Truyen2U.Net quay lại rồi đây! Các bạn truy cập Truyen2U.Com. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

KABANATA XII


Bumabaon sa kanyang balat ang pira-pirasong asin na ikinalat sa sahig—tila mga maliliit na karayom na pilit na isinusuksok sa bawat litid ng kanyang tuhod. Namamanhid na ang kanyang binti, nanginginig na ang kanyang katawan sa gutom at uhaw. Ngunit walang awa ang dalawang babaeng nakabantay sa kanya—tila ba kasiyahan nila ang kanyang paghihirap.

"Marites, masarap ba ang tsokolate na ibinigay sa akin ni Gabriel?" anas ni Clarita, puno ng kilig sa tinig at panunukso sa mata. "Tila nananabik ang aking kasintahan na ako'y mahagkan at makita muli."

Tumaas ang kilay ni Marites habang sumabay sa tawa. "Opo, Señorita. Sino ba naman ang hindi mabibighani sa inyong taglay na kagandahan? Aba'y kung ako si Señor Gabriel, matagal na akong nahulog sa iyo."

Umupo silang dalawa sa may lilim, sadyang malapit sa kinatatayuan ni Estrella. Tila sinadya ang bawat tawa, bawat halakhak, bawat pasaring tungkol kay Gabriel. Sa bawat pagbanggit ng kanyang pangalan, parang may patalim na humihiwa sa katahimikan ni Estrella. Lalo na nang sabihin ni Clarita, "Alam mo ba, Marites, hinalikan niya ako sa kamay bago siya tumulak. Mainit. Marubdob. Tapat."

Napakagat ng labi si Estrella. Pinilit niyang huwag ipikit ang mga mata dahil alam niyang luluha siya. Hindi siya maaaring magpakita ng kahinaan, hindi sa harap ng dalawang babaeng may matinding kasiyahan sa kanyang pagkakababa.

Pinisil niya ang palad na halos mawalan na ng pakiramdam, pilit kinokontrol ang sarili—na huwag sumigaw, huwag manlait, huwag sumagot. Ngunit sa loob-loob niya, naglalagablab ang panibugho. Ayaw niyang marinig kung paano minahal ni Gabriel ang iba. Ayaw niyang isipin kung gaano ito kabalisang lumayo sa kanyang alaala.

Ngunit heto siya—nakaluhod, walang boses, at tinatanggap ang lahat ng panlalait na parang ipinako sa sarili niyang konsensya.

Nahihilo na sa gutom si Estrella. Sa tuwing yuyuko siya, lalo lamang dinaragdagan ng asin ang bilao sa kanyang paanan. Gusto na niyang uminom ng tubig, kumain kahit kaunti, ngunit kailangan niyang magtiis. Ramdam niya ang patak ng pawis na dumadaloy sa kanyang sentido, kasabay ng hapdi ng bawat galaw—tila sinusunog ng asin ang kanyang balat.

"Señorita, maaari na po kayong tumayo."

Isang pamilyar na tinig ang lumapit sa kanya, at tila nabuhusan siya ng malamig na tubig nang makita kung sino ang nagsalita.

Ang babae ay nakasuot ng lumang baro't saya, ang kulay ay tila kinulapulan ng kalawang at putik. Ang kasuotan nito'y binubuo ng pinagtapi-taping tela na may iba't ibang kulay. Magulo ang pagkakatali ng kanyang buhok—isang gusot na ulap na tumatabon sa dating maamong mukha. Sa pisngi at leeg, may bahid ng uling, at sa mga kamay, makikita ang mga galos at kalyo.

"Ate Rina? Anong nangyari sa'yo?" Mabilis niyang kinapitan ang palad ng dalaga, ngunit agad rin itong binawi.

"A-Ate?"

Bakas ang pagtataka sa mukha ni Rina. Tumingala ito sandali, saka muling yumuko upang humingi ng paumanhin.

"Masyado pong madumi ang aking mga kamay para po inyong hawakan..." Nahihiyang wika nito habang marahang tinutulungan si Estrella na tumayo.

Napansin ni Estrella ang mga sugat at galos sa kamay ng kaibigan. Napakunot ang kanyang noo, at agad siyang nakaramdam ng matinding awa.

