Eavesdropped
<November 30>
KATULAD NG mga nakaraan na araw ay maaga ulit akong umalis sa bahay para magsimulang maglakad papunta sa lugar kung saan maari akong makakuha ng atensyon ng ibang tao. Panibagong araw na naman para maghanap ng maaaring makuhahanan ng pagkikitaan. Sana naman ay ngayon may tumanggap na sa akin.
Pahirapan ulit kung paano ako hahanap ng p'wede naming kainin ni Elijah. Kaya sobrang nakakainggit ang ibang tao kung saan hindi nila kailangan problemahin at alalahanin araw-araw kung ano, saan, at paano sila kukuha ng p'wede nilang kainin.
Minsan ay binibigyan kami nina Gian ng ulam pero madalas ay natutulog kami ni Elijah ng walang laman ang tiyan para lang maipagkasiya ang natitira naming pagkain para sa isang linggo.
Bumuga ako ng hangin atsaka nilibang ang sarili ko sa pagmasid ng ibang tao na nadadaanan ko.
"Narinig niyo ba? May natanggap na komisyon si Mar. Iyong nagpapagawa ng komisyon nga na ito ay para bang galing sa mayaman na pamilya base sa kanyang suot at gamit e. Napakaswerte nga niya"
"Oh? Ano naman pinapagawa sa kanya?"
"Ewan ko ba! Away ata ng isang pamilya e. Pinapagawa kasi kay Mar ay mga dirty works. Alam mo na. Medyo nagdadalawang isip nga ito eh, pero panigurado namang tatanggapin niya 'yun. Aba! Pera rin yun"
"Hahahaha!"
"Ssh lang kayo ha! Baka may ibang makarinig sa atin"
"Gago, kahit naman may makarinig sa atin halos pare-pareho lang naman ang nakatira dito na madu-dumi na ang kamay. Ano pang pakialam nila?"
"Sabagay! Hahaha! Pero ano bang pangalan ng target ni Mar? Baka may p'wede tayong matulong at makakuha pa tayo ng share doon."
"Hindi ko na ganoon matandaan eh. Catrinna? Cassandra? Basta may 'C' yung pangalan. Artista ata eh"
"Ay mayaman nga itong nagpakomisyon."
"Kaya nga eh! Pero balita ko rin na---"
Hindi ko na tuluyang narinig ang kwentuhan ng mga lalakeng umiinom na kaagad kahit na sobrang aga pa. Normal na ito sa lugar namin.
Masasabi na ito siguro ang pinakadelikadong lugar dito. Ang lugar namin ay kung saan nakatago ang mga ibang kriminal at mga squatter. Pero siyempre, ang tao dito ay kilala na si Gian kaya hindi kami nahahawakan ni Elijah ng basta-basta lang ng kung sino man. Simula rin ng sumali ako sa grupo nina Gian noon ay nakilala rin nila kung paano ako kumilos.
Siyempre, hindi rin lahat dito ay basta-basta lang sinasabi na kriminal sila katulad ng ginawa ng mga matatanda na iyon kanina. Mayroon pa rin namang ibang opisyal, police, o kabilang sa gobyerno ang naglilibot at tumutulong dito sa lugar na ito para linisin, manghuli, at mamigay ng mga kagamitan o pagkain. Minsan ito ay kawang-gawa, madalas ay tila ba ito ay napipilitan lang para masabi lang na tumulong sila.
Hindi man sobrang ligtas dito sa lugar na ito, pero wala eh. Dito lang kami maaaring tumira. Ito lang ang mayroon at kaya namin. Noong una ay wala akong takot na iwanan mag-isa si Elijah dahil wala pa akong alam kung anong klase ng mundo o lugar ang tinitirhan namin, ngunit noong nalaman ko na ay halos hindi ko na hinayaang makaalis sa paningin ko ang pinsan ko. Pero kahit na ganoon pa man ay hindi ko pa rin kaya na isama na lang basta-basta rin si Elijah kung nasaan ako dahil mas delikado iyon. Mas delikado rin naman kung hindi ko iwanan si Elijah dahil wala kaming kakainin at paniguradong isang araw ay patay na kami noon sa gutom.
Halos dalawang oras ang nilakad ko para lang makarating ako sa destinasyon ko. Katulad ng dating gawi ay nilatag ko ang isang kahon kung saan maaaring magbigay ng barya ang mga tao habang ako ay tumutugtog.
Tumugtog ako ng mapansin kong padami na ng padami ang taong naglalakad. Matapos ko sa dalawang kanta ay nagpasalamat ako sa iilang tao na nagstay at naghulog ng kahit sampung piso lang para pakinggan ako.
Nagbreak ako panandalian nang maramdaman kong natutuyuan na ako ng laway. Kinuha ko ang baon kong tubig para inumin 'yon.
Habang umiinom ako ay bigla na lang sumagi sa isip ko ang mga narinig ko kaninang umaga. Hindi ko alam pero kahit habang tumutogtog ako kanina ay naalala ko ang mga pinag-usapan nila. Hindi naman ganoon kaimportante ang pinag-uusapan nila pero tila ba nababahala ako.
