Truyen2U.Net quay lại rồi đây! Các bạn truy cập Truyen2U.Com. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

KABANATA XIV


Kumunot ang noo ni Julian sa sinabi ng kanyang nakakatandang kapatid kasabay nito ang pagsalubong ng kanyang kilay. Tiningnan ni Don Hidalgo si Isagani at agad namang napatahimik ito sa pang-aalaska .Tinakalan na lang niya ng alak si Julian na umupo sa kanyang tabi ngunit tumanggi ito.

"Alam mo namang na umiinom lang ako ng alak kung kinakailangan ito ng aking katawan. Lalo na at hindi ako mahilig sa mga alak na matatapang at nakalalasing. Ayaw kong gumaya sa mga taong tila nasisiraan ng bait kapag nalalasing."

Napalunok si Estrella ng ilang beses lalo na at nakatingin sa kanya si Julian. Inayos niya ang kanyang buhok at ilang ulit na umiwas ng tingin sa mga titig ni Julian. Pinagpapawisan na si Estrella sa kanyang kinauupuan at ninais na niyang umalis.

"Julian, hindi ko mawari kung bakit masyado kang seryoso sa'yong buhay. Bigyan mo naman ng kaligayahan ang iyong sarili sa pamamagitan ng pag-inom ng alak. Ilang beses na rin kitang niyaya sa bahay ali-''' napatigil sa pagsasalita si Isagani nang makita ang pagtitig sa kanya ni Don Hidalgo Lenares .Napansin naman ni Estrella na tila namutla ang binata sa kanyang nasabi lalo na nang nasapo ni Julian ang kanyang noo.

"Paumahin ngunit sa aking pakiwari ay mas makabubuting iwanan na muna natin ang mga bata ng ilang saglit. Mas makabubuti sigurong mabigyan sila ng pagkakataon na makapag-usap upang mas lalong mas makilala nila ang isa't isa.

Lalong nanlaki ang mga mata ni Estrella at muntik nang ibuga ang tubig na kanyang iniinom. Napaubo siya ng ilang beses dahilan upang matigil ang pag-uusap ng kanyang lola at ni Don Hidalgo. Umisip siya ng dahilan upang hindi siya mapag-isa kasama ang lalaki na gustong-gusto niyang iwasan.

"Rina, dito ka muna upang hindi sila mailang sa pag-uusap," Pinaupo ni Dona Teresita si Rina ilang metro ang layo mula sa kinauupuan ni Estrella.

"Lola, ngunit mas mabuti sigurong naririto kayo dahil nais ko pang makilala ang kanyang pamilya." Hinawakan ni Estrella ang palda ng kanyang Lola para hindi sila umalis. Pinanliitan siya ng mga mata ng kanyang lola ngunit patuloy pa rin siya sa pagmamakaawa.

"Hindi ka na bata Estrella dahil nasa tamang edad ka na upang makipag-usap. Naririyan si Rina para hindi kayo mailang sa isa't isa." pinilit tanggalin ng kanyang Lola ang kamay ni Estrella sa kanyang palda. Sumuko na lang si Estrella at sinandal ang likod sa upuan at ilang beses na bumuntong hininga.

"Julian," kinindatan ni Isagani ang dalawa at ang ngiti niya ay puno ng pang-aalaska kaya naman ay napatungo na lang si Estrella.

Kumunot naman ang noo ni Julian at muling nagkasalubong ang kanyang kilay.

Habang lumalayo ang mga tao sa kanila ay tila lalong kinabahan si Estrella dahil ayaw niyang kausapin ang lalaki na kanyang kinaiinisan. Higit pa sa lahat ay napakaraming atraso na niyang ginawa sa ilang beses na kanilang pagkikita.

"Rina dito ka," pabulong na wika ni Estrella habang inuutusang tumabi si Rina sa kanya. Lumayo naman si Estrella mula kay Julian upang maging isang dipa ang kanilang pagitan. Tanging ang mga kuliglig lang ang kanyang naririnig at ang pagbatok ng pusa dahil walang nagsasalita sa kanila.