"Ate... bakit puno ng sugat ang iyong mga kamay?" tanong niya, puno ng pag-aalala.

Ngunit itinago lamang ni Rina ang kanyang mga kamay sa likuran. Hindi siya makatingin nang diretso, at halatang naging mailap ang kanyang mga mata.

"Wala ito, Señorita..."

Bawat hakbang ni Estrella ay ramdam ang ngalay at kirot sa kanyang tuhod at binti. Tiniis niya ang sakit habang marahang inaalalayan ni Rina patungo sa kusina. Nang mapansin ang tapayan sa sulok ng silid, agad siyang naupo habang si Rina naman ay lumapit upang kumuha ng tubig mula sa banga na may gripo.

Nang maibigay ang baso, saglit na natigilan si Estrella sa paligid. Namangha siya sa mga simpleng kagamitan—ang tapayan, ang kahoy na mesa, at ang palupalo sa gilid. Lahat ay tila mula sa panahong matagal nang lumipas.

"Mukhang malamig pa ang tubig sa tapayan, Señorita," mahinhing sabi ni Rina habang inilalapag ang baso sa harapan niya.

Tinitigan siya ni Estrella. Hindi maipinta ang ekspresyon sa kanyang mukha; tila may gustong alalahanin o itanong. Napapakamot siya sa ulo, nag-aalangan kung paano sisimulan.

"Ate Rina... sabihin mo sa akin, bakit ganyan ang suot mo? Anong nangyari sa'yo?" Hinawakan niya ang magkabilang braso ng dalaga, mariing nag-aalala.

Ngunit ngumiti lang si Rina, bakas ang lungkot sa mga mata.

"H-hindi ko po alam ang inyong sinasabi... sapagkat noon pa man ay dito na po ako naglilingkod."

Nagpalinga-linga si Estrella, tila lalong nalito. Ngunit mas nangingibabaw sa kanyang isipan ang mga sugat sa kamay ng kaibigan.

"Pero bakit marami kang sugat? Pinaparusahan ka ba ni Lola? O si Clarita ba?"

Naging mailap ang tingin ni Rina at muli niyang itinago ang kanyang mga palad sa ilalim ng mesa. Isang buntonghininga ang sumunod bago siya muling nagsalita.

"Kung hindi man po ako narito, madalas po akong maglaba sa ating baryo. May isang mayamang pamilya roon... kapag hindi nila nagustuhan ang aking trabaho, pinipisil nila ang aking mga kamay... minsan po ay halos madurog ang mga buto ko."

Nanlaki ang mga mata ni Estrella at agad na kumawala ang inis sa kanyang tinig.

"Sabihin mo sa akin kung sino ang gumagawa niyan sa'yo! Hindi makatuwiran ang kanilang ginagawa. Kung sa panahon namin 'yan nangyari, naku... baka ipatulfo ko pa 'yang amo mo!"

Hinawakan niya ang kamay ni Rina at, sa kabila ng pag-iwas nito, marahang binalot ang palad ng kaibigan gamit ang kanyang panyo.

"Hayaan mo, Ate... kahit sa maliit na paraan, gusto kong malaman mong may nagmamalasakit sa'yo."

Namangha si Rina sa sinabi at ginawa ni Estrella sa kadahilanang ngayon lang siya nakakita ng isang mayaman na kaya siyang ipagtanggol. Simula pagkabata ay naulila na siya sa kanyang mga magulang at naging palaboy-laboy na lang siya hanggang naisipan niyang magtrabo sa murang edad.

"Salamat po," nahihiya niyang tugon kay Estrella .

"Naku! Kung alam mo lang kung paano mo ako inaalagaan sa kasalukuyang panahon Ate, Hindi ko akalain na ganito kita makikita sa panahong ito." Nahabag si Estrella sa sinapit ng kanyang Ate kaya tumalikod siya at pinigilang umiyak. Gusto niyang mabura sa kanyang isipan ang mga pangyayari. "Ate, basta sabihin mo sakin kung may taong nang-aapi sa'yo dahil ako ang bahala sa kanila. Sa inyong dalawa ni Isabel."

"Isabel? Umalis na po si Isabel." mabilis na tugon ni Rina na s'yang ikinagulat ni Estrella.

"Saan siya pumunta?"

