Truyen2U.Net quay lại rồi đây! Các bạn truy cập Truyen2U.Com. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Prologue

𓇢𓆸
RAINE

"Raine, gising na."

Ang tinig ni Mom ang unang bumulaga sa akin noong umagang iyon. Ang bawat salita'y pawang pahid ng lambing na bumalot sa akin ng kaniyang pagmamahal.

Naramdaman ko ang malambing na pagyugyog niya upang ako ay bumangon na mula sa aking pagkakahimlay.

Pagdilat ng aking mga mata ay binati ako ng buwan na nababanaag pa sa may bintanang nasa gilid ng aking kama. Nakasara pa ang mga kulay pulang kurtina sa nakasaradong salaming bintana, subalit ang malamig na hangin mula sa labas ang nagpakita sa akin ng labas ng aming bahay.

Dahan-dahang umihip ang hangin papasok sa loob hanggang sa tuluyan na ngang nagising ang aking diwa.

Sa aking harapan ay naroon si Mom na nakaupo sa aking tabi. Ang kaniyang katawan ay nabihisan ng kaniyang pang-alis na kasuotan. Nakaayos ang kaniyang maitim na buhok at saka mapula ang kaniyang mga labi.

"Happy birthday, Raine," bati niya sa akin. "Tara, almusal ka na."

Iniunat ko ang aking katawan at saka bumangon. Dumiretso kami sa kusina habang inalalayan niya ako pababa ng hagdan.

Binigyan niya ako ng lutong itlog at kanin - isang bagay na pumukaw sa aking atensiyon. May kakaibang aura na nangingibabaw sa paligid na para bang nais kong siyasatin.

Sa paligid, naglaro ang mga senyales ng pagkaabala. Pabalik-balik sa hagdanan si Dad na may dala-dalang mga papeles. Si Mom ay umalis na muna at saka tila ba nag-aayos ng mga gamit sa kusina. Samantalang nakita ko naman ang nakatatanda kong kapatid na babae na nakaupo sa may sofa sa sala na nagtitipig ng mga damit. Sa tabi niya ang mayroong mga bag.

Wala sa kanilang nagmamadali subalit pansin kong may kakaiba. "Mom, saan po tayo pupunta?" tanong ko na lamang dito.

"Oo nga pala!" bulalas nito na patuloy lamang sa ginagawa sa may kaliwang bahagi ng kusina.

"Paano mo naman nalaman?" tanong ni Ate mula sa sala. Sa mga oras na iyon ay patapos na siya sa pagtitipig.

Hindi na bago kala Mom at Dad ang pagiging curious ko sa mga bagay-bagay subalit hindi para kay Ate Elizabeth. Nasa unang taon na siya sa kolehiyo samantalang nasa hayskul pa lamang ako. Magkalapit ang loob naming dalawa subalit noong nag-hayskul na ito ay madalas na siyang tutok sa pag-aaral.

"Base sa buwan na nakita ko sa bintana at sa oras na nakalagay sa may kuwarto, ala una pa lamang ng umaga," sagot ko rito. "Nakabihis si Mom ng damit na ginagamit niya lang kung may pupuntahan siyang importanteng okasyon at ganoon din si Dad na suot ang paborito niyang necktie. Ikaw naman Ate ay nagtitipig ng mga damit at nilalagay sa bag kaya naman nag-eempake ka ng mga damit mo. Nasa gilid mo rin ang bag ko kaya maaaring inuna mong iimpake ang sa akin."

Tumahimik na lamang ito at saka umakyat sa hagdan papunta sa mga kuwarto sa ikalawang palapag. Pag-akyat niya ay saka naman bumaba si Dad na dala-dala pa rin ang mga papeles niya kanina subalit mas rumami ang mga ito.

"Importante po ang pupuntahan natin, hindi ba? Saan po?" patuloy kong tanong.

"Siyempre kailangang maganda ang mga suot natin kasi kaarawan mo ngayon." Paglapag ni Dad ng mga papeles sa lamesa sa sala ay dumiretso ito sa kusina. Lumapit siya sa akin at binigyan ako ng mahigpit na yakap na sinundan ng isang halik sa noo.

"Happy birthday, sweety," bati rin nito. "Anong gusto mong regalo?"

"Dad," wika kong nangungulit ang tono. "Alam kong may pupuntahan tayo. Saan po ba?"

"Ikaw talaga," pangungulit din niya. Lumuhod siya sa may gilid ng inuupuan ko at saka kinurot nang bahagya ang aking pisngi. "Sige na nga dahil wala naman sa iyong matago-tago," pabulong nitong dagdag sa akin.

"Pupunta kasi tayo sa Tita mo," pagpapatuloy niya.

"Sa Ameri-" bulalas ko na agad naman niyang pinatigil.