"Senorita, hindi maaari ang inyong hiling," humingi ng paumanhin si Rina at umupo sa upuan ng piano habang nakatitig sa kanila. Halos limang dipa ang pagitan niya sa dalawang walang kumikibo at umiimik.

"Ngunit Rina," pamimilit ni Estrella

"Ako ba ay may malubhang sakit na nakakahawa kung kaya'y ganoon na lang ang y'ong pagnanais na makaalis?" walang emosyong wika ni Julian habang tinitingnan ang nakatungong si Estrella.

"Uso naman ang Social Distancing di ba?" napatakip si Estrella ng kanyang bibig at napatingin sa nagtatakang reaksyon ng binata. Napakunot ang noo nito na parang nahihiwagaan sa kanyang mga sinasabing salita. "Bakit ka nga pala pumayag sa arrange ma- este sa pagpapakasal eh hindi naman kita kilala?"

"Sinusunod ko lang naman ang kalooban niya,"walang emosyong sagot ni Julian.

"Nino?," napaisip ng mainam si Estrella sa sinabi ng binata lalo na at sumagi sa kanyang isipan na ang kanyang tinutukoy ay ang kalooban ng Diyos. Napailing na lang siya ng ilang beses sapagkat gusto niya si Gabriel at hindi siya naniniwala na si Julian ang kaloob ng Diyos para sa kanya.

Napaiwas ng tingin si Estrella at hindi mapakali sa kanyang kinauupuan lalo na nang hindi matagpuan si Rina. Nabalot ng katahimikan ang paligid at ilang ulit na rin siyang kinakagat ng lamok. Nakaisip ng paraan ang dalaga para pansamantalang makalayo sa binata dahil hindi niya talaga ito gustong makausap.

"Pupunta lang ako sa CR I mean , banyo saglit," pamamaalam niya sa nakakunot na noo na si Julian. Habang papalapit siya kay Julian ay naaninagan niya ang isang lamok na dumapo sa kanyang pisngi. Nagmadaling lumapit si Estrella kay Julian at inangat ang kanan niyang kamay para patayin ang lamok sa mukha ni Julian.

Nanlaki ang mata ni Julian sa inaakalang sasampalin siya ni Estrella kaya hinawakan nito ang kanyang kamay bago pa man dumapo sa mukha niya ang palad nito.Nagkatinginan sila sa isa't isa at tanging mga tunog ng palaka at kulisap ang kanilang naririnig.

Namumula naman ang pisngi ni Estrella at nagmadaling umiwas ng tingin. Tumikhim naman si Rina ng ilang beses na siyang dahilan kung bakit lumayo si Estrella . 

Nakabibinging katahimikan ang kanilang naranasan hanggang nagsalita si Estrella.

"Julian... paano na si Felicia? Kawawa naman siya. Kung ako ang ipapakasal sa'yo, hindi ko kakayanin ang konsensiya. Hindi ba't kayo ang dapat magpakasal?"

Napabuntong-hininga si Tinio, malalim at mabigat.

"Binibini... wala na akong magagawa," wika ni Julian, mababa at puno ng bigat ang tinig. "Ito na ang aking kapalaran. Matagal ko nang tinapos ang aming relasyon. Kaya nga noong bumalik ako mula sa ibang bansa, ang una kong balak ay kausapin ang mga magulang niya—sabihin na itigil na ang aming pag-iisang dibdib. Ngunit hindi iyon natuloy... sapagkat pinakiusapan ako ni Felicia."

Sandaling tumigil siya, waring pilit hinahanap ang tamang lakas para magpatuloy. Kita sa kanyang mga mata ang bahagyang pag-aalinlangan, ngunit nanaig ang tapat na pagnanais na ipaliwanag ang lahat.