"Hindi ko rin po alam, Ang sabi lang po nila ay umalis na po si Isabel dahilan kung bakit ako ay ipinatawag bilang kanyang kapalit." nalulungkot na wika ni Rina.

Napatayo siya sa kanyang kinauupuan at hinagilap sa loob ng kusina si Isabel. Bawat sulok ng kusina ay kanyang hinagilap maging ang lugar sa kanilang bahay kung saan nagtatambay si Isabel. Nagtungo siya sa hardin at naabutan niya ang ilang mga kasambahay na nagdidilig ng tanim at nagsasampay ng labahin.

Namumulaklak na ang ilang puting water lily sa lawa na lalong kinagigiliwan ng mga isda. Nakakanlungan ng puno ng mahogany ang paligid ng lawa na siyang nagpapadilim ng paligid. May ilan ring dumaraang ibon at paru-paro na matatagpuan sa malalaking bulalak ng sunflower.

"Nasaan si Isabel?" tanong niya sa isang lalaki na halos kasing edad niya na nagdidilig ng tanim.

"Hindi ko po alam," mailap ang tingin ng lalaki sa kanya at madalas rin ang paglunok nito ng ilang beses. Bakas rin ang kaba sa kanyang pagsasalita kaya napaisip si Estrella lalo na nang nagmadali itong umalis.

"Alam kong alam mo pero natatakot ka lang? Kanino ka ba natatakot at ayaw mong sabihin ang katotohanan?' mariin niyang wika habang tinitingnan ng diretso ang binata. Hindi siya umaalis sa kanyang pwesto hanggang hindi nagsasalita ang binata. " Nasaan si Isabel?"

"Paumanhin po dahil hindi ko talaga alam." mabilis na naglakad ang lalaki ngunit kinapitan ni Estrella ang binata dahilan naman kong bakit nabigla ito at agad na namula.Lalong ng kinabahan si Estrella at nagkaroon ng matinding kutob sa maaring nangyari kay Isabel.

"Ayaw kong bigyan ka ng alalahanin ngunit alam mo na anak ako ng dating Gobernadorcillo. Ang aking angkan ay matagal ng naglilingkod sa ating probinsya at sa pamahalaan ng Pilipinas. Kung hindi ka magsasabi ng totoo ay baka isumbong kita sa aking ama."

Natakot ang binata at binitawan agad ni Estrella ang pagkahawak sa kanyang braso dahil naramdaman niyang nahihiya ito sa kanya.

'Kung gusto niyo pong malaman ang kasagutan ay itanong niyo na lang po sa Kusinera ng inyong mansyon. Huwag niyo pong sabihin na nag-usap tayo tungkol kay Isabel sapagkat baka madamay pa po ang aking pamilya sa gusot na ito." natatakot na wika ng binata at agad siyang pumanhik at umalis.

Kahit nahihirapan at nahihilo ay sinubok pa rin niyang hanapin ang kusinera ng kanyang mansyon. Nabanggit na rin ni Isabel na malaki ang pagkakautang ng nanay niya sa pamilya ni Aling Turin. Kaya ito ang dahilan bakit pinagtratrabaho siya sa mansyon upang bayaran ang kanilang pagkakautang.

"Estrella, alam ko na kung nasaan si Isabel!" saad ni Rina na humihingal ng tumatakbo. "Narinig ko sa mga babaeng nagkwekwentuhan malapit sa poso. Hinatid ni Aling Turin si Isabel patungo sa Maynila upang maipasok sa isang magandang trabaho. Kasama pa niya ang kanyang ina na inihatid gamit ang kalesa.

Napaisip si Estrella sa sinabi ni Rina at hindi mapanatag ang kanyang kalooban. Inisip niya na lang na walang mangyayaring masama kay Isabel.

"Senorita!" napasigaw si Rina nang muntikan ng matumba si Estrella.

"Gusto ko ng magpahinga." nanghihinang wika ni Estrella at inalalayan siya ni Rina na magtungo sa kanyang kwarto.

Masigla ang buong paligid. Ang musiko ng rondalla ay masiglang tumutugtog habang abala ang mga kabataan sa palarong karera ng sako at pabitin. Ang simoy ng hangin ay may halong amoy ng sinangag at leche flan, habang ang mga kababaihan ay naglalakad suot ang kanilang pinakamagagandang traje de mestiza.

