Chapter 34: The Hunter and The Hunted
XYRA
Hindi ako makagalaw sa kinatatayuan. Halo-halong emosyon ang nararamdaman ko sa oras na ito. Galit, awa at lungkot ang nararamdaman ko. Iniisip ko kung paano ko maililigtas ang mga inosenteng estudyante. Marami ang kalaban namin na nakasuot ng black cloak. Napapalibutan ang buong academy. Napilitan na ring lumaban ang mga estudyante para sa kaligtasan nila. Pati ang mga guro ay nakikipaglaban na rin.
Malalakas na sigaw at iyak ang naririnig ko sa buong paligid na sinabayan pa ng malalakas na pagsabog sa iba't-ibang lugar. Narinig ko pa ang mga boses na nagmamakaawa kung saan-saan, na humihiling na huwag silang saktan. Gusto kong tulungan lahat pero hindi ko kaya. Wala akong sapat na kapangyarihan. Naikuyom ko nang mariin ang mga kamao. Hindi ako dapat tumayo at manood sa mga nangyayari. Pero pakiramdam ko ay bigla akong naduwag. Parang gusto kong tumakbo at magtago na lang.
Napalingon ako kay Clauss. Hindi siya nakikipaglaban pero patuloy siya sa pagsunog ng mga bangkay. Naguguluhang nakatitig siya sa malaking apoy. Lilipad sana ako patungo kay Clauss pero may isang laser na dumaplis sa braso ko kaya napatigil ako at napangiwi. Dumaloy ang dugo mula sa braso ko. Napalingon ako sa lalaking nakangisi sa 'kin. Siya ang lalaking humalik sa 'kin noong ililigtas sana namin si Felicity. Tinitigan ko siya ng masama pero lalo siyang napangisi. Nairita ako sa itsura niya.
May humawak sa mga balikat ko na ikinagulat ko. Paglingon ko, nakita ko si Akira. Nakahinga ako nang maluwag. Kasama niya si Bryan. Hinihingal ang dalawa at pagod na pagod.
"Ayos ka lang ba?" nag-aalalang tanong ni Akira. Tumango ako. Sinugod ni Bryan ang lalaking umatake sa 'kin at nakipaglaban ito.
"Pupuntahan ko si Clauss," desididong sambit ko kay Akira. Tumango si Akira at sinabing nakita niya si Selene kaya ito ang haharapin niya. Lumipad na ako patungo kay Clauss. Habang papalapit ako sa kanya, may humarang sa aking kalaban. Pinaulanan niya ako ng mga puting bola. Matitigas ang mga bola at malakas ang pagkakatama ng mga ito sa iba't-ibang parte ng katawan ko. Tumalsik ako palayo at bumagsak sa lupa.
Nagkapasa ang mga parteng natamaan ng bola. Pinilit kong tumayo habang napapangiwi dahil sa sakit na nararamdaman. Masamang tingin ang ipinukol ko sa lalaking sumugod sa 'kin. Kailangan kong lapitan si Clauss pero inuubos niya ang oras ko. Sa galit ay nagpakawala ako ng hurricane blades patungo sa direksiyon niya. Nakailag at nakatalon agad siya pero nadaplisan siya sa kaliwang braso.
Naiinis na inilabas ko ang air eagle at sinugod siya nito. Inuubos niya ang pasensiya ko kaya sinigurado kong hindi na niya maiiwasan ang sunod kong atake. Lumipad ang air eagle patungo sa direksiyon ng kalaban at tinamaan siya sa tiyan. Dahil sa bilis ng paglipad ng air eagle, nadala siya at tumama ang likod sa isang malaking puno na malapit sa kinaroroonan ni Clauss. Lumabas ang dugo mula sa bibig niya. Halata sa mukha nito na nasaktan siya sa ginawa ko.
Malakas ang pinakawalang hangin ng air eagle kaya halos liparin din si Clauss. Napapikit si Clauss dahil sa lakas ng hanging tumatama sa mukha niya. Unti-unti kong pinaglaho ang air eagle, dahilan upang bumagsak sa lupa ang lalaking inatake ko. Nawalan siya ng malay. Naglaho na ang malakas na hangin kaya nagtatakang lumingon sa 'kin si Clauss.
"Ikaw ang air power user?" naniniguradong tanong niya sa 'kin. Nasaktan ako dahil hindi mababakas sa mukha niya na naaalala niya ako kahit papaano. Napatango ako dahil parang may bumara sa lalamunan ko at hindi ako makapagsalita. Gusto kong lapitan at yakapin siya pero pinigilan ko ang sarili.
"I'm sorry but I need to bring you to Enzo," walang emosyong wika niya. Nagulat ako nang maglabas siya ng apoy mula sa mga kamay. Balak makipaglaban ni Clauss sa 'kin.
