Former Life
<November 29>
SINUBUKAN KONG hindi pansinin at magpanggap na lang na hindi ko nakita sina Gian at Bryan nang magkasalubong kaming tatlo.
"Pst! Saan punta mo? Hindi ka na tumatambay sa amin ah?" masigang pangangamusta sa akin ni Gian.
Bumuntong hininga ako. Mukhang wala akong ibang pagpipilian kung hindi ang harapin nga talaga sila.
Walang gana ko silang tinignan dalawa sa mata. Napangiwi si Gian nang makita ang expresyon ng mukha ko habang si Bryan naman ay tila sanay na.
"Andoon lang kami tuwing Huwebes. Kapag may kailangan ka, punta ka lang doon. Pagbutihin mo ang paghahanap ng matinong trabaho. Tignan mo kung kakayanin mo nga ba talagang magbago" sabi ni Gian atsaka tinapik ang balikat ko bago ako nilampasan.
Pinanood ni Bryan si Gian na maglakad ng ilang hakbang bago niya ako binulungan. "Huwag mong masamain ang sinabi ni Gian. Alam mo naman na ganoon lang talaga ang tono ng boses n'un. Alam mo rin naman kung paano ang buhay natin dito. Siguro sayo hindi pa huli ang lahat dahil bata ka pa at marami ka pang panahon. Pero sa edad namin ni Gian, mahirap na."
Napatingin ako sa baba nang maalala ko kung kaninong kamay ang tumulong sa amin ni Elijah simula noong bata pa kami. Galing man sa marumi at maling paraan ang mga pagkain na aming nakakain ni Elijah noon ay hindi pa rin maaalis ang katotohanan na silang dalawa lang ang naging pag-asa at dahilan kung bakit buhay pa kami hanggang ngayon.
Ano nga ba ang magagawa ng isang bata na katulad namin na walang ibang choice kung hindi tanggapin kung ano ang ibinibigay sa amin?
Kung nagmatigas ako noon, paano mabubuhay ang pitong taong gulang at dalawang taong gulang na bata sa mundong ito? Wala kaming kaalam-alam. Kinuha at inabot lang namin ang nag-iisang kamay na handang tumulong sa amin.
Simula noong mas nagkaroon na ako ng isip at naintindihan ko kung anong klase ang pinapagawa sa akin ng grupo nina Gian at kung saan nangagaling ang pera na pinambibili namin ng mga pangangailangan namin, ay hindi mapagkakaila na araw-araw ay kinakain ako ng konsensya ko. Pero dahil siguro sa sitwasyon namin at sa pagkadesperado ko noon ay mas tumatak sa isip ko na ito lang ang paraan para makakuha ng katulad namin ng pera. Ang mahalaga ay ang ako lang ang gumagawa ng mali at hindi ang pinsan ko. Ang mahalaga ay nakakain siya ng maayos. Ang mahalaga ay hindi ito malaman ni Elijah dahil hindi niya kailangan na alalahanin kung anong klaseng pamumuhay ang ginagawa namin.
But she eventually did...
Siya ang nagsampal sa akin kung ano ang tama sa mali. Sinubukan kong depensahan ang sarili ko at ang ginagawa ko. Tama naman ako, hindi ba? Kailangan namin 'yung pera eh.
Pero noong nakita ko ang mga mata niyang umiiyak at tila nagmamakaawa ay doon ko namalayan na ang mga dahilan ko ay hindi sapat para maging dahilan sa mga pinagagawa namin.
"Ano naman kung mabubuhay nga tayo ng pera niyan pero araw-araw ka naman pinapatay ng konsensya mo? Kung ganitong pamumuhay ang gusto mo, pwes ako hindi. Mahirap tayo kuya, oo. Pero ayoko naman na tayo rin ang magiging dahilan at magbibigay problema kung bakit mahihirapan din ang ibang tao." Ito ang mga salitang binitawan ni Elijah sa akin noon. Doon ako natauhan.