Nasa lilim ng punong acacia sina Estrella at Rina, parehong nanonood ng palaro, tangan ang kanilang mga abaniko.

"Rina, halika, doon tayo sa unahan para mas kita natin ang palosebo. Ang saya-saya ng pista ngayon!" natutuwang wika ni Estrella habang tinitingnan ang ilang mga kabataan na kumakain ng kakanin

"Dito na lang ako, Senorita, Mas maaliwalas dito."

Biglang nagkaroon ng kaingayan sa harap ng entablado. May ilan sa mga dalagang taga-bayan ang nagtitilian habang may dumarating na panauhin.


"Si  Heneral yan!"

Napatigil si Estrella. Mabilis siyang tumuwid ng upo at inilipat ang abaniko sa mukha, bahagyang tinatakpan ang sarili. Napansin ni Rina ang biglaang pagbabago sa kilos ng kaibigan.


"Senorita,  parang nakita ka po ng multo... o baka ng alaala?"

Mula sa kanyang kinauupuan, tanaw ni Estrella si Julian na papalapit sa gitna ng palaruan. Nakasuot ito ng puting barong, may dalang sombrero, at napaliligiran ng mga babaeng abot ang ngiti. May isa pa ngang alalay na nag-aabot ng abaniko sa kanya.

Habang papalapit si Tinio, biglang tumayo si Estrella.


"Doon na muna ako sa may simbahan. Saglit lang." natatarantang wika ni Estrella habang naalala na may malaking utang pa ito sa binata. Halos hindi rin 


"Senorita, aalis ka? Hindi mo ba siya gustong..."

Hindi na natapos ni Rina ang tanong. Mabilis nang naglakad palayo si Estrella, pilit na iwas ang tingin sa gitna ng palaruan.

Samantala, saglit na lumingon si Tinio, parang may nais hanapin sa mga mata ng mga tao. Napako ang kanyang paningin sa isang lalaking naglalakad papalayo—at sa likod nito, ang aninong tila pamilyar.

Ngunit sa gitna ng mga palakpakan at sigawan ng kasayahan, nagpatuloy lang sa kanyang paglalakad si Estrella, tangan ang abaniko, hindi na lumilingon pa.

Habang papalayo si Estrella mula sa masiglang palaruan, tinahak niya ang daan sa gilid ng simbahan kung saan mas tahimik. Kasunod ng bawat hakbang niya ang mahinang tugtog ng rondalla, ngunit tila wala siyang ibang naririnig.

Pagsapit niya sa likod ng gusali, doon niya nakasalubong si Felicia. Elegante ang bihis ng dalaga—kulay asul ang saya, mahigpit ang pagkakabuhol ng sinturon, at may bitbit na bilao ng suman. Tumigil ito at tiningnan siya mula ulo hanggang paa.

Hindi nagsalita si Felicia. Tiningnan lamang si Estrella—hindi galit, ngunit malamig, parang sinusukat.

Matapos ang tila malamig na pagtatagpo nina Felicia at Estrella, nagpatuloy sa paglalakad si Estrella pabalik sa kalsada. Sa kanyang paglingon, napansin niyang ilang ulit pa rin siyang sinusulyapan ni Felicia, na animo'y may tinatago o sinusukat sa kanyang mga kilos.


"Bakit kaya lagi niya akong tinitingnan ng gano'n...?"mahina ang kaniyang boses habang tinitingnan si Felicia.

"Senorita, hindi mo ba natatandaan ang usap-usapan sa Bayan? Siya ang papakasalan ni Heneral Tinio at mayroong usap-usapan na nakipagkita raw ito sa isang babae. Hindi ko lang mawari kung bakit kanina pa siya nakatingin ng sa'yo. Magkakilala ba kayo?' tanong ni Rina kay Estrella. 

Hindi pa man siya nakakalayo, may napansin si Estrella  sa direksyon ng entablado—si Tinio mabilis ang hakbang at papalapit sa kanila.


Bago pa siya makapagsalita, nakita ni Estrella na parang nakatingin si Tinio sa kanya . Nanlaki ang mga mata niya sa gulat. Hindi niya akalain na makikita niya muli ang lalaki. Siguro'y sisingilin siya nito sa utang ngunit wala pa siyang pangbayad.