"Ilang taon na ang lumipas mula nang tuluyan kong wakasan ang pagmamahalan namin," marahang sambit ni Julian, halos bumulong sa hangin. "Ang totoo, ang tanging may nais na magpatuloy noon ay ang mga magulang niya. At sa pagkakaalam ko... nagkaroon na rin siya ng ibang kasintahan, noong mga panahong iniwan ko siya at nagtungo ako sa Europa upang mag-aral. Lubusan akong nagtataka kung bakit ninais niya muling makipagkita sa akin sa dalampasigan at ikaw naman ang nadatnan ko roon."

Sandaling natahimik ang paligid. Ramdam ni Estrella ang bigat ng bawat salita, tila bawat pantig ay nag-iiwan ng bakas sa kanyang dibdib. Hindi niya alam kung dapat siyang maniwala o kung dapat siyang maawa—para kay Felicia, o para kay Julian na ngayo'y nakikita niyang sugatan din ang puso.

Nanatiling nakapako ang mga salita sa hangin, at tila bumigat ang paligid.

Natigilan si Estrella, nanlalaki ang mga mata, habang nakatitig sa kanya si Julian. Hindi niya mabasa ang reaksyon nito—wala bang kalungkutan, pagsisisi, o natitirang pag-ibig sa likod ng kanyang mga mata? O sadyang natutunan na nitong tanggapin ang mapait na katotohanan?

Napatungo si Estrella, at lalong bumigat ang kanyang dibdib. Sa halip na gumaan ang loob, mas lalo pa siyang nalito. Kung ipipilit ng kanyang lola ang kasalang ito, paano na ang lahat? Paano na ang sugat na iniwan kay Felicia? At paano siya—na ngayo'y nahulog sa isang kapalarang hindi naman niya pinili?

Habang nagsasalita si Julian,   sa gitna ng kanilang pag-uusap, isang biglang ingay ang umalingawngaw mula sa gilid ng dingding.

"Tuuukkkkooo!"

Napalingon si Estrella, at laking gulat niya nang makita ang isang malaking tuko na gumagapang pababa, papalapit sa kanila. Agad siyang napatili at mabilis na napadikit sa upuan ni Julian, halos kapitan ang kanyang braso.

"Ay! Julian!" halos pasigaw niyang sambit, habang nakapikit at mariing nakasiksik sa tabi nito.

Bahagyang napangiti si Julian at mabilis na itinaboy ang hayop, ngunit nanatiling dikit na dikit si Estrella sa kanyang balikat, wari'y nakalimutan ang lahat sa sobrang kaba.

At bago pa man nila mabawi ang sarili, may narinig silang mga yapak na papalapit sa kanila.

"Napakatinik mo talaga sa babae, aking bunsong kapatid. Mukhang may natutunan ka na sa aking ipinapayo sa'yo," nakangising wika ni Isagani at ilang ulit pang pumalakpak.

Agad na napabitaw sina Julian at Estrella sa isa't isa, waring nahuli sa isang sitwasyong hindi nila sinadya. Lalong namula ang dalaga nang makita ang reaksyon ng kanyang lola. Ilang ulit nitong pinaypayan ang sarili habang nakataas ang isang kilay, mahigpit ang titig na tila tumatagos hanggang sa kanyang kaluluwa.

"Mukhang mabuti na si Julian ang iyong pinili para sa'yong apo, sapagkat tila nagkakamabutihan sila agad," natatawang wika ng tatay ni Julian habang hinahaplos ang kanyang balbas.

"Bueno, mas mabuti siguro'y kumain na tayo sapagkat lumalalim na ang gabi at tulog na rin ang ilan sa ating kapitbahay," mahinang wika ni Doña Teresita, ngunit hindi maikakaila ang malamig na sulyap na iniukol niya sa kanyang apo. Kahit malayo, naaninagan ang pamumula ng pisngi ni Estrella—lalo lamang nangingibabaw dahil sa kanyang kulay porselanang kutis.

Napabuntong hininga naman ng ilang beses si Estrella habang kinakapitan ang pisngi niyang nag-iinit. Ikinatuwa naman ni Estrella na malamlam ang ilaw na mula sa lampara at kung hindi'y baka ipanalangin niyang kainin na lang siya ng lupa.