Hanggang sa pag-uwi ko ay kaysa sa pag-aalala dahil wala kaming makakain ulit ni Elijah at wala na naman akong nahanap na maaaring pagtrabahuan ay ang pag-uusap pa rin ng mga matatanda kaninang umaga ang nasa isip ko.
"Kuya? Yoohoo?"
"Huh? Bakit?" nagulat ako ng kaunti nang hindi ko namalayan na nasa harap ko na pala si Elijah.
"Para kang tanga diyan. Ano ba nasa isip mo?"
Pinatong ko ang kamay ko sa ulo niya atsaka ngumiti ako sa kanya para hindi siya mag-alala. Mukhang napansin din ng pinsan ko na may iba akong iniisip. Tumayo ako sa upuan habang sinundan naman ako ni Elijah ng tingin.
"Puntahan ko lang sina Gian sandali. Matulog ka na, babalik ako kaagad" paalam ko sa kanya.
"Kuya, ano na naman---"
Pinutol ko na ang itatanong ni Elijah dahil alam kong pinagdududahan niya na ako kung bakit pa ako pupunta kina Gian. Mabilis ko naman sinabi sa kanya ang totoo, "May itatanong lang ako. May narinig kasi ako kaninang umaga at hanggang ngayon hindi ako mapakali. Baka sakaling may alam sila. H'wag kang mag-alala at hindi na ako gagawa ng mga bagay na ikakalungkot at ikakagalit mo sa akin"
Mabigat man sa loob ni Elijah ay tumango at pinayagan niya pa rin ako.
---
"Napabisita ka, Vargas?" bati sa akin ng isang kaibigan nina Bryan gamit ang apelyido ko.
Blanko ko siyang tinanguan bilang pabalik na bati. "Si Gian?"
"Ayun, may tinitira na namang isang bahay. Nalaman kasi nila kaninang umaga na aalis daw ang buong pamilya. Bakit?"
Hindi ko na pinansin ang ibang detalye. Ibig sabihin lang naman niya ay wala sila dito. Haaa...
Nilibot ko ang mata ko sa lugar na pinagtatambayan ng grupo nina Gian, at kung saan din ako madalas tumambay noon. Naghanap ako ng iba pang miyembro ngunit mukhang wala na ibang nandito kung hindi si Ian lang.
"May nabalitaan ka ba patungkol kay Mar?" tanong ko.
"Mar? Sino 'yun?"
Nagkibit-balikat ako dahil hindi ko rin naman kilala kung sino 'yun. Ang alam ko lang ay 'yun ang narinig at natatandaan kong pangalan kanina.
"May balak ata itong patayin. Gusto kong malaman kung sino ang target nito" diretso kong sabi ng pakay ko.
"Ah. Si Martin ba? Ang swerte nga ng batang yun eh! Akalain mo may pinsan pala itong mayaman pero dito nakatira?"
Buryo ko siyang tinignan para malaman niya na wala akong pake sa kung sino man si Martin at kung sino ang pamilya nito. Mukhang napansin naman ni Ian na naiinip na ako kaya tila ba tinago niya ang kaba niya sa pagtawa na lang.
Umubo ito ng dalawang beses bago sinabi ang hinihingi kong impormasyon. "Hindi ako sigurado pero ang target ata niya ay ang anak ng asawa ni Frianne Jimenez-Briones. Dahil may alitan ata 'yung pinsan ni Martin kay Frianne, balak nitong takutin si Frianne gamit ang step daughter nito na si Cassey---"
"Cassey?" gulat na tanong ko nang marinig ko ang isang pamilyar na pangalan.
"Oo. Kilala mo ba 'yun?"
Umiling ako pero sa kaloob-looban ko ay hinihiling ko na hindi yung Cassey na alam ko. Pero sabagay mukhang impossible naman yun. Sobrang daming Cassey sa mundo.
"Bakit mo pala natanong? Ang alam ko ay wala kang interesado sa mga gawaing kapag may kinalaman na sa mga dugo e" tanong nito atsaka ngumisi na tila ba tinatakot ako.
Nginitian ko lang din siya, ngunit iba ang dating para sa kanya ng ngiti ko. Lumapit ako sa kanya para bulungan siya at para ipaalala kung paano ko nakayanan na manatili sa lugar na ito makalipas ang ilang taon.
"Don't forget that I may not have done anything unimaginable like what you've guys already did, but that doesn't mean I can't. After all, I was the one who told you all of the steps"
Napansin ko ang paglunok ng laway niya kaya naman tinapik ko ang braso niya para pakalmahin siya.
"Alis na ako. Sabihin niyo na lang kina Gian na dumaan ako saglit" paalam ko bago ako lumabas sa lugar na 'yun.
Nang makalayo na ako sa lugar na yun ay sumandal ako saglit sa isang pader para pakalmahin ang bilis ng takbo ng puso ko sa kaba at takot. Mariin kong pinikit ang mata ko atsaka sinubukan kalimutan ang lugar na yun.
Hanggang ngayon ay ganoon pa rin ang amoy ng lugar na 'yun. Tsk.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen2U.Com