"Hindi pwede na makita niya ako ngayon..."

"Binibini, saglit kailangan nating mag-usap," mariin na wika ng Heneral na siyang dahilan ng pagkabog ng dibdib ni Estrella. Bukod sa wala pa siyang pangbayad sa utang ay ayaw niyang mageskandalo na nakikipag-usap sa isang Heneral. Lalo't higit na nalaman niyang may kasintahan na pala ito at baka siya pa ang maging sanhi kung bakit tuluyang maghiwalay ang dalawa.

Bigla siyang tumalikod at tumakbo palayo. Mabilis ang kanyang hakbang, ngunit sa pagmamadali ay nabangga niya ang isang may-katandaan nang ginang na may tangan-tangang malaking mangkok ng kakanin.


"Ay! Dios mio!"singhal ng isang matabang babae na nakatingin ng masama kay Estrella.

Tumilapon ang sapin-sapin at kalamay, bumagsak sa lupa ang pinggan, at napatigil si Estrella sa gitna ng mga mapanghusgang tingin.


"Ano ba naman 'yan, hija! Wala ka bang paningin? Napakasaya ng pista, tapos sisirain mo pa ang merienda ko!"

Nagulat ang mga tao sa paligid, tumigil ang ilan sa pagtawa, at nagtaka kung ano ang pinagmulan ng kaguluhan.

Si Tinio, na noo'y ilang hakbang na lamang ang layo, ay biglang tumakbo upang lapitan si Estrella.

Ngunit sa halip na humarap, yumuko si Estrella, humingi ng paumanhin sa donya, at muling tumakbo palayo—bitbit ang pamaypay, habang pinipigilan ng isa niyang kamay ang pagluha.

Bagsak ang mangkok. Tumalsik ang makukulay na sapin-sapin sa gitna ng alikabok. Tumigil ang musika. Naputol ang tawanan.

Isang matabang babae ang pumagitna sa siksikang tao, hawak ang kumakawalang braso ni Estrella.

"Ay naku! Ayan oh—'yang babae! Siya ang bumangga!"

Umalingawngaw ang tinig ng donya, kasabay ng pagtikhim ng ilang nakapaligid na ginang. Tumango-tango ang ilan, sabay pikit ng ilong na tila may naamoy na di kanais-nais.

Estrella, halos hindi makahinga. Nanginginig ang mga kamay, at bahagyang nakatungo, sinisikap ikubli ang pamumula ng pisngi sa pamaypay. Ang bulsa ng kanyang saya, walang laman kundi isang punit na panyo.

"Bayaran mo 'yan!" sigaw ng donya, habang mariing itinuro ang nakakalat na sapin-sapin. "Sayang ang galapong!"

"Wala po akong dalang pera..." mahina ngunit malinaw ang tinig ni Estrella, halos nalunod sa pag-uyam ng mga nakikinig.

Humakbang siyang paatras, ngunit nanlaki ang mata nang maramdamang lalo pang humigpit ang hawak sa kanyang braso.

"Hindi ka aalis hangga't hindi mo binabayaran 'yan. Ano'ng akala mo—makakalusot ka?"

Ang mga kuko ng matabang babae ay baon na sa kanyang manggas. Bahagya siyang napapikit sa hapdi. Isang kamay ang umangat, tila ba sabik nang humawak sa kanyang buhok.

Subalit—

"Huwag."

Isang tinig. Malalim, mariin, hindi galit ngunit may bigat na kayang magpahinto ng paghinga. Tumigil ang kilos ng babae. Ang mga tao sa paligid, biglang natahimik na para bang may dumating na pari sa oras ng kumpisal.

Dahan-dahang lumihis ang mga tao, lumilikha ng daan para sa lalaking papalapit.

Maputi ang kanyang kasuotan, nililiman ng sombrero, ngunit hindi natatabunan ang tikas. Ang kanyang mga mata, matalim ngunit kalmado, tuwid ang tingin sa matabang babae na ngayo'y tila natuyuan ng laway.

Lumingon si Estrella. Sa unang pagkakataon, tinitigan niya ang lalaki. Hindi siya ngumiti. Hindi rin siya umiyak. Ngunit sa mga mata niya, may pagkagulat na may kasamang pagkalito—parang tanong na hindi kailanman nais iparinig.