"Kaya bilisan mo na riyan at doon tayo magbabakasyon. May ilang araw pa naman bago ang pasok niyo kaya naisipan namin ng Mom mo na ito na lang ang iregalo sa iyo."

"Kaya dapat sa pasukan ay maayos ulit ang mga grades mo," pabirong paalala sa akin ni Mom.

Tumayo si Dad at saka lumapit sa asawa. Nang maghawak ang kanilang mga kamay, hindi nagtagal ay naglapit ang kanilang mga labi. Isang maigsing halik, at saka isang mainit na yakap.

"Dapat marunong ka na ring mag-Ingles para maayos mong makausap ang kapatid ko," biro ni Dad kay Mom.

"Ikaw kaya ang hindi bihasa sa pagsasalita ng Ingles," pabirong sagot naman ni Mom.

"Best in English ata ang asawa mo noon," pabirong pagyayabang ni Dad.

"Sige na. Kung yun ang gusto mo," wika ni Mom na pansing nakukulitan na sa asawa. "Saan pupunta si Liz? Kumain na siya, hindi ba?"

"May kinuha lang atang gamit sa kuwarto niya," sagot naman ni Dad.

Pagkatapos ng mga paghahanda, nagtungo na kami sa kotseng agad namang pinaandar ni Dad.

Sa paligid, madilim pa rin ang daan. Sinamahan pa ito ng malakas na pag-ulan na dahilan pala ng malamig at malakas na hangin sa may bintana kanina.

Patuloy lamang ang pagbyahe namin papunta sa airport nang mapansin ko ang isang kung anong hindi naaalis sa aming likuran na makikita sa salamin ng kotse. Sa una, hindi ko iyon pinansin, subalit habang papalayo kami sa bahay, hindi pa rin ito nawawala.

Pagtingin ko sa salamin, mayroong isang itim na kotse sa aming likuran.

Habang patuloy na nagmamaneho si Dad papunta sa airport, napansin kong para bang sumusunod sa amin ang sasakyang iyon.

Biglang bumilis ang tibok ng puso ko dahil sa pangamba at takot, lalo pa't may kakaibang kilos akong napansin sa aking pamilya.

"Mom, napansin niyo po ba 'yung sasakyan sa likuran? Parang sinusundan tayo," ang aking tanong, ngunit walang tugon mula sa aking mga magulang. Sa halip, nalipat ang kanilang mga titig sa salamin ng sasakyan namin, kung saan kita ang larawan ng itim na sasakyang papalapit sa amin.

Hawak ni Mom ang aking kamay at pinasandal niya ang ulo ko sa kanyang balikat. Si Ate Liz, na nasa tabi ni Dad sa driver's seat, ay nalipat ang tingin sa akin.

"Hindi dahil nasa likuran natin 'yon, e, sinusundan na tayo," wika ni Ate sa seryoso niyang tono.

"Tama ka, Elizabeth. Siguro nagkataon lang," dagdag ni Dad na tinanggap na biro ang sinabi ni Ate.

Pulis si Dad at guro sa siyensya si Mom. Mabait silang dalawa at wala namang kaaway - maliban siguro sa mga pinakulong ni Dad na masasamang loob. Kahit na ganoon, hindi natatakot si Mom dahil alam niyang hindi kami pababayaan ni Dad at ng mga kapatid niyang nagtatrabaho sa gobyerno.

Hinayaan kong kumalma ang aking sarili sa tabi ni Mom, ngunit sa kabila ng aking pagsisikap, hindi ko naiwasang makita ang imahe ng sasakyang iyon na hindi pa rin nawawala sa repleksiyon ng salamin ng kotse namin.

"Huwag na lang po kaya tayong tumuloy," ang aking munting panawagan.

"Raine," sabi ni Mom, "malapit na tayo sa airport. Hayaan mo lang iyang mga nakikita mo. Siguro ay dahil sa kakapuyat mo iyan."

Kahit na sinabi ni Mom ang mga salitang iyon, hindi pa rin nawala ang aking kaba. Mabilis ang tibok ng puso ko, lalo na noong dumaan kami sa isang lugar na walang masyadong dumaraang sasakyan.

Isang pagputok ang biglang pumukaw ng aking diwa - dahilan ng bigla kong pagkagising sa katotohanan na may panganib na nakaamba.

"Ayos lang ang lahat, mga anak. Ayos lang ang lahat," mahinahong sabi ni Dad, samantalang pinabilis niya ang takbo ng kotse.

Napatingin ako sa aming likuran at nakita ko ang usok na nagmumula sa sasakyang sumusunod sa amin. Doon ko na napagtanto na tama ang aking kutob.

Nang biglang magpatuloy ang pagpapaputok, napuno ng takot ang loob ng aming sasakyan. Habang ang mga magulang ko ay pilit kaming inilalayo sa panganib, ako at si Ate Liz ay naghihintay ng pagkakataon para makaligtas.

