Chapter 39.1: Deceived
XYRA
Mabilis akong hinila ni Clauss papasok sa loob nang makarating kami sa WMA. Wala akong napapansing tao sa paligid kaya nagtaka ako. Hindi ko man gusto ang mga nakikita ay tiniis ko na lang. Makikita ang mga bangkay na nakakalat kung saan-saan, ang mga sira-sirang kagamitan, wasak na pader at ang magulong paligid na may bahid ng dugo saan man tumingin.
Pumasok kami sa loob ng training room at mula roon ay may itinulak na brick si Clauss. Umangat ang sahig paitaas at nakita ko ang isang hagdan pababa. Ngayon ko lang nalaman na may itinatago palang ganitong lugar ang WMA. Pinauna akong maglakad ni Clauss pababa habang inaalalayan ako.
Nang makarating kami sa pinakaibaba ng hagdan, napansin ko ang mga taong naglalakad sa pasilyo. Nakaramdam ako ng tuwa dahil marami rin ang nakaligtas sa pagsalakay ng mga Dark Wizards.
Pumasok kami sa kwarto na nasa pinakadulo ng pasilyo. Napahinto ako sa paglalakad nang makita ang mga baby dragons na masayang naglalaro sa loob. Nasa loob din sina Akira, Selene at Bryan. Napansin ko sa isang sulok sina Troy, Xavier at ang babaeng kasama niya na nakalimutan kong alamin ang pangalan. Samantala, walang malay na nakahiga si Felicity sa isang kama.
Nagulat ako sa biglang pagbangga ni Baby Xyra sa dibdib ko. Hindi ko napansin ang paglipad niya palapit sa 'kin. Napangiti ako habang binubuhat siya. Nadagdagan ang bigat niya. Mahina akong napatawa nang dilaan niya ang mukha ko. Natutuwa siyang makita ako. Buti hindi napahamak ang mga baby dragons sa labanan. Napansin ko si Baby Clauss na tuwang-tuwang umiikot kay Clauss. Natawa ako sa reaksiyon ni Clauss nang dumapo si Baby Clauss sa ulo niya. Napangiwi siya dahil tiyak na mabigat na si Baby Clauss ngayon.
Kinuha niya sa ulo niya si Baby Clauss at binuhat. Lumapit sa 'min sina Selene at Akira. Halatang natutuwa sila. Ngumiti ako sa kanila.
"Buti naman, nakabalik kayo nang ligtas," nakangiting wika ni Akira sa 'min. "Salamat at walang masamang nangyari sa 'yo, Xyra," dagdag ni Akira na nakatingin sa 'kin.
"Tinulungan akong makatakas nina Clauss at Xavier sa underground cell," sabi ko sa kanya. "Kamusta pala? Natutuwa ako dahil hindi kayo napahamak," nakangiting dagdag ko.
"Maayos naman. Buti may hideout ang WMA," sagot ni Akira.
Naglakad kami papasok habang nag-uusap. Napansin ko si Clauss na tila walang pakialam sa mga pinag-uusapan namin ni Akira. He seemed bored from the look on his face. Hindi siya nagsasalita. Samantala, napansin kong seryoso naman si Selene.
"Kuya Clauss, ipakilala mo naman ako sa soon-to-be sister-in-law ko!" sigaw ng isang magandang babae habang kumakaway pa. Siya ang babaeng kasama ni Xavier. Nang tuluyan kong maintindihan ang mga sinabi niya, saka ko lang naisip na magkapatid sila ni Clauss.
Naramdaman ko ang paghawak ni Clauss sa kamay ko. Lumipad palayo ang mga baby dragons na ipinagpatuloy na ang paglalaro. Naghahabulan na sila ngayon. Hinila ako ni Clauss palapit sa kapatid niya kahit nag-uusap pa kami ni Akira. Napailing ako sa ginawa niya. Lumingon ako kay Akira at humingi ng paumanhin. Ngumiti siya sa 'kin. Napansin kong hawak pala niya ang kamay ni Selene kaya napangiti ako.
Nang makalapit kina Xavier, agad na nagtanong si Clauss. "Kamusta ang kalagayan ni Felicity? Paano kayo nakatakas?" Lumingon siya sa kapatid niya nang may pag-aalala at nagtanong muli. "Nasaktan ka ba, Claudette?"
Napangiti ako dahil halatang mahal na mahal niya ang kapatid niya. Tumango sa kanya si Claudette habang nakangiti.