Naiintindihan at alam ko kung saan nagmumula sina Gian at Bryan. Sa tulong at gabay nila ay marami naman kaming natutunan ni Elijah. Tinuruan nila kami ng simpleng math, pagsulat, at pagbasa. Ako naman ay tinuruan nila kung paano mamuhay ng tama... at mali.
Pareho sila ni Gian at Bryan ang halos nagsilbeng magulang naming dalawa. Dahil siguro halos anak na rin ang turing nila sa amin ay naintindihan at nirespeto nila ang desisyon ko na umalis sa grupo nila. Biglaan man pero wala rin naman silang magagawa.
Hindi ako sumagot sa sinabi ni Bryan pero tinitigan ko lang ito. Kilala na ako ni Bryan, at alam niyang naintindihan ko ang sinabi niya.
"Tutugtog ka ulit ba sa lugar na 'yun?" tanong ni Bryan nang makita ang gitara na nasa likuran ko.
Tumango ako atsaka sinagot siya patungkol sa experience ko simula noong ilang nakaraang linggo. "Nakakaipon naman ako ng kahit ilang barya lang"
Ngumiti ito sa akin bago siya naglakad paalis. Hindi na rin ako nag-aksaya pa ng oras. Naglakad na ako papunta sa lugar kung saan maraming taong dumadaan.
Ganito ang ginagawa ko simula noong isang linggo. Noong una ay naghanap ako ng pwedeng pasukan na trabaho pero walang tumatanggap sa akin. Ilang beses ko sinubukan pero ilang beses din ako tinanggihan.
Hanggang sa nakita ko sa bahay namin ang gitara na niregalo sa akin ni Gian noon. Siguro dahil malungkot at sawa na ako sa paulit-ulit na pangyayari ay hindi ko namalayan na kumakanta na pala ako sa kalye ng sarili kong kanta.
Kaya naman noong napansin ko na may bumabato ng ilang barya ay halos araw-araw na ako nagpupunta roon para kumanta at maggitara. Pampalipas oras at pampagaan ng loob matapos kong maranasan na makarinig ng "sorry, hindi kasi kami tumatanggap ng empleyado ngayon." o kaya naman ng "sorry, subukan mo sa iba."
Pagkatapos makalipas ang halos dalawang oras ay inipon at itinabi ko ang mga barya na ibinigay sa akin ng mga taong nakinig sa akin kanina. Ginamit ko ang natitira kong oras upang maghanap ng panibagong trabaho. Tumulong din ako sa ibang tao na nakita kong kailangan ng tulong para makahingi ng kahit kaunting tip lang sa kanila.
Umuwi akong lugi ulit sa pagkuha ng trabaho. Hindi rin katulad ng ibang araw ay mas kaunti lang din ang naipon kong pera ngayon. Halos hindi lalampas sa limang daan ang naipon ko.
Haaa...
"Jah!" paghanap ko sa pinsan ko pagkauwi ko.
Narinig ko naman na para ba itong nagmamadali. Natawa na lang ako ng bigla niya akong niyakap pero ang mata at mukha niya ay nakaharap na sa plastic na hawak ko.
"Ano 'yan kuya?" excited na tanong niya.
"Ulam natin" sagot ko.
Nakita ko naman na kumislap ang mata nito at halos maglaway na ito. Pero maya-maya lang ay tinitigan niya ako na para bang inoobserbahan ako.
"It's clean. Bigay yan ng isang matanda na tinulungan ko kanina. Hindi 'yan galing sa pagnanakaw ko, tumigil na ako doon noong nakaraang buwan pa." Matapos kong sabihin 'yun ay ngumiti siya at mabilis na kinuha sa akin ang plastic.
Binuksan niya ito para kunin ang styro na may laman ng ulam namin. Inamoy niya ito bago ako tinignan ulit. Ngumiti ako sa kanya atsaka ko pinatong ang kamay ko sa ulo niya.
"Sabi ko sa'yo diba? Susubukan ni kuya na magbago."
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen2U.Com