng kanyang Lola ay ang kanyang ina noong taong 1901 — hindi ang ina niya ngayon. Ngunit kahit ganoon, ramdam niya ang kirot at pait ng mga salita. Para bang ang mga paratang ay sinasalamin ang bawat bahagi ng kanyang puso, at kahit gaano pa kalayo ang panahon, ang sakit ay nananatili.
Tahimik siyang umiyak, hawak ang larawan.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen2U.Com