Isa sa mga bala ang tumama sa gulong ng kotse namin na siyang naging dahilan upang magpaikot-ikot ang aming sasakyan lalo na't basa ang daan at mabilis ang pagpapatakbo ni Dad.

Nasaksihan ko ang determinasyon niyang patigilin ang sasakyan sa pamamagitan ng preno, ngunit sa kasamaang palad, hindi ito gumana kahit anong padyak niya rito.

Ramdam ko na ang nalalapit na pagtatapos kasabay ng pagpikit ng aking mga mata. Tanggap ko na ang mga maaaring mangyari sa akin nang kahit paano ay naibsan ito noong naramdaman ko ang isang mainit na pagyakap. Si Mom ang nasa tabi ko kaya naman alam kong siya iyon.

"Diyos ko po, iligtas niyo po ang mga anak namin." Narinig ko ang pabulong na pagdarasal ni Mom.

Patuloy ang pag-ikot namin nang bigla na lamang tumigil ang lahat. Kasabay ng pagtaas ng tensiyon sa aking katawan ang pagdilat ng aking mga mata upang malaman lamang na nakatagilid na kami sa isang tulay na namataan ko nang dahil sa pagkurap-kurap ng ilaw ng kotse namin.

Base sa mga narinig kong balita ay bibihira lamang ang mga dumaraan sa daanan kung nasaan kami nang dahil sa madilim at delikado sa lugar, lalo na kung hindi nag-iingat.

Nakabitaw na ang mga kamay ni Mom sa akin. Pagtingin ko sa paligid ko ay wala nang malay ang mga magulang ko.

May dugong tumulo mula sa kamay ni Mom at doon ko nalamang may tama siya ng bala sa balikat. Sa unahan ko naman ay may mga nagkalat na salamin na nanggaling sa nabasag na windshield.

Para bang sinakal ako ng isang hindi nakikitang bagay, pinigilan ang pagdaloy ng hanging nagsisilbing huli kong kasangga mula sa mga kaganapan. Nagkalat ang aking mga emosyon ng pagkatakot at pangamba, nagkukumahaw na makawala mula sa sarili kong pinipigilang maging matatag sa kabila ng lahat.

Sa likod ng kotse, nakita kong muli sa repleksiyon mula sa maayos pa na salamin ng aming kotse ang sasakyang itim na pumara sa aming likuran. Isang lalaking nakasuot ng itim, nakamaskara, at nakasuot ng hindi ko mawaring kulay na cap ang lumabas.

Alam kong kailangan kong makapag-isip ng kailangan kong gawin kaya ipinikit ko ang aking mga mata. Noon ay para bang napunta ako sa ibang dimensiyon - kita ko ang aking sarili at sa aking tabi ay kasama kong nanonood sa aming paghihirap sina Mom at Dad.

࿐ ࿔*:・゚

"Raine, bakit ka naman kinakabahan diyan?" tanong sa akin ng pangalawang Dad - ang lalaking nakatayo sa tabi ko kasama ng kapareho ni Mom.

Pumasok sa aking isipan ang pag-iisip na mga multo na lamang kaming tinitingnan mula sa labas ng kotse ang unti-unti naming pagkahulog sa tulay.

"Huwag kang matakot," wika naman ni Mom.

"Patay na po ba tayo? Nadun kayo tsaka nandito rin... Ganoon din po ako," tanong ng para bang nababalisa kong sarili.

"Wala nang oras para diyan. Kailangan mong maging alerto," wika sa akin ni Dad.

Mula sa loob ng kotse ay nakita ko si Ate na gumagalaw. Nakita ko rin ang pangamba sa kaniyang mukha.

Lumapit ako ng bahagya, sapat lamang upang hindi magalaw ang kotseng kailangang hindi gumalaw upang hindi mahulog. Noon ko nasaksihang hirap siyang tanggalin ang kanyang seatbelt.

"Ano ang gagawin mo?" aniya.

࿐ ࿔*:・゚

Pagkatapos ng mga salitang iyon ni Dad ay nakita kong muli ang aking sarili sa loob ng kotse. Nakabalik na ako sa kasalukuyan.

"Ate, tulungan na po-" Tatayo na sana ako nang biglang gumalaw nang bahagya ang sasakyan.

"Umupo ka lang diyan! Kaya ko na ang sarili ko!" sita ni Ate. "Kung gusto mo, umalis ka na!"

Walang ano-ano ay kinuha ko ang selpon sa loob ng bulsa ng damit ni Mom.

9-1-1.

"911, what's your emergency?" tanong ng tao sa telepono.

"Nasa bingit po ng tulay ang sasakyan namin. May sumusunod po sa amin na itim na kotse at sa loob po noon ay may lalaking nakasuot ng itim." Nanginginig ang aking boses habang binabanggit ko ang mga salitang iyon.