"Nasundan kami ng mga Dark Wizards na humahabol sa 'min habang papunta kami sa WMA pero natalo naman sila kaagad nina Xavier at Troy. Hindi mo na kailangang mag-alala kaya ipakilala mo na ako sa girlfriend mo, kuya Clauss," wika ng kapatid ni Clauss. Lumingon si Claudette sa 'kin at malapad na ngumiti. Naramdaman ko ang pamumula ng mukha ko. Napansin ko na napakamot sa batok si Clauss.
"Hindi ako makulit, kuya Clauss," sabi ni Claudette kay Clauss habang nakalabi. Napakunot-noo ako. Hindi ko nakuha ang sinabi niya. Wala pa kasing sinasabi si Clauss para mag-react siya.
"About that. Sabi kasi ni kuya Clauss ang kulit ko raw. Nababasa ko ang iniisip niya dahil 'yon ang power ability ko. I'm Claudette, his sister and a mind reader," nakangiting saad ni Claudette sa 'kin. Napatango ako sa sinabi niya. Sinabi nga pala sa 'kin ni Clauss ang tungkol dito dati. Bigla akong nainggit sa power ability niya. Gusto ko ring maging mind reader.
"I'm Xyra Buenafuerte, air power controller. Nice to meet you, Claudette," nakangiting pakilala ko sabay lahad ng kamay. Natutuwang tinanggap ni Claudette ang kamay ko. Sa tingin ko, hindi magkapareho ang ugali nila ni Clauss.
"Tama ka diyan! Masama ang ugali ng kapatid ko kaya hindi talaga kami magka-ugali," natatawang wika ni Claudette nang bitawan niya ang kamay ko. Napangiti ako dahil wala talagang ligtas ang mga iniisip ko sa kanya. Napansin ko ang masamang tingin na ipinukol sa 'min ni Clauss. Natawa kaming pareho sa kanya.
"Tsk. Two irritating women," he smirked.
"Mahal mo naman!" sabay na wika namin ni Claudette kaya lalo kaming natawa. Nag-appear pa kaming dalawa. Napansin ko ang matipid na ngiti ni Clauss sa labi bago kami tinalikuran. Biglang bumilis ang tibok ng puso ko. Ang gwapo talaga niya kapag ngumingiti.
Umakbay sa 'kin si Claudette. "Ang gwapo ng kapatid ko, sis, 'di ba?" nang-aasar na tanong niya. Namula ang mukha ko. Alam kong nabasa na niya ang iniisip ko kaya bakit kailangan pa niyang itanong?
"Take care of him. Mahal na mahal ka niya kaya huwag mo nang pakawalan," bulong sa 'kin ni Claudette bago inalis ang pagkakaakbay sa 'kin. May pumasok sa loob ng kwarto at sinabing handa na ang pagkain. Sinabi ni Bryan na pagkatapos kumain ay saka kami mag-uusap tungkol sa plano para talunin si Enzo.
~~~
Matapos ang pagpupulong, umalis na kami para isagawa ang plano. Wala kaming nagawa kundi ang isama si Claudette. Gusto rin niyang makatulong sa laban. Ayaw man ni Clauss ay napapayag na rin siya. Lahat kaming elemental power users, kasama si Xavier, ang lalaban kay Enzo. Sina Bryan, Troy, ang Student Council at ang mga guro naman ang bahala sa mga Dark Wizards, kasama na ang mga tao sa underground cell. Napagpasyahang sina Cyril at Xander ang pupunta sa underground cell para magdala ng mga healing candies at ilang pagkain sa mga tao doon.
Si Felicity naman ay nagising na at hindi makapagpasya kung sasama. Nagdadalawang-isip siya dahil natatakot siya sa mga power users. Nagwawala nga siya kanina pero natigil naman nang magpakilala si Xavier bilang kapatid niya. Hindi ko na tinangkang itanong kung ano ang ginawa sa kanya ng mga Dark Wizards. Natitiyak ko na kapag inalala pa niya ang mga nangyari ay lalo siyang matatakot.
Naiwan si Ericka upang magbantay kay Felicity at sa mga baby dragons. Gusto sana niyang tumulong pero hindi siya pinayagan ni Bryan. Madaling araw na nang umalis kami sa WMA. Pinalibutan namin ang DWA. Samantala, sina Cyril at Xander naman ay maingat na nagtungo sa underground cell kasama si Claudette. Nakasuot sila ng black cloaks. Tahimik kaming nagmamasid sa paligid habang naghihintay ng hudyat mula kay Bryan.