Hinawakan ng lalaki ang kanyang pulso, marahan ngunit may awtoridad. Pinakawalan siya ng babae na parang napaso.

"Kasama ko siya," wika ng lalaki, hindi sumisigaw, ngunit narinig ng lahat.

"Heneral Tinio..." bulong ng isa sa mga nakamasid.

"Heneral, pero—ang pagkain..." ungol ng donya, nanginginig ang baba.

"Ang pagkain, napapalitan. Ang dangal ng babae, hindi." Maiksi lang ang tugon, ngunit sapat na iyon para mapayuko ang donya.

Tahimik silang naglalakad palayo sa gitna ng fiesta, kasunod si Rina na patuloy sa pag-aalalang sumisilip sa paligid. Si Estrella, wala pa ring imik. Para siyang bata na nasermonan sa harap ng maraming tao—bitbit ang pamaypay, ngunit hindi man lang ito naigalaw mula nang ibulsa ni Tinio ang kanyang kahihiyan.

Nang sa wakas ay naramdaman ni Tinio na sapat na ang layo mula sa karamihan, saka siya tumigil.

"Salamat," mahina, halos pabulong ni Estrella.

Hindi agad sumagot si Tinio. Tiningnan muna niya ito—mula ulo hanggang talampakan, saka bahagyang umiling.

"Marami ka nang utang sa akin, Señorita," malamig niyang wika, habang dahan-dahang pinapagpag ang alikabok sa kanyang uniporme na tila walang bahid ng pagmamadali. "Hindi ko na nga alam kung saan ko isusulat ang lahat ng iyon—marahil pati sa mga tala ng simbahan, hindi na kasya." Sandali siyang tumigil, tumalim ang kanyang tingin na parang tumatagos. "Kaya sa susunod... kung hindi mo rin naman babayaran, huwag kang magpapakita na para bang wala kang pakialam, lutang sa gitna ng fiesta. Sapagkat hindi lahat ng utang ay kayang limutin."

Napakurap si Estrella. Napakagat-labi.

"Hindi ko naman sinasadyang—"

"Na mabangga ang donya. Na matapon ang sapin-sapin?

Tumingin sa kanya si Estrella, pasimpleng nagsimangot.

"At kailangan mo bang sigawan ako sa harap ng lahat?" mariing wika ni Estrella, sabay taas ng kilay at pagtukod ng kamay sa baywang.

"Ganyan ka ba magpasalamat?"malamig na tugon ni Tinio, bahagyang tumataas din ang kilay. "Kung ganyan na ang itsura ng isang hindi lutang, Señorita... ayoko na lang isipin kung ano ang mangyayari kapag tunay ka nang wala sa sarili."

Napasinghap si Estrella, napailing, at mabilis na lumingon palayo. Unti-unting naglaho ang ngiting kanina'y nakapaskil sa kanyang labi, at ang tanging naiwan ay ang bigat ng mga salitang tumimo mula sa bibig ni Tinio.

"Gusto ko sanang makausap ka... tungkol sa nangyari noong isang gabi," mahina ngunit mariing wika nito.

Nanlaki ang mga mata ni Rina sa narinig, at halos kusang napasapo siya ng palad sa kanyang bibig, wari'y nais pigilin ang sariling hikbi o hiyaw.

'At ano naman ang ibig mong sabihin?' bulong ng kanyang isipan, kasabay ng mabilis na tibok ng kanyang dibdib.

Huminga nang malalim si Tinio bago muling nagsalita.


"Mag-iingat ka. Huwag ka nang magpagalagala sa mga lansangan lalo na sa gabi. Hindi na natuloy ang kasal namin ni Felicia... nagalit nang labis ang mga magulang niya sa akin." Saglit itong tumikhim, waring nag-aalinlangan bago tuluyang nagpatuloy.


"Ang totoo, ang gusto ko sanang sabihin... sana walang makaalam na ako ang tumulong sa'yo noong gabing iyon."

Napapikit si Estrella, at bahagyang nanikip ang kanyang dibdib. Ramdam niya ang unti-unting paggapang ng konsensya—isang alaala ng gabing iyon na pilit niyang itinataboy, ngunit muling bumabalik sa bawat salita ni Tinio. 



Bạn đang đọc truyện trên: Truyen2U.Com