"Kalma lang, Hija. Huwag ka munang gagalaw, darating na ang tulong," dagdag pa ng babae sa kalmado niyang boses. "Alam mo ba kung nasaan kayo?"

"Hindi ko po alam." Tuluyan na ngang bumuhos ang aking mga luha na naging simula ng unti-unting pagkawala ng aking pag-asa. "Hindi ko po alam."

"O sige. Ano na lang ang nakikita mo sa paligid? Kahit anong nariyan na nakikita mo," wika ng babae. "Basta nariyan kayo sa tulay at saka..."

"Ang alam ko lang po ay ito na po siguro yung daanan na sinasabi nilang maraming naaaksidente kaya hindi na madalas daanan ng mga sasakyan," sagot ko rito.

"May mga kasama ka pa ba riyan? Pwede bang matanong kung ano ang iyong pangalan o ng kahit sino sa mga kasama mo?" tanong pa niya.

"Apat po kami sa loob. Wala pong malay sila Mom at Dad. Si Ate naman po ay hindi maalis ang seatbelt niya," sagot ko rito. "Lorraine Adriella de Verra po ang pangalan-"

Hindi ko natapos ang mga salitang iyon nang biglang may humila ng malakas sa aking buhok mula sa basag na bintana ng aming kotse.

Sa halip na sumigaw, ginamit ko ang aking huling lakas para pumalag.

"Ang sayang panoorin kayong magdusa! Binawi ninyo ang lahat mula sa amin, kaya't ngayon ay panahon na para kayo naman ang magbayad!" pagtawa ng lalaking maaaring ang may hawak sa aking buhok.

Ipupukpok ko na sana ang dala-dala kong selpon sa lalaki nang nabulabog ako ng pagputok na nanggaling sa aking unahan. Nakita kong lumihis sa akin ang isang bala na nang dahil sa lapit ay muntik nang mahigip ang aking kanang tenga.

Nakawala na rin ako sa wakas mula sa pagkakahawak sa aking buhok. Kasabay nito ay ang paggalaw nang bahagya ng sasakyan na kapwa nagpakawala ng pagkatakot namin ni Ate sa pamamagitan ng isang sigaw.

"Raine, Liza, ayos lang ba kayo?" Pagtingin kong muli sa aking harapan ay nakita ko si Dad na kabababa pa lamang ng baril na hawak-hawak. Tinulungan niyang makaalis mula sa kaniyang seatbelt si Ate. Kasabay noon ang isang mahigpit na pagyakap na nagmula sa aking tabi - nagising na rin sa wakas si Mom.

"Mom, Dad, tumawag na po ako ng pulis. Tumakas na po tayo ngayon," mariing sabi ko sa kanila, sa pag-asa na makuha namin ang kaligtasang unti-unti nang nawawala sa aking isipan.

Mula sa may hindi kalayuan ay rinig ko na rin sa wakas ang mga sirena ng kotse ng mga pulis na papalapit sa amin. Sa wakas ay bumabalik na rin ang munti kong pag-asa.

Nang marahil marinig ng lalaki ang mga ito, napabalik siya sa kaniyang sasakyan.

"Wala nang oras, kailangan niyo nang umalis," wika ng luhaang si Mom.

"Mom, ano ba? 'Di ba sabi niyo sa amin, walang iwanan?" ang aking paulit-ulit na tanong, habang ang mga luha ay walang humpay na bumabagsak.

"Sige na, Lorraine, Elizabeth," ang matigas na utos ni Dad, ang kanyang mga mata'y naglaman ng lungkot na noon ko pa lamang nasilayan. "Tumakas na kayo."

"Huwag niyo kaming kakalimutan, mahal na mahal namin kayo," ang huling mga salita ni Mom sa amin sabay bigay ng halik.

"Kung hindi kayo aalis, hindi rin ako aalis," ang matigas kong pagtanggi, sa hangarin na manatili kasama ang aking mga magulang.

"Lorraine, please," wika ni Ate, "hayaan nating maging makabuluhan ang sakripisyo nila. Tara na."

Natanggap ko ang huling yakap at halik mula sa aking mga magulang, sa kutob na ito ang huling pagkakataon na maaari kong makasama sila.

Tinulungan nila kaming makalabas, at kami'y nagtagumpay. Ngunit habang kami'y tumatakas, biglang may pagputok, at ang mundo ko'y biglang pumailanlang.

"Abutin mo ang kamay ko, Mom, Dad," ang aking pagsusumamo, ngunit ang sagot ay isang sigaw ng takot.

Nagdilim ang paningin ko, at dahan-dahan akong nawalan ng malay, hindi na alam ang mga sumunod na pangyayari.

𓇢𓆸

Subalit nangyari iyon limang taon na ang nakararaan...

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen2U.Com