Makalipas ang tatlumpung minuto, napansin ko si Bryan nang senyasan niya si Troy na pumasok na sa loob ng DWA kasunod ang mga Student Council officers at mga professors. Mabilis nilang natalo ang mga Dark Wizards na nagbabantay sa paligid ng academy.
Samantala, kaming lima naman ay agad tumakbo at sumunod sa kanila papasok. Si Bryan ang nagbabantay sa likuran naming lima. Iniiwasan naming mapalaban dahil ang pakay namin ay si Enzo. Suot na namin ang magical rings. Hindi ko alam kung paano gagamitin ang singsing at kung ano ang kayang gawin nito kaya kinakabahan ako. Natatakot ako na baka hindi ko magamit nang maayos ang magical ring.
Tinulungan kami nina Troy para maiwasan ang mga kalaban. Sila ang humaharap sa bawat Dark Wizard na humaharang sa daan namin. Mula sa likod ko ay nakarinig ako ng mga pagsabog kaya naalerto ako. Narinig ko ang malalakas na pagsigaw at ang mga nagmamadaling yabag ng mga tao.
Dahil sa dami ng mga Dark Wizards na nakaharang sa daraanan namin, wala na rin kaming nagawang lima kundi ang lumaban. Hindi kami magawang maprotektahan nina Troy at ng mga kasama. May naka-engkwentro na silang mga kalaban na hindi agad nila malampasan. Inilabas ko ang air eagle ko at kasabay noon ang paglabas ng earth fox, fire phoenix at water snake nina Akira, Clauss at Selene.
Si Xavier naman ang bahalang dumepensa laban sa mga magical powers ng kalaban. Pinahina ni Xavier ang mga kalaban gamit ang kanyang nullification power bago kami sunud-sunod na sumugod sa mga Dark Wizards na nakaharang sa daan namin. Tumalsik sila palayo nang umatake kami habang nilalamon ng apoy at tinatamaan ng mga earth spikes mula sa earth fox ni Akira.
Matatalim na air blades naman ang pinakawalan ng air eagle ko sa mga kalaban samantalang nilunod naman ng water snake ni Selene ang mga kaharap. Dahil sa lakas ng impact ng paglalabas namin ng kapangyarihan ay naramdaman ko ang pagyanig ng lupa. Maging ang mga pader ay nabutas at nasira. May ilang kwarto rin ang nilamon ng apoy.
Matapos maubos ang mga nakaharang na kalaban ay nagmadali na kaming tumakbo patungo sa kinaroroonan ni Enzo. Si Clauss ang nangunguna dahil siya ang may alam kung nasaan si Enzo. Nang makita namin ang pinto sa pinakadulo ng pasilyo ay napatigil sa pagtakbo si Clauss kaya tumigil din kami.
"May problema ba?" takang tanong ni Akira. Napailing si Clauss at seryosong nagsalita. "Nasa kwartong 'to si Enzo," turo niya sa pinto na nasa dulo ng pasilyo. "Hindi basta-basta ang kapangyarihan niya. He could kill you in an instant if you let your guard down. His power is death. Don't let him touch anyone of you," dagdag pa niya.
Nakaramdam ako ng kakaibang takot at kaba. Napalunok ako. Sana kayanin namin ang laban na ito.
"Handa na ba kayo?" seryosong tanong ni Clauss nang lumingon siya sa 'min. Determinadong tumango kami. Napansin ko na napahinga siya nang malalim. Muli niyang pinakawalan ang fire phoenix niya. Sinugod niya ang pinto ng opisina ni Enzo. Nilamon ng apoy ang pinto hanggang sa tuluyang masira ito. Nagmadali kami sa pagpasok sa loob. Lahat kami ay nagtaka nang mapansin namin na wala si Enzo sa opisina niya.
"Shit! Wala siya rito!" naaasar na wika ni Akira. Lumapit ako sa bintana. Tumingin ako sa labas at nagbaka-sakaling makita si Enzo pero wala akong nakita.
"Saan natin siya hahanapin ngayon?" tanong ko. Kahit papaano ay nakahinga ako ng maluwag nang malaman na wala si Enzo sa opisina niya. Hindi dapat ako natatakot pero hindi ko maiwasan na maramdaman 'yon.