"Clauss! Ginagamit ka lang ni Enzo!" sigaw ko.
Nagtatakang tingin ang ipinukol ni Clauss sa 'kin. "Sino ka ba?" Nasaktan ako sa tanong niya.
"I'm Xyra! Girlfriend mo ako! Sabi mo babalikan mo ko! Nangako ka!" naiiyak kong sigaw kay Clauss. Pagak na tumawa si Clauss at napailing. "I don't remember you."
Natigilan ako. Wala na akong magagawa kundi ang lumaban kay Clauss. Inilabas ko ang air eagle. Nagpaulan ng fireball sa direksiyon ko si Clauss. Iniwasan ko ang atake niya sa pamamagitan ng mabilis na paglipad. Nasa ere ako nang ilabas ni Clauss ang fire phoenix at sumakay siya rito para makalipad din.
Nagpakawala ako ng sunud-sunod na air spear at pinatama ang mga ito kay Clauss. Nagulat si Clauss at napangiwi dahil sa mga hiwang natamo sa braso at tagiliran. Hindi niya inaasahan ang pag-atake ko. Naglabas si Clauss ng apoy na pana at sibat. Inasinta niya ako pero bago pa tumama sa 'kin ang mga apoy na sibat ay naglalaho na ang mga ito. Binawasan ko ang oxygen content ng apoy upang mapaglaho ang mga sibat.
Nagtatakang napatingin sa 'kin si Clauss. Maging ang mga bagay na kaya kong gawin ay nakalimutan niya. Napailing ako. Pinaglaho ko ang fire phoenix na sinasakyan ni Clauss, dahilan upang mahulog siya. Napigilan niya ang pagkakahulog dahil sinalo siya ng double fire dragon. Marahang bumaba siya sa lupa kaya bumaba na rin ako.
Marami na ang namatay at sugatan sa paligid. Ilan sa mga miyembro ng Dark Wizards ay nagapi na rin. Nakahandusay ang mga duguang katawan nila sa lupa. May ilan na tumatakbo upang tumakas. Maingay ang buong kapaligiran dahil sa mga sigaw, iyak at pagsabog. Naglalaban pa rin sina Bryan at Jigger pero parehas na silang pagod at sugatan. Sa isang bahagi, naglalaban naman sina Akira at Selene.
Hindi ko nailagan ang double fire dragon ni Clauss na kumagat sa kaliwang balikat ko. Napasigaw ako sa sakit. Nadala ako ng double fire dragon palayo hanggang sa tumama ang likod ko sa pader ng building ng academy. Binawasan ko ang oxygen-content ng double fire dragon hanggang sa maglaho ito. Nalasahan ko ang dugo sa bibig. Napaso rin ang kaliwang balikat ko.
"Paano mo ginagawa 'yon?" takang tanong ni Clauss. Halos isang metro na lang ang layo niya sa 'kin. Hindi ko napansing nakalapit na pala siya. Naalala kong may isa pa akong healing candy sa bulsa na lagi kong dala. Nakalimutan kong humingi ng marami kay Cyril kanina.
Isinubo ko agad ang natitirang healing candy. Unti-unting naghilom ang mga paso at sugat ko. Bumalik din ang lakas ko. Huling pag-asa ko na ang healing candy na kinain. Malapit nang dumilim ang buong paligid. Masamang tingin ang ipinukol ni Clauss sa 'kin.
"That's a secret," nang-aasar na sagot ko. Tumayo ako nang maayos.
"You're making this harder for me. Sumama ka na lang para hindi ka na masaktan. I don't have to worry about the earth power user and the shadow controller. Jigger and Selene will take care of them," inis na wika ni Clauss.
"Naaalala mo si Selene?" takang tanong ko.
"Nagpakilala siya sa 'kin, pero hindi ko siya natatandaan," walang ganang tugon ni Clauss. Inilabas niya ang kanyang seven-headed fire dragon. Hindi talaga ako titigilan ni Clauss kahit ano'ng gawin ko.
"I hate you!" sigaw ko kay Clauss. Naaasar na ako dahil hindi niya ako naaalala. Madali ba talagang magbago ang nararamdaman ng isang tao kung hindi ka na niya naaalala?
"We'll, I don't remember loving you in the first place so I think the feeling is mutual," aroganteng wika ni Clauss. Nasaktan ako. Ang nakakaasar pa ay nararamdaman ko na naman ang pasaway na luha na nagbabadyang tumulo. Inilabas ko ang air dragon. Unti-unti nang lumulubog ang araw. Unti-unti na rin bang nawawala ang pag-asa?