Napatayo agad si Julian at pasimpleng tiningnan ang reaksyon ni Estrella. Napakamot na lang ng ulo ang binata at hindi napigilang gumuhit ang ngiti sa kanyang labi. Lumabas naman ang isang biloy sa kanyang kabilang pisngi na naging dahilan kung bakit lalo s'yang tinukso ng kapatid.

"¡Mi hermano está enamorado! Nunca pudo ocultar sus sonrisas!" (Umiibig na ang aking kapatid, hindi maitago ang ngiti sa kanyang labi) panunukso ni Isagani habang lumapit pa upang akbayan si Julian. Tinaasan pa niya ng boses ang kanyang pananalita, wari'y isang aktor sa entablado. Kinortehan niya pa ng hugis puso ang kanyang kamay at ipinakita ito sa dalawa.

Ilang ulit namang napabuntong-hininga si Julian at mariing kinagat ang kanyang dila—isang simpleng paraan ng pagtitimpi laban sa kapatid na mahilig mang-asar.

"Ano ang ibig mong sabihin?" pagtatakang tanong ni Estrella, habang tinititigan ang dalawang magkapatid na abala sa pag-uusap sa wikang Español. Itinaas niya ang isa niyang kilay at pinanliitan ng mata si Isagani.

"I think this person is insulting me! Baka minumura na ako ng dalawang ito," mahina niyang sabi, halos bulong ngunit may halong inis.

"¿Sabías que mi hermano..." (My brother said—)

Hindi na natapos ni Isagani ang kanyang biro sapagkat agad niyang naramdaman ang malamig na titig mula sa kanyang ama, kasabay ng nanlilisik na mata ni Julian. Napaangat siya ng dalawang kamay at marahang umurong palayo.

"Isagani, deja de burlarte de tu hermano," (Tigilan mo muna ang panunukso sa iyong kapatid.) mahinahong wika ng kanilang ama, ngunit halatang nanlilisik ang tingin kay Isagani.

"¡Sí! Opo!" mabilis na sagot ni Isagani habang sunod-sunod na tumango at lumayo sa tabi nina Julian at Estrella.

"Hala! Kumain na kayo, sapagkat bawal tanggihan ang grasya," suhestiyon ni Doña Teresita, bagama't hindi maitago ang malamig niyang titig sa kanyang apo.

"Paumanhin po," marahang tugon ni Julian, "ngunit may pagtitipon pa po akong dapat puntahan. Hindi ko na po namalayan ang takbo ng oras."

"Julian, kumain ka na muna bago ka magtungo sa pagtitipon," nag-aalalang wika ni Don Hidalgo habang hinahaplos ang mahaba niyang balbas. Hindi siya mapakali sa kanyang kinatatayuan, sapagkat palihim din niyang minamasdan ang reaksyon ni Doña Teresita. Ang mga ngiti nito'y tila pilit lamang, batid na hindi nagugustuhan ang pagtanggi sa inihanda niyang pagkain.

"Ama," singit ni Isagani, "hayaan mo na si Julian sapagkat mukhang mag-aaral na naman sila ng Bibliya. Ang inaalala ko lang... baka hindi matuloy ang kasal sapagkat baka maisipan ni Julian na magpari."

Napakagat ng labi si Isagani nang agad na salubungin siya ng matalim na titig ng kanyang ama—isang titig na halos magpatayo ng kanyang balahibo.

Samantala, si Estrella ay nananatiling nakatitig kay Julian. Ilang ulit siyang napabuntong-hininga, at sa kanyang isipan ay biglang bumalik ang mga alaala—ang mga panahong masigasig pa siyang naglilingkod sa Panginoon, mas maliwanag ang kanyang pananampalataya, at mas tahimik ang kanyang puso. "Panginoon... ito po ba ang tamang landas na dapat kong tahakin?" bulong niya sa kanyang isipan, habang pinagmamasdan ang lalaking tila unti-unting nagiging bahagi ng kanyang kapalaran.

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen2U.Com