"Baka tumakas na siya?" kunot-noong hula ni Xavier.
"That's impossible," seryosong sabi ni Selene. "Maybe he's just playing hide-and-seek with us."
"Then let's play with him. Mas makabubuti siguro na maghiwa-hiwalay tayo sa paghahanap," suhestiyon ko naman.
"That can't be. Hindi tayo pwedeng maghiwa-hiwalay. Masyadong mapanganib," tutol ni Clauss.
"Ano'ng gagawin natin ngayon?" tanong ni Selene. Natigil kami sa pag-uusap at pag-iisip nang makarinig kami ng sunud-sunod na pagsabog.
"Follow me," sabi ni Clauss. Tumakbo siya palabas na ipinagtaka namin. Sumunod kami sa kanya kahit hindi namin alam kung saan niya balak pumunta. Namalayan ko na lang na lumabas na pala kami sa DWA at patungo na sa gubat na nasa likod ng academy.
"Bakit tayo pumunta rito?" takang tanong ko kay Clauss nang mahabol ko siya habang lumilipad.
"I saw him outside. Sumenyas siya sa 'kin na pumunta rito," kunot-noong sagot ni Clauss habang patuloy pa rin sa pagtakbo. "He's really waiting for us to come."
Nang makalabas kami sa kagubatan, napatigil kaming lahat nang makita namin si Enzo sa gitna ng isang patag at malawak na lupain. Marahan akong bumaba sa lupa at tumabi kay Clauss. Nakangiti siya sa 'min ng nakakaloko. Nakaramdam ako ng kaba. Pakiramdam ko ay may hindi magandang mangyayari ngayon.
CLAUSS
Nakatayo si Enzo sa gitna ng malawak na lupain habang napapasuklay sa buhok gamit ang mga daliri. Base sa ekspresiyon ng mukha niya, natitiyak kong may binabalak siyang hindi maganda. Naaasar akong makita ang nakakaloko at mala-demonyong ngiti niya sa labi. Mukhang hindi na siya nagulat na makita ako kasama sina Xyra. Tila alam na niya noon pa na bumalik na ang alaala ko. Ang nakakapagtaka, bakit hindi niya ako pinarusahan agad? Bakit hinayaan pa niyang umabot sa ganito? Alam kong alam niya na balakid ako sa mga plano niya.
"I'm glad you all came," sabi ni Enzo na aliw na aliw na makita kami. Umihip ang malakas na hangin sa lugar na nakapagpadagdag ng tensiyon sa sitwasyon. Pakiramdam ko, gustong magtaasan ng mga balahibo ko sa katawan dahil sa lamig na dulot ng hanging 'yon. Pakiramdam ko ay naaamoy ko si kamatayan sa simoy nito dahil sa panlalamig ng katawan ko.
Naramdaman ko ang pagkapit ni Xyra sa braso ko. Alam kong natatakot siya. Hindi ko alam ang gagawin para mawala ang takot na nararamdaman niya. Hindi ako sigurado sa mangyayari ngayon kaya maging ako ay nakaramdam din ng kaba. Alam ko na matalino si Enzo. Natitiyak ko na may plano siya lalo na't hinayaan niya akong makawala sa kontrol niya.
"Shall we start our little game?" tanong niya sa nang-uuyam na tono. Lalong lumapad ang pagkakangisi niya sa 'min. Mariing naikuyom ko ang kamao. He has always pissed me off. I wanted to punch him hard in the face until no one could recognize him. Humanda kaming lumaban. Bigla niyang ikinumpas ang kanang kamay sa hangin na tila may tinatawag.
Mula sa kabilang dulo ng malawak na lupain, naglabasan ang hindi namin inaasahang pangkat. Nagulat kaming lahat sa nakita. Papalapit na sila kay Enzo. Si Jigger, si Vin, na nakilala ko nang wala pa akong maalala at nagtataglay ng animation power ability, si Barbie na kaklase namin, ang puppet controller, at ang president ng Student Council na si Jonica na may kapangyarihang gumawa ng ilusyon.
Naguguluhang tingin ang ipinukol ko kay Enzo. Bakit hindi ko alam na espiya sina Jonica at Barbie? O baka may ginawa siya sa kanila para mapasunod niya ang dalawa? Kasama pa namin si Jonica sa mga meetings at maging sa pagsugod kanina sa DWA. Paanong nakontrol ni Enzo si Jonica nang sobrang bilis?