CLAUSS
Pinagmasdan kong maigi ang mukha ni Xyra nang maglabas siya ng air dragon. Pakiramdam ko ay matagal ko nang kilala si Xyra, pero bakit hindi ko siya maalala. Siya ang sinabi ni Selene na mahal ko raw. Naguguluhan ako dahil tanging sina Jigger at Enzo lang ang nasa memorya ko. Imposible namang sila lang ang nakasalamuha ko sa loob ng labing-siyam na taon.
Mababakas sa mukha ni Xyra ang lungkot at sakit na nararamdaman. Naramdaman ko ang pagbilis ng tibok ng puso ko. Dahil naguguluhan, isinantabi ko ang naglalaro sa isipan at nararamdaman. Kailangan kong gawin ang ipinapagawa ni Enzo para makabalik na sa DWA.
Inihanda ko ang seven-headed fire dragon para sumugod. Nagbuga ito ng malakas na apoy patungo sa direksiyon niya. Sinalag niya ang atake ko sa pamamagitan ng paglabas ng malaking air shield. Napapangiwi si Xyra dahil sa lakas ng pagtama ng apoy sa air shield niya. Pinipigilan ni Xyra na mabutas ang sariling depensa.
Sinamantala ko ang pagkakataon. Sunud-sunod na pinaulanan ko si Xyra ng mga fireballs. Napapaurong siya dahil sa ginagawa kong pag-atake. Nahihirapan na siya at pinagpapawisan dahil sa mainit na apoy. Pinalibutan ko ng firewall si Xyra pero naglaho ang mga apoy na pumapalibot sa kanya, bagay na hindi ko maintindihan.
Biglang naglaho ang apoy na ibinubuga ng seven-headed fire dragon. Nagpakawala si Xyra ng malaking hurricane patungo sa direksiyon ko. Mabilis akong nakatalon para umilag pero sa pagkagulat ko ay biglang bumalik ang hurricane. Sinugod ako ng hurricane mula sa likuran. Nagpakawala ako ng isang malaking firewall para dumepensa pero lumakas ang hurricane na tila gustong basagin ang depensa ko.
Ginamit ko ang seven-headed fire dragon para pigilin ang pagbangga ng hurricane sa firewall. Malakas na apoy ang ibinuga ng fire dragon para lamunin ang hurricane ni Xyra. Nagtagumpay ako. Naglaho ang hurricane.
Napapagod na tumingin ako kay Xyra. Hinihingal na siya pero hindi pa rin sumusuko. Nagpaulan siya ng mga airballs na inilagan ko naman. Nagtaka ako dahil lumutang ang mga airballs sa ere at pinalibutan ako. Nagulat ako nang isa-isang sumabog ang mga ito. Air bombs pala ang mga 'yon. Agad kong pinalibutan ang sarili ng firewall para mabawasan ang impact ng pagsabog.
May mga matatalim na air gusts ang nakalusot sa firewall at tumama ang mga ito sa katawan ko kaya napangiwi ako. Inilabas ko ang fire phoenix at lumipad paitaas. Dumaloy ang dugo mula sa pisngi ko dahil sa pagdaplis ng matalim na air gust doon. Mababaw ang hiwa at hindi ko na lang pinansin.
Nagpaulan ako ng fire spears kay Xyra habang nasa ere ako. Lumipad si Xyra para umiwas pero bago pa siya makalayo ay agad akong lumipad patungo sa kanya. Naglabas ako ng malaking fireball mula sa kanang kamay nang makalapit ako sa kanya. Nagulat siya dahil nasa harapan na niya ako. Ipinikit niya nang mariin ang mga mata at hindi gumalaw sa kinatatayuan. Akmang ibabato ko na ang malaking fireball kay Xyra nang matigilan ako. Unti-unti kong pinaglaho ang fireball na nasa kanang kamay ko.
Gusto kong matawa sa itsura niya habang nakapikit. Parang naghihintay na siya ng kamatayan. Hindi pa rin siya nagmumulat kaya inilabas ko ang iron handcuffs na dala ko. Pinosasan ko siya. Nagtatakang iminulat ni Xyra ang mga mata. Dahil nasa ere siya nang posasan ko, muntik na siyang mahulog pababa pero sinalo ko agad siya. Hindi na siya makagamit ng kapangyarihan dahil sa iron handcuffs. Gulat na napatitig si Xyra sa 'kin. Nagtatanong ang mga mata. Hindi ko napigilan ang sarili kaya mahina akong natawa. Mukha siyang tanga sa itsura. Bumaba ako sa lupa pero hindi ko siya ibinaba mula sa pagkakabuhat.
"C-Clauss? Bakit hindi ko magamit ang kapangyarihan ko?" natatarantang tanong niya.
"Your power is already sealed by the iron handcuffs. So, I'll abduct you now," nagbibirong wika ko.
"A-abduct?" nauutal niyang tanong. Tila namula ang mukha niya pero hindi ako sigurado dahil tanging ang bilog na buwan ang nagbibigay liwanag sa buong paligid. Patuloy pa rin ang mga sigaw, pag-iyak, pagsabog at ang pakikipaglaban kahit madilim na. Dumadami na rin ang bilang ng mga nasawi.
Seryosong tumitig ako kay Xyra. "Yeah. I'll abduct you and bring you to Enzo," mahinang wika ko. Natauhan siya sa sinabi ko. Nagwala siya mula sa pagkakabuhat ko.
"No! Please!" pagmamakaawa niya, pero hindi ko siya pinakinggan. Sumakay ako sa fire phoenix habang buhat siya. Lumipad ang fire phoenix patungo sa DWA. Malakas na napaiyak siya kaya asar na napatingin ako sa kanya. Tumigil kami sa North Mountain. Ibinaba ko siya.
"Can you please stop crying? It's irritating!" sigaw ko, pero naaasar ako sa sarili dahil sa ginawa ko. Luhaang tumingin sa 'kin si Xyra na lalo pang nilakasan ang pag-iyak. Napahilot ako sa sentido na sumasakit na dahil sa ginagawa niya. Nabibingi ako sa kanya. Napaupo siya sa lupa at patuloy pa ring umiyak.
"Please, Clauss. Huwag mo akong dalhin kay Enzo. Masama siya! Huwag mo siyang sundin, please?" humihikbing sambit niya. Napahilamos ako sa mukha. Hindi ko alam ang gagawin.
"Come on. Kayo ang masasama dahil balak niyo kaming ubusin! Balak niyong patayin ang mga Dark Wizards," naiinis na wika ko. Takang napalingon siya sa 'kin.
"Iyan ba ang kasinungalingang sinabi sa 'yo ni Enzo? Hindi totoo yan! Maniwala ka sa 'kin. Ang mga Dark Wizards ang masasama! Nakita mo naman siguro kung ano'ng nangyari ngayon? Pinatay ng mga Dark Wizards ang mga inosenteng power users! Inutusan kayo ni Enzo para gawin 'yon! Tama ako, 'di ba?" sigaw niya, patuloy pa rin ang pagtulo ng mga luha. Natigilan ako pero sinasabi ng isip ko na huwag maniwala sa kanya.
"I don't believe you," sabi ko bago tumalikod kay Xyra. Ayaw kong makitang umiiyak siya. "Dadalhin pa rin kita kay Enzo kahit ano'ng mangyari," pinal na wika ko kahit hindi na ako sigurado. Malakas na napahikbi si Xyra kaya naaasar na nilingon ko siya.
"Ano ba!" inis na sigaw ko. Nakasubsob ang mukha niya sa tuhod habang patuloy na umiiyak. Naawa ako sa itsura niya kaya tumabi ako sa kanya.
"Come on. Huwag ka na ngang umiyak," mahinang wika ko, pero hindi niya ako pinansin na tila hindi ako naririnig. Niyakap ko siya. Hindi ko maintindihan ang sarili. Napatigil siya sa pag-iyak at takang tumingin sa 'kin.
"Clauss, pwede bang bumalik ka na lang sa dati?" nagmamakaawang tanong niya. Pilit na ngiti ang ibinigay ko kay Xyra. Hindi ko alam kung ano ang tinutukoy niya na 'dati'. Ano ba ako dati?
Nagulat ako nang bigyan niya ako ng mabilis na halik sa labi. Bumilis ang tibok ng puso ko. Nagtatakang tumingin ako kay Xyra. Napabuntong-hininga siya at nagsalita, "Sana parang fairytale na lang ang buhay mo."
Napakunot-noo ako at naguguluhang nagtanong. "Bakit?"
"Kasi ang mga Disney princesses, nahalikan lang ay nagising na at nawala na agad ang bisa ng spell ng mga evil witches. Sana ganun ka rin tapos ako na lang ang princess na magliligtas sa 'yo. Pero nang hinalikan naman kita, wala namang nagbago sa 'yo. Hindi mo pa rin ako maalala. Alam mo ba'ng masama na ang ugali mo dati pero mas sumama pa ngayon?" she said, disappointed. Hindi ko alam kung seryoso ba siya sa sinasabi. Gusto kong batukan siya dahil wala naman siyang sinabing maganda.
"Alam mo, tumahimik ka na lang kung wala kang sasabihing matino," nang-aasar na utos ko. Napalabi siya pero isiniksik ang sarili niya sa katawan ko. Napabuntong-hininga ako sa ginawa niya. I felt comfortable while hugging her.
"Pero alam mo ba, namiss kita kahit masama pa ang ugali mo," bulong niya sa 'kin. Napangiti ako nang hindi sinasadya dahil sa narinig. Ipinikit ko muna ang mga mata. Hahayaan ko na muna siyang makatulog.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen2U.Com