"I like the confused look on your faces. I'm thrilled. Mas ginanahan akong pahirapan kayo," sarkastikong wika ni Enzo. I gritted my teeth and shouted at him angrily. "Ano'ng ginawa mo sa kanila?"
"You're referring to these two beautiful girls beside me? To tell you the truth, they have been hypnotized and turned into my puppets. They're awesome, right?" nakangising wika niya habang hinahaplos niya ang mukha ng dalawang babae. Aliw na aliw siya sa ginagawa.
"Damn you, demon!" galit kong sigaw. Tinawanan ako nang malakas ni Enzo.
"Matapos sugurin ng mga Dark Wizards ang WMA ay nagawa silang ma-hipnotismo ng isa kong tapat na alagad. Inutusan ko silang manatili sa WMA para malaman ang plano niyo kaya nalaman ko rin na bumalik na ang alaala mo. Akala mo ba maloloko mo ako kaagad?" nang-uuyam na wika niya sa 'kin sabay halakhak nang malakas.
Gusto ko na siyang sugurin at patayin pero kailangan ko pa ring mag-ingat at mag-isip ng paraan kung paano siya matatalo lalo na't may inosenteng madadamay. Halatang nagpipigil din na sumugod ang mga kasama ko.
"You don't need to worry about them. Dapat mag-alala kayo sa mga naiwan niyo sa WMA," makahulugang wika ni Enzo. Napalingon ako kay Xavier.
"Damn! Kapag may ginawa kang masama kay Felicity, I swear, I'll kill you! Tandaan mo 'yan! Don't you dare touch my sister!" Galit na sigaw ni Xavier.
Magkahalong galit at kaba ang nakarehistro sa mukha ni Xavier. Mas lalong naaliw si Enzo sa inasal ni Xavier. Tumingin si Enzo sa orasan niya bago nagsalita ng nakakaloko. "Right now, I'm sure, the power of your sister is already awakened. She'll soon fall into my hands like these two girls beside me. She'll be hypnotized as well."
Dahil hindi na nakayanan ni Xavier ang nararamdamang galit, gumalaw na siya at akmang susugod na kay Enzo nang biglang humarang sa daan niya si Jigger.
"I'll be your opponent," wika ni Jigger kay Xavier. Galit na tingin ang ipinukol ni Xavier kay Jigger na nakangisi sa kanya.
"Fuck off!" sigaw ni Xavier. Gagalaw na sana siya para lampasan si Jigger nang may mga matutulis na metal ang lumipad sa magkabilang gilid ni Xavier na nagpatigil sa kanya.
"No one can touch you using magical powers but you can be defeated physically, so I'll take care of you," nang-aasar na saad ni Jigger. Xavier gritted his teeth. Napalingon kami kay Enzo nang magsalita siyang muli.
"Sa tingin ko, hindi na natin kailangang patagalin pa ang larong ito. Kung matatalo kayo, tiyak na makukuha ko lahat ng mga kapangyarihan niyo," naaaliw na wika ni Enzo. Sumenyas si Enzo sa mga babae kaya mabilis silang gumalaw palapit sa 'min. "Hindi magiging patas kung lima laban sa isa kaya tinawag ko sila," natatawang dagdag pa ni Enzo.
"Kailan mo pa naisip kung ano ang patas sa hindi? Tiyak kong wala ang salitang 'patas' sa bokabularyo mo dahil simula pa lang, hindi na naman talaga patas ang laban!" asar na sigaw ko sa kanya na tinawanan lang niya nang malakas.
Nakita ko ang paglabas ng isang halimaw mula sa sketch pad ni Vin na agad namang sumugod sa 'min. Mabilis kaming nakaiwas sa atake niya, dahilan upang magkahiwa-hiwalay kami. Napansin ko na hinarap ni Barbie si Selene. Kaharap naman ni Xyra si Jonica. Umatake si Vin kay Akira kaya ang makakaharap ko ay si Enzo.
Napalunok ako. Tiyak na hindi magiging madali ang laban na ito lalo na't hindi na namin matutulungan ang isa't-isa. Naikuyom ko ang kamao habang nakatingin kay Enzo na kasalukuyang nakangisi sa 'kin.
Wala akong magagawa kundi ang labanan siya. Kailangan kong mag-ingat sa bawat atake ni Enzo. Kailangan kong iwasan na mahawakan niya para hindi niya makuha ang buhay ko.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen2U.Com